"Uy, girl. Okay ka lang ba? Huwag kang iiyak. Sasampalin kita."
Masama ang tingin na ipinukol ni Chastity sa kaibigan at kababata niyang si Empress. Kasalukuyan silang nasa reception ng kasal ni Joem at pinapanood ang pagsasayaw ng bagong kasal. Silang tatlo ang magkakasama magmula pa noong mga bata pa sila. Si Empress lang din ang nakakaalam ng kanyang lihim na pagsinta kay Joem.
"Siraulo ka rin, 'no? Bakit naman ako iiyak?" sikwat niya rito.
"Sure ka hindi na masakit? Totoo na okay ka na?" pangungulit pa nito.
"Kapag hindi ka pa tumigil ikaw ang sasaktan ko," banta niya sa kaibigan. Sumimangot naman ito sa tinuran niyang iyon. Mayamaya pa ay naghikab siya ng sunod-sunod.
"Kanina ka pa hikab ng hikab diyan. Bakit ba antok na antok ka?" usisa ni Empress sa kanya habang kumakain ng fruit salad.
"Late na kasi akong nakauwi," sagot niya.
"Sabi ko naman kasi sayo maghanap ka na lang ng ibang trabaho, eh. Aba, kung lagi kang magtatrabaho ng higit sa sampung oras baka ikaw na ang maging pasyente sa ospital na pinapasukan mo," mahabang litanya nito.
"Gaga, may hinatid lang ako kagabi."
Nagsalubong ang kilay nito at napahinto po sa akmang pagsubo. "Sino naman?"
"Juan Oliver ang pangalan niya pero hindi ko siya kilala. Nakita ko lang siya sa rooftop ng St. Catherine, eh."
"Ayan na naman tayo. Ikaw na yata ang papalit kay Mama Mary sa next life mo." Hindi na lang niya pinatulan ang sinabi na iyon ni Empress. Isa kasi ito sa madalas na magsabi sa kanya na sakit na raw niya ang pagtulong sa mga tao. "Feeling Wonder Woman ka na naman. Pero tunog gwapo ang pangalan niya, gwapo ba?"
At dahil sa tanong nito na iyon ay muli niyang naalala ang mala-anghel na mukha ng binata. Ang mga mata nito na napakalamlam na kayang patuyuin ang kanyang lalamunan at ang amoy nito na hanggang ngayon ay hindi pa rin niya makalimutan. Katulad na lang kaninang umaga pagkagising niya ay ito ang unang naging laman ng kanyang isipan. Hindi niya alam kung bakit sa dinami-rami ng mga tao na nakasalamuha na niya, si Uno lamang ang naging malimit na laman ng isip niya.
Kung siya lang ang tatanungin ay gusto sana niya itong makita muli. Iyong nasa tama na itong huwisyo at hindi na lasing. Ni hindi man lang niya narinig ang boses nito kagabi dahil wala itong kibo at wala man lang naging komento sa lahat ng pinagsasabi niya. Hindi kagaya ng kuya nito na siyang naghatid sa kanya na panay ang tanong tungkol sa buhay niya. Para siyang na-interview sa dami ng naging tanong nito.
"Hoy, kinakausap pa kita. 'Di mo ba ako narinig? Nabingi ka na, girl?" pukaw ni Empress sa pananahimik niya.
"Uhm, oo. Gwapo kaya lang mukhang broken hearted."
"Paano mo naman nasabi?"
"Lasing, eh. Tapos, ewan. Basta mukha siyang malungkot," magulo niyang sagot.
"Bakit ikaw?"
Siya naman ang napakunot-noo sa sinabi nitong iyon. "Anong ako? Napano ako?"
"'Di ka naman uminom ng alak noong na-broken hearted ka?" Ngumisi pa ang kanyang butihin na kaibigan nang mas lalong lumalim ang gatla niya sa noo.
"Kapag ikaw naman ang nasawi sa pag-ibig, magpapa-party ako," ganti niya rito.
"Grabe ka sa akin. Wala pa nga akong lovelife sinusumpa mo na."
Ngiting-aso lang ang naging reaksyon nya sa sinabi nitong iyon. Nagtatawanan pa sila nang lumapit sa kanila si Joem at ang asawa nito na si Kath. Hindi naman lingid sa kaalaman nila na pinagseselosan siya nito kahit noong magkasintahan pa lang ang dalawa. Ramdam niya ang disgusto nito sa kanya sapagkat mas malapit siya kay Joem kaysa kay Empress.
Hindi niya alam kung bakit sa tuwing nagkakaroon ng problema ang dalawa ay sa kanya lumalapit si Joem para humingi ng payo. Kung minsan nga ay parang gusto na lang niya na kumanta ng 'Kung ako na lang sana' ni Bituin Escalante. Iyon marahil ang dahilan kung bakit mas hindi naging pabor si Kath sa magiging magkaibigan nilang dalawa ng binata.
Impokrita siya kung sasabihin niya na hindi niya pinangarap na mahalin siya ni Joem ng higit pa sa isang kaibigan. Kaya lang mas nangibabaw sa kanya na ayaw niya na mawalan ng isang kaibigan kaya naman hindi siya gumawa ng paraan para dalhin sa ibang level ang kung anuman na mayroon silang dalawa. Ang sabi pa nga sa kanya noon ni Empress ay malaki ang tsansa na maging sila kung nilakasan lang niya ang kanyang loob.
But she wasn't selfish enough to ask a guy to love her the way she loves him. Hindi ba dapat ay kusang nararamdaman ang pagmamahal? Hindi ba dapat ay hindi naman iyon hinihingi o nililimos? Hindi ba dapat hindi iyon pinipilit? Ganoon ang klase ng pagmamahal ang gusto niyang maranasan. Hindi naman kasi mahirap para sa kanya ang magmahal pero hindi nga lang niya alam kung mahirap ba siyang mahalin.
Sa edad niya na bente-siyete ay dalawang beses pa lamang siya nagkaroon ng nobyo. Pareho pang hindi nagtagal ang mga iyon sapagkat high school pa lamang siya noon. At nang makaramdam siya ng espesyal para kay Joem ay hindi na siya tumingin pa sa iba. Idagdag pa na noong nagkolehiyo sila ay halos tulog na lang ang pahinga niya. Hindi biro ang kursong Nursing at napatunayan niya iyon.
Kaya naman kahit anong pilit ni Empress na maghanap na lang siya ng ibang trabaho ay hindi niya magawa na iwanan ang ospital na kanyang pinagtatrabahuan. Pero may mga araw na naiisip niya na umalis doon lalo na kapag labis na pagod ang nararamdaman niya. Kaya lang sa tuwing iniisip niya ang kanyang tiyahin at mga pinsan, na siyang kasama niya sa bahay, ay kaagad niya iyong binubura sa kanyang isipan.
Bata pa lamang siya nang mamatay ang kanyang ina sa sakit na breast cancer at hindi niya kailanman nakilala ang kanyang ama. Ang tiya niya na nagpalaki sa kanya ay ang bunsong kapatid ng kanyang ina. Mayroon na apat na anak ito, dalawang lalaki at dalawang babae. Siya ang naging katuwang ng kanyang tiya sa pagpapaaral sa mga ito sapagkat matagal na itong hiwalay sa asawa nito na ginagawang tubig ang alak at panay pa ang pakikipag-away sa kahit na sino.
Hindi naman niya kailanman na hindi siya tinuturing na parang totoong kapamilya ng mga ito. Siya ang nagsilbing panganay sa kanila at wala naman siyang reklamo roon. Kahit pa madalas ay pasaway ang mga pinsan niya ay wala naman siyang ibang mahihiling na makasama sa iisang bubong kundi ang mga ito.
Her life wasn't perfect but she loves everything about it. And maybe that was the reason why she always has a helping hand. Nais niya na maibalik ang tulong na kanyang natanggap mula pagkabata sa paraan na alam niya. At naniniwala siya sa sinabi ni Mother Teresa na, "It's not how much we give, but how much love we put into giving.".
"Kumusta naman? Nag-e-enjoy ba kayo?" nakangiting tanong ni Joem sa kanilang dalawa ni Empress.
"Oo naman. Ang sarap nga ng fruit salad," sagot ni Empress. Tanging tango lang ang kanyang naging sagot.
"Mabuti naman kung ganoon," sabi ulit nito. Hindi maipagkakaila na masayang-masaya ang kaibigan nila. Ang asawa naman nito ay tahimik lang na nakikinig sa usapan.
"Pwede ba akong mag-take out nito?" biro pa ni Empress.
"Aba, pwedeng-pwede!" pakikisakay naman ni Joem sa sinabi ni Empress. Mayamaya lamang ay nagpaalam na ito na maglilibot upang mapuntahan ang iba pang mga bisita.
"Congratulations and best wishes," nakangiti niyang bati sa dalawa at laking gulat pa niya nang yakapin siya ni Joem kahit pa nakaharap si Kath. Nanlaki ang kanyang mga mata at kaagad itong tinulak.
"Uy, ako rin pa-hug." Si Empress na mismo ang yumakap dito at bineso-beso pa ang kaibigan nila. Laking pasalamat niya na nandoon si Empress upang pagaanin ang sitwasyon na iyon. "Gusto mo rin ng hug, Kath?" Hindi na nito hinintay na sumagot ang asawa ni Joem at basta na lang nito niyakap ang tahimik na nakamasid sa kanila na si Kath.
Matapos iyon ay umalis na ang dalawa at lumipat sa kabilang table upang kausapin ang iba pang mga dumalo sa kasalan na iyon. Nakahinga naman siya ng maluwag nang makalayo ang mga ito. Hindi naman siya tanga para hindi mapansin ang pagsimangot ni Kath sa ginawa ng asawa nito.
"Siraulo talaga ang kaibigan mo na 'yon," ani Empress.
"Sinabi mo pa," sang-ayon niya rito.
"Pero bakit natin sinasabi sa mga bagong kasal na 'Best wishes'?" tanong nito sa kanya mayamaya. Naguguluhan na sumulyap siya sa kaibigan na patuloy lang sa pagkain ng salad. "Hindi ba ang ibig sabihin 'non ay 'Maging masaya sana kayo'?"
"O tapos? Ano na naman ang ipinaglalaban mo? Anong mali roon?" kunot-noong tanong niya kay Empress.
"Hindi ba dapat tanggalin na iyong 'Sana'? Like, 'Maging masaya kayo'?"
"Para naman inuutusan mo sila na maging masaya kung ganon," komento niya.
"Pinili naman nila ang isa't isa kaya dapat lang na maging masaya sila, 'no."
"Ewan ko sayo. Ang gulo mong kausap."
"Hmp! Makakuha na nga lang ng lumpiang shanghai."
Pagkatapos sabihin iyon ay basta na lamang siya iniwan ni Empress doon. Napailing na lang siya sa kabaliwan ng kanyang kaibigan.