Chapter Two

3678 Words
MAINGAT na nilapag ni Kamille ang isang pumpon ng bulaklak sa ibabaw ng puntod ng lalaking naging malaking bahagi ng buhay niya. Si Adrian. He was her bestfriend, one of the most important person in her life. Ang kanyang unang pag-ibig. Ang lalaking kaisa-isang minahal niya. Ngunit ninakaw ang buhay nito ng mga bodyguards ni Norris. Matalik silang magkakaibigan simula pa ng College sila. Siya, si Sam at si Adrian. Sa paglalim ng pagkakaibigan nilang dalawa ni Adrian, ay siyang paglalim din ng nararamdaman niya para dito. Siya na yata ang pinakamasayang babae sa mundo ng magtapat din ito ng pag-ibig sa kanya, Valentine's day ng yayain siya nitong lumabas. Ngunit ng gabing iyon, hindi pa man din siya nakakasagot sa sinabi nito. Dumating bigla si Norris kasama ang mga tauhan nito. Sapilitan siyang kinuha nito, pero pumalag si Adrian, lumaban ito kay Norris at sa mga bodyguards nito. Dahil nag-iisa lang ito at marami ang kalaban nito, pinagtulungan itong bugbugin. Halos mawalan ito ng malay, naliligo sa dugo ang mukha nito sa dami ng suntok na inabot nito. Nang hindi makuntento, pinagtulungan itong itayo ng mga tauhan ni Norris at sinuntok ulit ng malakas, sabay tulak dito. Nang bumagsak ito sa semento, tumama ang ulo nito na siyang naging dahilan ng pagkamatay nito. Internal Hemorrhage ayon sa mga doktor ng itakbo niya ito sa ospital. Ang lahat ng iyon ay nasaksihan ni Kamille, ilang beses siyang nagmakaawa sa mga ito. Pero naging bingi si Norris sa pakiusap niya. Nagmakaawa siya sa mga taong nakasaksi ng nangyari na tumawag ng pulis, pero walang tumulong sa kanya. Nang magsampa siya ng kaso laban dito. Binasura lang ng korte ang kaso, wala silang ebidensiyang makuha laban dito. Alam niyang binayaran ni Norris ang mga naging testigo. Wala ng pamilya si Adrian, kaya siya ang natitirang nagmamahal dito na lumaban para sa katarungan ng pagkamatay nito. Maging ang magulang niya ay naging bulag at bingi sa katotohanan. Hindi pinaniwalaan ng mga ito na si Norris at ang mga alipores nito ang pumatay kay Adrian. Palibhasa'y makapangyarihan ang pamilya ng una, at ang ikauunlad ng negosyo nila ay nakasalalay sa mga ito. Kapag hindi niya pinakasalan si Norris. Lalong malulugi ang negosyo nila. Kaya simula noon, nag-rebelde si Kamille. Sinasadya niyang suwayin ang mga magulang niya. Wala siyang pakialam kahit maya't maya siyang pinapagalitan ng mga ito. All she did was party and get drunk every night. Sa pamamagitan nito, nakakalimutan niya ng panandalian ang sakit ng nakaraan. Namatay si Adrian ng hindi niya nasasabi ang tunay niyang damdamin para dito. Hindi niya kayang patawarin ang mga taong umalipusta dito. Ang mga naging dahilan ng pagkamatay nito. Pinangako niya sa sarili na mamamatay muna siya bago niya pakasalan si Norris. "Kumusta ka na? Isang taon ka ng nandiyan. Siguro masaya ka na, kasi kasama mo na ang parents mo. Gusto kong mainggit sa'yo, Adrian. Dahil ako, daig ko pa ang nakatira sa impiyerno. Wala akong katahimikan sa buhay ko. Hindi ko na maalala kung kailan ako huling ngumiti. I missed you so much." Lumuluhang sabi niya. "Kams," ani Sam. "Kasalanan nilang lahat ito, Sam. Lalo na si Norris!" "Shhh! Tama na 'yan." Awat nito sa kanya. Hinaplos niya ang lapida. Pinakatitigan niyang maigi ang pangalan na nakaukit doon. Kung sa una pa lang ay umamin na siya sa nararamdaman niya para dito. Hindi siguro nangyari ang lahat ng iyon. Masaya sana siya sa piling nito ngayon. Kaya sana niyang lagpasan ang kahit na anong dagok sa buhay niya, dahil kasama niya ito. Kaydaming sana. Mga bagay na nangyari sana, kung naagapan niya ang lahat. "Wala akong nagawa noon, Sam." Pagpapatuloy niya. "Kamille, ang lahat ng nangyayari sa mundo ay may dahilan. Hindi mo kailangan sisihin ang sarili mo. Hindi mo kailangan parusahan ang sarili mo." Payo ulit nito sa kanya. "Ang mabuti pa, umuwi na tayo." Yaya nito sa kanya. "MAGPAHINGA muna tayo dito," yaya ni Sam sa kanya. Pagdating nila doon sa Tanangco, dinala siya nito sa isang restaurant malapit sa isang malaking bahay. Bukas ang malaking gate niyon at nagsisilbing Carwash ang buong garahe. Pansin niya ang ilang guwapong lalaki na naghuhugas ng kotse. Nilibot niya ang mata sa buong paligid ng kainan. Medyo malawak ang buong establisyimento. Mediterranean style ang kabuuan niyon. Color Naranja ang pinakabase color ng buong restaurant. Ang Naranja ay may pagkakahawig sa orange, mas matingkad nga lang ito. May mga nakasabit na paintings sa mga dingding, at ang mga upuan at mesa ay gawa sa matibay na kahoy, kakulay ng paligid ang mga iyon. May mga fresh plants pa sa loob bilang dekorasyon. At nakatulong ang mga halaman para mas lalong maging presko ang buong paligid. May mga ceiling fans din, ngunit mas nagsisilbi iyong dekorasyon dahil may aircon naman doon. Nakakarelax. Para bang kaysarap tumambay doon maghapon. Nabaling ang atensiyon niya ng marinig niya ang mga yabag pababa ng hagdan na nasa hindi kalayuan. Nginitian niya ng makita niyang si Jefti pala iyon. Kilala niya ito, ilang beses na rin siyang naisama ni Sam sa lugar na iyon, at alam niyang bestfriend nito ng huli. "Hi Kamille," bati nito sa kanya. "Hi, Kumusta?" tanong niya. "I'm good. Order anything, it's all in me." Sagot nito. "I heard this is yours. Ang ganda!" puri niya sa restaurant nito. "Thank you! This is my first love, and may billiard hall pa sa itaas in case gusto mong maglibang." Sabi pa nito. "Okay, salamat. I'll check it later." Aniya. Mayamaya, dumating na ang order nilang cappuccino and two slices of chocolate cake. Susubo pa lang ng cake si Sam, nang pigilan ni Jefti ang kamay nito. Nakasimangot na binalingan nito ang bestfriend nito. "Bakit ba?" singhal nito kay Jefti. "Dapat hindi ka na kumakain, tingnan mo oh? Ang laki na ng bilbil mo!" anito, sabay pisil sa tagiliran ni Sam. Napapitlag ito sa gulat, pagkatapos ay mabilis nitong hinampas ang una sa braso ng malakas. "Aray ko! Amazona!" ganti ni Jefti. "Boy Ku!" sigaw naman ni Sam dito. "Anong Boy Ku?" curious niyang tanong. Nakangising binalingan siya ni Sam, halata ng pinipigil nito ang tawa nito. "Boy Kulangot! Kasi noong mga bata pa kami, mahilig 'yang mangulangot!" sagot nito, pagkatapos ay humagalpak ito ng tawa. Maging siya ay nahawa ng kakatawa dito. Sa asar ni Jefti, kunwari nitong sinakal si Sam. Imbes na bawiin ang sinabi ay mas lalo pa nitong inaasar ito. Bumalik na naman sa alaala niya ang mga panahon na buhay pa si Adrian. Gaya nila Jefti at Sam, ganyan din sila mag-asaran nito. Parang wala ng bukas. Parang hindi na matatapos ang masasayang sandali na magkasama sila. Naputol ang pag-iisip niya ng may umagaw sa atensiyon niya. Napalingon siya sa may bandang labas ng Restaurant. May lalaking nakatayo doon. Mataman itong nakatingin sa kanya, at parang nahipnotismo siya ng makipagtitigan din dito. Hindi niya magawang alisin ang mga mata dito. Guwapo ito, matangkad. Base sa lapad ng dibdib nito, alam niyang matipuno ang katawan nito. And he has the most expressive eyes, she ever saw. Tama lang ang tangos ng ilong nito, at natural na mapula ang labi nito. Isa pa, maamo ang mukha nito. Agad niyang binawi ang tingin mula dito ng maglakad ito palapit sa Restaurant. Umahon ang mumunting kaba sa dibdib niya ng pumasok na ito doon. Para saan ang kaba mong iyan, Kamille? Tanong ng isang bahagi ng isip niya. "Ano insan?" tanong nito pagpasok, nakatingin ito kay Jefti. "Ako na ang magpapakilala sa kanya, ako ang kaibigan." Sabad ni Sam. "Teter, meet Kamille. Kamille, si Teter. Pinsan ni Boy Ku." Pagpapakilala nito. Isang malakas na batok ang tinanggap ni Sam mula sa bestfriend nito. "It's Jester." Pagtatama naman ng lalaking pinakilala sa kanya. Nilahad nito ang isang kamay sa harap niya. Tinanggap niya iyon. Nang magdaop ang kanilang mga palad, naramdaman niya ang kakaibang init na nagmumula doon. Wala sa loob na napatingin siya dito. Pagkatapos ay napako ang mata niya sa mga mata nito, he has jet black eyes. Nangungusap ang mga iyon, tila may gustong ipahiwatig. Hindi lang maabot ng isip niya kung ano. Pagkatapos ay agad din niyang binawi iyon. "Nice to meet you," aniya. "Me too." Nakangiting sagot nito. Gumanti siya ng ngiti dito. Pakiramdam ni Kamille ay bahagyang gumaan ang dibdib niya. Magaan ang loob niya dito. Sabagay, mukha naman mabait ito. Guwapo pa. "Hep! bago kayo matunaw sa pagtititigan n'yo. Mag-meryenda muna kayo! Siguraduhin n'yong babayaran n'yo!" sabad ni Jefti. "Akala ko ba libre mo? Ang daya mo talaga!" agad na protesta ni Sam. "Sinabi ko bang kayo? Kay Jester ako nakatingin!" depensa naman nito. "Ayun, mabuti na yung nagkakaintindihan tayo. So, paano? Lumayas muna kayo at ng makakain na kami. Shooo!" pagbibiro pa ni Sam. Natatawa siya habang pinapanood niya ang bangayan at asaran ng mag-bestfriend. "Oo na! Aalis na!" napilitang sagot ni Jester. Lumingon pa ulit ito sa kanya, saka siya nginitian ulit. "Uhm, una na muna ako Kamille. See you around." Pagpaalam pa ni Jester sa kanya. Nang makaalis na ang mag-pinsan. Saka niya kinausap si Sam. "Sino si Jester?" tanong pa niya. Maang na napatingin ito sa kanya. Pagkatapos ay nanunudyong ngumiti ito. "Uy! Bakit? Ang guwapo no?" sabi pa nito. "Sira! Wala lang naman, para kasing ang bait niya." depensa naman niya sa sarili. "Ay Oo! Mabait talaga 'yang si Jester. Actually, silang magpi-pinsan kahit na 'yung Lolo nila." Sabi pa nito. "Alam mo? Kapag nagtagal ka dito, makaka-move on ka. Makakalimutan mo agad ang mga nangyaring masasakit sa'yo. Masayahin ang mga nakatira dito sa Tanangco. Mababait pa. Nangunguna na diyan ang mga Mondejar." Paliwanag nito. Nahulog siya sa malalim na pag-iisip. Handa na ba siyang kalimutan ang nakaraan? "Kamille," ani Sam. Hinawakan pa nito ang isang kamay niya. "Maybe now is the time to move on. Ito na ang araw para kalimutan mo ang nakaraan. Maybe this is what Adrian wants. It's been a year." Napabuntong-hininga siya. Pagkatapos ay tumingin sa kaibigan. "Hindi ko alam kung ito na nga ba ang panahon para kalimutan ko siya. Pero habang nabubuhay ang galit sa puso ko, at patuloy kong nakikita si Norris. Hindi ko basta makakalimutan ang lahat." Matigas pa ring sagot niya. Malungkot na ngumiti ito. Ilang sandali pa, may mga dumating na babae. Si Sam agad ang pinuntahan ng mga ito. Pinakilala siya nito sa mga bagong dating. Ang babaeng galing sa kitchen ng restaurant na iyon ay Sumi ang pangalan. Ang singkit na gaya niya ay Kim. Habang ang dalawang mestisa naman ay Jhanine at Marisse. "It's nice to meet you, Kamille. Ikaw pala ang sinasabi ni Jester na mukha daw anghel sa ganda. By the way, pinsan ko pala siya." Sabi pa ni Marisse. "Naks! Mukhang tinamaan sa'yo si Teter ah!" tudyo pa ni Jhanine sa kanya. Hindi nagtagal ay may dumating pang isang babae, medyo maliit ito at mukhang koreana. Gaya ng iba ay maganda din ito. Wala yatang pangit sa lugar na iyon. "Meet Doktora Agapita Corazon Magalpok, girlfriend ng twin brother niya." pagpapakilala naman ni Jhanine, saka tinuro si Marisse. Napangiwi ito, ginalaw-galaw pa nito ang tenga. "Puwede naman Razz na lang, kailangan talaga buong pangalan?" Sabi nito. Nakangiting binalingan siya nito. "Hi, call me Razz. Dentista ako." Sabi pa nito. "Hi Kamille," pagpapakilala niya sa sarili. Pinanood niya kung paano magbiruan at mag-asaran ang mga ito. Hindi niya maiwasan ang mapangiti. At gusto niyang mainggit sa mga ito, para bang kay dali ng buhay ng mga ito. Parang mga wala itong problema. At hindi lang ang mga ito, maging ang iba pang residente doon. Parang kaysarap manatili na lang doon. Hindi katulad sa bahay nila, malaki nga. Pero daig pa niya ang nakakulong. Para silang mga robot na de numero ang kilos. Lahat ng kilos dapat ay dinidikta sa kanilang magkakapatid. Kulang na lang ay idikta pati ang paghinga nila. "Sam," aniya. "Yes?" "Ihanap mo ako ng apartment dito." sagot niya. Nanlaki ang mata nito. "Ha? Ibig mong sabihin—" "Hindi na ako babalik sa bahay. Kukunin ko na 'yung ibang gamit ko." Aniya. "Kamille, pero ang Daddy mo..." "Kapag hindi ko ginawa ito, baka magising ka na lang isang araw na may invitation na ng burol ko kasama ni Norris." Sabi pa niya. "Burol? Bakit burol?" naguguluhang tanong ni Marisse. "Burol, dahil kapag pinakasalan ko ang lalaking 'yon! Para na rin akong nagpakamatay." Sagot niya. "Ah..." sabay-sabay na sabi ng mga ito. "Alam mo, Girl. Kung ano man iyang problema mo, itaas mo lang lahat kay God. Promise, gagaan ang pakiramdam mo." Payo pa ni Sumi sa kanya. "Tama, tapos enjoy your stay here. Dito sa lugar namin, walang puwang ang lungkot dito. May mga bagay na hindi napagkaka-unawaan. Pero agad din naman naaayos." Dagdag naman ni Marisse. "Kulang na lang magkaroon ng ordinansa ang buong barangay na 'Bawal ang Nakasimangot. Multa five hundred." Sabad naman ni Kim. Natawa siya. "Sana noon pa ako pumunta dito." aniya. "Basta Kams, I'm here for you and you know that." Sabi pa ni Sam sa kanya. "O tama na ang emo ngayon! Kain na tayo!" sabi pa ni Marisse. Hindi pa man din nag-iinit ang usapan nila. Dalawang kotse ang pumarada sa harap ng restaurant na kinakainan nila. Kumabog ang dibdib niya, kilala niya ang dalawang sasakyan na iyon. Napatayo siya, kasabay ng paglabas ng mga bodyguards ng Daddy niya. Agad siyang lumabas at hinarap ang mga ito. "Anong ginagawa n'yo dito?" salubong ang kilay na tanong niya sa mga ito. "Pinapasundo na po kayo ng Daddy n'yo." Sagot ng isa. "Paano kung hindi ako sumama?" hamon niya sa mga ito. "Mapipilitan po namin kayong kunin ng pwersahan. Kabilin-bilinan po ng Daddy n'yo na huwag kaming babalik na hindi kayo kasama." Sagot ulit nito. Tumawa siya ng pagak, pagkatapos ay napailing siya. "Talaga nga naman, daig ko pa ang criminal na tumakas ah!" sabi niya. "Mauna na kayo, susunod na ako." Utos niya. Pero walang tuminag sa mga ito. Nanatili lang ang mga itong nakatayo. "Uwi na!" singhal niya sa mga ito. "I'm sorry, Ma'am." Anang isang bodyguard. "Gusto n'yo talaga ng ganito ah!" aniya sa malakas ng boses. Binalingan niya si Sam. "Uuwi muna ako, Sam. Iyong pinakiusap ko sa'yo na hanapin mo. Seryoso ako doon." Anito. "Sige, akong bahala." Sagot nito. Binuksan ng isang bodyguard ang nasa unahan na kotse. "Hindi ako sasakay diyan, may sarili akong kotse. Sumunod na lang kayo!" Bago siya sumakay sa kotse, napatingin siya sa katabing mansiyon ng Jefti's Restaurant. Nasa loob ng garahe si Jester. Nakamasid ito sa kanya. Kung maaari lang na humingi ng tulong dito, ginawa na niya. Pero hindi maaari. Ayaw niyang may madamay na naman ng dahil sa kanya. Kahit kay Sam, hindi siya basta humihingi ng tulong dito. Maliban na lang ang paghahanap nito ng apartment para sa kanya. Hindi maintindihan ni Kamille kung bakit ganoon na lang kalakas ang dating sa kanya ni Jester. Hanggang sa mga sandaling iyon, malinaw pa rin sa isip niya ang unang beses niyang makita ito ng malapitan. Nang tumayo ito, at naglakad palapit sa kanya ay agad na siyang sumakay sa kotse niya at mabilis na pinasibad iyon palabas ng Tanangco. Pagdating sa highway, imbes na baybayin ang daan pauwi sa kanila. Diniretso niya ang kotse niya sa isang Bar. Natakasan na naman niya ang mga bodyguards ng Daddy niya. At doon sa Bar kung saan siya madalas pumunta, muli ay nagpakalasing siya. Nilunod niyang muli ang sarili sa alak. Pilit na naman niyang tinatakasan ang nakaraan. Hanggang kailan ba niya dadalhin ng mabigat sa loob niya ang pagkawala ni Adrian? Hanggang kailan ba siya mahihirapan sa buhay niya? May pera nga siya, pero wala naman katahimikan ang puso niya. "Adrian," usal niya sa pangalan ng kaibigan. Pagkatapos ay tinungga niya lahat ang laman ng baso niya. "Tama na 'yan," awat ng isang tinig mula sa likuran niya. Pilit niyang inaninag ang mukha ng nagsalita. Base sa narinig niyang tinig nito, lalaki ito. Pilit din niyang inanig ang oras mula sa suot niyang wrist watch. Pero umiikot na ang paningin niya. Binalingan niya ang lalaking kumausap sa kanya. "Pssst! Anong orash nah?" tanong niya. "Alas diyes na ng gabi, nasaan ang mga sumundo sa'yo kanina?" sagot nito. "Shumundo? Paano mo nalaman 'yon?" tanong ulit niya, saka siya humagikgik. Dinutdot pa niya ang dibdib nito. "Shiguro may gusto ka sha 'kin no? Sinusundan mo ako!" pangungulit pa niya dito. "Hindi ka dapat naglalasing ng mag-isa, wala ang mga bodyguards mo sa labas. Paano ka makakauwi n'yan?" sa halip ay wika nito. "Mukhang gwapo ka naman eh. Kasho, hindi na pwede. Kashi, may mahal na ako." Sabi pa niya. Hindi na niya narinig pang magsalita ang lalaki, tila nakikinig lang ito. Kaya ipinagpatuloy niya ang gusto niyang sabihin. Mga bagay na dapat ay si Adrian ang nakakarinig, hindi ang estrangherong ito. "Pero alam mo? Iyong lalaking mahal ko, wala na." aniya, kasabay ng pagpatak ng mga luha niya. "Wala na siya. Hindi ko man lang nasabi sa kanya na mahal ko siya. Nawala siya sa akin ng wala akong nagawa para sa kanya. Noon, hanggang sa huling sandali ng buhay niya, ako pa rin ang nasa isip niya. Adrian, kung maibabalik ko lang ang lahat para lang mabuhay kang muli." Natagpuan na lang niya ang sarili na nakayakap sa matipunong dibdib ng lalaking nasa tabi niya, at doon umiyak siya ng umiyak. Lahat ng galit at hinagpis niya sa mundo ay doon niya binuhos. Nang gumanti ito ng yakap, nakaramdam ng kapanatagan ng loob si Kamille. Hanggang sa unti-unti'y dapuan siya ng antok, bago siya tuluyang nakatulog narinig pa niyang tila may kausap ang lalaki. "Hello, Miss Karmela Tan. You're sister is drunk." NAPAIGIK si Kamille sa sakit ng pagtayo niya sa kama ay sumigid ang sakit sa kanyang ulo. Napahawak siya sa noo niya. Saka saglit na sumulyap sa orasan na nakapatong sa ibabaw ng bedside table. Alas-nuwebe na pala ng umaga. Nang igala niya ang paningin sa buong silid, saka lang niya nasigurong kuwarto nga niya iyon. Pilit niyang hinalungkat ang isip niya kung paano siya nakauwi. Ang huli niyang natatandaan bago siya tuluyang makatulog, may isang lalaking lumapit sa kanya. Kinausap siya nito na para bang nagkakilala na sila dati. Hindi lang niya matandaan ang hitsura nito, bukod kasi sa madilim sa loob ng Bar. Mausok pa dahil sa mga naninigarilyo. Pero hindi talaga niya maalala. "Good Morning, Shobe." Napalingon siya, nakatayo sa may pintuan ang Ate Karmela niya. Ang shobe ay ang Chinese ng bunsong babae. "Paano ako nakauwi?" sa halip ay tanong niya dito. "A good Samaritan called me and told me you were drunk and wasted last night at Groove Bar." Sagot naman nito. "Did you pay him?" tanong ulit niya. "No, ayaw niyang tanggapin. Mukha siyang mabait at gentleman. Hindi ka niya pinagsamantalahan kagabi kahit na lasing na lasing ka." Anito. "That's good." Walang sigla niyang sabi. "Yeah that's good. Pero paano kung makatiyempo ka ng lalaking mapagsamantala? Baka kung ano ng nangyari sa'yo." Sermon pa nito. "Saka ko napo-problemahin 'yon kapag nangyari na." pa-pilosopong sagot niya. "Kamille," "Achi, please not now." Sagot niya. Ang Achi naman ay tawag sa nakakatandang babae sa Chinese. Papunta na siya sa Bathroom ng pumasok naman doon sa silid niya ang Kuya Kurt niya. "Saan ka na naman galing kagabi? Hanggang kailan ka ba magre-rebelde? Tigilan mo na 'to Kamille! Pare-pareho lang tayong nahihirapan dito." sermon agad nito. Diretso sa matang tinitigan niya ang Kuya. "Titigil lang ako kapag nakulong na si Norris." Matapang niya sagot. "But you know, that's impossible." Anang Kuya niya. "Iyon naman pala eh, huwag n'yo na lang akong pakialaman para tahimik tayo sa kulungang ito!" Napapailing ang Kuya niya na lumabas ng silid. Ang Ate naman niya ang sumunod na nagsalita. "Sige na, mag-ayos ka na at bumaba na para makapag-breakfast tayo." Anito. Tumango lang siya. Pagkatapos niyang maligo at makapagbihis ay agad siyang bumaba sa dining area. Nakasimangot ang Daddy niya, alam niyang alam nito na lasing na naman siya kagabi. Lihim siyang napangiti. "Ni you cong na li lai?" tanong nito. Ibig sabihin ng sinabi nito ay 'Saan ka na naman galing?' Hindi siya sumagot. Bagkus ay ininom niya ang kape niya, at kumuha ng isang pirasong tasty bread at bacon. Saka kumain na para bang hindi niya alam na galit ang Daddy niya. "Kamille, Dad is asking you something." Pukaw ng Kuya niya sa kanya. "Huh? What?" maang niyang tanong. "Stop playing games on me, Kamille. Where have you been last night?" galit na tanong ng Daddy niya. "Ilang beses ka lang ba umuwi dito ng hindi ka lasing? Hihintayin mo pa bang may mangyaring masama sa'yo?" Hindi siya kumibo. Humigpit ang hawak niya sa tinidor. "Titigilan mo na ang pag-iinom mo, naiintindihan mo ba?" utos ng Daddy niya. "Ni bu yong guan," halos pabulong na sabi niya. Pero nakarating pa rin iyon sa pandinig ng mga ito. 'Wala kayong pakialam' ang ibig sabihin nito. "Anong sabi mo?" gigil sa galit na tanong ng Daddy niya, sabay hampas sa mesa. Napapitlag sa gulat ang Mommy niya. "Anak, please sundin mo na lang ang Daddy mo. Para hindi ka palaging napapagalitan." Pakiusap pa ng Mommy niya sa kanya. "Pagbigyan saan? Na pakasalan ang lalaking naging dahilan ng pagkamatay ng bestfriend ko?" sarkastikong wika niya. "Abswelto si Norris sa kasong iyon!" giit ng Daddy niya. "Dahil binayaran niya ang batas!" "Siya ang gusto kong pakasalan mo!" "Dad, that's enough." Awat ng Kuya niya. "Tumahimik ka, Kurt!" singhal ng Daddy niya dito. "Hanggang kailan ba kami magiging tau-tauhan dito sa bahay n'yo? Baka nakakalimutan n'yo, anak mo kami! Hindi kami alipin ninyo at gawin de numero ang kilos namin! At tungkol sa sinasabi n'yong magpakasal. Mamamatay muna ako bago ako maikasal sa Norris na 'yon." Galit din sabi niya. Bago siya mag-walk out ay sinulyapan niya ang Mommy niyang tahimik na umiiyak. Gaya niya ay wala ring magawa ito. At gaya nila, sunod-sunuran din ito sa Daddy niya. "Sorry Mom," aniya, sabay labas ng dining area. She came from a family of Chinese who believed and follow old traditions. Lahat ng nakapaligid sa kanya ay base sa kung ano dapat sundin ng ayon sa tradisyon. Wala na sa lugar. And she really hates it. Ang tradisyon na iyon ang dahilan ng pagkamatay ni Adrian. Pilit siyang pinagkasundo kay Norris ng dahil sa tradisyon na iyon. Nang dahil sa pera. Nang minsan niyang tinapat ito, at sinabing hindi niya kayang magpakasal dito dahil may mahal na siyang iba. Hindi nito tinanggap iyon. Giniit nito ang kasal. Nang malaman nito na si Adrian ang mahal niya, sinundan siya nito ng minsan silang magkita. Magtatapat na sana siya ng damdamin dito, pero nangyari ang malaking trahedyang iyon na nagbago sa buhay niya. Mahal ni Kamille ang Daddy niya. Pero mahal din niya ang buhay niya. Hindi tamang magpakasal siya sa lalaking hindi niya gusto, lalo na sa kinamumuhian niya. Kung iyon lang ang tanging paraan para magising sa katotohanan ang Daddy niya. Gagawin niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD