Hindi maialis ni Mariella ang pagsasalubong ng kanyang kilay ng mga sandaling iyon, kahit pa walang tigil ang masaya at malakas na tugtugin sa kapaligiran.
Sa kakasunod nila sa naturang grupo ng dating asawa ay muli na naman silang napadpad sa lugar na isinusumpa niya.
Tulad noon ay punong puno pa rin ng mga parokyano ang nasabing establishemento. Mula sa mga matanda hanggang sa mga binata’t dalaga ay dagsa pa rin ang mga naroon, kaya naman buhay na buhay nanaman ang naturang mansyon.
Walang patid ang malakas na musika, patay sindi na ilaw, at mga nagsasayawang modelo na halos hubo’t hubad na sa entablado.
Ngayon siya nagpapasalamat sa kaibigan dahil napigilan siya nito noon, kung hindi ay maaring sa kangkungan na siya pupulutin.
Ang katotohanan na hanggang ng mga panahon na iyon ay hindi pa rin napapasara ang nasabing lugar, kahit sa dami ng mga ipinagbabawal at hindi kaaya-ayang bagay na nangyayari roon ay patunay kung gaano kaimpluwensya at kalakas ang mga nagpapatakbo nito.
Isang malalim na paghinga na lamang ang nagawa niya habang pinagmamasid ang mga mata sa paligid, pasimpleng iniaangat ang baso, wari’y umiinom upang itago ang kanyang ginagawa.
“Seriously Mariella, this entire thing is pointless. Why don’t you just forget about them and move on?”
Sita ng kaibigan na si Leora na walang patid sa paghalo ng daliri sa kanyang mumunting baso na may ilang piraso ng cherry. Halata ang pagkabago nito dahil hanggang ng mga oras na iyon ay hindi pa rin siya maiwan ng kaibigan dahil sa takot na may kung ano nanaman siyang gawin.
Doon na siya napabaling ng tingin dito, naroon ang talim ng kanyang mga titig dahil na rin sa ayaw pa rin mawala ng naglalagablab na galit sa kanya.
“You think it’s that easy? Matapos ng lahat ng ginawa nila sa akin. Arthur wasted not just half of my life, but also took most of what I own! Kung tutuusin, wala siya kung hindi dahil sa akin.”
Singhal niya pakabagsak ng baso sa lamesa.
Mabilisan napahawak ang babae rito upang pigilan ang panginginig ng mga bote na naroon. Halos mawala kasi sa balanse ang kinalalagyan ng mga iyon sa lakas ng hampas ni Mariella.
Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Leora, napapalinga na lamang ng ulo sa tila pagkadismaya dahil sa inaasal ng kaibigan.
“So gusto mong mabawi iyong pera na kinuha niya sa iyo, as if that would still be possible?”
Isang bagot na tingin na lamang ang ibinato ni Leora sa kanya, napatalumbaba na lamang ito habang napapataas ng isang kilay.
May kung anong kaba ang biglang kumabog sa dibdib ni Mariella, lalo na nang mapansin niya ang tila makahulugan tono sa sinabi ng kaibigan.
Ilang saglit niya rin pinag-isipan ang sinabi nito, subalit sadyang sobrang dami ng gumugulo sa kanyang ng mga sandaling iyon para mahulaan ang nais nitong iparating.
“What do you mean?”
Tanging tanong niya dahil sa pagnanais na malinawan sa mga bagay na ipinaparating ng kaibigan. Sigurado niya kasing mayroon itong nakalap na impormasyon ukol sa dating asawa.
Napaubo na lamang si Leora upang tanggalin ang kung anong bara sa lalamunan, bago mag-iwas ng tingin.
“From what I’ve heard. Halos wala ng pera si Arthur sa banko, and iyong mga properties niyo ay matagal na niyang naibenta o sangla.”
Napapangusong sambit nito.
Napakunot na siya ng noo dahil sa hina ng boses ng kaibigan, pero malinaw niyang nasagap ang mga sinabi nito, kaya naman mas lalo lang dumagdag ang pagkabog sa kanyang dibdib.
Bahagyang nablanko ang kanyang isipan sa naturang katotohanan na iyon, kaya naman naka-ilang buka siya ng bibig na walang salitang lumalabas.
Tila nanginig ang kanyang kalamnan, kasabay ng kakapusan ng hininga dahil sa ilang bagay na unti-unting pagsaklob ng magkahalong poot at takot sa kanya.
“Wait, if that is the case. That would include my house!”
Bulyaw niya na lamang sa kaibigan.
Hindi na niya napigilan ang mapasigaw dahil na rin sa tuluyan pagkakatanto sa mga pangyayari. Ang buong akala niya ay nalagpasan niya na ang pinakamahirap na parte ng pagtataksil ng kanyang dating asawa. Pero sa nasagap ngayon, mukhang may panibago nanaman siyang pagsubok na kakaharapin.
Ganoon na lang ang panlalaki ng mata ng kaibigan nang mapagtanto nito ang nangyayari. Ilang saglit rin itong natameme bago muling nakapagsalita.
“Seryoso ka ba? Akala ko ba nahiwalay mo na iyon?”
Sa wakas ay bulalas nito matapos ang ilang sandali ng katahimikan.
Mukhang kahit ang kaibigan ay hindi makapaniwala sa mga nangyayari, lalo pa’t ang buong akala nito ay naasikaso na niya ang lahat ng mga bagay noon nakaraan.
“No! That’s the reason kaya hanggang ngayon hinahabol ko pa rin siya.”
Nanggagaliting singhal na lang niya, dahil tuluyan ng nag-alburoto ang kanyang pakiramdam ng mga oras na iyon sa bagong nalaman.
Hindi niya lubos akalain na may karagdagan pang problemang dala ang dating asawa, matapos malampasan ang lahat ng kagaguhang ginawa nito.
Ganoon na lamang ang kanyang panginginig, kasabay ng pagkikiskisan ng kanyang mga ngipin dahil sa panunumbalik ng matinding poot niya para sa lalake. Halos magkalamat na nga ang hawak niyang baso dahil sa higpit ng pagkakahawak rito.
“Jusko, napakawalang hiya naman talaga ng lalakeng iyon! Paano na iyan, girl?”
Pilit lumanay na saad na lang ni Leora nang makita ang matinding pamumula niya. Naroon na rin kasi ang paglabas ng ugat sa kanyang sintido ng mga sandaling iyon.
Ang ilang malalalim na paghinga, kasabay ng panaka-nakang pagkuyakoy ng kanyang paa ang siyang tanging pumipigil sa kanya ng mga sandaling iyon upang itapon ang lahat ng mga nasa lamesa.
“I should have listened to my dad.”
Maluha-luhang sambit na lang niya.
Napapitlag na lamang ang kaibigan, kasunod ng bahagyang pagtili nang muli nanaman yumanig ang lamesa dahil sa lakas ng hampas niya rito. Dali-dali na lang sinalo ng kaibigan ang ilang mga boteng gumugulong na muntik ng malaglag.
Sa ilang buwan niyang subok na pag-sasaayos sa buhay, matapos ng lahat ng mga nangyari. Tila palagi na lamang nagkaka-aberya sa bawat pagkakataon na magsisimula na siyang bumangon muli. At ang lahat ng mga iyon ay dahil sa grupong ilang dipa lamang ang layo sa kanila.
Mabilis ang panlilisik ng mga mata ni Mariella sa grupo ni Arthur sa hindi kalayuan. Mas lalo pang naglagablab ang kanyang galit nang makita ang malapad na ngiti nito habang tuwang-tuwang gumigiling sa harap ng mga kasamahan.
“Hoy, saan ka pupunta?”
Bulyaw ni Leora sa gulat nang biglaan siyang tumayo.
Sa pagkakataon iyon ay wala ng kahit anong rumerehistro sa utak niya, kahit ang boses ng kaibigan ay parang bulong na lamang, dahil na rin sa paghalo nito sa malakas na tugtugin ng lugar. Hindi kaagad nakagalaw si Leora dahil na rin sa ilang mga hawak nito, idagdag pa ang sikip ng suot na mini skirt, kaya naman wala na itong magawa kung hindi ang magmadali na lang na iayos ang sarili at ang mga naroon sa mesa.
Mabigat, mabilis, at malalaki ang kanyang bawat hakbang, kaya naman ramdam niya ang pagtakatak ng kanyang takong sa sahig. Ang kanyang mga mata ay nananatiling nakatuon lamang sa naturang grupo ng dating asawa. Wala siyang ibang nasa isip ng mga oras na iyon kung hindi ang makalapit sa mga ito at maipadama ang matinding puot niya ng mga sandaling iyon.
Bumagal lamang ang kanyang paglalakad nang mahalo na siya sa lupon ng mga taong nagsasayawan roon, dahil na rin sa kinailangan niya pang magsumiksik at umiwas sa mga naroon para makadaan.
Sa sobrang pagkalunod niya sa sariling panggagalaiti ay hindi na niya pansin ang mga tao sa paligi, ni hindi niya na nga alintana na nababangga na siya ng ilan sa mga naroon, kaya ganoon na lang ang tili niya nang madama ang mga kamay na kumapit sa kanyang baywang.
“Ano ba!”
Singhal na lang niya nang bigla na lang siyang paikutin ng mga malalaking bisig na pumulupot sa kanyang katawan. Pinilit niya man hatakin ang sarili paalis rito, subalit sadyang malalakas at mahigpit ang mga malalaking bisig na pumulupot sa kanya.
Akmang sisigaw pa siya nang hatakin na siya nito, dahilan para mapasubsob siya sa matigas at matikas na dibdib ng kaharap. Mabilis ang pagtiim ng kanyang bagang at panlilisik ng kanyang mata, pero agaran rin iyon nawala nang mag-angat na siya ng tingin.
Nahigit na lamang niya ang hininga nang makilala ang taong pumigil sa kanya, ang matinding pagkagulat ang siyang mabilis na bumura sa galit na nadarama niya, dahilan para manumbalik ang malumanay niyang hitsura.
Isang malalim na paglunok lamang ang tanging niyang nagawa, kasabay ng agaran ng paglilihis ng tingin nang masilayan niya ang matalim at makahulugan na titig ng naturang lalake sa kanya.
“I know what you are thinking Mariella, and this is not the place for this. Mag-isip-isip ka!”
Malalim at tiim bagang na sambit ni Armando. Mabilisan ang naging pagpapasada nito ng tingin sa paligid, naninigurado na wala ni-isa sa mga guwardiyang naroon ang nakakapansin sa kanila.
Doon lamang niya namalayan ang ilang malalaking lalake na nakapalibot sa kanila. Halos hindi pansinin ang mga ito dahil sa suot na itim na suit at sunglasses, pero halatang naka-antabay lang ang mga ito dahil sa walang patid ang pagsasalita sa mga apparato na nakakabit sa tenga.
Ganoon na lang tuloy ang kanyang panliliit habang unti-unting nanlalambot dahil na rin sa paglukob ng matinding panghihina dala ng biglaan paghinahon, dulo’t na rin ng pagkakakulong sa yakap ng lalake. Ni hindi na nga niya namalayan ang pagtulo ng mga luha sa kanyang mata, kasunod ng panaka-nakang paghikbi niya dahil sa sikip ng kanyang dibdib.
“Thank goodness, nahabol mo siya.”
Hangos na saad na lang ni Leora nang maabutan na sila. Halos napaluhod na lang ito sabay hawak sa balakang habang naghahabol ng hininga. Mukhang alam na nito kung sino ang kausap, dahil halatang wala itong pag-aalinlangan na hayaan siya sa yakap ng lalake, marahil dahil na rin sa naghahabol pa rin ito ng hininga ng mga sandaling iyon.
“Sa tingin ko makakabuting ilayo muna natin siya rito.”
Saad ni Armando habang binubuhat na si Mariella na nananatiling nakatayo. Nananatiling tulala dahil tuloy-tuloy pa rin ang pagpatak ng mga luha sa mata.
“I agree. Sige na, ilabas mo na muna siya, ako ng bahala dito.”
Tango na lang ni Leora na abala na sa paghahawi ng mga tao sa daanan nila. Sinenyasan na lang nito ang lalake kung saan ang pinakamalapit na labasan.
Nagtuloy-tuloy sila sa isang pasilyo na patungo sa likuran ng mansyon. Humiwalay ang kaibigan niya bago pa man sila makapunta roon, kaya naman naiwan na lamang silang dalawa ng lalake hanggang sa makalabas sila ng naturang establishimento.
Halos wala na nga siyang pakialam, kahit pa iniba nito ang posisyon ng pagbuhat sa kanya. Ang tanging nagawa niya lamang ay ang yumakapa sa leeg nito, habang ibinabaon ang mukha roon. Iyon lang ang tanging naisip niya upang itago ang kahiya-hiyang hitsura habang walang patid pa rin ang pagpatak ng kanyang mga luha.
Sa hindi niya maintindihan na dahilan, tila ayaw tumigil ng mga iyon. Lalo pa at payapa at napakagaan ng pakiramdam niya habang nakakulong sa malalaki at matitikas na braso ng lalake. Hindi siya makapaniwala na ganoon lamang kadali para dito na kargahin siya ng ganoon, na tila ba napakagaan niya para rito.
Subalit hindi niya maipagkakaila ang pakiramdam na para bang iyon na ang pinakaligtas na lugar ng mga oras na iyon.
Bahagya ng bumagal ang paglalakad nito nang makarating na sila sa bandang hardin ng naturang lugar. Hanggang sa tumigil sila sa isa sa mga batong upuan doon. Maingat itong naupo, pero hindi siya nito binitiwan hanggang sa makaupo.
“Sige lang Mariella, ilabas mo lang iyan.”
Mahinahon at puno ng lambing na bulong ni Armando sa kanyang tenga.
Ganoon na lang tuloy ang pagririgudon ng kanyang puso, kasabay ng walang patid na pangingiliti sa kanyang tiyan, kahit pa panaka-naka ang hikbi ng kanyang hininga. Tila ba unti-unti ng binubura ng presensya ng kasama ang agam-agam na tumutusok sa kanyang kalooban.
Ilang saglit pa at tuluyan na siyang nakahinga ng maluwag, mahinahon na napapangiti na lamang nang madama ang panaka-nakang pag-iikot ng mga daliri ng lalake sa kanyang buhok.