"Nanay ko po!"
Akala ko ay aatakihin ako sa puso ng biglang tumunog ang aking cellphone. Dali-dali ko itong sinagot kahit hindi ko pa tinitingnan kung sino ang aking kausap.
"Hello po?" mahinang boses ng babae ang narinig ko sa kabilang linya.
Hindi ako sumagot. Parang bata pa ang nasa kabilang linya.
"Hello po. Nakatanggap po ako ng tawag sa inyo noong nakaraan. Ilang beses na po akong nag-text sa inyo kasi hindi po matawagan ang number ninyo kaya ibang number po ang ginamit ko. Pwede po malaman kung bakit niyo ako tinatawagan?" tanong ulit ng nasa kabilang linya.
"Excuse me, ikaw nga itong hinahanap ako kaya nga tinawagan kita kaso hindi ka sumasagot . Baka naman scammer ka?'" gigil na saad ko dito.
"Hindi po ako scammer. Wala naman po akong maalala na number ninyo na tinawagan at hinanap ko po. Sige po, baka wrong dial lang po," saka mabilis na pinatay ng nasa kabilang linya ang tawag.
Pagtingin ko sa orasan ay alas otos na pala ng umaga. Akala ko ay nakatulog na ako pero parang ni-rewind ko lang pala sa isip ko ang panaginip ko kaninang madaling araw. Kung hindi pa tumawag may tumawag sa akin malamang baka nanaginip ulit ako. Mabuti na lamang at Linggo ngayon kaya wala akong pasok. Talagang magsisimba na ako ngayong araw.
"Teka, bakit parang pamilyar ang boses ng babae kanina?" bulong ko sa aking sarili.
Hindi na ako mapakali kaya tinawagan ko ang huling number na tumawag sa akin.
Habang inaantay ang pagsagot sa kabilang linya ay napagtanto kung baka scammer ang tingin ngayon sa akin noong kausap ko dahil ako pala ang naunang tumawag sa kanya. Ang number na tinawagan noon ay number ni Ma'am. Kung alam no'n ang number ko dapat ako ang tinawagan o minessage niya. Ang b*b* ko, ngayon ko lang na-realize na ako pala ang mali. Napagkamalan ko pang scammer.
Nang may sumagot ay kaagad akong nagpakilala.
"Hello, pasensiya na ulit sa pagtawag. Ako pala ang tinawagan mo kanina. Bakit pala ibang number itong gamit mo?" mabilis kong tanong sa aking kausap.
"Sino 'to?" bakit ibang boses na ang sumagot sa kabilang linya, boses na medyo may edad na.
"May tumawag po sa akin ngayon lang gamit ang number ninyo. Gusto ko po sana siyang kausapin," sabi ko sa kausap ko.
"Ah, baka si Lea iyon. Ginamit na naman ang cellphone ko. Pamangkin ko ang batang 'yon. Sige at tatawag nalang ulit ako, hahanapin ko muna 'yon at baka kung saan na naman nagpunta," bago pa ako makapagtanong ulit ay namatay na ang tawag.
Akala ko ay tatawagan kaagad nila ako kaya naman nag-antay pa muna ako. Subalit inabot na ako ng tanghali ay wala pa din kaya nagpasya na lamang akong maligo at pumunta sa simbahan.
Naglibot-libot muna ako sa bayan bago umuwi sa bahay. Wala pa rin akong tawag na natanggap kaya naisip kong baka ayaw talaga nila akong kausapin. Ipinagsawalang kibo ko na lamang iyon atsaka naghanda na para matulog. Nanalangin muna ako atsaka saka humiga. Kakapikit lang ng aking mata ng biglang tumunog na naman ang aking cellphone.
"Hello.." naghihikab pa ako ng sinagot iyon. Inaantok na kasi ako. Alas nuwebe talaga ng gabi ang tulog ko.
"H-hello po, m-magandang gabi po. Pasensiya na kung ngayon lang ulit ako tumawag. Ngayon lang naalala ng Tiya Anna ko na tumawag pala kayo kanina. Bakit po pala kaya tumawag kanina?" tanong ng nasa kabilang linya.
"Naalala ko na pala, kinuha ko ang number mo sa Ma'am ko. Tumawag ka daw sa kanya noong nakaraan at hinahanap ako. Totoo ba 'yon," tanong ko dito.
"Kayo po ba si Ate Lyn-lyn ang kapatid ni Ate Jen-jen?"
"Ay, oo, ako nga. Bakit?"
"K-kasi po.. uhmm.. ano po kasi eh. Ako po ang nakausap ninyo sa may center. Magkatabi po kami ni Ate Jen-jen sa kama. Ate Lyn-lyn, naniniwala po ba kayo sa mga a-aswang?" mahinang tanong nito.
Saglit akong napatigil dahil bakit iyon ang pinag-uusapan namin. Nagpatuloy ito ng hindi ako sumagot.
"May third eye po ako at may nalalaman sa mga kakaibang nilalang liban sa tao. Huwag po sana ninyong mamasamain pero masama po ang kutob ko sa matandang kasama ni Ate Jen-jen. Dapat siyang mag-ingat doon kasi hindi siya normal, hindi siya tao," matigas na pahayag ng kausap ko.
"Anong ibig mong sabihin na mag-ingat si Jen-jen sa kasama niyang matanda. Bakit mo nasabi 'yon?" takang tanong ko.
"Noong makita ko ang matandang nagbabantay sa kanya ay iba na ang kutob ko. Hindi lang ako siguro pero palagay ko ay isa siyang aswang!"
Nagulantang ako sa sinabi ng kausap ko.
Si Nay Erlinda ba ang sinasabi ng kausap ko na aswang. Kung aswang ang matanda, dapat sana ay kinain na niya ang kaibigan ni Ma'am at Sir. Bakit buhay pa rin si Ma'am at Sir?
"Paano mo naman nasabi 'yan? Masama ang mambintang. Atsaka sa boses at tawag mo sa amin ay mukhang mas matanda pa kami sa'yo ah. Paano naman ako maniniwala sa'yo?" mukhang pinagloloko ako ng batang 'to ah.
"Kayong bahala. Hindi ko naman kayo pinipilit na maniwala sa pinagsasabi ko. Kaya nga ayoko sanang makialam dahil alam kong hindi din ako paniniwalaan dahil laging sinasabi na bata pa ako. Pero para na rin po sa kaligtasan ni Ate Jen-jen at sa kanyang baby kaya ginagawa ko 'to. Habang nasa center ako ay naging mabait siya sa akin kaya magaan ang loob ko sa kanya. Solong anak ako at walang nakagisnang magulang, si Tiya Anna na ang nagpalaki sa akin. Natuwa ako dahil parang kapatid ang turing sa akin ni Ate Jen-jen kaya hindi ko hahayaang may mangyaring masama sa kanya. Ang matandang kasama ay pinipilit na pauwiin siya dahil magagawa niya ang kanyang gusto kapag walang tao may hahadlang sa kanya. Noong nasa center si Ate Jen-jen, lagi ko siyang dinadasalan at binigyan ng pulseras para panlaban sa masamang elemento. Kahit papano ay hindi siya basta makakanti ng may masamang balak sa kanya, liban na lamang kapag sobrang lakas ng elementong 'yon. Bata pa ako at hindi pa malakas ang orasyon ko panlaban sa mga aswang kaya mas mabuting may taong mag-aalaga kay Ate Jen-jen at ilayo siya sa kanyang tinutuluyan bago pa mahuli ang lahat," mahabang paliwanag nito.
"At bakit naman kita papaniwalaan. Hindi naman kita lubusang kilala. Baka naman ikaw ang totoong aswang kaya gusto mong mapalapit sa kapatid ko. Tigilan mo na kami dahil hindi ako naniniwala sa'yo, singhal ko dito bago tuluyang pinatay ang tawag.
Nanggigil ako sa kanyang sinabi dahil sinabihan pa nitong aswang si Nay Erlinda.
Napakabait noong tao tapos sasabihing aswang. Atsaka sa pagkakaalam ko kapag aswang, hindi kumakain ng may bawang at asin. Sa pagka-alala ko ay kumakain naman siya noon pero hindi sabay sa amin. Eh 'di sana matagal na niyang hinawaan si Jen-jen at ang kaibigan ni Ma'am at Sir kung aswang siya.
Malabo talaga. Nagsisinungaling lang ang babaeng kausap ko. Hindi ko alam kung bakit niya sinisiraan si Nay Erlinda pero hindi ako naniniwala sa kanya.
Kapag tumawag ulit siya ay hindi ko na lamang sasagutin.