Natapos si Uno sa pagsasalita na hindi naman nila naintindihan. May ibinigay siya na pirasong papel kay Tattered at Rohem.
“Pirmahan niyong dalawa ‘yan. Marriage certificate niyong dalawa at katibayan na kayo’y kasal na ayon sa batas,” ani Uno. Muli itong naupo sa kinauupuan kanina.
Nagulat na lamang si Rohem nang walang pag-aalinlangang pinirmahan iyon ni Tattered at hindi man lang binasa ang mga nakasulat. Napatingin rin sa kanya ito pagkatapos saka ngumiti. Pansin niyang namumungay na ang mga mata nito sa kalasingan matapos uminom ng napakarami.
“Trip lang ito kaya makisakay ka na lang,” lasing na bulong ni Tattered kay Rohem saka ngumiti. “Asawa ko,” nangingiting sabi pa niya na ikinapula lalo ng magkabilang pisngi ni Rohem.
Nakatulala lang si Rohem. Lasing na rin siya pero medyo alam pa niya ang kanyang ginagawa.
“Pirmahan mo na rin ‘yan Rohem. Alam naming gusto mo ‘yan,” pang-aasar na sabi ni Harold. Napatingin si Rohem kay Harold ng ubod ng sama. Ningitian lang siya nito.
Huminga na lamang ng malalim si Rohem. Pare-parehas na silang lasing. Tiningnan niya ang papel na nakalapag sa mesa. Nakita niyang may pirma iyon ni Tattered. Napatingin siya ulit sa binata saglit. Patuloy lamang itong umiinom habang prenteng-prente na nakasandal ang likod sa sandalan ng couch.
Umiwas si Rohem ng tingin kay Tattered. Muli siyang huminga nang malalim. ‘Trip lang naman ‘to. Pipirma lang naman ako sa papel para matapos na,’ isip-isip niya pa.
‘Pero bakit ganito ang nararamdaman ko? Nagtatalo ang aking puso’t isipan. Dapat hindi sila nagtatalo at sa halip ay dapat hindi ko ito pirmahan pero bakit sinasabi ng puso ko na pirmahan ko ‘to? Nababaliw na ba ako?’ iniisip ni Rohem habang nakatitig sa papel.
‘Dahil ba sa dapat akong makisama sa trip ng mga kaibigan ko? Hindi ba dapat ako maging KJ? O baka naman..’ Napabuntong-hininga na lamang si Rohem. ‘Tama na ang pag-iisip. Trip lang naman ito. Trip lang,’ paulit-ulit na wika niya pa.
Huminga ulit ng malalim si Rohem. Maya-maya ay yumuko na lang siya saka pinirmahan na niya ang papel.
“Ako… bilang mayor ng lungsod… Hik!... At sa bisa ng batas… Hik! Binabasbasan ko kayong mag-asawa na!... Hik! Congratulations!... Hik!”
“Yahoo!!! Mabuhay ang bagong kasal!!!” hiyaw ni Harold na sobrang saya sa matagumpay na trip. “Pwede na kayong mag-kiss!!!” sigaw pa nito saka pumalakpak pa ng malakas.
Nagtawanan naman sila Uno at Theo. “Kiss-kiss-kiss!” Pareho ng lasing ang mga ito. Kaagad na itinago ng una sa dala nitong attaché case ang papel na may pirma nila Tattered at Rohem.
Sinamaan nang tingin ni Rohem si Harold. “G*g* ka!” naiinis na singhal niya sa kaibigan.
Tinawanan ni Harold si Rohem. “Sunod niyan ay honeymoon. Huwag kayong mag-alala dahil ako na ang bahala. May alam akong malapit na hotel,” aniya. Tiningnan siya muli ng matalim ni Rohem.
“Humanda ka sa akin bukas,” pagbabanta ni Rohem kay Harold saka itinaas pa nito ang nakakuyom pabilog na kanang kamao.
“Oy! Tattered! Pinagbabantaan ako ng asawa mo!” Parang batang nagsusumbong si Harold.
Nangiti lang sa kanya si Tattered. Muli itong uminom ng alak. Ganun rin ang ginawa ni Rohem, uminom siya ng uminom para malasing siya at makalimutan bukas ang nangyaring trip na ito.
“Hoy! Nasaan na ‘yung papel?” tanong ni Rohem na hinahanap ang papel na pinirmahan nila ni Tattered. Tiningnan pa niya ang ilalim ng mesa dahil iniisip niyang nahulog iyon.
“Nasa akin! Bakit mo hinahanap?!” tanong ni Uno na nakatingin sa kinaroroonan ni Rohem.
Umayos sa pag-upo at tiningnan ni Rohem si Uno. “Akin na at itatapon ko para hindi mo ‘yan ma-register!” paghingi niya sa papel.
Tumawa si Uno. “Ako na ang magtatapon sa basurahan,” aniya.
“Akin na nga sabi!” panimilit pa ni Rohem kay Uno.
“Ako na ngang bahala magtapon! Huwag kang mag-alala dahil hindi ko ire-register ang kasal-kasalan niyo!” sigaw pa niya.
Umismid si Rohem. “Siguraduhin mo lang na itatapon mo ang papel at hindi mare-register ‘yan!” aniya.
Wala nang nakuhang sagot si Rohem mula kay Uno dahil nakatulog na ito sa kinauupuan sa sobrang kalasingan. Nakita din niyang nakatulog na sa kalasingan sila Harold at Theo na nagyayakapan pa.
Napailing na lamang si Rohem at nagpatuloy sa pag-inom. Maya-maya ay tiningnan niya ulit si Tattered. Nakita niyang nakapikit ang mga mata nito habang sandal na sandal ang likod sa sandalan ng couch.
Malaya muling napagmasdan ni Rohem ang gwapong mukha ni Tattered. Naamoy niya rin ang pabangong gamit nito at nagustuhan niya ‘yon. Napatitig siya sa labi nito. Napakagat-labi siya. Ramdam niya ang mabilis na pagpintig ng kanyang puso.
“Parang ang sarap halikan ng labi niya,” bulong ni Rohem. Hindi niya maitatanggi na naaakit siya sa magandang labi ng binata at gusto niya itong halikan kahit sandali lang.
Maya-maya ay mabilis na iniling-iling ni Rohem ang kanyang ulo saka kaagad na iniwas ang tingin kay Tattered. Napahinga siya ng malalim.
“Tsk!” palatak na lamang ni Rohem saka siya muling uminom ng sunod-sunod.
---
Magkatabing nakahiga sa king size bed sila Rohem at Tattered. Iisa lang ang kama sa inokupa nilang hotel room na available ngayong gabi kaya kailangan nilang magtabi. Malaki naman ang kama kaya napagpasyahan nilang magtabi na lang. Wala na rin kasi silang lakas na magtalo pa dahil na rin sa pagod at isa pa, walang mahabang sofa na available sa room na pwedeng tulugan. Nasa kabilang hotel room naman sila Theo, Uno at Harold. Ewan nga ba ni Rohem kung bakit siya napapayag na silang dalawa lang dito ni Tattered. Inisip din niya kasi na kung sasama siya sa mga kaibigan niya ay matutulog namang mag-isa si Tattered sa kwartong ito.
Hindi na kasi nila kayang umuwi sa kanya-kanyang bahay dahil sa sobrang kalasingan kaya napagpasyahan nilang mag-hotel na lang muna ngayon. Malapit lang ito sa bar na pinuntahan nila. Gusto nga sana ni Rohem na mag-drive pauwi kaso pinigilan naman siya ni Tattered na ikinagulat din niya kanina.
“Magpahinga na lang muna tayo sa hotel gaya ng suggestion ni Harold. Baka kung ano pa ang mangyari sayo kung magda-drive ka ng nakainom.” Titig na titig pa si Tattered kay Rohem nang sabihin niya iyon. Nagbaba ito ng tingin. “Kung kaya lang kitang ihatid ay ako na ang maghahatid sayo,” bulong pa niya na narinig naman ni Rohem.
Napakagat-labi na lang si Rohem saka tumingin sa ibang direksyon. Naging malikot din ang kanyang mga mata na kung saan-saan tumingin.
‘Ano bang sinasabi niya?’ sa isip-isip na lamang ni Rohem. Ramdam niya ang mabilis na pagpintig ng kanyang puso.
Nakatagilid sa paghiga si Rohem habang nakatingin ang namumungay na nitong mga mata kay Tattered na mahimbing na ang tulog sa kanyang tabi. Rinig na rinig niya ang mahinang hilik nito dahil tahimik na tahimik sa loob ng kwartong tinutuluyan nila. Hindi niya mapigilan ang sarili na titigan ito. Hindi rin naman kasi siya makatulog kahit pagod na siya dahil may katabi siya sa kama. Sanay kasi siyang mag-isa lang na nakahiga sa kama dahil na rin sa malikot siyang matulog.
Sa totoo lang, noong unang makita ni Rohem si Tattered ay may naramdaman siyang kakaiba na hindi niya maipaliwanag sa ngayon dahil bago iyon sa kanya. Hindi naman na bago sa kanya ang humanga sa kakisigan at kagwapuhan ng ibang lalaki pero iba ang naramdaman niya pagdating kay Tattered. Pakiramdam niya, may mas malalim na dahilan kung bakit ganoon na lang ang naramdaman niya sa unang pagkakakita niya sa binata at malaking palaisipan sa kanya kung ano nga ba ang malalim na dahilan na iyon.
“Gwapo talaga siya. Medyo malapad ang kanyang noo na ang cute kumunot. Makapal din ang itim na itim na kulay ng kanyang mga kilay. Parang guhit na lang ‘yung mga mata niya, kunsabagay medyo singkit din kasi siya. Ang tangos din ng ilong niya at ang labi, ang ganda.” Napakagat-labi pa si Rohem. “Bagong ahit din siya kasi ang nipis ng facial hairs niya. Napakakinis pa ng mukha niya, pantay sa kulay ng balat niya sa katawan na moreno ang kulay. Ang ganda ng pagka-moreno niya,” humahangang bulong pa ni Rohem habang titig na titig sa mukha ni Tattered na nakatihaya sa paghiga.
Napapangiti si Rohem sa mga magagandang nakikita niya sa mukha ni Tattered. Kung titingnan niya ang binata, para itong isang prinsipe sa nabasa niyang children’s book noon dahil sa perpektong mukha nito.
Lumipas ang sandali ay huminga si Rohem ng malalim. Mahina pa siyang natawa. “Lasing na talaga ako,” bulong pa niya. “Kung ano-ano na kasing kalokohan ang sinasabi ko,” aniya pa. “Pero… hindi kalokohan ang mga sinabi ko,” pagkontra pa niya sa kanyang sarili. Napangiwi tuloy siya. “Baliw ka, Rohem. Bakit mo naman kinokontra ang sarili mo?” wika niya pa.
Bumaba ang tingin ni Rohem. Hubog sa suot na shirt ni Tattered ang magandang pangangatawan nito. Sa bawat paghinga nito, tumataas-baba ang matambok nitong dibdib. Bumabakat rin ang magkabilang u***g nito na sakto lang ang laki. Namumutok rin ang braso nito kaya hapit na hapit ang sleeves ng suot nitong shirt dahil malaki at ma-muscle iyon. Bakat rin sa damit nito ang abs na meron ito sa tiyan.
Napakagat-labi si Rohem. Biglang nag-init ang pakiramdam niya at alam niyang dahil iyon sa binatang katabi niya sa kama. Bukod sa init na dala ng alak na nainom niya ay dumagdag pa si Tattered sa init kahit na may aircon naman ang hotel room. Sa totoo lang, isang malaking tukso si Tattered para sa kanya.
‘Hay! Problema talaga kapag may gwapong katabi sa kama, eh,’ sa isip-isip ni Rohem.
Bumaba pa ang tingin ni Rohem. Sa pagbabang iyon ng kanyang tingin ay nakita niya ang umbok. Trouser pants pa ang suot kaya naman hindi maikakailang bubukol talaga ang meron doon.
“Halatang malaki.” Hindi napigilan ni Rohem na isatinig ang dapat sana ay sa utak niya lang sasabihin. Nanlaki pa ang mga mata niya saka tinakpan kaagad ang kanyang bibig. “Loko-loko ka, Rohem. Bakit mo naman sinabi ‘yun?” Napakagat-labi ulit siya habang nakatakip ang kanyang kanang kamay sa kanyang bibig.
Mabilis na tumihaya sa paghiga si Rohem. Tumitig na lamang ang mga namumungay niyang mata sa kisame. Kailangan na niyang iiwas ang tingin kay Tattered bago pa siya may magawa na hindi dapat. Hindi siya ‘yung klase ng tao na kinukuha ang pagkakataon kung meron man lalo na at wala namang pahintulot. Hindi siya ‘yung klase ng tao na nagte-take advantage sa kalasingan ng lalaki.
Sa pagkakatitig ni Rohem sa kisame ay siya namang dahan-dahang pagdilat ng mga namumungay na mata ni Tattered. Tinitigan niya si Rohem na hindi na nakatingin sa kanya. Hindi talaga siya tulog kundi nagpapanggap lang. Ang totoo, katulad ng una, hindi rin siya makatulog dahil sa may katabi. Naiinis nga siya dahil malalim na ang gabi ngunit hindi siya makatulog. Siguradong puyat siya kinabukasan.
Ramdam na ramdam ni Tattered ang pagtitig sa kanya ni Rohem kanina na nagdudulot sa kanya ng kaba sa dibdib. Narinig din niya ang mga salitang binulong nito na nagustuhan ng pandinig niya. Hindi niya maintindihan pero may dulot din na saya siyang nararamdaman. Alam niyang humahanga ito sa kanyang itsura kaya napapatitig ito sa kanya pero ang hindi niya maintindihan, sa dinami-dami ng taong humahanga rin naman sa kagwapuhan niya, bakit kay Rohem ay nakakaramdam siya ng mga ganito? Bakit sa binatang katabi niya siya natutuwa habang nakatitig ito sa kanya? Bakit pakiramdam niya ay gustong-gusto niya na nakatingin lang sa kanya ang magagandang mga mata nito? Bakit pakiramdam niya… gusto niyang mas makilala pa ito?
Sa unang kita pa lang ni Tattered kay Rohem ay aminado siyang humanga siya sa kagwapuhan ng binata. Ang angas kasi at the same time ay cute ang mukha nito sa paningin niya. Malaya niya ngayong napagmamasdan ang may kaliitan nitong mukha na ubod ng kinis.
Makapal ang mga itim na kilay nito na bahagya pang nagsasalubong. Gaya niya, may pagka-singkit rin ng mga mata nito. Matangos ang ilong at katamtaman lang ang kapal ng natural na pinkish na labi nito. Wala itong bigote o balbas pero hindi naging kabawasan iyon para masabi niyang isang magandang lalaki si Rohem.
“Pucha! Ang gwapo ng lalaking ‘to. Lalo pa siyang gumagwapo kapag ngumingiti,’ sa isip-isip ni Tattered. Napakagat-labi pa siya nang maalala niya ang pagngiti kanina ni Rohem. Isang beses lang niya iyon nakita pero pakiramdam niya ay tumatak na iyon sa kanyang utak.
Umayos si Tattered sa paghinga niya. Naramdaman naman ni Rohem ang paglundo ng kama dahil sa bahagyang paggalaw ni Tattered. Gusto sana niya itong tingnan ngunit ayaw din niya. ‘Oo na! Para na akong tanga!’ sa isip-isip niya pa.
“Hindi ka ba makatulog?” tanong ni Tattered na nagpalaki sa buka ng mga mata ni Rohem kaya mabilis siyang napatingin sa binata. Bukod sa gulat na nararamdaman ay bigla din siyang kinabahan. ‘Gising si Tattered?’ sa isip-isip pa niya. ‘Alam kaya niya na tinitigan ko siya kanina?’ natatarantang isip niya pa.
“Gising ka?” kinakabahang tanong ni Rohem.
“Naalimupangatan lang,” pagsisinungaling na sagot ni Tattered saka inangat ang kanang sulok ng labi niya. “Ikaw, mukhang hindi ka pa nakakatulog,” sabi pa nito.
Napaiwas nang tingin si Rohem. Huminga siya ng malalim. “Hindi kasi ako sanay na may katabi sa kama kaya hindi ako makatulog,” aniya nang hindi tinitingnan si Tattered.
“Ah, ganun ba?” patanong na wika ni Tattered.
Tumango-tango si Rohem.
“Kung gusto mo lilipat na lang ako ng hotel-”
“Ah hindi na!” Biglang sabi ni Rohem na nagpatigil sa pagsasalita ni Tattered. Kumunot ang noo ni Tattered habang tinitingnan si Rohem na nakatingin na din sa kanya.
Nag-aalinlangang ngumiti si Rohem. “Ah… ang ibig ko lang sabihin… ‘di ba wala ng available na room?” pagdadahilan niya.
Napaisip si Tattered. “Oo nga pala,” sabi na lang niya. Mahina siyang natawa nang maalala ang sinasabi sa kanila ng receptionist kanina.
Pinilit ngumiti ni Rohem. Iniwas niya ulit ang tingin kay Tattered.
“Ang dami nating nainom pero hindi ka kaagad makatulog,” ani na lamang ni Tattered.
Ngumiti lang ng maliit si Rohem habang nakatitig siya sa kisame. Nananatili namang nakatingin si Tattered kay Rohem kaya malaya niyang nakikita ang gilid ng mukha nito.
“Oo nga pala, pasensya ka na sa mga kaibigan ko, lalo na kay Harold. Madalas talaga ay loko-loko ‘yun lalo na kapag nalalasing,” paghingi ng pasensya ni Rohem kay Tattered.
“Okay lang naman,” wika ni Tattered.
“Katrabaho mo pala siya?” tanong ni Rohem kay Tattered. “Kaya ka pala niya kilala,” aniya pa.
“Nagkakasama kasi kami sa mga meetings,” wika naman ni Tattered. “Pero minsan ko lang siya makita dahil hindi naman kami madalas na nananatili sa iisang lugar lang gaya ng ibang magkatrabaho na nasa opisina,” kanya pang sabi.
Napatango-tango naman si Rohem. Alam naman niya kung ano ang klase ng trabaho meron si Harold kaya naiintindihan niya ang sinasabi ni Tattered.
Namayani ang katahimikan sa pagitan ng dalawa matapos nilang pag-usapan si Harold. Gumalaw si Tattered sa kinahihigaan dahil sa nangalay siya. Hindi sinasadya ay nagkadikit ang kanilang mga braso pati na rin ang kanilang mga kamay. May naramdaman sila, kuryenteng hindi nila malaman kung saan nanggaling.
Nagkatinginan sila Tattered at Rohem. Maya-maya ay nagkatitigan na. Kapwa may sinasabi ang kanilang mga mata ngunit hindi naman nila iyon maisatinig.
Bumaba ang tingin ni Tattered at tiningnan ang labi ni Rohem na napansin naman iyon kaya napatikom ito ng labi. Sa totoo lang, kaninang tiningnan ito ni Tattered, naramdaman niyang gusto niyang halikan iyon at namnamin sa kanyang labi. Matagal na rin nung huling makahalik siya ng isang labi ng lalaki, high school pa siya kaya mayroon sa kanya na nasasabik na humalik ulit ng gaya ni Rohem.
Si Rohem naman ay hindi naalis ang tingin sa mga mata ni Tattered. Dumadagundong sa kaba ang dibdib niya na tila gusto nang lumabas sa lungga niya.
Hanggang sa maramdaman na lamang ni Rohem na hinawakan ni Tattered ang kaliwa niyang kamay at bahagya iyong pinisil. Nagkasalubong muli ang kanilang mga tingin. Titig na titig sa mga mata ng isa’t-isa.
Hindi nagtagal ay bahagyang bumangon si Tattered at inilapit ang mukha kay Rohem. Nanlaki ang mga mata ng huli. Halos magkadikit na ang kanilang mga mukha dahil sa sobrang lapit, nagkakadikit na nga ang tungki ng kanilang mga ilong at naaamoy na ang may halong alak na hininga ng isa’t-isa. Mas lalong nanlaki ang mga mata ni Rohem sa sunod na ginawa ni Tattered, hinalikan nito ang labi niya at kasabay nun ay ang tila pagputok ng makukulay na fireworks sa kalangitan.
At sa paghalik na iyon ni Tattered sa labi ni Rohem ay ang pagpikit ng mga mata ng huli at pagbaga ng mainit na apoy sa katahimikan ng gabi.