Asha
Lumipas ang tatlong araw ay gumaling na ang sugat ko at hindi na muling nagparamdam sa akin o nagpakita sa akin ang kamay na nasa aking salamin. Kung tutuusin nga ay mabilis ko itong nakalimutan dahil nakiusap ako na makitulog na muna sa kwarto ng aking kapatid. Noong una ay nagtataka siya sa aking hiling pero nang lumaon ay pumayag din lang siya.
Balik na rin ako sa trabaho na aking ikinatuwa kaya kahit papaano ay nawala ang aking pangamba na may mangyayari sa akin na kakaiba. Lunch break ko ngayon at katatapos ko lang kumain ng aking hapunan. Naisipan kong mag-toothbrush na kaya naman pumunta na ako sa loob ng aming banyo.
Pagkatapos kong magsipilyo ay pumasok naman ako sa isang cubicle. Pagpasok ko ay narinig ko na nagbukas ang pinto ng banyo kasabay nito ay narinig ko ang boses ng tatlong kababaihan. Pagkatapos ko ay tinaas ko ang aking underwear at ifl-flush ko na sana ang bowl nang marinig ko ang aking pangalan sa isa sa kanila.
“Hays. Akala ko pa naman ay hindi na babalik si Madam Asha. Mabuti nga sa kanya na na-disgrasya siya,” sabi ng isa.
“Sinabi mo pa. Siguro ay may nagalit sa kanya sa pakikipag relasyon niya kay Sir Birch. Kay bago-bago lang niya pero agad na siyang na-i-promote?” sabi naman ng isa.
“Hindi kaya may ginawa siyang kababalaghan para lang ma-i-promote siya? Tignan mo nga na noong na-promote siya ay sabay naman na naging sila ni Sir Birch. Hindi kaya binibilog niya lang ang ulo ni Sir?” sabi ulit ng isa.
Ipinikit ko na lang ang aking mga mata sabay tinakpan ang aking tenga para hindi ko sila marinig. Pero napamulat ang aking mga mata nang marinig ko ang isang pamilyar na boses.
“Gusto niyong malaman kung ano ang ginawa ng Madam Asha niyo?”
“M-Ma’am Tiffany! Ikaw ho pala. P-Pasensya na po kung narinig niyo po iyong pinag-uusapan namin,” hinging paumanhin ng isa.
“No worries. Hindi ko rin naman gusto si Asha dahil inagaw niya sa atin si Sir Birch. Alam niyo ba kung paanong naging sila ni Sir Birch? Inakit niya si Sir sa araw mismo noong nagpakain siya para sa promotion niya. Huling umuwi si Sir Birch at kinabukasan ay nagulat na lang tayo na sila na. Hindi ba nakapagtataka iyon?” sabi ni Tiffany.
Maang akong nakatingin sa kawalan habang pinakikinggan ang mga salitang sinasabi ni Tiffany. Pero baka ibang Tiffany ang tinutukoy nila at hindi iyong kaibigan ko na si Tiffany. Alam ko na hindi niya iyon magagawa sa akin dahil suportado nga siya sa relasyon namin ni Birch.
“Hala! Kaya pala naging sila ni Sir Birch. Bruhilda talaga ang babaeng iyon at talagang ginamit niya pa talaga ang katawan niya para lang makuha niya si Sir. Baka ginamit niya rin ang kanyang katawan para ma-i-promote siya.” Sumang-ayon naman silang lahat sa sinabi ng isa.
“Well, hindi na ako magtataka kung sakaling gano’n nga si Madam Asha niyo. Birhen kasi ang babaeng iyon kaya malakas ang laban niya sa atin,” sabi ulit ni Tiffany.
“Hihi…Ikaw Ma’am Tiffany ha? Akala ko pa naman talaga ay kaibigan ang turing mo kay Madam Asha pero mukhang galit ka rin pala sa kanya.” Napatakip na ako sa aking bibig dahil sa aking narinig.
“Kaibigan? Duh! Simula nang makilala ko siya ay ayaw ko na sa kanya. Nang dahil sa kanya ay hiniwalayan ako ng nobyo ko dahil binalak niyang ligawan si Asha. Gusto ko lang malaman kung ano ang sikreto niya kaya naman kinaibigan ko siya,” paliwanag ni Tiffany.
Pagkatapos nun ay narinig ko na silang lumabas ng banyo at napasalampak naman ako sa sahig dahil sa aking narinig. Si Tiffany nga iyong narinig ko pero bakit naman niya gagawin iyon? Hindi ko naman alam na naghiwalay sila ng nobyo niya dahil sa akin.
Mas lalong hindi ko ginusto na ako ang dahilan ng paghihiwalay nila at mas lalong alam niya na hindi ko inakit si Sir Birch. Umiyak ako ng tahimik sa loob ng cubicle na iyon at agad na lumabas upang tignan ang aking sarili sa salamin. Ni minsan ay wala akong inisip na kahit na ano’ng makapagpapahamak sa ibang tao pero bakit ganito?
Umiyak ako at agad na naghilamos ng aking mukha upang hindi mapansin na umiyak ako. Pagkatapos ay inayos ko ang aking sarili at saka lumabas ako sa banyo. Maya-maya ay natigil ako sa paglalakad nang makita ko sila Tiffany kasama ang tatlong babae na sigurado akong may galit sa akin.
Nang makita nila ako ay agad na nagliwanag ang mukha ni Tiffany at nagkunwari siyang naging masaya na makita ako kahit na alam ko naman na ang totoo niyang kulay. Iyong tatlong babae naman ay bumalik sa kanilang pwesto habang naramdaman ko naman na sinukbit ni Tiffany ang braso niya sa akin.
“Kanina pa kita hinahanp, Asha. Tapos ka na bang kumain?” tanong niya.
“Uhm, o-oo tapos na. Ikaw?” tanong ko.
“Hmm. Tapos na rin. Asha, favor naman o,” sabi niya habang naglalakad kami. “Pwede bang mag-karaoke naman tayo mamaya total ay holiday naman bukas at walang pasok.”
“Ha? Pero may pupuntahan kasi ako bukas kasama ni Tasha kaya baka hindi ako makasama.” Sumimangot siya sa sagot ko.
“Sige na. Pinaalam pa man din kita kay Sir Birch at pumayag na siya kaya sige na please?” pakiusap niya.
Hindi ko alam kung ano ang binabalak nila pero namalayan ko na lang ang sarili ko na tumatango sa hiling niya. Alam ko na may galit sila sa akin at marahil ay may balak silang masama sa akin pero bakit pa ako pumayag? Kailangan ko na lang siguro ang mag-ingat mamaya para wala silang masamang gawin sa akin lalo na at alam ko na ang tunay nilang mga ugali.
Nang dumating ang hapon ay lumapit sa akin si Sir Birch at binilin niya na mag-iingat daw ako na akin namang sinang-ayunan. Gusto ko sanang sabihin sa kanya ang mga narinig ko kanina pero ayaw ko rin siyang mag-aalala kaya naman hinayaan ko na lang. Maya-maya ay tinawag na ni Tiffany ang aking pangalan at nakita ko na kasama niya iyong tatlong babae na kasama niya kanina.
“Pupunta na ba kayo?” tanong ni Birch sa kanila nang makalapit kami sa kanila.
“Hays naku, Sir Birch. Huwag kang mag-alala dahil hindi naman namin pababayaan itong love of your life mo noh,” sagot naman ni Tiffany sabay kumindat pa siya sa akin.
Kung hindi ko nalaman ang totoo niyang kulay ay tatawanan ko sana siya pero ngayon ay halos hindi ko siya magawang nginitian.
“Dapat lang,” sagot ulit ni Birch sabay umakbay sa akin. “Alam niyo naman kung gaano ko kamahal itong boss niyo.” Hinalikan niya ako sa aking noo at napangiti naman ako sa kanya.
Nakita ko naman ang tipid na ngiti ni Tiffany sabay umiling siya at agad na lumawak ulit ang kanyang ngiti sa amin. Pagkatapos ay hinila na nila ako sabay nagpaalam na si Birch sa amin. Habang hila-hila ako ni Tiffany ay napansin ko na papalapit kami sa isang van na itim.
Kilala siya ng isa sa mga kakilala ni Tiffany at nakita ko na may isang lalaki na nakasandal sa van habang naninigarilyo. Lumapit kami sa nasabing van at agad naman na kinausap ng babae ang nasabing driver. Si Tiffany naman ay hinila ako at pagbukas niya ng van ay nakita ko na may tatlong lalaki ang nasa loob.
Maayos naman ang mga suot nila at mukhang galing din sila sa isang kompanya dahil may mga dala rin silang disenteng bag at nakasuot sila ng suit. Pagsakay ng tatlong kababaihan ay sumunod naman si Tiffany sa kanila sabay tinawag ako na umupo sa tabi niya.
“Halika na, Asha. Huwag kang mag-alala dahil mga kaibigan naman sila. Para na rin hindi lang si Sir Birch ang lalaki sa buhay mo ‘di ba?” Yaya niya sa akin.
Dapat ay tumatakbo na ako pauwi pero itong paa ko ay ayaw sumunod at pumasok ako sa naturing na van at tumabi sa tabi ni Tiffany. Maya-maya ay binagtas na namin ang daan papunta sa karaoke kasama ang mga lalaki at babae na hindi ko dapat pagkatiwalaan. Lumipas ang ilang minuto ay napansin ko na nasa daan pa rin kami at hindi pa kami nakararating sa aming destinasyon.
“Uhm, Tiffany, saang karaoke ba ang pupuntahan natin at parang nasa daan pa tayo?” tanong ko sa kanya.
“Chill ka lang, Asha. Malayo kasi ang karaoke na iyon sa bayan kaya kailangan pa nating maglakbay ng malayo. Sa sobrang sikat kasi ng karaoke na iyon ay dinarayo pa iyon kahit na malayo ito,” sabi niya.
Tumango na lang ako at naniwala sa kanyang sinabi. Paglipas ng tatlumpung minuto ay tumigil na ang nasabing van. Pagbaba namin ay bumungad nga sa akin ang isang KTV bar na marami nang tao kaya agad na kaming lumapit dito. Mukhang masyado lang akong nag-aalala na baka may gawin sila sa akin pero mukhang nagsasabi naman sila ng totoo.
Pagpasok namin ay agad kong tinext si Tasha sa pinuntahan namin para namin may makaalam kung saan ako pumunta. Mabuti na ang nag-iingat para kung sakaling may mangyari sa akin ay alam nila kung saan sila maghahanap. Pero wala naman sigurong mangyayari at masyado lang akong nag-iisip ng sobra.
Nang makapagpa-reserve na sila ng pwesto ay nagsimula na kaming magkantahan at magkasiyahan. Wala namang nakapagtataka sa mga kilos nila dahil talagang gusto lang nila ang magsaya kaya agad ko nang winaksi ang aking pangamba.
“Asha, drink. Kanina ka pa kanta lang ng kanta. Uminom ka rin para naman maranasan mo ang malasing,” alok sa akin ni Tiffany.
“Alam mo naman na hindi ako umiinom e,” tanggi ko.
“Sige na. Kahit isa lang at hindi na kita pipilitin pa, promise.”
Napatingin naman ako sa hawak niyang baso na puno ng beer at agad itong tinanggap. Pagkatapos ay uminom ako at nalasahan ko na hindi ito mapait at para lang siyang juice kaya naman diniretso kong lagukin ito. Nang maubos ko ito ay nagsipalakpakan pa sila at pati ako ay natawa na rin. Lumipas pa ang ilang minuto ay naisipan kong pumunta ng banyo dahil puputok na ang pantog ko.
Pagpasok ko ay mukhang mag-isa ko lang sa banyo kaya dumiretso na ako at umihi. Nang matapos ay naghilamos ako ng aking mukha at pag-angat ko ay nakita kong may itim na nilalang sa aking likuran.
“Asha, danger,” sabi nito na aking ikinagulat.
Sa ilang beses kong nakita ang itim na nilalang na ito ay ngayon ko lang siya narinig na magsalita sa akin ng diretso. Pagkatapos ay bigla na lang siyang naglaho at pagkatapos ay bigla akong nakaramdam agad ng pagkahilo. Napahawak ako sa gilid ng lababo at nagtataka kung bakit ako nahihilo gayon isang baso lang naman ang ininum ko at hindi pa ito nakalalasing.
Sapo ko ang aking ulo nang marinig kong nagbukas ang pinto ng banyo at may mga taong lumapit sa akin. Hindi ko sila mamukhaan at mas lalong hindi ko sila masyadong marinig pero may mga salita lang na naiinitindihan ko.
“Sh*t. Bakit ang tagal umepekto ng binigay mong gamot?” rinig kong sabi ng isa.
“Aba malay ko na matagal pa lang umepekto iyon noh. Isa pa ngayon lang natin ginamit iyon.”
“Tsk. Manahimik na nga kayo at tulungan niyo siyang maglakad dahil kanina pa atat iyong mga kasama natin,” rinig kong sabi ni Tiffany.
Pagkatapos ay naramdaman ko na naglalakad na kami sa kung saan hanggang sa maramdaman ko ang lamig ng hangin tanda na lumabas na kami ng nasabing KTV. Naramdaman kong may bumuhat sa akin at agad na sinakay ako sa kotse.
“Kami na ang bahala rito. Salamat sa regalo, Tiffany,” sabi ng isang lalaki.
“Siguraduhin niyo lang na hindi magsasalita iyan sa pulis kung hindi damay-damay tayong lahat,” sabi ni Tiffany.
“Yes, boss.”
Pagkatapos ay naramdaman ko nang umandar ang sasakyan at alam kong nasa panganib na ako.