"Ano ba naman ang pumasok sa isip mo, kuya para makipagpalit ng puwesto? Mayor si daddy sa lugar na ito tapos kinausap mo pa si Mr. Diego para makipagpalit ng puwesto sa kaniya bilang kapitan? Bakit? Bakit ayaw mong maging mayor?" hindi makapaniwalang tanong ni Yuan sa kaniyang kuya Brandy.
Bumuntong hininga si Brandy. "Ayokong maging mayor. Kailangan ko pang hawakan ang buong city. Mabuti pa ang isang kapitan, isang barangay lang ang hawak niya. At iyon lang ang gusto ko. Ayoko ng maraming isipin... ng maraming responsibilidad."
Napakamot ng ulo si Yuan. "Sigurado ka ba diyan, kuya?"
"Oo naman. Bakit hindi? Mukhang masaya namang maging kapitan. Pangangalagaan ko at pananatilihin ang kapayapaan sa barangay natin..." mabilis na sagot ni Brandy.
Sa probinsya ng Leyte, kung saan sa barangay Tutan lumaki ang pamilya ni Brandy. Kilala ang pamilya Tan sa lugar na iyon dahil likas na mabait ang yumaong ama nina Brandy at Yuan. Naunang namatay ang kanilang ina dahil sa isang malubhang sakit. At isang taon lang ang lumipas, tila ba sumunod ang kanilang ama sa kanilang ina. Kaya naman nang mawala ang kanilang ama, kinailangan ng papalit sa kaniyang puwesto bilang mayor.
Ngunit ayaw namang maging mayor ni Brandy dahil ayaw niyang maging abala at maraming iniintindi. Si Yuan naman ay hindi hilig ang politika. Kaya naman kinausap ni Brandy ang kapitan ng barangay Tutan upang magpalit sila ng puwesto. Wala namang naging problema dahil hindi naman kumontra ang mga tao sa lugar nila.
"Pero sigurado ka na ba na magiging kapitan ka talaga ng barangay natin? Eh 'di ba may mga proseso pa iyan? Hindi puwedeng basta na lang kayo magpapalit ng puwesto..." nangangambang sabi ni Yuan.
Nginitian siya ni Brandy. "Ako na ang bahala doon."
Tumango na lamang si Yuan. Sa isip niya, palagi namang nagiging posible ang lahat sa kuya Brandy niya. Minsan nga ay napapaisip siya kung ano ba ang ginagawa ng kuya niya para makuha o masunod lahat ang gusto nito.
Bumuntong hininga si Brandy. Tiningnan niya ang kaniyang cellphone upang basahin ang message doon bago nagtungo sa kaniyang sasakyan upang magpunta sa barangay. Malawak ang ngiti ng kababaihan doon nang makita siya. Laglag ang mga panga nito. Isa rin sa dahilan kung bakit walang kontra sa pagiging kapitan niya sa barangay Tutan ay dahil maraming babae ang nababaliw sa kaniya at isa pa, alam ng mga doon na marami silang magiging benepisyo. Mapagbigay si Brandy at marami itong pera na ginagamit niya upang makatulong sa mga tao doon.
"Nagpaguwapo niyo naman talaga, kap! Makita ko lang kayo ay busog na ako!" pabirong sabi ni kagawad Elsa.
Natawa na lamang si Brandy bago nagtungo sa kaniyang opisina.
Agad niyang binasa ang mga dokumento sa kaniyang mesa. Nabalitaan niya na mayroong mahirap pamilya sa kaniyang barangay kaya naman tinawagan niya ang sekretarya doon upang maghanda ng donasyon para sa pamilyang iyon.
"Pagtulungan ninyong i- pack ang mga donasyon na ibibigay natin sa pamilyang kapus- palad. Kailangan natin silang tulungan dahil sa pagkakaalam ko, halos isang beses na lang sila sa isang araw kumain. Gagawa rin ako ng paraan para magkaroon ng trabaho ang mga taong puwede ng magtrabaho sa pamilya nila. Para naman may mapagkukunan sila at kita kahit papaano..." sambit ni Brandy sa kaniya sekretarya ng barangay na iyon na si Josie.
"Masusunod po, kapitan..." tugon ni Josie.
Muling itinuon ni Brandy ang kaniyang mata sa mga dokumentong hawak niya. Aasikasuhin niya rin ang tamang pagba- budget ng pondo sa kanilang barangay kung saan kailangang magamit niya ito ng tama. At kung kukulangin man, magbibigay siya ng galing sa kaniyang bulsa. Dahil sa totoo lang, hindi naman talaga niya kailangan ng sahod pa sa barangay na iyon. Gusto niya lang tulungan ang mga tao doon lalo pa't mataas ang tingin ng mga ito sa kanilang pamilya.
Hinahangaan ang pamilya nila dahil talaga namang napakabuti ng kanilang yumaong ama.
"Kapitan Tan... mamayang gabi po ay tapos na kami dito. Bukas po ba natin ng maaga ito ibibigay sa kanila?" tanong ni Josie.
"Oo bukas... maaga akong pupunta dito," tugon naman ni Brandy.
Pagsapit ng hapon, umalis na sa barangay na iyon ang binata dahil may kailangan pa siyang gawin. Bumalik na lamang siya doon kinabukasan ng alas otso ng umaga.
"Wow! Maraming salamat po, kapitan Brandy! Napakabuti niyo po talaga manang - mana po kayo sa inyong ama!" masayang sabi ng matandang babae.
"Salamat po sa inyo aming napakaguwapong kapitan ng barangay na ito! Sobra po kaming nagpapasalamat dahil kayo ang kapitan namin!" sabi naman ng isang babae.
Ngiti lamang ang sinasagot ni Brandy sa mga tao doon. Masaya siya na nakatulong siya sa mga nangangailangang. Binisita niya rin ang ilog sa kanilang barangay. Nakita niyang medyo marumi iyon kaya naman magbibigay siya ng pinansyal sa mga taong maglilinis sa nasabing iyon.
"Kapitan Brandy! Baka nagugutom na po kayo. Tanghali na rin kasi may alam po akong masarap na kainan dito. Ang karinderya ni aling Bakekang!" wika ni Jensy na siyang SK chairman sa kanilang barangay.
Tumango si Brandy. "Sige... halika na nang makakain na tayo."
Hindi maarte sa pagkain si Brandy. Walang kaso sa kaniya kung sa karinderya man siya kakain dahil ganoon ang kaniyang ama. Mas gusto pa nga nito na sa mga simpleng kainan lang kumain kaysa sa mamahaling restaurant. At ang halos lahat ng mabuting ugali ng kaniyang ama ay nakuha ni Brandy.
"Aling Bakekang! Kasama ko po si Kapitan Brandy! Kakain po kami dito!" wika ni Jensy.
Namilog naman ang mata nang matandang babae sa gulat. "Oh my! Ang napakaguwapo naming kapitan! Ano po ang gusto niyong kainin, kapitan? Mamili lang po kayo ng ulam diyan."
Nagsimula ng pumili si Brandy ng kaniyang uulamin. Kare - kare at pritong tilapiya ang kaniyang napili. Iyon ang paboritong ulam nilang mag - ama.
"Pamangkin! Zora! Pagsilbihan mo nga ang napakaguwapong kapitan sa barangay nating ito pati na si SK!" sigaw ni aling Bakekang.
Ilang minuto pa ang lumipas, lumabas ang isang magandang dalaga. Namilog ang mata ni Jensey nang makita ito. Mabilis ang kilos ng dalaga. Napatingin naman si Brandy sa dalagang iyon.
"Okay na po, tita. Maghuhugas na po muna ako ng mga plato," wika ni Zora bago bumalik sa kusina.
"Aling Bakekang, sino po iyong magandang dalaga? Ngayon ko lang siya nakita sa tagal ko ng kumakain dito," tanong ni Jensy.
"Ay pamangkin ko iyon. Si Zora. Kinupkop ko na. Ang kupal ba naman kasi ng ama - amahan niya! Muntik na siyang gahasain! Ewan ko rin sa kapatid kong ito, hindi maiwan ang lalaki! Mapapahamak na lang ang anak niya eh! Anak kasi iyon sa pagkadalaga ng kapatid ko. Naawa naman ako kaya sabi ko, dito na lang siya. Tutal wala na akong kasama dito dahil may pamilya na ang dalawang pinsan niya," pagkukuwento ni aling Bakekang.
Tumango - tango si Jensy. Habang si Brandy naman ay sinilip ang dalaga sa kusina na tanaw mula sa kanilang kinauupuan. Pawis na ang noo nito habang abala sa paghuhugas ng plato at kaldero. Napansin naman ni Zora na parang may nakatingin sa kaniya kaya tumingin siya sa gawi ni Brandy kung saan nagtama ang kanilang paningin.
Napalunok ng laway si Brandy habang si Zora naman ay agad na nag - iwas ng tingin. Hinawakan ni Zora ang kaniyang dibdib dahil biglang bumilis ang t***k ng kaniyang puso.
Ano ba naman ang puso kong ito biglang naghumirintado! Ang guwapo naman kasi ng kapitan na iyon! Kalma lang, Zora... kailangan kong maging kalmado at hindi puwedeng maging maharot dahil baka kurutin ni tita Bakekang ang singit ko!
Muling itinuon ni Zora ang kaniyang atensyon sa paghuhugas. Habang si Brandy naman ay kumakain na.
"Ang ganda niya 'no?" panunukoy ni Jensy kay Zora.
"Hindi naman..." walang ganang sabi ni Brandy kahit na sa totoo lang, nagandahan siya sa dalaga.
"Ay hindi ka po nagandahan sa kaniya, kap? Sabagay, napakaraming babaeng magaganda ang nagkakagusto sa inyo..."
Saglit na tumingin si Brandy kay Jensy bago siya nagpatuloy sa pagkain. Wala naman siyang pakialam sa mga babaeng iyon dahil may babae siyang minamahal.
Ngunit hindi naman siya mahal ng babaeng ito.