Chapter 16

2027 Words
Asha Makalipas ang halos dalawang linggo ay naging ayos na rin ako at hindi na ako natatakot na babalikan ako ni Birch. Nang malaman kasi namin na gumaling siya mula sa kanyang sugat ay agad akong pinuntahan ng mga pulis upang tanungin kung ano raw ang balak kong gawin. Sinabi ko sa kanila ang sinabi ko kay Jessica na imbes na sa kulungan ang diretso niya ay gusto kong sa mental siya. Doon ko rin nalaman na walang kamag-anak si Birch dito at kailangan din siyang i-check-up ng psychiatrist para matignan ang kapasidad niya sa pag-iisip. Oras daw na ma-approve ang aking request ay agad daw nila akong sasabihan na akin namang sinang-ayunan. “Ate? Sigurado ka na ba sa desisyon mo? Paano kung bigla siyang gumaling sa mental at balikan ka niya?” Napalingon ako nang tanungin ako ni Tasha. “Kung sakali mang balikan niya ako ay ibig sabihin lang nun na nakatulong ako sa kapwa ko Tasha. Alam ko na mabait si Birch at hindi niya gagawin sa akin ang ginawa niya kung nasa matinong pag-iisip siya. Sa naging desisyon ko ay makatutulong pa ako sa kanya,” paliwanag ko at napailing naman si Tasha. “Iyan ang problema sa iyo, Ate. Masyado kang mabait na muntik ka na ngang gahasain ay nagawa mo pa talagang maawa sa taong iyon. Kung ako ang nasa lugar mo ay ide-demanda ko siya sa ginawa niya at sisiguraduhin ko na mabubulok siya sa kulungan,” sabi niya. Tumalikod siya at iniwan akong mag-isa pero hindi na magbabago ang desisyon ko. Pagsapit ng tanghaling tapat ay tumambay sila Mama sa ilalim ng puno ng mangga habang nagkwekwentuhan ng kung anu-ano. Ako naman ay naiwan sa balkonahe mismo ng bahay namin at nagbabasa lang ng magazine. Habang naglilipat ako ng pahina ng magasin ay biglang sumagi sa aking utak ang nangyari noong gabi na muntik akong gahasain ni Birch. Ngayon ko lang napagtanto na noong mga panahon na muntik na niya akong saktan ay para siyang may nakitang kakaiba sa loob ng aking kwarto. Hindi ko na ito napansin nang mahuli nila siya dahil iniisip ko noon ang kahihinatnan niya. Pero ngayon na medyo ayos na ang lahat ay bumalik sa aking alaala ang nangyari noong gabing iyon. Ano kaya ang nakita ni Birch sa kwarto ko na halos makita ko ang takot sa mukha niya? Alam ko naman na may mga nilalang at engkanto rito sa probinsya namin pero napaka-imposible naman na noong panahong iyon ay tinulungan ako ng isang multo o engkanto. Natigil ako sa pagbabasa ng magasin na hawak ko at naisipan kong pumasok sa aming bahay sabay dumiretso sa aking kwarto. Simula ng nangyari sa akin ay hindi na ako muling bumalik sa aking kwarto. Pina-bless na rin namin ito sa pari dahil naniniwala ang aking ina na isang paraan daw ito upang malinisan ang kung anuman na karumihan ang nangyari rito sa aking kwarto. Pagbukas ko ng pinto ng aking kwarto ay ilinibot ko ang aking mga mata sa kabuuan ng aking kwarto hanggang sa dumako ang aking mga mata sa aparador. Lumapit ako sa nasabing aparador at tumayo mismo sa salamin kung saan ay may nakikita ako noong itim na nilalang dito. Dahan-dahan kong inangat ang aking kamay at hinaplos ang salamin ko. “Amica Mea,” sinambit ko ng mahina. Pagkasabi ko nun ay napalingon na lang ako sa pinto ng aking banyo nang bigla nanaman itong magbukas ng mag-isa. Noong una ay nagugulat pa ako sa mga ganitong pangyayari pero ngayon ay unti-unti na akong nasasanay. Naglakad ako palapit sa aking banyo at pagtingin ko sa salamin na nakasabit sa aking pader ay napahinga ako ng malalim nang makita ko roon ang itim na nilalang. Napalunok ako at nakararamdam pa rin naman ako ng takot tuwing makikita ko siya pero kailangan kong malaman ang nangyari sa gabing iyon. Kailangan kong malaman kung siya ba ang tumulong sa akin noong mga gabing muntik na akong magahasa. Tumayo ako ng tuwid at sinara ko ang pinto ng aking banyo sabay hinarap siya ng may lakas ng loob. “H-Hi. H-Hindi ko alam kung gawa-gawa ka lang ng imahinasyon ko pero gusto ko sanang malaman kung ikaw ba ang tumulong sa akin noong gabing iyon?” tanong ko. Hindi siya nagsalita o hindi siya gumalaw pero bigla na lang siyang nawala na aking ikinadismaya. Napatungo ako pero nakita ko na lang na may sinulat siya sa aking salamin at isang malaki na ‘OO’ ang aking nakita. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kasiyahan na malaman na hindi naman pala siya masama tulad ng aking inaakala. “Salamat sa pagtulong sa akin. Hindi ko alam kung guardian angel kita o bantay kita pero nagpapasalamat ako sa pagtulong mo sa akin,” sabi ko sa kanya. Pagkatapos ay wala na siyang sagot kaya naisip ko na marahil ay nagpapakita lang siya tuwing gusto niya. Nagpasalamat akong muli sa kanya bago ko naisipang lumabas ng aking banyo at mula sa aking kwarto. Saktong pagbaba ko mula sa ikalawang palapag ay nakita ko si Tasha na mukhang katatapos lang yatang maligo. “Ang init ngayon. Sana hindi na lang ako nagpainit ng panligo ko lalo na at tanghaling tapat pa man din. Ikaw ba ay naligo ka na?” tanong niya sa akin. “Hindi pa. T-Tasha? May tanong ako sa iyo. Sa tingin mo ba ay may posibilidad na magkaroon tayo ng bantay na palaging nagliligtas sa atin?” Kunot noo niya akong tinignan. “Ano nanaman ba iyang tinatanong mo sa akin, Ate?” Huminga siya ng malalim. “Kung sasagutin ko ang tanong mo base sa science ay sasabihin kong wala dahil hindi pa naman ito napag-aaralan at walang patunay ito. Pero kung tatanungin mo ako base sa mga ka-wirduhang nangyayari sa mundo ay sasabihin kong oo. Marami tayong hindi maipaliwanag at naniniwala ako na marami pa ang hindi maipaliwanag ng sensya. Bakit mo ba biglang naitanong?” Napangiti naman ako. “Wala naman. Naisip ko lang na marahil ay may bantay ako kaya palagi akong naililigtas kahit may mangyaring masama sa akin.” “Tss. Tinutuyo nanaman iyang utak mo Ate. Gutom lang iyan o kaya ay init lang ng panahon iyan kaya kung anu-ano na ang naiisip mo. Maligo ka na at nang mawala iyang init sa ulo mo bago ka pa mabaliw.” Natawa naman ako sa sinabi niya at iniwan niya akong mag-isa. Pagsapit ng gabi ay wala namang espesyal na nangyari sa akin at katatapos lang naming kumain. Ako na ang naghugas ng pinggan at nang matapos ay dumiretso ako sa aking kwarto. Si Tasha naman ay abalang gumagawa ng kanyang mga lesson plan habang si Mama ay naisipang manuod na muna ng telebisyon. Naglaro at nanuod ako ng movie sa aking cellphone nang mapansin kong lumalalim na ang gabi. Humikab ako tanda na inaantok na ako kaya naman pinatay ko na ang aking mga ilaw sabay pinikit ang aking mga mata. Mabilis din lang akong nakatulog nang unti-unti akong nanaginip na parang nasa iba akong lugar. Alam ko nasa kwarto ko ako pero may kakaiba dahil parang nakaramdam ako ng kakaibang init sa aking buong paligid. Sa panaginip ko ay minulat ko ang aking mga mata at nakita ko na nakahiga ako sa isang kama na napapalibutan ng maraming apoy. Pagbangon ko ay nakita ko na mula sa ceiling ay may nahuhulog na lava na parang waterfalls. Maya-maya ay napatingin ako sa sahig nang bigla na lang may lumabas na kamay doon at sinundan ng isa pa hanggang sa unti-unti nang dumami ang mga ito. Naririnig ko ang mga sigaw, iyak at paghingi nila ng tulong pero ang tanging naramdaman ko lang ay takot at kaba. Nagsimula akong sumigaw lalo na nang unti-unting lumulubog ang aking kama sa sahig. “No! Tulong! Tulong!” sigaw ko. “Amica Mea.” Napalingon ako sa nagsalita at nakita ko na may isang itim na nilalang na lumulutang. “Tulungan mo ako,” sabi ko sa kanya. “Meus es tu. Meus es tu, amica mea.” Napailing ako dahil wala akong maintindihan sa mga sinasabi niya nang ibigay niya sa akin ang kanyang kamay at mabilis ko itong tinanggap. Pagkatanggap ko ng kanyang kamay ay nagising ako sa aking panaginip at doon ko lang napansin na umaga na pala. Pinagpapawisan ako na para bang ang layo ng tinakbo ko at pagod na pagod ako. Napatingin ako sa aking kamay at ramdam ko pa rin hanggang ngayon ang init ng kanyang palad. Mainit ito na parang kumukulong tubig pero hindi naman ito nakapapaso. Tumayo ako at dumiretso sa banyo kung saan ay napansin ko na kakaiba ang kulay ng aking balat. Tan ang kulay ng aking balat na para bang nagbabad ako sa ilalim ng araw ng sobrang tagal. Pagkatapos ng aking panaginip ng araw na iyon ay hindi ko ito masyadong pinansin at inisip na normal lang ang mga ito. Pero sa paglipas ng ilan pang mga araw ay parang halos araw-araw ko itong napapanaginipan. May mga pagkakataon pa na para akong nakikipagsiping dahil magigising ako na sobrang pagod at nanghihina. Hindi ko naman binigyan ito ng pansin dahil naisip ko na maaaring nasosobrahan lang ako sa pagtulog. Katulad ngayong araw na ito ay ramdam ko nanaman ang sobrang pagod at init na para bang naluluto ako sa isang kawali. Bumaba ako para uminom ng tubig nang makita kong kalalabas ni Tasha sa kanyang kwarto. “O Ate? Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong niya. “Ayos lang naman. Medyo pagod lang pero hindi naman iyong mahihimatay sa pagod.” Napatango siya. “Ilang araw ko na ring napapansin na nitong mga nakaraang linggo na parang palagi kang pagod. Hindi ka naman ba nagpupuyat, Ate?” Umiling ako sa tanong niya. “Hindi naman dahil alam ko na maaga akong natutulog. Nagtataka nga rin ako dahil nitong mga nakaraang araw ay parang ang layo ng tinakbo ko sa sobrang pagod.” Lumapit naman siya sa akin upang damhin ako. “Ha? E ang init mo ate e. Sigurado ka bang hindi ka linalagnat? Ang init mo kaya,” sabi niya na aking ipinagtaka. “Pero wala naman akong nararamdamang kakaiba bukod sa pagod lang talaga ako ay hindi ko naman nararamdaman na may sakit ako,” sagot ko. Nasa gano’n kaming kalagayan nang madatnan kami ni Mama kaya agad niyang tinanong kung may problema ba. “Mama, si Ate ang init niya pero sabi niya hindi naman daw siya linalagnat. Tignan mo Mama sobrang init niya,” sabi ni Tasha at gano’n nga ang ginawa ng aking ina. “Aysus maryosep kang bata ka! Ang init mo nga! Hala uminom ka ng maraming tubig at uminom ka ng gamot para bumaba ang init ng katawan mo.” Humaba ang aking nguso. “Pero wala po talaga akong sakit promise. Ginaganahan nga akong kumain at ayos lang talaga ako Mama,” pamimilit ko. “Huwag ka nang makulit, Asha. Aba’y gusto mo bang dumiretso nanaman sa hospital sa pagiging matigas ng ulo mo? Ang tanda-tanda mo na e pero ang tigas pa rin ng ulo mo.” Napasimangot tuloy ako sa aking ina. Pinakiramdaman ko ang aking sarili at mainit nga talaga ako pero hindi ko naman maramdaman na may sakit nga ako. Nakapagtataka lang dahil alam ko naman ang pagkakaiba ng may sakit sa walang sakit pero pinipilit nila Tasha iyon sa akin. Napahinga na lamang ako ng maluwag at sinunod ang sabi ng aking ina para manahimik na siya. Sa buong araw ay nagpasalamat ako na bumaba na kahit papaano ang lagnat kuno ko raw. Hindi ko lang maintindihan kung bakit bigla-bigla na lang umakyat ang temperatura ng aking katawan. Marahil ay dahil sa summer ngayon kaya umiinit ang aking katawan. Hindi ko alam kung posible ba iyon pero sana ay hindi na ito maulit. Pagsapit ng gabi ay binigyan pa ako ni Mama ng electric fan sa loob ng aking kwarto dahil kaya raw tumataas ang aking temperatura ay dahil sa hindi ko paggamit ng electric fan. Hindi ko alam kung tama ba ang aking ginagawa pero nagkibit balikat na lamang ako at sinunod ang aking ina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD