"Tita Bakeks... hindi mo naman sinabi sa akin na napakaguwapo pala ng kapitan ninyo sa barangay na ito!" sambit ni Zora nang matapos siya sa kaniyang gawain.
"Maharot ka ring babae ka! Hindi naman kasi talaga siya ang kapitan ng barangay na ito. Dapat nga siya ang maging mayor sa lungsod na ito kasi mayor ang daddy niya. Pero ayaw niya. Siguro ayaw niya ng maraming gagawin kaya kinausap niya ang kapitan sa barangay na ito para makipagpalit. Hindi ko rin alam kung paano niya nagawa iyon eh. Pero siguro dahil makapangyarihang tao naman sila, nagawa niya. Pero ang alam ko, saglit lang din sa puwesto bilang mayor ang dating kapitan ng barangay na ito..." pagkukuwento ni aling Bakekang.
Umarko ang mata ni Zora. "Ay ganoon po ba? Bakit daw saglit lang?"
"Syempre, may tamang proseso talaga diyan. Hindi naman kasi puwedeng biglang talon lang ng wala man lang boto ng mga tao. Na mula sa kapitan biglang maging mayor. Kaya ayon sa kanila, saglit lang magiging mayor ang dating kapitan ng barangay na ito. Sobrang saya ng mga tao na si kapitan Brandy ang naging kapitan dito dahil mayaman sila. At talagang naglalabas siya ng sariling pera para magamit sa pagtulong..."
Namilog naman ang mata ni Zora dahil sa pagkamangha. "Ibig sabihin, talagang mabait si kapitan Brandy?"
"Aba oo! Napakabait ng daddy niya. Iyong dating mayor. Namatay kasi ito kaya kailangan ng papalit. Eh kagaya nga ng sinabi ko, ayaw ni kapitan Brandy na maging mayor. Ayon na nga, kilala ang pamilya nila sa iba't ibang lungsod kasi nga mabait sila. Sa pagkakaalam ko nga, nasa edad thirty five na iyang si kapitan Brandy pero wala pa ring nagiging nobya. Ang gusto niya kasi ay iyong anak ni Governor Julius. Napakaganda ng babaeng iyon pero hindi naman siya gusto. May ibang gusto iyong babae..."
"Ay... kawawa naman pala si kapitan Brandy. Hindi siya gusto ng taong gusto niya. Siguro dapat maghanap na lang siya ng iba. Puwedeng ako na lang ganon, ," suhestiyon ni Zora sabay tawa.
"Loka! Magtigil ka nga diyan, pamangkin! Magpahinga ka na dahil maaga pa tayo magigising bukas. Sasmahan mo ako mamalengke," suway ni aling Bakekang sa kaniyang pamangkin.
Mahinang natawa si Zora bago nagtungo sa kaniyang kuwarto. Laking pasasalamat niya dahil kinupkop siya ng kaniyang tiyahin. Masama ang loob niya sa kaniyang ina dahil sa kabila ng ginawa ng kinakasama niya, imbes na hiwalayan ay pinatawad niya pa ito. Kaya talagang lumayas si Zora sa kanila at nakisaup sa kaniyang tiya Bakekang na doon na lang siya.
Second year college na sana si Zora ngunit natigil lang sa pag - aaral dahil sa tinamad na siya. Wala rin namang pakialam sa kaniya ang kaniyang ina. Mas may pakialam pa nga ito sa tarantado niyang ama - amahan.
Nang mahiga sa kaniyang kama si Zora, nakatulog din siya kaagad. Kaya naman maaga siyang nagising upang samahan sa palengke ang kaniyang tiyahin. Kahit ulam ang kanilang itinitinda, maaga silang nagluluto dahil marami ang naghahanap kaagad ng kanilang tindang ulam.
"Tita Bakeks, kailan ulit dadalaw dito si kapitan? Gusto ko po siya ulit makita..." pilyang sabi ni Zora.
Pinandilatan ni aling Bakekang ang kaniyang pamangkin. "Tumigil ka nga diyan sa kaharutan mo! Kukurutin ko 'yang t inggil mo! Oo alam kong guwapo si kapitan kaso bawal kang magkagusto doon dahil masasaktan ka lang."
"At bakit naman po?"
"Dahil hindi ka naman papansinin no'n. Walang ibang maganda sa paningin ni kapitan Brandy kun'di ang anak ni governor. Iyon lang at wala ng iba. Kahit ilang beses na nga iyong na- basted, hindi pa rin niya sinusukuan iyong babae..." mala - chismosang pagkukuwento ni aling Bakekang.
Namilog ang mata ni Zora. "Talaga po? Ibang klase pala kung magmahal si kapitan! Ayos lang naman na maging crush ko siya. Para ganahan akong magtinda dito. Crush lang naman po, tita. Inspirasyon lang sa buhay."
Inirapan ni aling Bakekang si Zora. "Ewan ko sa iyo. Matanda ka na."
Natawa na lamang si Zora at tinulungan na sa paggagayat ng mga gulay ang kaniyang tiyahin. May sahod naman siya kahit papaano sa kaniyang pagtatrabaho at iyon ay iipunin niya para mabili ang gusto niya. Ang balak niya ay mananatili lang ng isa hanggang dalawang taon sa kaniyang tiyahin. At kapag nakaipon na siya, magpapaalam na siya para makahanap ng mas magandang trabaho.
SAMANTALA, mabilis ang lakad ni Brandy upang habulin si Cathy. Hinawakan niya ito sa pulsuhan at galit itong humarap sa kaniya.
"Ano ba? Bobo ka bang talaga? Hindi ka ba makaintindi na hindi kita gusto?" galit na sambit ni Cathy.
Maamong tupa na nakatingin si Brandy sa dalaga. "At iyong gusto mo na ayaw naman sa iyo? Habol ka nang habol nagmumukha ka ng tanga."
"Eh bakit ikaw hindi ka ba mukhang tanga kahahabol sa akin? Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na ayoko sa iyo? Tigilan mo na ako, Brandy dahil kahit ano pa ang gawin mo, hindi kita magugustuhan. Kaya kung puwede lang, mawala ka na sa landas ko. Wala ka namang magandang naidudulot sa akin. Panira ka lang ng araw."
Mabilis na naglakad palayo si Cathy at naiwan namang tila pinagbagsakan ng langit at lupa si Brandy. Masakit para sa kaniya ang sinabi ni Cathy ngunit hindi naman niya maalis sa kaniyang puso'r isipan ang dalaga.
Malungkot na bumalik sa kaniyang opisina si Brandy. Tila wala siyang ganang magtrabaho. Hanggang sa sumapit na ang gabi, kahit wala siyang ganang kumilos, sumama pa rin siya sa pag - iikot sa kanilang barangay upang sawayin ang mga lumalabag sa curfew hours. Sakto namang nasa labas si Zora nang makita niya si kapitan.
"Uy kapitan! Magandang gabi po!" magiliw na sambit ng dalaga.
Seryosong nakatingin lamang si Brandy sa dalaga. "Gabi na. Pumasok ka na sa loob."
Kumunot ang noo ni Zora. "Po? Eh 'di ba po pang teen lang ang curfew hours? Matanda na po ako, kap. Twenty three na po ako. At saka nagpapahangin lang naman po ako saglit."
Tumikhim si Brandy. "Bahala ka. May aswang pa naman na gumagala dito tuwing gabi. Ikaw din. Patay ka."
Nanlaki ang mga mata ni Zora. "Po? Aswang? Sabi ko nga papasok na ako! Bye, kap pogi!"
Natawa ng mahina si Brandy dahil muntik pang madapa ang dalaga sa kamamadali nitong pumasok sa loob ng bahay. Napailing na lamang siya bago pinaandar ang kaniyang sasakyan.