Jen-jen 17

1133 Words
"Ang dalawang nauna ay nasa harapan at ang huli ay nasa likuran dahil ang huli ay tagarito lamang." Iyon ang pahayag ng matanda. "P-paano mo nasisiguro na t-taga.. tagarito sa amin ang isa sa gumagambala kay Jen-jen?" tanong ni Tiya. "Ang mga aswang, hindi 'yan sila masyadong nambibiktima sa kanilang lugar dahil ayaw nilang paghinalaan sila. Pero minsan hindi din nila maiwasang mambiktima sa kanilang lugar at kadalasan ay sa likod sila ng bahay nakapwesto para hindi sila makilala. Kapag sa ibang lugar sila nambiktima ay matatapang 'yang mga 'yan kahit harap-harapan pa." "Ah... gano'n pala 'yon. Naku, Jen-jen, mag-ingat ka. 'Yan ang sinasabi ko sa'yo na huwag kang makikipag-usap kay Manang Iska dahil nga usap-usapan ngang aswang 'yon. Siya ang umako ng pagiging aswang ng nanay niya," palatak na sabi ni Tiya. "Hindi ko na po siya kinakausap katulad ng sinabi niyo, Tiya," sagot naman ni Jen-jen. "'Yong sa paglaki ng tiyan mo, malamang kagagawan 'yan ng naunang aswang na humahabol sa'yo. Meron silang itinanim sa'yo na siyang tanda nila na ang bata sa sinapupunan mo ay sa kanila-- kumbaga minarkahan ka na nila," luminga-linga ang matanda sa aming sala, "May kalendaryo ba kayo rito? 'Yong may high tide at low tide na kalendaryo," tanong ng matanda. Naghanap ako pero wala akong makita dahil ang nakapaskil sa aming pinto at sa kusina ay bigay ng mga nanalong kandidato, walang high tide at low tide 'yon. "Sa bahay meron, kukunin ko lang at dadalhin dito," biglang tumakbo si Tiyo sa kabila. Maya-maya lamang ay bumalik na ito dala-dala ang isang kalendaryo. Tiningnan ng matanda ang petsa kung kelan lumaki ang tiyan ni Jen-jen. "Sabi mo kanina na sobrang laki ng tiyan mo noong nakaraan tapos nito lang ay hindi na gaano?" nakatingin ito kay Jen-jen. Tumango naman si Jen-jen, "ang paglaki ng iyong tiyan ay nakadepende sa high tide. Noong nakaraan ay sobrang laki kasi mataas ang tubig tapos nitong mga nakaraang araw ay hindi na masyadong mataas ang tubig kaya hindi na din gano'n kalaki ang iyong tiyan." Napamulagat kaming lahat sa sinabi ng matanda. Kinuha ko ang kalendaryo na hawak nito at tiningnan ang high tide at low tide simula ng lumaki ang tiyan ni Jen-jen, tugma nga sinasabi nito. "B-bakit po gano'n ang nangyayari?" tanong ko. "Dahil 'yan sa sinabi ko kaninang tinaniman nila o minarkahan ang kapatid mo kaya nasundan nila hanggang dito.. at dahil namarkahan na siya ay kayang-kaya nilang pahirapan siya na parang kinukulam din," tumigil muna saglit ang matanda at nagpatuloy, "ang medyo kinakabahala ko lang ay tungkol sa nararamdaman niyang pananamlay sa umaga at nakakaramdam lamang siya ng lakas sa gabi.. b-baka may posibilidad din na siya ay niyanggaw!" "Ano?!" "Niyanggaw??" "A-ano..?" Sabay-sabay naming bulalas. Hindi kami makapaniwala sa sinabi ng matanda. "Si Jen-jen, b-baka.. baka niyanggaw??? Bakit niyo po nasabi 'yan?" biglang akong natakot sa sinabi ng matandang lalaki. "Hindi malayong mangyari 'yan sa kanya dahil mayroon na siyang sintomas. Hindi lang ako sigurado dahil hindi ko pa nararamdaman sa katawan niya ang madilim na aurang nasasagap ko sa palibot ng bahay ninyo. Mag-ingat din kayo dahil sobrang lakas ng dalawang aswang na 'yan dahil nakarating pa sila dito. Kung tutuusin ay mahirap makatawid ang aswang sa dagat. Kaya nga minsan kapag ang isang tao ay ina-aswang, pinapatawid ito ng karagatan para pumunta sa ibang lugar para hindi na masundan. Maswerte pa rin kayo dahil sa tingin ko ay may gumagabay sa kanya kaya naman hindi pa siya tuluyang nakukuha ng mga aswang." "Paano po ba ako yayanggawin, Manong, kasi wala naman akong kakilalang aswang. Mag-iisang buwan pa lamang kami dito ni Ate Lyn-lyn galing Maynila at tanging si Manang Iska lamang ang sinabi ni Tiya na kilalang aswang dito sa amin. Hindi naman ako no'n binibigyan ng pagkain atsaka hindi din ako mahilig tumanggap ng pagkain lalo na sa hindi ko kakilala," biglang sabat ni Jen-jen. "Kung sa tingin mo wala naman, siguro nga ay nagkakamali lang ako. Baka dala lang 'yan ng pagmarka sa'yo ng mga aswang. Basta ang bilin ko sa'yo huwag mong kakalimutan. Narito naman ang kapatid mo at kamag-anak na handang tumulong sa'yo. Kung kailangan niyo ng tulong ay narito pa naman ako hanggang sa katapusan. Maayos na ang pakiramdam ng aking apo kaya uuwi na ako sa amin. 'Yong tungkol naman sa paglaki ng tiyan mo, matatanggal lang 'yan kapag nakapanganak ka na. Kung wala ka namang nararamdamang kakaiba kahit na lumaki pa 'yan, sa tingin ko ay okay ka pa rin. Huwag ka lang pakampante at mas maiging huwag ka nang lumabas ng bahay ninyo lalo't nanghihina ka sa umaga. At ang pinaka-importante sa lahat.. magdasal ka lamang at manalig sa Kanya dahil siguradong tutulungan ka Niya," pagtatapos ng matanda. Nagpasalamat kami kay Mang Dadoy nang umalis na ito. Tinangka ko pa sanang magbayad pero hindi nito tinanggap kaya binigyan na lamang namin siya ng mga isdang huli ni Dodoy. Dahil na rin sa kakaibang kalagayan ni Jen-jen, sa tingin ko ay lalampas ako ng isang buwan sa amin kaya naman tumawag na lamang ako kay Ma'am na matatagalan pa ako, siguro ay babalik na lamang ako pagkatapos manganak ni Jen-jen. Pumayag naman si Ma'am dahil mabait at mapagkakatiwalaan naman ang pumalit sa akin. Nag-aalala din ito sa kalagayan ni Jen-jen kaya pinadalhan pa niya kami ng pandagdag gastos na siya kong ipinagpasalamat. Ilang araw ang makalipas ay mas lalong lumala ang kalagayan ni Jen-jen. Liban sa tiyan nitong sumasabay sa high tide at low tide, halos hindi na rin ito lumalabas ng bahay dahil nanghihina ito sa umaga. Tanging sa gabi lamang ito malakas. Ang isa pa sa kinakabahala namin ay ang nakikita naming mga kalmot sa katawan ni Jen-jen na sa tuwing umaga lamang din namin nakikita, sa gabi ay nawawala ang bakas ng kalmot sa katawan nito. Pansin din namin ni Joy-joy na tuwing gabi ay maraming ibon ang lumilipad na buong kabahayan. Sobrang lakas ng pagaspas na animo'y matatanggal na ang aming bubong. Mabuti nga at yari sa mumurahing yero ang aming bubong, kung nipa siguro ay nabutas na ito. Katulad na lamang ngayon, nagising ako sa kailaliman ng gabi sa tunog na parang may naglalakad sa taas ng bubong namin. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay tumaas bigla ang balahibo sa buo kong katawan nang kasunod nito makarinig ako ng mahinang tawa-- tawa ng parang boses lalaki na galing sa ilalim ng lupa. "Joy-joy! Jen-jen!" tawag ko sa dalawa sa mahinang tinig. Bigla kasi akong nahintakutan. Nakahiga pa rin ako dahil natatakot akong tumingin kung saan nanggaling ang boses. Kinapa ko sa ang aking tagiliran si Jen-jen para humanap ng lakas dahil natatakot ako sa boses. Ako kasi ang nasa tabi ng pader at pinapagitnaan namin ni Joy-joy si Jen-jen sa pagtulog. Wala! Wala akong makapa sa aking tagiliran. Nasaan si Jen-jen?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD