Bihis na bihis si Rohem at halatang may pupuntahan. Plain white shirt na medyo fit sa katawan niya na pinatungan niya ng maong na jacket ang suot niya pang-itaas at semi-fit pants na kulay khaki naman at kulay puting sneakers naman bilang pambaba. Nakasuot din siya ng itim na shades at mamahaling wrist watch at nakaayos ang medyo maikli niyang buhok na nakababa ang bangs. Galing sa mamahaling brand ang mga suot niya kaya naman hindi maikakaila nang makakakita sa kanya na galing siya sa isang mayamang pamilya. Magaling rin siyang magdala ng damit dahil sa bukod sa kagwapuhang taglay ng maangas niyang itsura, makinis ang maputi niyang balat mula ulo hanggang paa, tama lang ang laki ng maganda niyang katawan at higit sa lahat ay pang-modelo ang kanyang tangkad na umaabot sa five-eleven.
“Saan ka na naman pupunta?”
Napahinto sa paglalakad na parang modelo palabas ng mansyon si Rohem. Lumingon siya sa nagsalita. Ang Kuya Sandblast niya na nakatayo malapit sa bukana ng kusina kung saan ito galing. Nakahalukipkip ang malalaman nitong mga braso habang nakatingin ng diretso sa kanya.
“Kuya, magsuot ka naman ng maayos-ayos na damit. Nasa labas ka kaya ng kwarto mo,” panenermon ni Rohem sa kuya niya at hindi sinagot ang tanong nito sa kanya. Nakasuot ito ng puting sando ito at checkered na boxer short na kulay asul. Humuhubog tuloy ang magandang pangangatawan nito lalo na ang matambok na dibdib at bumubukol pa ang itinatago nitong pag-aari na nasa loob ng boxer na halatang malaki kahit malambot pa. “Kaya ka pinagnanasaan ng mga babaeng kasambahay natin. Tsk! Tsk! Tsk!” dugtong pa na sabi ni Rohem saka iniling-iling ang ulo at pumapalatak pa.
Magandang lalaki si Sandblast. Ang ganda ng balat nito na makinis at pantay ang pagka-puti. Halos magkahawig sila ni Rohem pero kung titingnan, mas brusko ang itsura ni Sandblast habang si Rohem naman ay parang bata na maangas. Mas malaki ang katawan at matangkad rin ang kuya niya na umaabot na ng six-one. Maumbok ang dibdib nito habang siya ay katamtaman lang at may abs ito habang si Rohem ay flat lang ang tiyan at may apat na abs na hindi pa masyadong pormado.
“Huwag mong pansinin ang suot ko at sagutin mo ang tanong ko.” Umismid pa si Sandblast na sinuklay pa pataas ang magulong buhok na maikli lang ang gupit. Bahagyang lumitaw ang medyo malagong buhok niya sa kili-kili dahil sa pagtaas ng kanang braso niya. “Saan ka na naman pupunta? Gabing-gabi na kaya pero kung saan-saan ka pa gumagala,” aniya pa sa nanenermong tono.
Ngumiti ang manipis at natural na mapulang labi ni Rohem. Sa totoo lang ay may pagka-isip bata ito at iyon ang pinoproblema palagi ni Sandblast sa kapatid dahil hindi niya alam kung kailan nito maiisipang mag-mature.
“Gigimik lang naman ako. Ito naman parang walang alam,” nangingiting sabi pa ni Rohem.
“Gigimik ka na naman? Halos gabi-gabi na lang ‘yan. Wala ka bang kapaguran?” pagtatanong pa ni Sanblast. Kuya na kuya ang dating sa nakababatang kapatid na pasaway.
Ngumiti nang malaki si Rohem na nagpalabas sa pantay at maputi niyang mga ngipin. “Wala,” sagot niya saka tumawa.
Napapalatak si Sandblast. “Bakit kasi hindi ka na lang pumasok sa company natin? Ikaw ang mamahala sa isa sa mga kumpanyang meron tayo para naman may pagkaabalahan ka at mapakinabangan mo na rin ang natapos mo sa pag-aaral,” aniya. Business management ang tinapos ni Rohem. Parehas sila ng tinapos dahil iyon ang kailangan nila sa kadahilanang sila ang hahawak sa mga kumpanyang meron sila.
Kinamot naman ni Rohem ang likod ng ulo niya. “Kuya, alam mo naman na wala akong hilig sa negosyo. Saka isa pa… kaya mo na ‘yan. Ikaw pa ba?” nangingiting pambobola niya sa kapatid. “Ikaw kaya ang the great C.E.O.” Lalo pa siyang ngumiti habang nagtataas-baba ang pares ng kilay niya.
Malakas na nagbuga nang hininga si Sandblast habang tinitingnan nang masama si Rohem na nangingiti lang sa kanya. Ramdam na niyang nauubusan na siya ng pasensya para sa kapatid pero hinahabaan niya pa rin para hindi siya magalit ng todo dito. Hangga’t maaari kasi ay ayaw niyang magalit dito baka mas lalo pa itong maging pasaway.
Huminga nang malalim si Sandblast. Pinilit niyang ngumiti. “Rohem, twenty-five ka na so be responsible enough,” wika niya. Dalawang taon ang tanda niya sa nakababatang kapatid. “Hindi ka na bumabata kaya naman iayon mo rin sa edad mo ngayon ‘yung mga ginagawa mo,” panenermon niya pa.
“Kuya naman.” Ngumuso pa si Rohem. “Hayaan mo muna ako,” aniya pa. Huminga siya ng malalim. “Sige ganito na lang, pag-iisipan kong mabuti ang offer mo sa akin. Ihahanda ko lang ang sarili ko pero sa ngayon, hindi ko pa kasi gustong mamahala ng isang kumpanya. Ayokong ma-stock lang sa isang lugar at itago lang sa loob ng apat na pader ng opisina ang kagwapuhan ko,” pagyayabang niya pa. “Gusto ko munang mag-enjoy sa buhay, okay ba?” tanong pa nito saka ngumiti nang malaki.
“Rohem Alexis Del Mundo, huwag mo akong hintaying magalit pa sayo.” May pagbabanta na sa tono ni Sandblast habang nakatitig sa bunso niyang kapatid. “Sa totoo lang, nahihirapan na ako sa pagiging pasaway mo,” aniya pa. Bakas na ang inis sa kanyang boses. Siya na kasi ang tumayong ina, ama at kapatid kay Rohem sa loob ng sampung taon.
Maaga kasi silang nawalan ng mga magulang dahil sa aksidente na kinasangkutan ng mga ito. Silang dalawa na lamang ang pamilya ngayon kaya nga hindi rin siya masyadong mahigpit kay Rohem at sunod din ito sa layaw dahil ayaw niyang pati ito ay mawala. Pwede kasing magrebelde ito oras na paghigpitan niya ito ng todo. Tamang luwag lang ang ginagawa niya pero hindi niya alam kung tama pa ba itong ginagawa niya.
Ngumiti naman ulit si Rohem. “Alam ko,” sagot niya. “Pabayaan mo muna ako. Malay mo, may ma-realize akong maganda sa mga pinaggagagawa ko sa buhay ko,” dahilan pa nito. “Sige Kuya at aalis na ako. Bye!” pagpapaalam na niya saka tumalikod na kay Sandblast at naglakad na palabas ng mansyon.
Nakasunod ang tingin ni Sandblast sa nakababatang kapatid hanggang sa makalabas na ito at hindi na niya ito nakita. Napahinga na lamang siya ng malalim. Hinayaan na naman niya ang kanyang kapatid.
“Haaay! Bakit ba hindi ako manalo-nalo sa pagiging pasaway niya? Kainis! Tsk!” naiinis na bulong ni Sandblast saka ginulo ang buhok niya.
Sa totoo lang, mahal na mahal ni Sandblast ang kapatid niyang si Rohem. Baby brother pa rin ang turing niya kahit na twenty-five na ito.
“Siguro kasalanan ko din talaga kung bakit hanggang ngayon ay pakiramdam ni Rohem ay bata pa siya at dahil iyon rin kasi ang turing ko sa kanya,” paninisi ni Sandblast sa sarili niya. Huminga na lang ulit siya ng malalim.
---
“Papa, anong ginagawa mo?” inosenteng tanong ni Ripped kay Tattered. Nasa sala sila ngayon ng apartment na tinitirhan nilang mag-ama. Parehas silang nakaupo ng pa-indian sa lapag at magkaharap.
Napatigil sa ginagawang pag-aayos at tiningnan ni Tattered ang cute na anak niya. Ningitian niya ito. Day-off niya ngayon kaya naman magkasama silang dalawa sa loob ng kanilang bahay.
“Inihahanda ko ‘yung mga gagamitin mo sa pagpasok sa school. Sa pasukan kasi, mag-aaral ka na,” sagot ni Tattered sa tanong ng anak niya.
“Talaga po, Papa?” Bakas ang tuwa sa boses ng bata. Tumango-tango naman si Tattered.
“Kaya ikaw, ihanda mo na rin ang sarili mo dahil malapit na ang pasukan,” nangingiting bilin ni Tattered kay Ripped.
“Marami po ba akong magiging friends doon?” tanong ni Ripped.
Ngumiti ulit si Tattered. “Oo naman. Marami kang magiging kaibigan doon kasi mabait ka. Isa pa, marami ka ding matututunan na mga bagong bagay,” aniya.
Lumaki naman ang ngiti sa labi ni Ripped. “Ikaw po ba ang maghahatid sa akin sa school? Hindi ko po kasi alam ‘yun,” tanong at sabi pa nito.
Natawa si Tattered. “Oo naman. Ako ang maghahatid palagi sayo,” sabi nito.
“Eh si Mama? Ihahatid rin po ba niya ako sa school?” tanong pa ni Ripped. Bahagyang nawala ang ngiti sa labi ni Tattered. Umiwas siya nang tingin sa anak at ibinalik iyon sa mga gamit na inaayos niya.
“Papa, kailan ba talaga babalik si Mama? Miss ko na kasi siya.” May himig ng lungkot na sabi ni Ripped. Sinabi niya kasi sa kanyang anak na nasa malayong lugar lang si Yen at nagtatrabaho at babalik rin ito. Dahilan niya para hindi rin ito masyadong masaktan at mag-alala pa.
Tiningnan muli ni Tattered si Ripped. Pinilit niyang ngumiti. “Busy kasi si Mama sa trabaho kaya matatagalan pa ang pagbabalik niya. Huwag kang mag-alala dahil babalik siya. Alam kong mahal ka din niya at miss ka na rin niya kaya babalikan ka niya,” aniya pa. Sa totoo lang hanggang ngayon ay hindi niya mapigilang umasa para sa anak.
Ito ang pinakamahirap na bahagi sa pagiging isang single father, ang sumagot sa mga tanong ng anak lalo na kung tungkol sa ina nitong bigla na lang nawala. Mistulang mas mahirap pa kasi sa mga tanong sa pagsusulit ang tanong ni Ripped. Hindi kaagad mabigyan ni Tattered ng tunay na sagot ang mga tanong ng anak dahil hindi niya alam kung ano ba ang dapat isagot.
Hindi lang naman ito ang unang beses na nagtanong si Ripped tungkol sa mama nito pero everytime na magtatanong ito, laging ganoon rin ang nagiging sagot ni Tattered. Babalik rin ito. Alam niyang nagsisinungaling siya at ayaw man niyang magsinungaling pero kailangan. Hangga’t maaari ay ayaw niyang masaktan ang kanyang anak kaya hangga’t nakukuha niya sa kasinungalingang iyon si Ripped, sasabihin niya pa rin ‘yon hanggang sa maging handa ito na tanggapin ang totoo.
Hangga’t maaari din ay ayaw ni Tattered na maramdaman ni Ripped ang kakulangan. Kaya naman kahit mahirap ay ginagampanan pa rin niya ang pagiging isang ina at ama para rito. At the end of the day naman, fulfilling sa pakiramdam niya dahil alam niyang nagawa niya ang kanyang responsibilidad bilang magulang nito kahit na alam din niyang sa pakiramdam ng bata ay hindi siya magiging sapat.
Ayaw ni Tattered na maramdaman ng anak ang naranasan niya noon. Ayaw niyang maramdaman ni Ripped na hindi ito buo katulad niya. Laki kasi siya sa isang broken family. At the age of twelve ay naghiwalay ang kanyang mga magulang. Ang papa niya ay napaaga ang pagkawala dahil sa kumplikasyon sa sakit at dahil na rin sa talagang dinamdam nito ang paghihiwalay nila ng kanyang ina. Ang ina naman niya ay may sarili na ngayong pamilya. Wala na siyang naging balita dito dahil kinalimutan na rin siya nito bilang anak kaya ganoon na rin ang ginawa niya, kinalimutan niya ito bilang ina niya at nagsarili na siya ng buhay.
Kung kani-kaninong kamag-anak nakitira si Tattered. Para siyang isang bolang pinagpasapasahan ng mga ito na hindi alam kung anong tira ang gagawin. Doon niya naranasan ang hirap at matinding awa sa sarili. Tiniis niya ang lahat ng iyon hanggang sa tumuntong siya ng disi-otso anyos. Sa pagtuntong niya ng edad na iyon ay napagpasyahan niyang bumukod na lamang at mamuhay mag-isa. Kung ano-ano ring trabaho ang pinasok niya para matustusan ang mga pangangailangan niya at ang pag-aaral na din. Nagtagumpay naman siya dahil napagsabay niya ang mga iyon at dahil may utak rin naman siya, nakapagtapos siya ng may karangalan.
Huminga nang malalim si Tattered nang maalala niya ang kanyang kabataan. Hindi katulad ng iba ang naging buhay niya noon pero nagpapasalamat siya dahil iyon ang naging dahilan para magsumikap siya at patuloy na bumangon at maging matibay. Kundi rin dahil sa buhay kabataan niyang iyon, hindi niya mararating ang buhay na meron siya ngayon.
“Papa,” pagtawag ni Ripped kay Tattered.
Napatingin naman si Tattered sa anak. Ngumiti siya dahil hindi niya namalayang natulala na pala siya.
“Mm?” ungot ni Tattered.
“Nagugutom na ako,” pa-cute na sabi ni Ripped. Hinimas-himas pa nito ang munting tiyan.
Natawa naman si Tattered. Mukhang nakalimutan na ng anak niya ang mga tanong kanina tungkol sa mama niya.
“Sige at kumain ka na muna,” ani Tattered. “Pero bago ‘yun, tawagan ko muna si Jenny para ipaalala sa kanya na dito siya bukas sa bahay at mag-aalaga sayo dahil may pasok sa trabaho si papa,” pagpapaalam pa niya.
Si Jenny, ang babaeng kapitbahay at kaibigan na rin ni Tattered na siyang nag-aalaga kay Ripped kapag may pasok siya. Dalaga iyon at maganda. Kasing edad niya. Mukhang probinsyana dahil laking probinsya rin. Magkaibigan lang ang dalawa dahil alam rin ni Jenny ang tunay na pagkatao ni Tattered at alam rin nito ang tungkol kay Yen. Binabayaran ni Tattered bilang sweldo si Jenny kahit na ayaw tanggapin ng huli dahil hindi naman pasaway si Ripped at masarap alagaan pero nahihiya si Tattered kaya kahit papaano’y binibigyan niya ito.
Mabilis na tinango-tango ni Ripped ang ulo niya bilang sagot sa sinabi ng papa niya. Ningitian naman ulit ni Tattered si Ripped at hinimas ang tuktok ng ulo nito.