"Aaaaahhhhh... b-bakit lumaki ang tiyan ko....!!!" biglang sigaw ni Jen-jen nang makita ang tiyan nito pagkagising.
"H-hindi namin alam kung bakit lumaki 'yan?" natatarantang sabi ko kay Jen-jen. Bumaling ako kay Jia, "Jia, pakisundo si Tiya at Tiyo. Sabihan mong pumunta dito sa bahay," tumango ang aking pamangkin at dali-daling tumakbo.
Bumaling ulit ako kay Jen-jen para patahanin ito.
"W-wala ka bang may n-nararamdaman? Hindi ba masakit ang tiyan mo?" tanong ko dito sabay himas ng kanyang malaking tiyan.
"Hindi naman sumasakit ang aking tiyan.. ramdam ko lang na gumagalaw si baby sa loob dahil limang buwan na ang aking tiyan," pinakiramdaman din ni Jen-jen ang kanyang katawan.
"Mas mabuti sigurong tagawan ko na lang ulit ang kaibigan ng doktora para bumalik dito."
Tinawagan ko ulit ang kaibigan ng doktora kung pwede siyang pumunta sa bahay dahil sa biglaang paglaki ng tiyan ni Jen-jen subalit kasalukuyan na itong may ginagamot kaya hindi pwede. Pwede naman daw siyang bumalik bukas ng umaga para tingnan ulit si Jen-jen para malaman kung bakit lumaki ang tiyan niya.
Kahit na dismayado ay hindi na ako nagpumilit pa. Wala naman akong magagawa dahil wala kaming kilala na pwede naming pagdalhan ngayon kay Jen-jen. Aantayin na lamang namin siya bukas ng umaga.
"Lyn-lyn! Jen-jen! Anong nangyari? Bakit niyo kami pinatawag?" humahangos sa sigaw ni Tiya at Tiyo.
"Anong nangyari---"
"Bakit ganyan 'yan--"
Parehong napaawang ang labi ni Tiya at Tiyo nang makita ang tiyan ni Jen-jen.
"B-bakit malaki ang tiyan mo, Jen-jen?" si Tiyo ang unang nakabawi.
"Hindi ko din alam, Tiyo. P-paggising ko, ganito na ang tiyan ko," kita ang takot sa mukha ni Jen-jen.
"P-parang lumiit na ang tiyan ni Tita Jen-jen!" biglang bulalas ni Jia.
Tiningnan namin ang tiyan ni Jen-jen.
"P-parang lumiit na nga ang tiyan mo, Jen-jen. Kanina sobrang laki niyan.. n-ngayon.. parang.." napansin kong hindi na ito kasinglaki nang makita namin ni Jia.
"Gaano ba 'yan kalaki kanina?" agaw na tanong ni Tiyo.
"Sobrang laki niyan kanina na parang puputok na. Si Jia ang unang nakakita at nagulat na lamang ako ng sumigaw siya. Tiyo, may kilala ba kayong manggagamot para matingnan si Jen-jen?"
"Nagtanong-tanong na ako sa mga kumpare ko at mayroon na akong pinuntahan noong nakaraan kaso medyo mahal ang singil niya sa akin kaya naman hindi ko na sinabi sa'yo. Wala naman na kasing manggagamot sa panahon ngayon dahil hindi na masyadong naniniwala sa mga aswang aswang na 'yan ang mga tao. Siguro sa mga liblib na lugar meron pa naman. Hayaan mo at bukas ay magtatanong ulit ako," mahabang litanya ni Tiyo.
"Lyn-lyn.. naalala mo ang kababata at kaibigan mong si Adela?" biglang sabat ni Tiya.
"Bakit, Tiya?"
"K-kasi nung umalis ka noon para magtrabaho sa Maynila.. balita kasing niyanggaw siya.."
"Si Tiya naman, baka tsismis lang 'yon. Paano naman siya yayanggawin eh may lahing aswang din daw sila 'di ba," pinandilatan ko si Tiya.
"Totoo! Hindi lang 'yan natsismis dito sa atin dahil nang niyanggaw si Adela do'n na siya nakatira sa asawa niya sa ibang barangay."
"May asawa na si Adela?" nabigla ako sa sinabi ni Tiya. Hindi na bago sa amin ang mga kadalagahang nag-aasawa ng bata pa pero si Adela kasi ay kaibigan at kababata ko, titibo-tibo kasi ito noong high school kami.
"Oo. Dahil sa pagiging barkadista sa mga lalaki at mahilig uminom, ayon.. nabuntis kaya naman pinakasal ng mga magulang sa kanyang barkada. Ang pagkakaalam ko kaya siya niyanggaw ay naki-piyesta sa pamilya ng asawa niya sa kabilang isla. Ang pinuntahan pala nilang bayan ay kilala daw na pinamumugaran ng aswang. Parang nagalit 'ata sa kanya ang kamag-anak ng asawa niya kasi inaway ng anak niya ang isa sa mga bata doon. Sinaway din naman niya ang kanyang anak kaso nagtanim ng sama ng loob ang magulang ng bata. Pati nga ang asawa ni Adela ay hindi nakaligtas kahit kamag-anak pa niya dahil dinig ko ay kinulam naman ito. Isang buwang hindi nakalakad ang asawa ni Adela at nang tingnan sa manggagamot ay nalaman nga na kinulam ng sariling kamag-anak."
"Eh, Tiya, paano naman niyanggaw si Adela?" interesadong tanong ko.
"Ang pagkakaalam ko, pagkauwi nilang mag-anak galing sa piyesta ay biglang nag-iba na si Adela. Bigla itong nagkasakit at nang pinatingnan sa center ay wala namang makitang sakit kaya inuwi ulit. Napansin daw nilang nanghihina si Adela tuwing umaga at sa gabi ay malakas. Ang pinagtatakhan pa nila ay ayaw na nitong kumain ng niluluto ng kanyang asawa at parang may ibang hinahanap na hindi niya maintindihan. Naghinala na ang asawa nito dahil alam nito ang lahi ng mga kamag-anak sa pinuntahang isla. Hindi niya akalaing gagawan sila ng masama dahil halos taon-taon naman silang pumupunta doon at ngayon lang ito nangyari. 'Yon na nga, nang um-okay na ang asawa nito ay minatyagan niya si Adela. Napansin nitong ayaw ni Adela sa asin at minsang dumalaw ang isa nilang kabarkada ay sinabihan ito ni Adela na buntis kaya mas lalo pa silang nagulat dahil kahit ang kabarkada nila mismo ay hindi alam na buntis ito. Doon na pinatingnan ng kanyang asawa si Adela. Ang manggagamot na tumingin sa asawa ni Adela ay hindi marunong magtanggal ng yanggaw kaya umayaw ito sa kaso ni Adela. Naghanap pa ulit sila ng manggagamot sa kanilang lugar subalit wala silang mahanap kaya lumala ang sitwasyon ni Adela. Mayroon nang balita na nakikita nila si Adela tuwing gabi kung saan-saan. Pati na ang anak ni Adela ay nagkukwento na din sa kanyang mga kaibigan na nakikita nito ang ina sa kanilang kisame, minsan ay sa bubong. Ilang beses na ring inaamoy-amoy ni Adela ang kanyang anak at ng malaman ito ng kanyang asawa ay kinulong ito sa kwarto. Ang pinakamalala talaga ay mayroong buntis na kapitbahay sila Adela na pinasok nito isang hapon habang natutulog at hinawakan ang tiyan. Nakita siya ng asawa ng buntis kaya naman kumuha ito ng itak at pinagtataga si Adela. Mabuti na lamang at mabilis na naka-iwas si Adela kaya tanging ang kamay lamang nito ang natamaan. Dahil sa nangyari ay lumipat sa ibang barangay sila Adela dahil nga takot na sila ang patayin ng mga kapitbahay. Humingi na din ng tulong ang kanyang asawa sa magulang nito. Sa kahahanap nila ng manggagamot ay may nakapagsabi sa kanila na may magaling na manggagamot sa isla kung saan niyanggaw si Adela. Hinanap iyon ng kapatid ng asawa ni Adela at kinausap. Sinabihan silang matagal-tagal na gamutan ang kailangan kay Adela dahil tumubo na ang sisiw sa loob ng tiyan nito-ibig sabihin ay ganap nang aswang si Adela. Sa kabutihang palad ay wala pa itong nakakain na tao kaya naman pwede pa itong magawan ng paraan. Bali dinala ng kanyang asawa si Adela do'n sa isla at pinagamot. Halos limang buwang gamutan ang nangyari kay Adela bago ito tuluyang gumaling sa pagiging aswang. Hindi na sila bumalik sa kanilang barangay at bumalik dito kasama ang asawa. Ngayon ay dalawa na ang anak nito at hindi na umiinom at nakikikain kung saan-saan."
"Parang hindi naman kapani-paniwala 'yang kwento mo, Tiya," nanlalaki ang matang sita ko kay Tiya. Napa-imposible talaga.
"Ano ka ba, Lyn-lyn. Mismong si Lilia ang nagsabi niyan. Alam mo naman 'yan si Lilia, may pagka-aning aning kaya minsan kapag nabibigla ay kung ano-ano ang pinagsasabi," pinandilatan ako ni Tiya.
"Tapos naniwala naman kayo?"
"Eh kapag nabibigla ay sinasabi nito na aswang si Adela. Kapag naririnig siya ng kanyang mga anak at asawa ay sinasaway siya. Minsan nga noong nag-iinuman kami ng tuba.. mukhang tinamaan ito. Nagkwento siya sa amin ng nangyari kay Adela-- kung paano ito niyanggaw at paanong nagamot. Kinabukasan ay wala itong maalala sa mga sinabi niya sa amin. Medyo kumalat na rin iyon dito sa atin pero dahil nga hindi kinakitaan ng pagka-aswang si Adela kaya wala ding may naniwala kay Lilia. P-pero ako, medyo naniniwala sa sinabi niya kasi nakita ko ang peklat sa may braso ni Adela nang minsang magdala ito ng pagkain kay Lilia habang nagsusugal kami."
"Talaga, Tiya, may peklat ang kamay ni Adela?"
"Oo."
"Alam niyo ba ang bahay ni Adela?"
"Siyempre naman. Gusto mo bang puntahan natin?" tanong ni Tiya.
Tumango ako.