Chapter 1

3001 Words
Pakauwing-pakauwi nito sa kanilang tahanan ay hindi na siya nagdalawang-isip na ilabas ang galit sa lalake. Sa loob ng ilang oras na paghihintay roon ay walang patid ang kanyang naging pag-iyak. Umabot na sa puntong natuyo na ang kanyang mga luha, kaya naman poot naman ang nangingibabaw sa kanya ngayon. Kasalukuyan nasa lamesa si Arthur at kumakain, kahit kararating lang nito roon ay halata naman na bagong ligo ang lalake dahil nangangamoy pa ang mala-rosas na amoy ng ginamit nitong sabon. Isang bagay na lalong nagpakulo sa kanyang dugo, sa kaalaman at katotohanan kung saan ito nanggaling. “Ako pa ang may problema ngayon! Ikaw itong nanloko pero ako ang mali! Ang kapal rin naman ng mukha mo.” Tuloy-tuloy niyang sigaw habang paulit-ulit na dinuduro ang asawa dahil sa isinagot sa kanya. “Bakit, sino bang hindi kayang magkaanak sa atin? Ako ba?” Singhal na lamang nito sa kanya. Malakas ang naging pagkalampag ng mga gamit sa lamesa dahil sa lakas ng paghampas nito roon. Nagngingitngit na nakakuyom ang mga kamao dahil sa pagpipigil ng tuluyan pagsabog ng galit. Lalo tuloy tumaas ang dugo sa kanyang mukha, kasunod ng tila pagpapigti ng ugat sa kanyang sentido dahil sa muling narinig. Tiim bagang na pinanlisikan niya ito ng mata pakatapon ng platong nasa kanyang harapan. Agad na siyang tumayo para ihampas ang kamay rito. “Talagang ngayon mo pa iyan inungkat! Ilang taon mo ng alam iyan. Sampu, ganoon katagal, pero ngayon ka lang nagkaproblema. Ano? Dahil naayos mo na ang problema sa negosyo mo, na kung hindi dahil sa akin ay mawawala! O baka naman dahil sa nakahanap ka na ng babaeng magtya-tyaga diyan sa ugali mo.” Bulyaw ni Mariella na walang patid ng ipinapadyak ang mga paa sa sahig. Hindi niya na mapigilan ang panginginig dahil sa matinding pagpipigil na manakit ng mga sandaling iyon. Doon na padabog na tumayo si Arthur, padaskol pa nitong itinulak ang lamesa para makaalis. “Bahala ka sa kung anong gusto mo paniwalaan.” Walang apid na sambit nito bago maglakad papalayo. Ilang saglit pinanood ni Mariella ang lalake, at nang makita niyang papalabas ito ng bahay ay dali-dali niyang hinabol ang asawa. “At saan ka pupuntang hayop ka, ha?” Hablot niya kaagad sa braso nito nang maabutan, buong higpit ang kanyang naging paghawak upang huwag itong makatakas. Subalit sadyang malakas ang lalake, dahil isang wasiwas lamang nito ay agad rin nakawala sa kanyang pagkakakapit. “Doon sa lugar na walang putak ng putak.” Bulyaw ng lalake pakaharap na nandidilat pa ang mga mata. Natameme si Mariella sa pagkagulat, kasabay ng paninikip ng kanyang dibdib dahil sa lapit ng mukha ng lalake sa kanya. Damang-dama niya ang init at lalim ng paghinga nito na siyang lalong nagdulot ng matinding pamimilipit sa kanyang puso dahil sa pagkabigla. Ilang saglit rin ang kinailangan niya upang makahupa, kung kaya naman tuluyan ng nakalabas ang asawa sa bahay patungo sa sasakyan nito. Nang marinig niya ang tunog ng makina ay doon na siya nahimasmasan at muling nilukob ng bagong lakas, dahil sa kaalaman kung saan nanaman ito pupunta. “Walang hiya ka talaga, hayop!” Gasgas lalamunan na sigaw niya. Agad niyang pinulot ang paso na nakalagay sa may veranda upang itapon rito. Ngunit hindi na rin iyon umabot dahil sa mabilis na pag-atras ng kotse nito, dahilan para magkalat ang naturang bagay sa harapan ng bahay. Pagod, galit, at tuliro, wala sa sariling tumakbo si Mariella patungo sa garahe, Agad siyang sumakay sa kotseng naroon, mabilis ang pag-papaandar upang sundan si Arthur. Halos sumisirit sa pagkaskas ang gulong ng sasakyan dahil sa bilis ng kanyang pagpapatakbo. Walang patid pa ang paggewang noon dahil sa pagharurot. Naroon ang paghahabol niya ng hininga dahil sa nagbabadyang mga hikbi, nagsimula nanaman tumagas ang mga luha sa kanyang mukha. Subalit kahit anong tulin ng kanyang kilos ay hindi niya pa rin naabutan ang asawa. Ilang oras siyang nagpa-ikot-ikot sa lungsod, nagbabakasakali na mahanap ito. Ngunit gumabi na at lahat ay wala pa rin siyang napala sa pagtiya-tiyaga. Napilitan siyang bumalik sa kanilang tahanan sa pag-iisip na baka bumalik ito roon. Ngunit nadatnan niyang patay ang ilaw ng lugar, tahimik, at kasing kalat pa rin ito tulad nang pagkakaiwan niya. Muli ay napahagulgol si Mariella pakayakap sa sarili, habang nanginginig ang mga tuhod sa pagpasok. Pinalinga niya ang mata sa paligid, puno ng mga sirang gamit, bubog, at kalat na pagkain ang naroon. Kusang kumilos na lamang ang kanyang katawan sa pagpulot ng mga nasirang gamit. Ilang saglit pa at napunta na siya sa paglilinis, at nang matapos ay pumunta na siya sa banyo upang maligo dahil na rin sa panlalagkit. Ang malamig na dantay ng tubig sa ilalim ng shower ang siyang gumising sa kanyang isipan, doon ay hinayaan niya ulit na umagos ang lahat ng hinanakit, hanggang sa tuluyan na siya ulit na kumalma. Presko, maayos, at mahinahon na muli, nagawa na ni Mariella na makapag-isip ng maayos. Ilang saglit rin siyang tumulala pakaupo sa kama. Nagmumuni sa kung ano na ba dapat ang kailangan niyang gawin ng mga sandaling iyon. Naroon ang pagnanais niyang saktan at magantihan si Arthur, ngunit ayaw niya rin masira ang kasal at tuluyan itong umalis upang sumama sa kabit. Mamamatay muna siya bago mangyari iyon at sisiguraduhin niyang hinding-hindi ito magiging masaya kasama ng kalaguyo nito. Natigilan lamang siya nang masagi ng kanyang paninging ang itim na tarhetang nasa gilid ng lamesa. Isang malalim na paglunok ang kanyang nagawa habang nanginginig na kinuha ito, kasabay ng pagbuntong hininga nang mabasa ang nakasulat roon. Ilang saglit rin siyang nag-isip bago tumayo at magbihis. Isang itim na sleeveless cocktail dress na abot hanggang tuhod ang napili niyang suotin, hindi na siya nag-abalang mag-make-up pa, kaya naman wala pa sa kalahating oras ay natapos na siya sa pag-aayos. Nakailang ikot pa siya sa salamin para siguraduhin nakakaaya at kaakit-akit ang kanyang hitsura. Tumigil lamang nang mapadako muli ang kanyang tingin sa kanyang daliri, naroon pa ang kanyang singsing kaya naman mariin niyang hinawakan iyon. “You shall pay for all of this, kung babagsak ako, isasama ko kayong dalawa.” Mariin niyang sambit sa sarili pakatitig ng matalim sa salamin. Malalim na ang gabi nang makarating siya sa naturang lugar, subalit kahit naroon na ay hindi rin siya kaagad nakapasok dahil sa pagharang ng ilang mga guwardiya. Napilitan na tuloy siyang bumaba ng sasakyan upang makipag-usap sa mga ito. “Mam, this is a private club. If wala po kayo sa listahan, hindi po namin kayo pwede papasukin.” Saad ng isa sa mga bantay. Iniangat pa nito ang sulsulan ng damit para ipakita na armado ng baril. “But I was here just yesterday, see.” Dali niya na lang pinakita ang tarheta na nakuha roon. Naalala niyang kailangan nga pala ng imbitasyon sa naturang lugar, ngunit dahil nandoon na rin siya ay sinubukan niya na rin ang tsansa kung makakapasok. Napatingin sa kanya ang ilan sa mga bantay roon, naroon ang kakatuwang pigil na ngiti nila nang pinagmasdan siya mula ulo hanggang paa. Hindi niya tuloy napigilan ang pagka-ilang dahil na rin sa batid niya na ang iniisip ng mga ito, lalo pa at alam niya na kung anong klaseng lugar iyon. “Mam, kahit ako po mayroon niyan. Pero hindi po noon ibig sabihin pwede na kami makapasok sa loob.” Sagot ng isa pang lalake na naroon. Ilang minuto na rin siyang nakikipag-areglo sa mga ito, ngunit talagang matigas ang mga bantay roon. Napilitan na siyang umalis sa may gate nang makitang pinagtitinginan na siya ng ibang mga parokyano na kadadating lang roon. Ngunit kahit na ganoon ay hindi pa rin siya basta-basta susuko, alam niyang may paraan para makapasok sa lugar, kaya naman walang patid ang pagpapalinga niya sa paligid. Kuyom ang mga palad, mabigat sa loob na naglakad na lamang siya paalis pabalik sa may parking area upang hindi masyadong makapukaw ng atensyon.. Sa hindi kalayuan ay nabatid niya ang isang binatilyo na tila nakikipag-usap sa sarili nito. Bahagya siyang lumapit rito, may hawak itong libro na panaka-nakang binabasa na halatang may minimememorya. Pulido at maayos ang suot nito, baog plantsa pa ang coat, batid niyang nasa bandang dise-otso na ang edad ng matipunong lalake. Doon namuo ang isang ideya sa kanya, kaya matapos magpalinga ng tingin at makasiguradong walang ibang tao roon ay agad niya na itong nilapitan. “Hi, the name’s Adrian, I’m Adrian, you want to dance.” Paulit-ulit na sambit nito sa hangi na panaka-naka pa ang pag-angat at galaw ng mga kamay na tila mayroon talagang kaharap. Bahagyang siyang umubo upang mapansin, ganoon na lang tuloy ang pagbalikwas nito pa-ikot sa gulat. Nanlalaking matang napalunok na lang si siya nang tumuwid na ito ng tayo at humarap. Kahit nak-heels pa siya at abot lang siya sa may dibdib nito, maliban doon ay nabato-balani siya sa mapupungay at nangungusap na mga mata ng lalake, napakalambing tumitig ng mga mata nito nang mabaling sa kanya. Ilang beses bumuka ang bibig nito para magsubok na magsalita, ngunit walang lumabas roon dahil napatulala na lamang ito sa kasuotan ni Mariella. Doon siya nakahupa sa pagkakabigla kaya naman mabilis niyang iniayos ang sarili at agad na ngumiti rito. “Hi there, are you also headed to the club?” Pakiwari na lang niya. Sinubukan muling magsalita ngunit tila nabuhol ang dila ng binatilyo, kaya naman napatango na lang ito sabay pilit na pagpapatuwid ng mukha kahit pa naroon na ang ngiti sa labi nito. “This is actually my second time.” Bahagya niyang ini-angat ang itim na tarhetang nakuha kagabi. “Ta-Talaga?” Nanlalaking matang napalunok ang binata pakalapat ng dila sa labi nito. Isang makulit na hagikgik ang pinakawalan ni Mariella sabay ayos ng buhok na tumakip sa kanyang dibdib. Muling napahinga ng malalim ang kaharap sa kanyang ginawa, kaya naman batid niyang nakuha na niya ang atensyon nito. “Yeah, kaso hindi ko expected na kailangan pala ng invitation sa loob. Hindi naman kasi sinabi ng kaibigan ko last time. I need to wait pa tuloy to get my membership approved.” Wari’y buntong hininga na lang niya, sabay bagsak ng balikat. “Pwede naman yata if may kasama ka na may invitation.” Aligagang sagot na lang nito. Naroon na ang paglitaw ng lapad ng ngisi at liwanag ng mukha ng lalake pakasabi noon. “Yeah, I would love to, kaso wala ngayon iyong friend ko right now.” Muli ay huminga siya ng malalim sabay baling ngtingin sa naturang mansyon. Sa ginawa niyang iyon ay tumuwid ang kanyang tindig dahilan para mas umangat ang kanyang dibdib. “Gu-Gusto mo bang pumasok sa loob?” Bulalas na ng binata na walang patid na sa pagpunas ng mukha ng mga sandaling iyon. Hindi na rin ito matigil sa kakatapik ng paa sa lupa habang pilit na iniaayos ang tingin. “Sana, are you by any chance going in rin?” Baka pwede mo naman ako isabay.” Pinagdikit niya ang palad na tila nagdarasal sa harap nito, bahagya rin siyang ngumuso pakangiti bago kindatan ang naturang lalake. “Si-Sige ba!” Hindi magkanda-ugaga ang pagkaripas nito sa pagbukas ng sariling kotse, doon ay mayroon itong kinuhang isang itim na sobre. Naka-ilang ulit pa ito na tingin sa salamin bago bumaling ulit sa kanya. “Tara na?” Magiliw na aya nito nang matapos. “Okay lang ba, baka may iba kang kasama, nakakahiya naman.” Paninigurado ni Mariella. Hindi niya rin naman nais makagulo sa lakad nito, maliban roon kailangan niya lang naman makapasok sa loob. “Hindi, mag-isa lang ako, tsaka ayos lang naman.” Bulalas kaagad ng lalake, bago siya iminuwestra na mauna na. Agad naman siyang nagpa-ubaya at nagsimula ng maglakad, maglaon ay naging magkapantay rin sila dahil na rin sa bilis nitong kumilos. Ilang dipa bago makarating sa gate ay nagpanggap siyang nawawala sa balanse sa daan, kaya naman agad na umalalay ang binata sa kanya. “Thank you, muntik na ako roon.” Natatawang saad na lang niya nang hawakan na siya nito, kinuha niya ang pagkakataon na iyon upang umabrisyete sa braso ng kasama, dahil na rin sa kipot ng daan. Napahinga na lang ng malalim ang binata pero hindi naman ito nagsalita, nanatili lamang itong tuwid habang inaalalayan siya. Bahagya pa silang tumigil sa may pasukan nang makilala siya ng mga bantay roon, tinaasan na lang niya ang mga ito ng kilay nang makitang napalinga ito ng mga ulo. Halata tuloy ang taranta ng kanyang kasama para ipakita ang dalang itim na sobre, kaya naman nang maglaon ay nakapasok rin sila. Halos sabay pa silang napabuga ng hangin ng kasama, pinagka-iba nga lang ay mas halatado ito, kaya naman hindi niya napigilan ang sarili. “First time mo rito?” Napapahagikgik na turan na lang niya. “Ah, Oo.” Wala sa sariling napakamot naman sa batok ang binata na agaran rin ang pamumula. Pinagmasdan ito ni Mariella ng mas mabuti. Matipuno at maganda naman ang pangangatawan ng lalake, maporma rin manamit, matangos ang ilong, sakto ang labi at mapanga. Malinis rin ang mukha nito at nababagay ang estilo ng crew cut na gupit. “You know, kung tutuusin hindi mo naman kailangan pumunta sa ganitong lugar, sa guwapo mong iyan, I’m sure maraming naghahabol sa iyo.” Turan na lang niya, hindi niya maintindihan kung bakit nagpupunta sa ganoon lugar ang mga katulad nito, kung tutuusin sa artistahin na hitsura ng binata ay hindi ito mahihirapan na makabingwit ng babae sa kahit anong lugar. “Hindi naman ako madalas magpunta sa ganitong lugar. Actually, kinupit ko lang iyong invitation sa kuya ko.” Natatawang pag-amin ng binata. “Ay, ang bad, kaya pala parang hihimatayin ka kanina.” Mas lalo lang tuloy siyang napahagikgik sa nalaman. Ngayon niya na na-iintindihan kung bakit naliligo ito sa pawis at putlang-putla kanina. “Lagi kasi akong niyayabangan nang mga kaklase ko na nakapasok na sila rito, kaya naisipan kong pumunta para makita kung totoo iyong sinasabi nila.” Napangiwi na lamang ito habang sinasabi ang mga iyon. Napatango naman si Mariella, kung tuusin ay nasa edad nga naman ito kung saan nagiging mausisa sa mga ganoon bagay, lalo na kung may udyok ng ibang tao. “I see, wala ka naman sigurong girlfriend no.” Hindi niya napigilan na sitahin ito. May parte sa kanya na tila parang gustong pangaralan ang lalake kung sakaling nalilihis ito ng landas. “Wala po, eh kayo? Mukhang in a relationship kayo ah.” Agad nito sagot, sabay baling ng tingin sa singsing na nasa kanyang daliri. Isang tipid na ngiti ang ipinukol niya rito. “I’m actually married.” Mabilis nawala ang ngiti sa mukha ng binata, nanlalaking matang napaawang na lang ito ng bibig sa kanya. “And the reason kung bakit ako nandito is para hanapin iyong asawa ko. Madalas kasi sila pumunta rito ng kabit niya.” Dugtong niya na lang rito pakahinga ng malalim, kahit papaano ay naging madali sa kanyang sabihin iyon, dahil na rin sa gaan ng loob sa binata. Maliban roon ay hindi niya rin naman kilala ito. “Ang gago naman pala ng asawa niyo.” Padaskol na sumimangot na lang ito, naroon ang agaran pagkusot ng mukha habang napapasalubong kilay sa nalaman. Napangiti na lang siya kahit papaano dahil doon. “Sinabi mo pa, kaya huwag kang tutulad sa ganoon.” Magiliw na tapik na lang niya sa braso nito. Kahit papaano ay tila nabawasan ang bigat sa kanyang dibdib ng mga oras na iyon dahil sa pakikipag-usap rito. Walang atubili naman na tumango ang binata sabay tawa na lang ulit. “My name is Adrian po pala.” Abot na lang nito ng kamay sa kanya, kinuha niya naman ito. “Just call me Mariella.” Magiliw niyang balik, halatang mabait at magalang naman ito dahil kahit nasa ganoon sitwasyon ay nananatili itong maginoo. “So, paano po iyan.” Turan ni Adrian nang nasa harapan na sila ng pinto. Mula roon ay dinig na ang malakas na tugtog ng musika na halos nagpapayanig sa lupa. “Thank you so much for helping me na makapasok rito. I was really desperate na kasi kanina.” Hindi niya mapigilan na tumanaw ng utang ng loob sa binata dahil na rin sa konsensya sa kanyang ginawa. “Naku wala po iyon. Ako nga po dapat magpasalamat sa inyo, kung hind dahil sa inyo, baka hindi ako nakalusot doon sa mga guwardiya.” Bungisngis naman ng binata nang maalala ang ginawang pagtitig sa kanya nang mga bantay nang naroon pa lang sila sa may gate. “So patas lang pala tayo.” Hagikgik na lang niya sa katotohanan na iyon. Mukhang dahil takas rin ito ay nasa parehas lamang silang sitwasyon. Natigil lang sila nang mapabaling ito sa ilang mga kabataan na naroon. Kumaway ang naturang grupo sa kanila at agad naman sumagot ang kanyang kasama, senyales na kakilala nito ang mga iyon. “You’d better go with your friends, may hahanapin pa ako sa loob.” Turan na lang niya nang mapagtanto iyo. Hindi niya rin naman nais makaabala sa binata at wala rin naman siyang plano na magtagal roon. “It was nice meeting you po.” Buntong hinga na lang ni Adrian sabay bahagyang nagyuko ng ulo. “Same here, and thank you again. You don’t know how much this means to me.” Marahan niyang hinaplos ang braso nito bago bumitaw, parehas silang may ngiti bago maghiwalay. Nagtuloy-tuloy siya sa pinto papasok sa loob habang agad namang nagtatalong patakbo ang naturang binata papunta sa mga kasama nito. Natatawang napalinga na lamang tuloy siya nang makita iyon. Bumalik na siya sa pagiging seryoso nang makapasok na sa loob. Nanumbalik ang kanyang galit nang salubungin ng dagundong ng musika at walang patid na patay sindi ng mga ilaw. Sinuyod niya ang buong lugar na iisa lamang ang nasa isip, subalit matapos ang ilang oras na pagpapabalik-balik at pag-aabang sa may bar ay hindi pa rin niya nahanap ang walang hiyang asawa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD