"Zora... busy ka ba?" tanong ni Kristel na siyang bagong kaibigan ng dalaga.
"Palagi naman akong busy. Alam mo naman.... maraming kumakain dito at bumibili kaya saglit lang akong nakakaupo," sabi ni Zora habang nagpupunas ng mesa.
"Sabagay, siya nga pala. Ang guwapo ni kapitan 'no? Sana siya na lang ang maging kapitan natin dito forever para ganahan akong pumasok sa klase araw - araw. Madadaanan ko kasi ang barangay hall natin kaya malaki ang chance na makita ko siya," kinikilig na sambit ni Kristel.
"Sana nga eh. Para naman ganahan din akong magtrabaho dito. Inspirasyon sa buhay. Pero ang balita ko, may babae yatang gusto si kapitan kaso hindi naman siya gusto?"
"Ay oo si ma'am Cathy. Ang anak ni governor. Napakaganda kasi ng babaeng iyon. Kutis porselana! Eh ayaw naman sa kaniya ng babaeng iyon. May ibang gusto ang babae kaya iyon... medyo hindi okay ang love life ni kapitan," sabi naman ni Kristel.
Ngumisi si Zora. "Bobo rin kasi si kapitan eh kung ako na lang sana ang nagustuhan niya, hindi na siya masasaktan pa.".
Humagalpak ng tawa si Kristel. "Hoy, sira ka! Mamaya may makarinig diyan sa iyo!"
"Joke lang. Nangangarap lang ako ng gising. Ewan ko ba... pero simula nang makita ko si kapitan Brandy, hindi na siya nawala sa isip ko. Palagi kong naiisip ang guwapo niyang mukha," nakangising sabi ni Zora.
"Ganiyan din naman ako. Siguro kahit sinong babae naman ay ganiyan sa barangay na ito. Palibhasa kasi ang guwapo niya. Sana lang talaga siya na ang maging kapitan natin sa habambuhay. Kasi no'ng hindi pa siya ang kapitan dito, may mga nananakawan at may mga nagaganap na krimen sa barangay na ito. Hindi ganoon kagaling mamahala ang dating kapitan," sambit ni Kristel.
"Sana nga talaga. At balita ko pa, mabait daw talaga siya. Totoong mabait at hindi pakitang tao lang," dagdag pang sabi ni Zora.
Matapos ang saglit na pag - uusap nilang dalawa, bumalik na sa trabaho si Zora. Kahit na nakapapagod sa karinderyang iyon dahil maraming tao ang kumakain, iniisip na lamang ni Zora na kailangan niyang kumayod para sa sarili. Na balang araw ay aahon din siya sa hirap.
"Very good ka sa akin, pamangkin. Sa dami ng naging helper ko dito sa karinderya, bibihira ko lang silang makitang maglampaso ng sahig at maglinis ng sobra. Mga linis k**i lang ang ginagawa nila. Dahil diyan, dadagdagan ko ang bigay ko sa iyo. Para naman lalo kang sipagin," nakangiting sabi ni aling Bakekang.
Namilog naman ang mga mata ni Zora. "Maraming salamat po, tita! Makakaipon po ako kaagad nito para makabili ng mga gusto ko!"
Hinawakan ni aling Bakekang si Zora sa balikat. "Naniniwala ako na balang araw, aahon ka sa hirap. Magiging mayaman ka. Gawin mong inspirasyon ang kahayupan ng ama - amahan mo pati na ang pagiging pabaya sa iyo ng nanay mo. Alam mo, pinagsabihan ko ang nanay mo pero siya pa ang galit. At alam mo ba kung ano ang sabi niya sa akin? Wala raw siyang pakialam sa iyo. Baka nga raw gawa - gawa mo lang daw ang sinabi mong muntik ka ng magahasa para maghiwalay sila. Nakakakulo ng dugo ang babaeng iyon..."
Kumurap - kurap ng ilang beses si Zora dahil nasaktan siya sa sinabing iyon ng kaniyang tiyahin. Masakit sa kaniya na malamang ganoon pa ang iniisip sa kaniya ng kaniyang ina. Hindi niya alam kung bakit nawalan ng amor sa kaniya ang kaniyang ina. Naiisip na lang niya na marahil masyadong mahal ng nanay niya ang lalaki nito.
"Huwag ka ng umiyak. Ayoko na sanang sabihin sa iyo kaso kailangan mong malaman at karapatan mo iyon. Para alam mo na wala ng kwenta ang mama mo. Nabaliw na sa lalaki niya."
Niyakap ni aling Bakekang si Zora dahil rumagasa na ang luha nito sa kaniyang mata. Pakiramdam niya, inabandona na siya ng kaniyang sariling ina. Akala pa naman niya, ang kaniyang ina ang iintindi sa kaniya at magiging kakampi niya sa lahat.
Ngunit hindi pala.
"Huwag ka ng umiyak pa, pamangkin. Sayang ang beauty mo. Gusto mo bang makita ka ni kapitan Brandy na haggard?" pabirong sabi ni aling Bakekang.
"H - Hindi po..." garalgal ang boses ng dalaga.
Bumuntong hininga si aling Bakekang bago hinaplos ng ilang ulit ang buhok ng dalaga. "Huwag mo ng isipin pa ang nanay mo. Wala na siyang pakialam sa iyo. Bruha siya. Pagsisisihan niya sa huli ang ginawa niyang ito sa iyo. Sige na, pamangkin. Back to work na tayo. Mamaya bumili ka ng pizza sa bayan at inumin. Para may snack tayo."
"Sige po."
Pinilit ni Zora na ngumiti kahit sa totoo lang, durog na durog siya sa mga oras na iyon. Kumikirot ang kaniyang puso dahil sa isiping nag - iisa na lang talaga siya.
PAGSAPIT NG GABI, naglakad patungong bayan si Zora upang bumili ng pizza at inumin. Hindi pa man siya nakararating sa bayan, may isang lasing na lalaki ang humarang sa kaniyang daan. Walang tao sa paligid at medyo madilim din dahil puro puno ang paligid. Binalot ng kaba ang dalaga.
"Saan ka pupunta magandang binibini? Gusto mo bang samahan na kita?" nakatatakot na sambit ng lalaking lasing.
"Ay hindi na ho. Kaya ko na pong mag - isa," kinakabahang sabi niya at akmang lalampasan ang lalaki ngunit hinatak siya nito.
Tinutukan siya ng patalim sa leeg kaya naman binalot siya ng matinding takot. Nanginginig ang kaniyang tuhod kasabay ng pagpatak ng kaniyang luha.
"Subukan mong sumigaw... gigilitan ko ang leeg mo na parang isang manok. Maging mabait ka lang at maging masunurin..." nakakikilabot na bulong ng lalaking lasing sa kaniyang tainga.
Panay ang tulo ng butil na luha ni Zora. Takot na takot siya sa mga oras na iyon. Malikot ang kaniyang mga mata at nagdarasal na sana ay may dumaang tao upang matulungan siya.
"Huwag ka ng magpumiglas pa kung ayaw mong mamatay ng maaga," sambit ng lalaki bago siya hinila patungo sa madilim na parte ng daan.
Ngunit bago pa man siya dahil sa talahiban ng lalaki, bigla na lamang may humila sa kanya kung saan napaupo siya sa lupa. At ang lalaki naman ay bumulagta sa lupa.
"Umalis ka na dito babae. Bilis!" sambit ng hindi pa nakikilalang boses.
Matangkad ang lalaking ito na nakasuot ng facemask. Hindi na nag - abala pang kilatisin ni Zora ang mukha ng lalaki dahil mabilis na siyang tumakbo pauwi. Wala siyang lingon - lingon habang tumatakbo.
Samantala, nakangising tinadyakan ng matangkad na lalaki ang lalaking lasing kung saan kinuha nito ang hawak niyang patalim at saka sinugatan sa mukha ang lalaking lasing.
"Argh tangina mo!" sigaw ng lalaking lasing.
Tumawa ang lalaki. "Talagang may mga gago rin sa barangay mo, 'no?"
"Oo... marami iyan sila. At kailangan kong patahimikin ang mga iyan. Halika na, Archer. Dalhin mo dito iyan sa talahiban," sambit ni Brandy bago nauna nang naglakad.
Muling sinuntok Archer sa mukha ang lalaki bago hinila patungo sa talahiban. Doon basta na lamang inihagis ni Archer ang lalaki. Nagtangis ang ngipin ni Brandy bago inilabas ang baril na may silencer at saka walang awang ipinutok sa ulo ng lalaking lasing.
"Ang mga ganiyang klase ng tao, hindi na dapat binubuhay pa," sambit ni Brandy sabay tago ng baril sa kaniyang tagiliran.
Basag ang bungo at wala ng buhay na bumagsak sa talahiban ang ang lasing na lalaki. Tumawa naman si Archer. Ganitong eksena ang gusto ni Archer. At ito ang kanilang ginagawa.
Ang pumatay ng mga tarantadong tao.
"Ganoon naman talaga dapat. Ito ang magandang gawin para maubos ang mga gago sa mundo. Very good ka rin dito sa barangay mo. Talagang mauubos ang mga g ago dito, " ani Archer.
Kinuha ni Brandy ang cellphone niya sa kaniyang bulsa at saka may tinawagan. "Hello... pakilinis ang kalat dito sa barangay Tutan. I - pin ko na lang ang location ko kung nasaan ako ngayon. Pakibilisan dahil may pupuntahan pa ako...." mabilis na sambit ni Brandy bago ibinaba ang tawag.