Jen-jen 8

1242 Words
Bakit gano'n? Bakit parang nanonood ako ng isang pelikula. Madilim pero naaninag ko ang bulto ng isang tao na nakahiga at nakatayo ako sa gilid ng isang kama. Kung hindi ako nagkakamali ay buntis ang natutulog dahil nakatihaya ito at nakausli ang umbok ng tiyan. Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay hindi ko makita o makilala ang mukha ng babae. Nilibot ko ang aking paningin sa buong kwarto. Pamilyar sa akin ang lugar pero hindi ko matandaan kung saan ko ito nakita. Natigil ako sa paglilibot ng paningin ng mapansin kung tumaas ang dalawang kamay ng buntis. Para itong may inaabot na hindi ko nakikita. Gusto ko sana itong lapitan para tulungan pero parang may kung anong bagay ang pumipigil sa akin. Hindi ko maigalaw ang aking katawan at parang may harang sa pagitan naming dalawa. Maya-maya ay tumunog ang doorknob. Parang may nagbubukas no'n. Ilang paikot pa ng doorknob ay unti-unting lumangitngit ang pinto ng kwarto tanda na nabuksan na ng kung sino man ang gustong pumasok sa loob. Gano'n na lang hilakbot ko ng makita ang pumasok sa loob ng kwarto. Isa itong nilalang na katulad din ng napanaginipan ko noon- matiim, mapula ang mata, may mahahabang kuko, hindi maipaliwanag na hitsura, mabahong amoy na nakakasulasok, mabalahibo, may matutulis na ngipin at talagang hindi ko madescribe ang mukha. Kung hindi ako nagkakamali, ang pumasok sa kwarto ay isang halimaw- isang Aswang. Sa pagkatakot ay napasigaw ako sa aking kinatatayuan pero walang boses na lumalabas sa aking bibig. Habang lumalapit ang aswang sa taong nakahiga sa kama ay panay naman ang sigaw ng nakahiga. 'Yong sigaw na tipong kaming dalawa lamang ang nakakarinig, 'yong tipong alam kong malakas pero hindi naman naririnig sa labas. Ramdam kong kahit tulog ito ay nanaginip ito ng masama dahil ang dalawa nitong kamay ay 'yong tipong nagmamakaawa na. Nang makalapit na sa buntis ang aswang ay tumayo lamang ito sa gilid ng kama paharap sa akin. Tuwang-tuwa nitong pinapanood ang buntis na walang kamalay-malay na may aswang itong kasama. Yumukod ito at inamoy-amoy ang buong katawan ng buntis. Halatang takam na takam ito dahil naglalaway ito habang sumisinghot. Maya-maya lang ay nagimbal ako nang mabilis nitong inilabas ang kanyang dila. Halos manlaki ang ulo dahil biglang humaba ang dila nito at pumasok sa loob ng damit ng babae. Ilang saglit lang ay narinig kong napahiyaw ang buntis at napahawak sa tiyan nito. Bigla ang pagkagising nito at pagtingin ko sa aswang ay wala na ito. Ang buntis naman ay umupo at hinawakan ang tiyan nito. Nagtaka ako ng bigla na lamang itong humagulgol ng iyak. Gayon na lamang ang pagbigla ko ng makita ang maraming dugo sa kanyang kumot. Galing iyon sa kanyang tiyan. Tiyan.. tiyan.. parang may kakaiba sa tiyan ng babae. Bigla ang paggapang ng hindi maipaliwanag na hilakbot sa buo kong katawan ng mapansin kong wakwak ang tiyan ng babae. Kaya pala ito humahagulgol ay dahil wala na ang laman ng tiyan nito. Wala na ang bata sa sinapupunan nito. Mas lalo pa akong nahintakutan ng tumingin ang babae sa aking direksiyon. Hindi ko pa rin maaninag ang mukha ng babae kahit na nakaharap ito sa akin. Bigla itong nagsalita na ikinagimbal ko. "Tulungan mo ako, 'Te Lyn-lyn!" ------------------ "Lyn-lyn! Lyn-lyn!" Parang may tumatawag ng pangalan ko. "Lyn-lyn! Anong oras na, hindi ka pa nagigising? May sakit ka ba?" narinig ko ang boses ni Ma'am sa labas ng aking kwarto. Bigla akong bumalikwas ng bangon sabay tingin sa wall clock. Alas otos na ng umaga. Dali-dali akong bumaba ng kama at pinagbuksan si Ma'am. "Magandang umaga po, Ma'am. Pasensiya po ngayon lang ako nagising. N-napasarap po 'ata ang tulog ko. Magbibihis lang po ako at magluluto na." "Feeling ko nga baka panay ang nood mo ng mga bidyo sa bago mong cellphone. Okay lang 'yan kasi baka naninibago ka pa, basta huwag lagi-lagi ha. Baka bawiin namin 'yang cellphone mo o hindi ka namin bigyang ng password ng wifi," pahayag ni Ma'am at tinalikuran na ako. Hindi naman ito galit, mukhang binibiro pa nga ako. Nang tuluyan na ngang makaalis si Ma'am ay nagbihis na ako at nagsimula nang magtrabaho. Habang nagtatrabaho ay binalikan ko sa aking isip ang aking napanaginipan kanina. Hindi ako mapakali dahil ang hindi maalis sa aking isip ay nang tinawag na akong ate ng babae sa huli. Kahit siguro hindi ko pa kapatid ang babae ay nakakagimbal ang ganoong pangyayari. Pinilit kong iwaksi sa aking isip ang aking napanaginipan kaya hindi ko napansin na hapon na. Oras na pala ng pamamalengke para sa hapunan namin. Nilista ko muna lahat ng kailangang bilhin at sumakay na ng tricycle papunta sa palengke. Medyo malayo din sa amin ang palengke kaya naman kapag bumibili ako ay pang isang linggong kainan na namin iyon. Pagbungad ko sa palengke ay may isang matandang babae na papasalubong sa direksiyon ko. Ang ginawa ko ay umiwas pero sa kung anong dahilan ay nabunggo pa rin ako nito dahilan para maapakan niya ang paa ko. "Ay, ano ba naman 'yan," nakabusangot kong wika. Hindi ko pinansin kahit na matanda ito dahil sa laki ng daanan ay talagang nabungo pa niya ako. "P-pasensiya ka na, ineng. M-medyo nahilo lang ako dahil sa uhaw," hinging paumanhin ng matanda. Inalalayan ko itong makatayo ng maayos. Hindi naman kami natumba dahil maagap ko siyag nahawakan. Tiningnan ko itong maigi. Nabawasan ang init ng ulo ko dahil may hawak pa nga itong tungkod. Inatake kaagad ako ng konsensiya dahil iniisip ko na kapag ako pala ang tumanda at babagal-bagal nang kumilos ay baka pagsalitaan din ako ng hindi maganda ng mga tao. "P-pasensiya din po, lola, kung gano'n ang inasal ko. Hindi lang po maganda ang gising ko ngayong araw," humingi na din ako ng paumanhin sa inasal ko, "baka nagugutom po kayo, bibilhan ko na lamang kayo ng makakain at maiinom?" "Huwag na. ineng. Hinatiran ko lamang ng miryenda ang aking anak sa loob ng palaisdaan, may pwesto kasi kami diyan. Pauwi na ako. Malapit lang naman ang sa amin dito." "Ah sige po, mauna na ako sa inyo--" "Ay teka lang sandali," putol nang matanda. "N-naniniwala ka ba sa.. sa mga h-hula?" Natigilan ako sa tinuran ng matanda. Hindi pa ako nakakasagot ay kaagad na naman itong nagsalita. "Pwede ba kitang hulaan? Hindi kasi ako mapakali eh. Nang mabunggo kita ay parang iba ang kutob ko sa'yo, ineng," natakot naman ako sa sinabi nito na huhulaan kasi kahit naman hindi ako palasimba, alam kong hindi maganda ang magpahula. "A-ano k-kasi.. b-baka may bayad. W-wala po akong pambayad---at hindi din po kasi ako naniniwala sa hula," pagtanggi ko sa matanda. "W-walang bayad, ineng. Masama kasi ang aurang nakikita ko sa'yo. H'wag kang mag-alala at mabilis lang ito," hindi ako nakapalag ng hawakan nito ang aking palad. "M-may kapatid ka ba?" Tumango ako. "Hmmm.. nandito ba ang kapatid mo?" Tumango ulit ako. "May magulang pa ba kayo?" Parang niloloko na 'ata ako ng matandang 'to. Akala ko ba manghuhula siya, bakit niya ako tinatanong. "N-nasa p-probinsi--" "Ulila na kayo ng kapatid mo. Patay na ang mga magulang niyo!" mariing sabi ng matanda. Bigla akong kinilabutan ng sinabi niya 'yon. Paano niyang nalaman na wala na kaming mga magulang? "B-buntis ba ang kapatid mo?" Tumango ako. "Paano niyo pong nalama--" "Ineng, ilayo mo dito ang kapatid mo. Nasa panganib ang buhay niya. Ilayo mo siya dito!" Hindi ako nakahuma sa sinabi ng matanda. Paanong nasa panganib ang buhay ni Jen-jen?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD