Ponyang's POV
Sakay ng aking bike na si Rayu.
Rayu ang ipinangalan ko sa kaniya dahil maganda sa pandinig. Regalo sa akin ito ni tatay no'ng nine years old pa lang ako at dahil alagang-alaga ko ito hanggang ngayon ay maayos pa rin.
Pupunta akong palengke, inutusan ako ni Nanay na bumili ng malagkit, asukal at niyog kasi may um-order sa kaniya ng biko.
"Oh, kamusta ka na, Ponyang?" tanong sa akin ng suki kong tinderang si Aling Tasing.
Napasimangot ako nang marinig ko ang itinawag nito sa akin.
Hay! Bakit ba palagi na lang Ponyang ang naririnig ko sa kanila?
Parang virus na kumakalat sa paligid ang mabahong palayaw ko. Kapag naririnig ko 'to ay parang gusto kong maasar kay Nanay, tsk!
"Ayos lang po, Aling Tasing," walang ganang sagot ko.
"Mamayang hapon may mamimigay ng mga groceries sa plaza pumunta ka, ha. Sayang din 'yon," ani Aling Tasing habang inihahanda ang mga binili ko.
"Talaga, ho?"Nagnining ang mga mata ko sa narinig.
Tumango-tango ito. "Mukha ba akong sinungaling?" tanong niya sa'kin.
"Medyo po," pabirong sagot ko.
Pinanlakihan ako ng mga mata ni Aling Tasing kaya napaatras ako sabay peace sign.
"Ikaw talagang bata ka!" bulyaw nito sa akin.
"Joke lang po, kayo naman! Sige po, Aling Tasing, mauna na po ako, kita na lang tayo sa plaza mamaya."
_
"Oh, saan ka pupunta, Ponyang?" tanong sa akin ni Nanay. Kasalukuyang naghahalo ito ng malagkit sa malaking kawa.
Kakamot-kamot ulong lumapit ako rito.
"Nay! Pwede po bang si Sandara muna ang tumulong sa inyo sa pagsasalin niyang biko sa mga bilao?"
Kunot noong bumaling ng tingin si Nanay sa akin."Bakit saan ang punta mo?" tanong pa nito.
"Sa plaza po, Nay. Pipila ako do'n, may mga volunteer daw mula sa isang foundation na mamimigay ng mga groceries, sayang din naman 'diba?"
Bigalang umaliwalas ang mukha ni Nanay.
"Ganun ba? Sige, bilisan mo na para mauna ka sa pila."
"Huh! Ito talagang si Aling Gina basta libre walang palalampasin," pabulong na sabi ko.
"May sinasabi ka ba, anak?" tanong nito sa akin.
"Hehehe! Wala po, Nay. Ang sabi ko aalis na po ako para mauna ako sa pila," alanganing sagot ko.
Dinala ko na si Rayu para mas mabilis akong makarating sa plaza.
Itinodo ko ang pagpe-pedal ng biglang huminto ang truck na nasa harapan ko, huli na para makapag-preno pa ako kaya naman bumangga ako sa malaking truck at tumilapon ako sa loob niyon.
"Waaaaaaa...!" malakas na tili ko.
Isa pala itong truck ng basura.
Bumagsak ako sa mga plastic na punong-puno ng basura. Nagkalat ang mga iyon at ang iba ay sumaboy sa mukha, ulo at buong katawan ko.
Iinat-inat na umupo ako nabalian ata ako ng balakang.
"Pwe... pwe...!"
Grabe, may pumasok pang balat ng saging sa bibig ko .
Pinalis ko ang mga basurang kumapit sa aking katawan.
"Eeew... Ang baho!"
Waaaaaa...! Ang baho-baho ko na.
Tatayo na sana ako nang maagaw ng aking atensyon ang isang kumikinang na bagay na nakalagay sa plastic na itim kasama ng iba pang mga basura. Agad kong kinuha iyon at ng sipatin ko ay isang kwintas. Kulay silver na kwintas na may palawit na puso na napapaligiran ng kumikinang na mga bato at sa likod ng palawit na iyon ay may nakaukit na initials CTV.
Nagningning ang mga mata ko.
Ang ganda-ganda niya.
Akin na lang ito, itinapon na kaya ibig sabihin no'n ay wala ng may ari nito, kaya p'wede ko na siyang kunin. Agad ko itong inilagay sa aking bulsa at dalidali akong tumayo para makababa ng truck.
"Ne, ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Manong sa akin na isa sa mga sakay ng truck, inalalayan ako nito para tuluyang makababa.
"Ah, okay lang po ako," sagot ko.
"Sigurado ka? Bigla ka na lang kasing sumalpok sa amin hindi ka ba nabalian?" naniniguradong tanong nito.
"Okay lang nga po ako!" medyo inis nang sagot ko. Ito talagang si manong ang kulit.
Kaya naman ng makababa ako ay nag stretching ako, nag may toes, my knees, my shoulder my head pa ako. Magpu-push up pa nga sana ako kaso pinigilan na ako ni manong. Sayang ganado pa naman akong mag push-up ngayon. Sa tingin ko kaya kong maka-bente.
"Okay. Sige, naniniwala na ako," sabi pa nito na iiling-iling.
Bigla namang naalala ko ang aking bike kaya nataranta ako.
"Si Rayu po ba nakita n'yo? Ayos lang kaya siya?" Nagpalinga-linga pa ako sa paligid.
"Sinong, Rayu? Wala naman akong napansing kasama ka nang tumilapon ka d'yan sa loob ng truck," takang tanong ni manong.
"Si Rayu po, yung bike ko."
"Ah, bike pala 'yon. Ayos, ah may pangalan pa," natatawang sabi nito pero hindi ko iyon pinansin dahil abala ako sa paghahanap kay Rayu.
"Asan ka na, Rayu?" naiiyak na sabi ko, parang gusto ko ng maglupasay .
"Ito ba?" Napatingala ako ng may marinig na boses.
Si Manong driver ng truck bitbit si Rayu.
Napatili ako sa sobrang tuwa, "Kyaaaaaah...!"
Sinugod ko si manong at agad kong niyakap si Rayu.
"Buhay ka! Salamat at hindi ka nasaktan." Pinaghahalikan ko ito sa labis na kasiyahan.
Ang tibay talaga ni Rayu.
__
"Ano ba 'yan ang baho naman!" reklamo ng aleng mataba na nasa likuran ko, nagtakip pa ito ng ilong.
Ngumiti ako nang pilit dito dahil ang sama ng tingin nito sa akin ng lingunin ko ito.
Hindi ko na nagawang umuwi pa ng bahay para maligo at magbihis kaya kahit alam kong mabaho ako at marumi tiniis ko na lang at kinapalan ang mukha ko. Sumali ako sa mahabang pila.
Galing sa Little Angels Home Foundation ang mga volunteer na namimigay ng groceries napili ang aming baranggay na masuwerteng bigyan ng mga bigas at groceries. May mga kasama ring mga damit at kumot.
"Ate!" tawag ko sa ale na nasa harapan ko.
"Bakit?" Nilingon ako nito.
"Sino ang mga 'yon?" tanong ko rito na itinuro sa pamamagitan ng aking nguso ang dalawang gwapong lalaki na namumula ang mga kutis. Ang ga-gwapo, parang mga artista 'yong isa ay sobrang puti at nawawala pa ang mga mata kapag ngumingiti.
Kyaaahhhh...!
Ang cute-cute niya at mukhang friendly.
Napabaling ang tingin ko sa kasama nitong napaka seryoso ng mukha, hindi ngumingiti pero napaka gwapo parin naman. Para siyang prinsipe sa isang fairy tale na naging tao.
Waaa... Ang gwapo-gwapo talaga niya.
"Ah, sila ba? Hindi mo kilala? Anak ng presidente ng bansa natin hindi mo kilala? Hindi kaba nanunuod ng tv o nagbabasa ng diyaryo, wala ka bang social media accounts?" sarkastikong tanong nito.
Hala si ate! Ano kaya ang pinagsasabi nitong social media accounts? TV nga wala kami social media accounts pa. Paano ako magkakaroon no'n wala nga akong pang hulog? Dapat may pera ka kapag mag o-open ng account 'diba? Kaya imposibleng magka-social media account ako.
"Wala po akong account! Mag o-open pa lang kapag nakaipon na ako," sagot ko sa tanong nito .
Tiningnan lang ako ni ateng masungit mula ulo hanggang paa, pilit naman akong ngumiti rito tapos ibinaling ko uli ang tingin ko do'n sa dalawang gwapong lalake. Ang sarap kasi sa mata ng itsura nila. Nang nagpasabog ng kagwapuhan parang gising na gising sila tapos ang dala-dala nila ay malaking drum kaya nasalo nilang lahat.
Sa wakas ako na ang susunod. Sa hinaba haba nang pinila ko ay nakarating din ako sa unahan. Natapat ako do'n sa cute na cute na lalake, mas cute pa pala siya sa malapitan.
Wahaahaha!
Ang suwerte ko naman talaga dahil nakangiti siya sa akin.
"Hi!" sabi nito na nawala ang mga mata sa pagkakangiti.
"Hi, rin!" nahihiyang sagot ko.
"Ito para sayo," sabi nito sabay abot sa akin ng isang plastic bag na may laman na sa tantiya ko ay mga limang kilong bigas.
"Wait lang, ha!" sabi nito na naglakad patungo do'n sa gwapong lalake na mukhang prinsepe sa fairy tale na naging totoong tao. May ibinulong ito roon at tumango- tango naman ito maya'y lumakad papalapit sa akin.
Kyaaaaaaaaahhhhhh...
Sobrang g'wapo niya talaga!
Kahit hindi siya na-ngiti magandang lalake pa rin.
Nangunot ang noo nito. "What happened to you?" Iyon ang tanging nasabi niya nang makita ako. Hindi ko maipinta ang itsura niya.
Tsk! Ano kayang itsura ko? Hindi ko pa nakikita sa salamin mula ng umahon ako sa truck ng basura.
"Huh, bakit ano ba'ng itsura ko?" balik tanong ko rito.
Umiiling lang ito.
"Nothing it's just that you look so weird!" Dumilim pa ang mukha niya na para bang dismayado sa itsura ko.
"Weird?" bulalas ko.
Sige nga ano 'yung weird? Hay, ano ba kasi ang weird sa akin? Masyado naman itong lalake na'to. Maka-weird wagas! Kakaiba lang ang itsura ko, nag-iisa lang kasi ang kagandahang ito. Unique ang beauty ko, noh.
"Yes... Weird! Have you ever seen your self in the mirror?" tanong nito.
Tsk... Mirror naman ngayon. Bakit ko pa titingnan, eh ganun pa rin naman ang makikita ko? Hindi naman ako nagparetoke, bakit pa kailangang manalamin?
"Sir pogi! Wag mo na po akong interview-hin ibigay n'yo na lang po ang groceries ko. Ang haba na nang pila, oh! Naiinip na sila. Masyado nang matagal ang exposure ko."
Kahit gusto ko pang titigan ang mukha nito ay 'wag na lang, kaasar, eh. Kung makatingin sa akin akala mo ngayon lang nakakita ng maganda.