Kinabukasan nga ay binilhan ako ni Ma'am at Sir ng cellphone. Walang pagsidlan ang aking katuwaan dahil sa wakas ay makakausap ko na si Jen-jen. Pagkatapos ng trabaho ay excited na akong ginamit ang bagong cellphone. Gano'n na lang ang dismaya ko ng hindi ko pa din makontak si Jen-jen. Ibig sabihin, baka naman cellphone ni Jen-jen ang may problema. Pero bakit noong cellphone ni Ma'am ang ginamit ay nagri-ring namang ang kanyang number. Siguro baka natitiyempo lang talaga na laging walang signal si Jen-jen. Ang importante ay okay na siya.
Ilang araw din ang lumipas ng pinatawag ako ni Ma'am.
"Lyn-lyn, may babaeng tumawag sa akin kanina. Ngayon ko lang naalala dahil nakita ko ang commercial ng sim sa tv. Hinahanap ka, gusto ka niyang makausap. Hindi ko pinansin kasi number lang ang naka-register. Hindi naman iyon ang number ng kapatid mo kaya baka scammer 'yon. Ayokong mag-entertain ng mga ganyan dahil alam mo naman, maraming manloloko sa panahon ngayon."
"Ma'am, sinabi po ba niya kung bakit niya ako hinahanap?" takang tanong ko kay Ma'am.
"Parang may sinasabi siyang importante kaso hindi ko marinig ng maayos kasi ang ingay kanina sa mall. Tapos may itatanong pa sana ako kaso ay biglang namatay naman ang tawag. Hindi ko na tinawagan kasi hindi ko naman 'yon kilala," pagkukwento ni Ma'am.
"P-pwede po ba, Ma'am, makuha ang number ng tumawag sa inyo? Baka kakilala ko-- pero ang pinagtatakhan ko lang kasi wala naman akong pinagbigyan ng number niyo at bakit sa inyo pa ako hahanapin eh pwede naman silang tumawag sa akin ng diretso," nakangusong tanong ko.
Pinakita ni Ma'am ang number at kaagad ko iyong sinave sa aking bagong cellphone.
"Sige po, Ma'am. Kakausapin ko po, baka kamag-anak o kakilala namin. Pero kapag scammer 'to, talagang malilintikan 'to sa'kin."
Kaagad akong pumasok sa aking kwarto at tinawagan ang number. Di-nial ko ang number pero ring lang ng ring, walang may sumasagot. Baka scammer nga at kunwari lang na ako ang hinahanap pero ang totoo, si Ma'am talaga ang kanilang puntirya. Hay, buhay nga naman!
--------
Kinabukasan paggising ko ay may nakita akong missed calls galing sa number na kinuha ko kay Ma'am. Tatawagan ko na sana ang number pero napag-isip isip na masyado pang maaga, baka tulog pa ang may-ari ng number.
Niligpit ko na ang aking pinagtulugan at nag-ready para mag-umpisa nang magtrabaho. Maaga talaga kasi akong nagigising dahil maaga din akong natutulog.
Pagkatapos kong magligpit ay kinuha ko na ang aking bagong-bagong cellphone at isisilid na sana sa aking bulsa ng mapansin kong may message sa screen.
Binasa ko iyon at napagtantong galing iyon sa number na tinawagan ko kagabi.
"Cnu to?" iyon ang message ng number.
Nanggigil ako dahil ito ang naunang tumawag kay Ma'am at hinahanap ako tapos ngayon tatanungin niya ako kung sino ako.
Kaagad kong di-nial ang number. Nag-ring ito at inantay kung sino ang sasagot.
Ilang minuto lang ay kusa na itong namatay dahil walang may sumasagot.
"Magme-message pa eh pwede naman niya akong tawagan," bulong ko sa aking sarili bago lumabas ng aking kwarto. Kung sino man ang may-ari ng number bahala na siya sa buhay niya, hindi ko na ulit siya tatawagan.
Binalik ko ulit ang aking cellphone sa aking bulsa. Nagpatuloy na ako sa paglilinis ng bahay.
Bandang tanghali habang kumakain ako ay biglang may pumasok na message na naman.
"Bkt po kau tumawag?"
Wala bang pantawag ang may-ari ng number eh noong nakaraan ay nakatawag pa siya sa number ni Ma'am.
"Bahala ka sa buhay mo hindi kita tatawagan, scammer!" dali-dali kong dinelete ang message ng may-ari ng number. Hindi ko iyon pinansin at nagpatuloy sa pagkain.
Matapos ang buong araw na paglilinis ay pumasok na ako sa aking kwarto para matulog. Akmang hihiga na sana ako ng mapansin ko na namang may message na galing sa number na tumawag kay Ma'am.
"Bkt po hindi matawagan ang number niyo? Tinatawagan ko po kau." Iyon ang nakita kong message.
Pursigido talaga 'tong scammer na 'to na lokohin ako. Manigas ka kakamessage sa akin diyan, hindi na kita papansinin sabay talukbong ko ng kumot.
-----------
"Hay! Nanayyyyyyy!!!
Bigla akong napabalikwas ng bangon. Sobrang sama ng panaginip ko. Tiningnan ko ang aking sarili. Basambasa na pala ng pawis ang buo kong katawan. Pati ang aking kumot ay basa din. Tiningnan kong maigi ang aking tiyan. Nakahinga ako ng maluwag. Buo pa naman. Akala ko talaga ay totoong nawakwak na ang aking tiyan.
Nanalangin muna ako bago bumalik ng higa. Alas tres pa lang ng umaga.
Binalikan ko ang aking napaniginipan. Klaro pa sa isipan ko kung paanong pumasok sa aking kwarto ang isang napaitim na nilalang. Mabalbon ito at napakabaho. Gumapang ito palapit sa akin. Alam kong nagsisigaw na ako ng mga sandaling 'yon pero hindi ko alam kung bakit walang may nakakarinig sa akin. Hindi din ako makagalaw na parang namanhid na ang buo kong katawan. Hanggang sa tuluyan na itong lumapit sa akin. Gamit ang matulis nitong kuko ay tinusok nito ang aking tiyan. Ramdam ko ang sakit ng kanyang matutulis na kuko sa aking tiyan. Pati ang pagpulandit ng dugo sa aking kama ay nakakarimarim tingnan. Akala ko talaga ay katapusan ko na. Ang huli kong naalala ay naging itim ang buong kapaligiran at para akong nahulog sa isang dimensiyon na walang katapusan.
Marami na akong masamang panaginip pero ito talaga ang masasabing pinakamalala sa lahat. Talagang nanayo ang balahibo ko at pakiramdam ko ay inatake ako sa puso. Siguro kailangan ko nang magsimba dahil hindi talaga ako palasimba. Hindi din ako mahilig manalangin kaya walang may gumagabay sa akin sa pagtulog. Kaagad akong nag-sign of the cross para manalangin. Matutulog ulit ako---
Kringggg!
Kringggg!
Kringggg!!
"Nanay ko po!"