Ponyang's POV
Magdadalawang linggo narin akong nagta-trabaho sa Cakes and Coffee at masasabi kong nagugustuhan ko ang trabaho ko rito. Kahit na papaano ay nakakasundo ko narin ang mga kasama ko sa trabaho, kagaya ni Miss Sungit na nakilala kong si Unni, si Mac na isa sa mga crew na nakagaanan ko na rin ng loob. Ang boss naming si Poging Ice ay hindi pa nagagawi rito sa coffee shop. Ang huli kong kita sa kaniya ay 'yong in-interview niya ako, ang sabi ni Unni nagbakasyon daw ito sa Colorado dahil doon daw ang home town ng daddy nito. Ang totoo nga palang pangalan ni Poging Ice ay Icell Evans pero mas gusto niyang tinatawag siya na Ice. Ang mommy niya na si Cristina Evans ay Vice President ng bansa.
Araw ng Linggo ngayon at day off ko sa trabaho wala si nanay sa bahay dahil rumaket na naman. Nag-extra na naman ito sa pelikula nila Jeff Escarlon at Chloe Montenegro. Si Sandara naman ay ewan ko kung saan nagpunta pero mas okay na 'yon walang maingay.
Nasa loob ako ng aking kuwarto at uumpisahan ko na sanang mahiga para matulog. Ala una na ng hapon at nakaramdam ako ng antok nang bigla akong magulat sa kalabog na nanggagaling sa labas kaya dali-dali akong napabangon.
"Waaaah! Ateeee...!" ngawa ni Sandara.
Nang makalabas ako ng kuwarto ay nakita ko ito sa aming sala na may kasamang tatlong lalaki na nakasuot ng coat and tie na itim.
"Oh! Bakit may kasama kang men in black?" takang tanong ko rito.
"S'ya... s'ya yung sinasabi kong ate ko! Sige mga kuya hulihin n'yo na s'ya."
Nagpalipat-lipat ang tingin ko kay Sandara at sa men in black.
Ano raw?
Ako, huhulihin!
Bakit, anong kasalanan ko?
"Anong pinagsasabi mo d'yan, Sandara?" naguguluhang tanong ko.
"Ah... s'ya naba 'yon? Halika na!" sabi ng isang men in black.
"Ano po ba ang nangyayari?" Gulong-gulo na talaga ako.
"Men, get her!" Utos nang isang men in black, kaya naman agad na sumunod ang mga ito. Ang isa ay hinawakan ang kabilang braso ko at hinila nila ako palabas ng aming bahay.
"Hoooy! Sandara, ano ba'ng nangyayari, ha?" sigaw ko habang hatak-hatak ako nang dalawang men in black. Nakalabas na kami ng bahay at nakikita ko nalang si Sandara na nakasilip sa aming bintana.
"Wait lang po mga kuya!" pakiusap ko do'n sa dalawa, tumigil naman ang mga ito at agad akong bumaling kay Sandara na nananatiling naka silip sa may bintana.
"Babye, Ate! Huwag kang mag-alala dadalhan kita ng banig at kumot sa presinto, ikamusta mo nalang ako kay Bertong Palakol kapag nakita mo siya sa kulungan." Nakangising kumaway-kaway pa ito sa akin.
Ano raw? Si Bertong Palakol, ba?
Yung war freak dito sa lugar namin na tuwing nalalasing ay nagwawala, laging may sukbit na palakol at naghahamon nang away. No'ng isang araw lang iyon nakulong kasi mayroon itong natagang kainuman.
Waaaaah!
Ano ba ang nagawa ko at makukulong ako?
"Hoy! Sandara, pagdating ni nanay sabihin mo maghanda ng pampiyansa, ilabas niyo ako sa kulungan, ha!" utos ko rito.
"Okay, Ate. Mag-ingat ka do'n, ha! Pakabait ka para mabigyan ka agad ng parol ni President Vander. Go ate, kaya mo yan!" pag che-cheer pa nito sa akin.
Tsh! Siraulo ba 'tong kapatid kong 'to? Bakit parang tuwang-tuwa pa siya na makukulong na ako?
_
"Ah-eh! Mga kuya, sa'ng presinto n'yo ba ako dadalhin? Ano po bang kaso ko?" tanong ko do'n sa katabi kong men in black na nakaupo sa back seat.
"Kaso? Presinto? Ano ba'ng pinagsasabi mo d'yan? Do'n ka namin dadalhin sa Vander Mansion gusto kang makausap ng first gentleman. Akala ko weird na 'yong bata kanina, mas weird pa pala itong ate n'ya." Natatawang binalingan nito ang dalawang kasama na nasa harapan ng kotse.
"Oo nga, grabe, yung acting nilang magkapatid sa labas ng bahay nila kanina pang OSCARS," sabi nang men in black na nagda-drive.
"Hahaha!" malakas na tawa ng tatlo.
Tsk! Ako pa talaga ang pinagtawanan. Mas nakakatawa nga sila kay init-init nakasuot ng amerikana.
"Sino po 'yong, first gentleman?" tanong ko.
"Hindi mo kilala ang first gentleman? Ang first gentleman ay ang asawa ng presidente?"
Hmp! Malay ko bang first gentleman pala ang tawag sa asawa ng presidente.
Teka...Asawa ng presidente?!
"Naku, mga kuya! Sobrang laki po ba ng kaso ko at asawa na ng presidente ang kakausap sa akin. Wala naman po akong maalalang kasalanan na nagawa ko, bukod po do'n sa__" Napatutop ako sa aking bibig.
Oooops! Dapat ko bang sabihin 'yon?
Kapag sinabi ko ay baka lalong lumaki ang kaso ko.
"Bukod sa ano!" tanong ni kuyang men in black na nakaupo sa passenger's seat.
"Naku... Wala po!" Sunod-sunod na iling ko.
Tumingin sa akin si kuyang katabi ko sabay ngisi.
"Sabihin mo na, makakatulong 'yan para gumaan ang kaso mo," pamimilit nito
"Talaga po?" tuwang tanong ko pumihit pa ako paharap dito at pinagdugtong ko ang dalawa kong hintuturo.
"Oo!" sabi ni kuyang driver na para bang napipigil na huwag tumawa.
"Sige po kahit nakakahiya kung makakagaan ito ng kaso ko sasabihin ko na."
Huminto muna ako at huminga nang malalim bago bumuwelo.
"Sabihin mo na." Nag-chorus pa ang tatlo. Parang inip na inip ang itsura ng mga ito.
Okay, sige. Mapilit sila, eh.
"Kasi po kahapon do'n sa coffee shop na pinagtatrabahuhan ko habang nagse-serve ako do'n sa dalawang mag-syota ng order nila hindi ko napigilang mautot. Hindi ko talaga sinsadya 'yon mga, kuya. Hindi ko lang napigilan, akala ko hindi nila mahahalata dahil wala namang tunog, eh. Ang kaso nangamoy. Kahit tinanong nila ako kung ako ba ang umutot ay hindi talaga ako umamin. Nireklamo po ba nila ako ng air pollution kaya may kaso ako ngayon? Sabi ko na nga ba, eh dapat talaga tumae muna ako bago pumasok sa trabaho."
Napakunot ang noo ko nang humagalpak sa tawa ang tatlo ng matapos kong ikuwento ang kasalanang nagawa ko.
Ganun? Napakaseryoso ko habang nagkukuwento tapos pag tatawanan lang nila ako. Ang sama nila!
Tsh... Siyempre ayoko ng sabihin iyon baka madagdagan na naman ang kaso ko mahirap na, kailangan kong i-zipper ang bibig ko.
Nanahimik na lang ako habang nanunulis ang nguso dahil hindi pa rin sila tumitigil sa kakatawa.
Goodbye world na talaga pagkatapos nito, diretso kulungan na ako. Akala ko pa naman matutupad ng pangarap kong makapag college.
Natigil ako sa pagmumuni-muni nang makita kong pumapasok sa loob ng malaking gate ang kotse na sinasakyan namin.
Wow! Grabe totoo ba ito?
Para akong nasa palasyo.
Sobrang laki ng bahay, tapos napakaraming men in black sa paligid.Idinikit ko ang mukha ko sa salaming bintana ng sasakyan para makita ko ng husto ang kabuuan ng lugar.
"Bumaba ka na!" utos sa akin ni kuya, nag patiuna na itong lumabas ng kotse at sumunod naman ako rito.
Isa ... dalawa... tatlo...
Tsk... Ang dami talagang men in black. Matitikas ang tindig ng mga ito na nakakalat sa buong paligid. Nang bilangin kong lahat ay nasa bente sila.
"Sino po ba nakatira rito bakit ang dami n'yong men in black?" tanong ko kay kuya habang kinakalabit ko ito.
Lumingon naman ito sa akin.
"Ang first family, sino pa ba?"
"First family! Ano po 'yon?" inosenteng tanong ko.
"Hay naku! Ang dami mong hindi alam! Allien ka ba? Maghintay ka na lang mamaya makikilala mo rin sila."
Nanahimik na lang ako at sumunod kay kuya.
Tsh! Parang palasyo talaga, ang daming mga nakaunipormeng kasambahay, lagpas bente.
"Nasasanay ka ng magbilang, kanina ka pa, ha!" sita sa akin ni kuyang men in black.
Sa gulat ko agad kong itinago ang hintuturo ko sa aking likuran, mahirap na baka putulin ni kuya, mayroon pa akong hindi nabibilang sa loob, eh! Siguradong marami pang tao naka-uniporme sa loob.