"Jen-jen.." mahinang tawag ko sabay kapa sa aking tagiliran.
Wala si Jen-jen sa aking tabi.
"Jen-jen.." mabilis akong umupo para tingnan ang higaan.
Mula sa sinag ng maliit na lampshade sa loob ng aming kwarto ay napansin kong wala nga si Jen-jen.
"Joy-joy! Joy-joy!" tawag ko kay Joy-joy sabay yugyog sa balikat nito para magising.
"Uhhmm.. a-ano ba... gabi pa.. na-natutulog pa ko.." reklamo ni Joy-joy.
"Gumising ka. Nawawala si Jen-jen.." nilakasan ko na ang pagyugyog sa balikat nito.
"Ha... a-anong sabi mo?"
"Nawawala si Jen-jen!" bigla naupo si Joy-joy at tiningnan ang higaan ni Jen-jen, "s-saan siya nagpunta..?"
Tiningnan namin ang buong kwarto pero wala siya. Pagtingin ko sa pinto ay bahagyang nakabukas ito kaya dali-dali kaming lumabas ng kwarto.
"Jen--"
"Arghhh...." nasindak kami ng Joy-joy nang makita namin si Jen-jen sa gitna ng salas. Nakatayo ito habang nadipa ang dalawang kamay at nakatingala sa bubong ng bahay. Tumatawa mag-isa at kinakausap ang sarili.
"Jen-jen..." tawag ko sa kanya. Kaagad itong napatingin sa amin ni Joy-joy.
Napayakap sa akin si Joy-joy nang makita ang mapupulang mata ni Jen-jen. Pati ang buhok nito ay nagsisitayuan kaya nagmukha itong bruha.
"Huwag kayong lalapit!" nanlilisik na sigaw ni Jen-jen. Naging boses lalaki ito.
"A-anong nangyayari sa'yo, Jen-jen? Bakit ganyan ang boses mo?" takot kong tanong habang unti-unting lumalapit sa kanya. Si Joy-joy naman ay kapit na kapit sa akin. Kahit na natatakot ako ay pinipilit kong patatagin ang aking loob. Ako ang panganay sa amin kaya kailangan kong maging matapang para sa aking mga kapatid.
"Ate Lyn-lyn.. tulungan niyo ak--- kapag lumapit kayo may mangyayari sa katawan ng kapati---"
Paiba-iba na ang boses ni Jen-jen. Sa tuwing lalapit kami sa kanya ay sinasakal niya ang kanyang sarili kaya naman hindi kami makahakbang ni Joy-joy.
"Jen-jen, labanan mo kung ano man ang sumasanib sa'yo.. labanan mo!" sigaw ko kay Jen-jen. Humihikbi na si Joy-joy sa sobrang takot. Kahit ako ay gusto ko na ring magtatakbo sa nakikitang kong pagbabago ni Jen-jen. Pulang-pula ang mga mata nitong nakatingin sa amin ni Joy-joy. Bigla itong tumawa na parang dem*ny*.
"Ate Lyn-lyn, natatakot ako.. b-baka k-kung anong gawin niya sa atin.." nanginginig na sabi ni Joy-joy," h-humingi na tayo ng tulong kina Tiyo at Tiya."
"Huwag kang lalabas dahil may naririnig akong malakas na pagaspas sa itaas. Hindi tayo nakakasiguro... baka 'yan ang mga aswang na gumagambala kay Jen-jen," hinawakan ko na lamang ang kamay ni Joy-joy para mapakalma ito.
"Walang lalabas sa bahay na 'to! Hindi ako papayag na humingi kayo ng tulong!" nagboses lalaki na naman si Jen-jen at tumawa ng nakakapangilabot.
"Our Father who art in heaven,
hallowed be thy name.
Thy kingdom come.
Thy will be done
on earth as it is in heaven.
Give us this day our daily bread,
and forgive us our trespasses,
as we forgive those who trespass against us,
and lead us not into temptation,
but deliver us from evil.
For thine is the kingdom and the power, and the glory,
forever and ever.
Amen."
Sa tindi ng takot ko ay naisip ko na lamang na manalangin ng 'Our Father'.
"Joy-joy, sabayan mo ako sa panalangin."
Sinabayan ako ni Joy-joy kahit na pautal-utal ito sa pagdasal.
"Arrggghh.... t-tigilan niyo 'yan.. kung---" nagbago na naman ang boses ni Jen-jen. "Ate Lyn-lyn! Ate Joy-joy! Masakit na ang ulo---"
"Joy-joy, huwag kang tumigil hangga't hindi lumalabas sa katawan ni Jen-jen ang masamang espiritong sumasanib sa kanya!" sigaw ko kay Joy-joy dahil napansin kong natitigilan ito sa tuwing hahakbang papalapit sa amin si Jen-jen.
"N-na-natatakot ako kay, Jen-jen. Nanlilisik ang kanyang mga mata. Baka saktan niya tayo.. para na siyang-- huhuhu.." tuluyan nang tumigil si Joy-joy sa pagsabay sa akin.
"Tumigil ka sa pag-iyak dahil hindi makakatulong 'yan kay Jen-jen. K-kapag nagpatalo tayo sa takot ay baka kung ano ang mangyari sa atin at sa kanilang dalawa ng baby. Alam kong hindi niya tayo gagalawin dahil nilalabanan din ni Jen-jen ang kanyang sarili."
Muli akong nanalangin at sa pangalawang pagkakataon ay sumabay sa akin si Joy-joy.
Nakailang 'Our Father' na kami ni Joy-joy ng biglang nawalan ng malay si Jen-jen. Kaagad kaming dumalo kay Jen-jen pero bago pa namin mahawakan si Jen-jen ay biglang namatay ang ilaw.
"Ay---Ate Lyn-lyn! N-natatakot ako!" biglang kaming nagyakapan ni Joy-joy.
Kahit na natatakot sa biglaang pagkamatay ng ilaw sa sala ay tinatagan ko ang aking sarili. Hinawakan ko nang mahigpit ang kamay ni Joy-joy.
"Jen-jen! Jen-jen! Nasaan ka?"
"Jen-jen! Sumagot ka!"
Nasaan si Jen-jen? Bakit wala na siya dito sa gitna ng sala? At bakit hindi din siya sumasagot?
Kailangan namin ng ilaw. Hindi pwedeng walang ilaw dahil iyon ang bilin ni Mang Dadoy, huwag magpapatay ng ilaw sa gabi. Kaya nga may lamp shade kami sa loob ng kwarto dahil proteksiyon din namin iyon sa aswang.
Hawak ang kamay ni Joy-joy ay tinalunton namin ang kusina. Sa tulong ng liwanag sa labas ay nakarating kami sa kusina. Naghanap ako ng posporo at lampara. Kailangan naming bumalik sa sala.
"Ate.. Ate Lyn-lyn.. t-tingnan mo sa bahay nila Tiyo at Tiya, nakabukas ang ilaw sa kanilang bakuran, bakit parang tayo lang ang walang ilaw?" sumilip ako sa may lababo at nakita ko ngang nakabukas ang kanilang ilaw sa labas, " bayad naman tayo sa kuryente 'di ba?"
"Dito ka lang, Joy-joy. Hihingi ako ng tulong kina Tiyo at Tiya---"
"Ate Lyn-lyn.. huwag mo 'kong iwan dito. N-natatakot na ako.. n-natatakot d-din ako kay Jen-jen.." humagulgol na si Joy-joy.
Kaagad ko itong niyakap.
"Huwag kang matakot kay Jen-jen. Naniniwala akong hindi niya tayo sasaktan kahit na parang sinasapian pa siya. Magtiwala lang Tayo sa Itaas na walang mangyayaring masama sa ating tatlo--- ay!!!"
Napatili kaming dalawa ng biglang may humablot kay Joy-joy mula sa siwang ng lababo.
"Joy-joy!!!"
Napasigaw na lamang ako ng parang bulang naglaho si Joy-joy sa aking paningin.
Kaagad akong lumabas ng kusina pero napatigil din ako ng maalala si Jen-jen sa loob ng bahay.
"Aaaahhhhh... a-anong gagawin ko. Diyos ko, tulungan Niyo po ako.. hindi ko na alam ang gagawin ko.." napaiyak na lamang ako. Napasalampak ako sa sahig dahil sa pinaghalo-halong emosyon. Nawawalan na ako ng pag-asa.
Tinatanong ko ang aking sarili kung bakit nangyayari sa amin to?
"Diyos ko... a-ang m-mga kapatid ko.." unti-unti nang nagsisikip ang dibdib ko. Hilam na rin ako ng luha kaya wala na talaga akong makita.
Nakarinig ako ng ingay sa labas. Ingay iyon ng malakas na hangin galing sa taas.
Imbis na tingnan kung anong klaseng hayop ang lumilipad sa taas ay parang nawala na rin ako sa aking sarili.
Bahala na kong kainin ako ng aswang. Ano pa ang silbi ng buhay ko.. nawawala si Jen-jen.. may tumangay kay Joy-joy galing sa labas... wala akong silbing ate.. wala.. wala...