"Zora... kumusta?" wika ni Jamilla na kaibigan ni Zora.
Si Jamilla ay kaibigan ni Zora noong nakatira pa siya sa kaniyang ina. Ang dalaga ang palagi niyang napagsasabihan ng kaniyang problema. Palagi siyang nililibre ni Jamilla dahil mayaman ito. Tuwang - tuwa naman si Zora dahil talaga namang masasarap na pagkain ang binibigay sa kaniya ni Jamilla.
"Ito ayos lang... medyo okay na rin ako dahil maayos na ako dito sa bahay ni tita Bakeks. Wala ng manyakis na g ago.." sagot naman ni Zora.
"Mabuti naman kung ganoon. Nga pala, may bahay na ako sa kabilang barangay. Hindi ganoon kalayo dito. Ayoko na kasi sa Maynila. Masyadong magulo. Eh 'dito, masaya... tahimik at payapa," sambit ni Jamilla.
"Ay oo sobra! Kaya nga masaya na ako dito. Wala na akong balak na bumalik pa sa Maynila. Dito, tahimik lang at payapa. Ligtas pa!" magiliw na sambit ng dalaga.
Tumikhim si Jamilla. Napatingin sa kaniya si Zora dahil tila may sinasabi ang mga mata nito. Nangunot ang noo ni Zora habang hinihintay kung ano ang sasabihin ni Jamilla.
"May problema ba?" tanong ni Zora dahil hindi na siya nakatiis.
Bumuntong hininga si Jamilla. "Alam mo ba na wala na si daddy?"
Nanlaki ang mga mata ni Zora. "Ano? Bakit? Bakit siya namatay? May sakit ba siya? Pero ang huli kita ko sa kaniya, malakas pa siya ah!" gulat niyang sambit.
Bumakas sa mukha ni Jamilla ang matinding poot. Nagsalubong ang kaniyang kilay at tila ba nanlilisik ang kaniyang mga mata. Nanlaki ang mata ni Zora habang nakatingin sa kaniyang kaibigan bago siya napalunok ng laway. Kitang - kita niya sa mukha ni Jamilla ang matinding galit na para bang ano mang oras ay mananakit na ito.
"Pinatay siya..." May diin at puno ng galit na sambit ni Jamilla.
Kumurap - kurap ng ilang beses si Zora. "P- Pinatay? Nino? At bakit? Sa tagal nating magkaibigan... alam kong mabait ang daddy mo!"
Sinalubong ng mainit na tingin ni Jamilla si Zora. "Oo mabait ang daddy ko! Napakabait ng daddy ko kaya hindi ko alam kung bakit siya pinatay! Matulungin at may malasakit sa kapwa ang daddy ko kaya hindi ko alam kung bakit kailangan siyang patayin! Hindi ko matanggap na pinatay lang ang walang kalaban - laban na si daddy!"
Bumuhos ang masaganang luha sa mata ni Jamilla. Agad namang niyakap ni Zora ang kaniyang kaibigan. Batid niyang napakasakit sa kaniyang kaibigan na mawalan ng magulang. At ganoon din ang naramdaman niya noong nawala ang kaniyang ama. Parang dinurog ang kaniyang puso.
"Zora... tulungan mo akong makaganti sa taong iyon! Tulungan mo akong makamit ang hustisya!" lumuluhang sabi ni Jamilla.
Napakamot ng ulo si Zora. "Ha? Eh... paano ko naman gagawin iyon? Isa lang naman akong normal na tao at wala naman akong maipagmamalaki. At saka isa pa... baka mamaya bigating tao ang pumatay sa daddy mo. Syempre.... negosyante ang daddy mo. Baka tungkol sa negosyo ang dahilan kaya pinatay ang daddy mo."
Mabilis na pinahid ni Jamilla. "Kung tungkol man sa negosyo ang dahilan kung bakit pinatay si daddy, bakit hindi nila napag- usapan? Bakit kailangan patayin pa ang daddy ko?"
Hindi naman nakaimik si Zora. Ayaw niyang magsalita mula sa narinig niyang usapan tungkol daddy ni Jamilla. Narinig niya kasi ang usapan ng mga chismosa na isa raw drug dealer ang daddy ni Jamilla. At ito raw ang kaniyang pangunahing negosyo kaya mayaman ang pamilya ni Jamilla.
"Hindi ako papayag na basta na lamang akong tatahimik ng ganito. Igaganti ko si daddy, Zora. At sana tulungan mo ako. Huwag kang mag - alala ... bibigyan kita ng malaking halaga. Ako ang bahala sa iyo basta tulungan mo lang ako..." determinadong sambit ni Jamilla.
Napangiwi naman si Zora ngunit agad din siyang tumango. "O - Oo sige..."
"Bukas, dadalawin ulit kita dito. Ganitong oras na lang ulit. Gabi para tapos ka na sa trabaho mo."
Nagpaalam na rin si Jamilla matapos niyang sabihin iyon. Bigla namang kinabahan si Zora sa sinabing iyon ng kaniyang kaibigan lalo pa't malaki pala ang halaga na ibibigay nito sa kaniya kapag tinulungan niya ito.
Ano kayang klaseng tulong ang kailangan niya? Hindi kaya... uutusan niya akong pumatay? Ayoko ng ganoon! Ni minsan hindi sumagi sa isip ko ang pumatay kahit na galit na galit ako sa isang tao!
Kinilabutan si Zora habang naglalakad papasok sa bahay ng kaniyang tiyahin. Hindi niya lubos na maisip na papatay siya ng tao kung iyon nga ang iuutos sa kaniya ni Jamilla.
KINABUKASAN, muling nagpunta si Jamilla sa kaibigan niyang si Zora upang pag- usapan ang tungkol sa tulong na hinihingi niya. Kinakabahan naman si Zora habang hinihintay magsalita si Jamilla.
"Madali lang naman ang gagawin mo, Zora. Magiging spy ka lang naman sa lugar na ito. Kailangan mong manmanan ang kilos ni Brandy King Sebastian Tan. Kailangan mong gawin ang lahat para maging malapit sa kaniya..." seryosong sabi ni Jamilla.
Namilog ang mata ni Zora. "Ha? Spy? Kay Kapitan Brandy? Bakit? Anong mayroon sa kaniya at bakit kailangan kong maging spy?"
Huminga ng malalim si Jamilla. "Hindi siya basta - bastang tao, Zora."
Nangunot ang noo ni Zora. "Ha? Ano ang ibig mong sabihin?"
"May nakapagsabi sa akin na may tinatago siya.... hindi lang siya basta bilyonaryo o kapitan sa barangay na ito. May iba pa siyang katauhan at iyon ang gusto kong makumpirma. Gusto kong malamam kung totoo ang sinabi sa akin ng taong iyon dahil sinabi niyang si Brandy ang pumatay sa daddy ko..."
Nanlaki ang mga mata ni Zora at hindi makapaniwala sa sinabi ng kaniyang kaibigan.
"Ha? Ano raw? Baka sira ulo naman iyang nakausap mo! Masama ang manghusga ng kapwa, Jamilla! May kaso iyan!" bulalas niya.
"Hindi ako nanghuhusga, Zora. At para sabihin ko sa iyo, may mga taong may maduming gawain. At iyon ang kailangan kong malaman. Kung may madumi bang gawain si Brandy sa likod ng pagtulong niya sa mga tao. Dalawang milyon ang ibibigay kong pabuya kapag natapos mo ang misyon mo. Pero huwag kang mag - alala, dala ko na ang isang milyon para may magamit ka."
Ipinakita ni Jamilla ang isang case kung saan nakalagay ang libo - libong pera na nagkakahalaga ng isang milyon. Nanlaki ang mga mata ni Zora na itinuon kay Jamilla.
"Nakikiusap ako sa iyo, Zora... gawin mo ito para sa akin at para na rin sa daddy ko na naging mabuti rin sa iyo. Umaasa akong magagawa mo ang misyon mong ito. Umaasa ako sa iyo, aking kaibigan...." maramdaming wika ni Jamilla bago hinawakan sa kamay si Zora.
Nanatiling nakatitig lamang si Zora kaniyang kaibigan habang hindi alam kung tatanggapin ba ang utos at alok nito.