Jen-jen 16

1176 Words
"Adela!" "Adela!" "Adela..." Sinamahan ako ni Tiya sa bahay nina Adela. Naiwan si Tiyo at Jia sa bahay para bantayan si Jen-jen. "Adela----" "Hinahanap niyo ba si Adela? Wala sila diyan. Noong nakaraang linggo pa sila umuwi sa lugar ng asawa niya. Namatay 'ata ang malapit na kamag-anak ng tatay ng asawa niya kaya kailangan nilang pumunta," bigla na lamang sumulpot sa harapan namin ni Tiya ang isang babae na sa tantiya ko ay mas matanda lang sa akin ng ilang taon. "Alam mo ba kung kelan sila babalik?" si Tiya ang nagtanong sa babae. "Hindi ko alam eh. Pero baka ngayong linggo kasi nga ayaw ni Adela magtagal doon. Sana nga bumalik na siya kasi wala kaming kalaban sa tong-its.. hehehe.." humagikhik pa ang babae. "Ah, gano'n bah. Ano ngang pangalan mo, 'neng?" "Nurhana po." "Sige, Nurhana, salamat. Babalik na lang siguro kami sa susunod na linggo o 'di kaya pakisabi na lang na pumunta dito si Aling Melecia at ang kababata niyang si Jovielyn, importante lang 'kamo," ani ni Tiya sa babae. "Sige po, huwag kayong mag-alala at sasabihan ko si Adela." Dahil wala si Adela sa kanila ay pumunta na lamang kami sa bayan para bilhin ang sinabi ng kaibigan ng doktora. Matapos mabili ay umuwi na kami dahil nag-aalala kami kay Jen-jen. Pag-uwi ng bahay ay naroon na si Joy-joy dahil tapos na ang trabaho nito. Wala na si Tiyo at Jia, umuwi na sa kanila. Si Jen-jen ay nasa loob ng kwarto namin at nagtutupi ng mga damit, "Ate Lyn-lyn, totoo bang lumaki kanina ang tiyan ni Jen-jen?" mahinang bulong sa akin ni Joy-joy. Dinala ako nito sa kusina matapos kong mailagay ang aking pinamili sa sala. Umuwi na si Tiya dahil maghahapunan na. "Oo. Bakit?" "Hindi naman malaki ang tiyan ni Jen-jen pag-uwi ko. Maliit pa rin ang umbok ng tiyan niya kagaya noong dumating kayo. Pinagloloko niyo lang 'ata ako ni Jia." "B-bakit, bumalik na ba sa normal ang tiyan ni Jen-jen?" tumango si Joy-joy. "Tingnan nga natin." Sumilip kami ni Joy-joy sa pinto para tingnan si Jen-jen. Abala ito sa pagtutupi kaya hindi niya kami napansin. Totoo ngang bumalik na sa maliit na umbok ang tiyan ni Jen-jen. Pero bakit kanina sobrang laki ng tiyan niya na parang puputok na? Sana bumalik na si Adela para matanong ko ito kung totoo ngang niyanggaw ito at paano ito nagamot. ****** "Lyn-lyn! Jen-jen! Magandang umaga sa inyo. May kasama kami para tumingin sa'yo, Jen-jen," si Tiyo kasama si Tiya at isang matandang lalaki. "Magandang umaga po Tiya, Tiyo. Pasok po kayo," anyaya ko sa kanila. Pumasok kami sa loob at kaagad akong naghanda ng kape. Maaga pa at kakatapos lang naming kumain kaya kape nalang ang inalok ko sa kanila. Si Joy-joy naman ay pumasok na sa kanyang trabaho. "Ito pala si Dadoy, isang albularyo. Tatay siya ng napangasawa ni Amjad, 'yong anak ng kumpare ko. Nagbakasyon siya dito kasi 'yong anak nina Amjad ay nagkasakit at noong dinala sa pagamutan ay hindi malaman ng doktor ang sanhi ng kanyang sakit kaya naman pumunta siya dito para siya mismo ang titingin sa kanyang apo. Ang sabi ng kumpare ko ay magaling pala siyang manggagamot. Nagkainuman kami kagabi at nabanggit ko nga sa kanya ang kalagayan mo, Jen-jen. Baka sakaling matulungan ka niya. Dadoy, ito pala ang aking mga pamangkin, si Lyn-lyn- ang panganay , at si Jen-jen - siya ang bunso. Itong si Jen-jen ang sinasabi ko sa'yo kagabi na biglang lumaki ang tiyan ilang araw na ang nakakalipas," pakilala ni Tiyo sa amin. "Magandang umaga po sa inyo Mang Dadoy!" sabay naming bati ni Jen-jen. "Ah, ikaw pala si Jen-jen. Matanong ko lang kung may iba na bang tumingin sa kalagayan mo?" tanong ng matanda. "Meron na po. Ang sabi sa akin ay ina-aswang daw po ako," pahayag ni Jen-jen. "Hanggang ngayon ba ay may nararamdaman ka pa rin?" "M-meron po. 'Yong pakiramdam na parang nalulunod ako tuwing tanghali at hapon.. at minsan pakiramdam ko ay wala akong lakas lalo na sa umaga," sagot ni Jen-jen. Nagulat ako sa pahayag nito dahil hindi niya sinabi sa amin na nawawalan siya ng lakas sa umaga. "Hindi ka ba ginamot ng tumingin sa'yo?" tanong ulit ng matanda. "Ahh... h-hindi po. Noong tiningnan niya ako ay sinabihan niya kaming hindi niya kaya ang aswang dahil hindi daw siya maalam sa aswang aswang na 'yan." "Ah, gano'n ba, kaya pala. Nabanggit pala sa 'kin ng Tiyo mo na lumaki daw ang tiyan mo, gaano kalaki at ilang beses na?" "Noong una sobrang laki pero nitong nakaraang tatlong araw ay hindi na gaano kalaki. Napansin po namin na lumalaki ang tiyan ko tuwing tanghali o hapon at bumabalik din naman sa normal na laki. Kapag lumalaki ang tiyan ko ay napapansin kong para akong nalulunod," sagot ni Jen-jen. "Dati mo na bang nararamdaman 'yong sinabi mo kanina na parang wala kang lakas sa umaga o ngayon lang?" "Ahh.. parang kelan ko lang naramdaman. Kasabay ng paglaki ng tiyan ko, napansin ko kinabukasan na parang natatakot ako sa araw. N-nakakalabas naman ako sa umaga p-pero may nararamdaman akong takot.. h-hindi ko alam kung bakit..." "Hhmmm... pwede ko bang tingnan ang buong bahay ninyo?" tanong ng matanda. Tumingin ito sa akin. Tumango ako tanda ng pagpayag at nauna na akong nagpatiuna kasunod ng matanda. Inikot nito ang kabuuan ng aming bahay pati na din ang paligid. Nang matapos sa pagsiyasat sa buong paligid ay bumalik kami sa loob. "Hmm... totoo ngang ina-aswang ka. Hindi lamang isa kundi tatlo ang dumadalaw sa'yo dito. Maliban sa kanilang tatlo ay mayroon ding napapadpad na iba at napapadaan lamang tuwing pauwi na. Hindi lamang makaporma ang iba dahil itong tatlo talaga ang naunang nagbabantay sa'yo," pahayag ng matanda. "Iyan din po ang sinabi sa amin noong unang tumingin sa akin, na tatlong aswang nga daw ang nagbabantay sa akin. Dapat nga ay siya din ang titingin sa akin noong lumaki ang tiyan ko pero tumawag ito kinabukasan na hindi siya pwedeng pumunta dito sa amin dahil may nakalaban itong masamang elemento at baka sumama sa kanya dito ang elemento kaya hanggang ngayon ay wala pa ring may tumitingin sa akin," si Jen-jen. "Tama nga ang ginawa niya. Mahirap nang madagdagan pa ang nagpapahirap sa'yo," pumikit muna ang matanda at parang may inusal, "Tuwing alas sais ng hapon, magsunog kayo ng kamangyan at makabuhay at pausukan lahat ng sulok ng bahay ninyo. Maigi ding magsunog ng goma dahil ayaw na ayaw ng aswang ang amoy nito. Magsuot ka ng itim na damit para hindi nila makita ang bata sa iyong sinapupunan..." Maraming pang sinabi ang manggagamot kay Jen-jen na dapat niyang gawin laban sa aswang. Ang tumatak talaga sa akin ay nang sabihin nito ang tungkol sa dalawang aswang. "Ang dalawang aswang na nauna ang siyang laging nagbabantay sa'yo simula pa noong nabuntis ka. Ang isa naman ay nito lamang nagkainteres sa'yo, sa likuran naman ito tumatambay dahil ang dalawa ay nasa unahan tuwing gabi." "Bakit pala nasa harapan ang dalawa at ang huling aswang ay nasa likuran?" tanong ni Jen-jen.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD