“Jen-jen! Gising! Nananaginip ka na naman!” Tatlong linggo na kaming magkasamang natutulog ni Jen-jen at napanpansin kong tuwing hatinggabi na lang ay nagigising ito dahil sa isang napakasamang panaginip. Kapag tinatanong ko naman ito ay wala daw siyang maalala, basta ang alam lang niya ay masama talaga.
Kahit ako ay nahihiwagaan na rin kasi nga lagi ko ding naririnig na umuungol at umiiyak ito sa kanyang pagtulog.
Minsan kapag nagigisnan ko siya ay kusa ko na itong ginigising.
“Gusto mo magpatingin tayo sa clinic o ‘di kaya sa.. s-sa manggagamot. B-baka naman kasi ina-aswang ka na,” kahit hindi ako masyadong naniniwala sa aswang dahil laging sinasabi noon ni Nanay at Tatay na walang aswang, hindi naman ako mapakali ngayon sa kalagayan ni Jen-jen dahil hindi pangkaraniwang ang nangyayari sa kanya.
“Huwag na, ‘Te Lyn-lyn. Baka dala lang ‘to ng pagbubuntis ko,” pahayag ni Jen-jen habang pinupunusan ko ang kanyang pawis.
“S-sigurado ka? Kakaiba naman kasi ang pagbubuntis mo. ‘Yong iba kasing nagbubuntis, nagsusuka tapos kung anu-anong pagkain ang hinahanap, ikaw naman lagi kang nananaginip. Hindi ka ba nagtataka?” nahihiwagaang tanong ko.
“Baka iba lang talaga ang pagbubuntis ko. May naikwento nga sa akin ‘yong tauhan namin sa grocery, ‘yong iba nga daw na nagbubuntis, nagdudugo ng marami kaya naman nakaratay lang sa kama. S-siguro dala lang ‘to ng paglilihi ko dahil tatlong buwan na ang tiyan ko,” ayaw talaga nitong magpatingin.
"Ikaw ang bahala. Basta kapag talagang-- 'yong tipong iba na talaga 'yan ay ako na mismo ang magdadala sa'yo kung hindi man sa ospital ay sa manggagamot talaga kita dadalhin," pagtatapos ko bago muli kaming bumalik ng tulog. Ayoko nang makipag-argumento dito dahil wala din naman akong alam sa pagbubuntis.
Hanggang sa matapos ang isang buwan kong bakasyon ay hindi nagbago ang nangyayari kay Jen-jen. Kahit anong pilit ko ditong magpatingin ay ayaw talaga kaya naman pinabayaan ko na lamang ito. Ang importante ay okay naman ito noong iniwan ko.
Dumating din ang amo ni Jen-jen at may binigay pang mga pasalubong ang mga ito para sa amo ko. Nagpasalamat ako sa mga ito dahil maayos ang pakikitungo nila kay Jen-jen.
Bago ako umalis ay binilinan ko pa si Nay Erlinda na alagaang mabuti ang aking kapatid.
Mabait ito at masarap kausap kaya naman ito ang lagi kong nakakasama kapag wala pa sa bahay si Jen-jen. Ewan ko ba sa babaeng 'yon kung bakit ayaw kay Nay Erlinda eh ang bait-bait naman ng matanda. Nahihiya nga ako kapag kinakausap ng matanda si Jen-jen dahil oo at hindi lang ang sagot nito. Humihingi na lang ako ng pasensiya sa matanda dahil baka pinaglilihian siya ni Jen-jen. Naiintindihan din naman daw iyon ng matanda dahil iba-iba ang mga babae kapag nagbubuntis.
Kampante na akong umuwi sa amo ko bitbit ang mga pasalubong ng kanilang kaibigan. Tuwang-tuwa nga ang mga ito dahil mga kakanin iyon na gustong-gusto nila. Kinumusta din nila ang aking kapatid at natuwa naman sila na nagkasama kami kahit isang buwan lamang. Hindi ko na binanggit sa kanila ang mga nararanasan ni Jen-jen dahil sa isip ko ay normal lang siguro iyon.
----------
Tok! Tok! Tok!
"Lyn-lyn! Gising! Lyn-lyn!"
Nasa kasarapan ako ng tulog ng marinig ang katok sa aking pinto. Naman si Ma'am.. ano na naman kaya ang ipapagawa sa akin. Sabi niya kanina pwede muna akong matulog ngayong hapon dahil wala naman siyang may ipapagawa, tapos ngayon kakatok. Bumangon na lamang ako at pupungas-pungas na pinagbuksan ng pinto ang kumakatok.
"B-bak---"
"Naku, Lyn-lyn, huwag kang mabibigla ha. N-nasa center ang kapatid mo. Kakatawag lang sa akin ni Leticia. Dinidugo simula pa noong nakaraang linggo at hinimatay kaninang umaga pagpasok niya sa trabaho," biglang bungad sa akin ni Ma'am pagkabukas ko ng pinto.
"A-ano po, Ma'am?" pupungas-pungas kong tanong. Hindi ko maintindihan ang sinasabi niya.
"Ano ka ba naman Lyn-lyn. Ang sabi ko ang kapatid mo nasa center. Dinala ng kabigan ko kasi dinudugo at hinimatay. Mga ilang oras na siya sa center at panay ang tawag sa pangalan mo. Nag-aalala na ang kaibigan ko kaya tumawag siya para ipaalam sa'yo," inulit ni Ma'am ang kanyang sinabi sa akin.
Saka lamang ako natauhan sa sinabi ni Ma'am.
"Naku, Ma'am! Ma'am, kawawa naman ang kapatid ko. Gusto ko po siyang puntahan. Baka kung ano na ang nangyari sa kanya. Sino kaya ang nag-aalaga sa kanya ngayon sa center? Baka mag-isa lang siya doon?" bigla akong napaiyak sa sinabi ni Ma'am. Nag-aalala ako sa kalagayan ni Jen-jen. Lampas isang buwan na simula nang huli kaming magkita at tuwing kinukumusta ko siya sa messenger ay okay naman lagi ang sagot niya. Tuwing tinatawagan ko naman ang number niya para masigurong okay nga siya ay busy naman kaya akala ko ay okay na talaga.
"Huwag kang mag-alala at pinabantayan muna ni Leticia ang kapatid mo kay Erlinda," pampalubag ni Ma'am sa akin.
"Salamat at naroon pala si Nay Erlinda. Pero, Ma'am.. please po.. payagan niyo na akong puntahan ang kapatid ko. Kahit isang linggo lang po. Kawawa naman po si Jen-jen. Sige na po, Ma'am," pakiusap ko habang panay na ang tulo ng aking mga luha.
"Pasensiya ka na Lyn-lyn. Alam mo namang ikaw lang ang maaasahan ko dito sa bahay. Teka, ito tawagan mo na lang dito sa cellphone ko ang iyong kapatid para makausap mo siya," kaagad na nilabas ni Ma'am ang kanyang cellphone.
"B-baka k-kasi, Ma'am, hindi ko din makontak si Jen-jen. K-kasi sa tuwing tinatawagan ko siya, laging busy ang number niya," tanging nasabi ko kay Ma'am dahil nahihiya naman akong gamitin ang bago niyang cellphone. Baka magasgasan o malaglag ko pa 'yan at magbayad pa ako. Kulang pa ang sahod ko.
"Hay naku, Lyn-lyn, ibigay mo na sa akin ang number ng kapatid mo at tatawagan natin para huwag ka nang mag-alala," sinabi ko kay Ma'am ang number ni Jen-jen at tinype niya iyon sa kanyang cellphone, "Baka naman sira na ang cellphone mo kaya hindi mo siya makontak. Ikaw kasi matigas din 'yang ulo mo, matagal na kitang gustong bilhan ng bagong cellphone dahil luma na 'yang gamit mo pero ayaw mo naman. Bukas na bukas din ay bibilhan ka namin ng Sir mo ng bagong cellphone at huwag ka nang tumanggi. Kung ibang tao lang 'yan baka 'yong latest model pa ang ni-request. Ikaw naman kasi napamahiyain mo---oh ito na, nagriring na pala eh," kasabay noon ay iniabot sa akin ni Ma'am ang kanyang cellphone.
Naririnig ko ngang nag-ring sa kabilang linya.
"H-hello?!"