Kinagabihan ay pinauwi na din kami ng doktora dahil kakaiba nga daw ang sitwasyon ni Jen-jen. Meron itong inusal na dasal at tumigil ang pananakit ng tiyan ni Jen-jen. Sinabi naman ng doktora na pansamantala lang ang ginawa niyang dasal dahil baka sa susunod ay baka makunan na daw talaga si Jen-jen. Dapat ay dobleng ingat kami at kailangan niyang inumin ang gamot para kumapit si baby.
Nakausap na din naman namin ang kaibigan ng doktora at pupunta ito sa amin bukas ng tanghali dahil alanganin na ngayon dahil gabi na.
Sa aming pag-uwi ay kasama na si Tiyo para masigurong ligtas kami. Dalawang traysikel din ang binayaran nitong maghahatid sa amin para daw kapag nasira ang isa ay may isa pa kaming gagamitin.
Matiwasay naman kaming nakauwi ng bahay kahit pa nga inabot na kami ng hatinggabi.
Kinabukasan ay dumating na ang kaibigan ng doktora, isang hindi katangkaran na lalaki na sa tingin ko ay kaedaran ko din. Kinausap nito si Jen-jen at pagkatapos ay tiningnan ang paligid ng aming bahay. Matapos matingnan ay bumalik ulit ito sa loob.
"Ano po sa tingin ninyo ang gumagambala kay Jen-jen. Simula po kasi noong mabuntis siya ay nanaginip na siya ng masama kaya nagpasya akong iuwi siya dito. Noong dumating kami, hindi na siya nanaginip pero kahapon ay biglang sumakit ang kanyang tiyan at muntik nang makunan," magkaharap kami ngayon sa sala para pakinggan ang sasabihin ng lalaki.
"Hhhmmmm..." huminga ito ng malalim atsaka nagsalita, "Sorry, pero hindi ko kaya ang nilalang na gumagambala sa kapatid mo. Masyadong malakas sila para sa akin."
"S-sila??" nagtatakang tanong ko.
"Oo, maraming may naghahabol sa kapatid mo. Tatlong aswang!"
Natahimik kaming lahat sa sinabi ng lalaki.
"Aswang? Sigurado ka bang aswang ang gumagambala sa pamangkin namin," sabat ni Tiyo.
"Opo, ina-aswang siya. Although hindi ako maalam sa mga aswang dahil ang expertise ko talaga ay ibang elemento katulad ng mga multo, mga kaluluwa at paranormal entities-- may naging kaibigan akong may lahing aswang. Ang lahi naman nila ang tipong hindi kumakain ng laman ng tao, nasanay na kasi sila sa karne ng hayop. Siguro ay third time ko ngayon na maka-encounter ng ganitong case na ina-aswang kaya pinaprangka ko na kayo na hindi ko kaya dahil iba ang aswang. Wala akong mga medalyon o gamit na pwedeng panlaban sa kanila. Sa dalawang pamilya na humingi ng tulong sakin before, muntik na akong mamatay pati na din ang mga buntis kaya nadala na 'ko. Ayokong magmagaling ulit at baka may mapahamak," mahabang pahayag ng lalaki.
"Ang sabi kasi ng doktora sa center magaling kayo," pagpupumilit ko.
"Ang akala kasi niya ay paranormal entities ang gumagambala sa kapatid mo dahil may nakita siyang maitim na aurang umaaligid sa kapatid mo. Pero ngayong nakita at nakausap ko siya ay walang duda na aswang ang humahabol sa kanya. Ang habol talaga nila is 'yong bata sa sinapupunan niya."
"Ah.. pero paano mo nasabing tatlo ang aswang na gumagambala sa kanya?"
"Tatlong presensiya ang nararamdaman kong nagbabantay dito sa bahay niyo. Bali 'yong dalawa ay nasa harap lagi at 'yong pangatlo ay nasa likuran ng bahay ninyo nakapwesto."
"Parang hindi naman kapani-paniwala na pati pala mga aswang may teritoryo din. Kalokohan!" biglang sabat ni Tiyo.
"Tumigil ka nga, nakakahiya sa tao. Tayo na nga ang tinutulungan tapos hindi pa tayo naniniwala sa kanya," kaagad na sinaway ni Tiya si Tiyo at humingi ng paumanhin sa lalaki, "pasensiya ka na, huwag mo na lang pansinin ang asawa ko."
"Okay lang po, naiintindihan ko naman dahil minsan ay may mga bagay talaga na mahirap paniwalaan gaya na lamang ng nangyayari sa pamangkin niyo ngayon. Ang tanging maipapayo ko lang is palaging manalangin at iwasan niyang tumanggap ng pagkain sa ibang tao lalo na kapag hindi niya kilala dahil isa din 'yon sa way na pwede siyang taniman ng aswang."
"Narinig mo 'yon, Jen-jen. Huwag na huwag kang tumanggap ng mga pagkain kung kani-kanino lalo na kapag hindi mo kilala," tumango lang si Jen-jen.
"Dagdag ko din na sana kapag natutulog kayo sa gabi ay gumamit kayo ng kulambo. Alam ko kasi takot sa kulambo ang aswang, hindi sila basta-basta makakapasok sa loob noon kaya in case man na makapasok sila sa bahay ninyo habang natutulog ay hindi niya magagalaw ang buntis sa loob no'n. Maglagay din kayo ng asin sa bawat bintana at sa inyong pintuan," dagdag pa ni Rj.
"Dapat na pala akong bumili ng kulambo. Meron kami niyan dati pero tinapon na 'ata ni Joy-joy kasi sobrang tagal na. Hindi siya mahilig sa kulambo, kami naman ay nasanay na din sa Maynila na natutulog ng walang kulambo."
"Mas maganda pa rin 'yon para lang sa kaligtasan niya. Dapat mayroon din siyang rosary lagi. Kahit na anong lakas ng aswang kapag may mga bagay na may basbas ng simbahan ay mahihirapan silang galawin ang kanilang magiging biktima, liban na lamang kung kulang din sa pananampalataya ang taong 'yon."
"Naku, kailangan ko na ring bumili niyan. Naiwanan ko kasi ang aking rosary sa kwarto ko sa Maynila. Mamayang hapon ay pupunta ako ng bayan para bumili ng kulambo at rosary para sa aming tatlo, ipababasbasan ko na rin sa simbahan para mas magamit namin laban sa aswang na 'yan."
"Sige, mauna na ako sa inyo. Pasensiya kung hindi ko kayo matutulungan. Tanging dasal at pag-iingat lang ang maipapayo ko," ang sabi ng lalaki bago tuluyang umalis.
Nagpasalamat naman kami dito at kahit pinilit ko pang bayaran ay tumanggi ito dahil wala naman daw siyang ginawang hakbang dahil hindi niya kaya ang aswang. Napag-isip-isip ko naman na kahit gano'n ang sinabi niya ay parang naguilty din ako, lalo na sa parteng magdasal at magtiwala lamang sa Itaas. Sa katagalan ko na rin kasi sa Maynila at malayo pa kami sa bayan kaya hindi ako nakakapagsimba tuwing linggo, pati panalangin ay nakalimutan ko na din. Tingin ko nga pati si Jen-jen ay gano'n din kaya siguro naging lapitin ito ng aswang.
Bandang alas tres ng hapon ay pumunta muna ako sa kabila para pakiusapan si Tiya o 'di kaya ang isa kong pamangkin na bantayan muna si Jen-jen habang natutulog. Pupunta lang ako sa bayan para bumili ng kulambo at rosary at iba pa naming mga kakailanganin sa bahay.
Wala sa kabila si Tiya at naglaro daw ng bingo kaya naman ang pamangkin kong si Jia ang sinama ko sa bahay. Pagdating sa bahay ay dumiretso muna ako sa banyo dahil naiihi na talaga ako.
"Titaaaa.... Tita......" narinig kong sigaw ni Jia kaya naman dali-dali akong bumalik sa sala.
"B-bakit ka nagsisigaw, Jia? Huwag sumigaw dahil natutulog ang Tita Jen-jen mo," saway ko dito.
"K-kasi po, Tita Lyn-lyn, tingnan niyo po ang tiyan ni Tita Jen-jen oh," sabay turo nito sa tiyan ni Jen-jen.
Halos manlaki ang ulo ko nang makita ang tinuro ni Jia.
Nakatihayang natutulog si Jen-jen pero ang tiyan nito ay halos pumutok na sa sobrang laki.
"Susmaryosep.. Jen-jen, gising!"