Jen-jen 11

1353 Words
"Tala---" Tok! Tok! Tok! "Jen-jen, pwede ba akong pumasok," narinig namin ang pagtawag ni Ma'am Leticia sa labas ng kwarto. "Ay, Ma'am, pasok lang po," mabilis na bumaba ng kama si Jen-jen at pinagbuksan ang amo. Pumasok na si Ma'am Leticia sa loob at umupo din sa may bandang paanan ng kama. "Lyn-lyn, nag-usap na kami ng asawa ko, pumayag na siyang umuwi muna saglit si Jen-jen," binalingan ni Ma'am Leticia si Jen-jen, "Jen-jen, nag-usap na kami ng Ate Lyn-lyn mo kanina. Gusto ka muna niyang iuwi sa inyo dahil maselan ang pagbubuntis mo. Naiintindihan ko naman kaya okay lang na doon ka muna sa inyo, saka kana bumalik dito kapag maayos na ang iyong kalagayan. Tumawag ka lang or mag-message sa akin at papadalhan kita ng pamasahe pabalik dito." "T-talaga, Ma'am," kaagad na yumakap si Jen-jen kay Ma'am Leticia, "napakabuti po ninyo sa akin.. nakakahiya po talaga kasi kayo pa ang nag-adjust sa aking kalagayan." "H'wag mo nang isipin 'yon dahil parang anak na din ang turing namin sa'yo. Sa panahong nandito ka sa amin ay wala ka namang ginawang kabulastugan," bumaling naman sakin si Ma'am Leticia, "kelan niyo balak umuwi?" "Pwede po bang sa susunod na araw kasi bukas po ay aayusin ko pa po ang mga gamit niya?" "Okay lang. Kahit sa susunod na linggo pa. Oh, siya sige, lalabas na ako," natuwa naman ako at pumayag din si Ma'am Leticia. Talagang magkaibigan nga sila ni Ma'am dahil pareho silang mabait at mapagmahal sa kanilang kasambahay. Pagkalabas ni Ma'am Leticia ay kinausap ko nang masinsinan si Jen-jen. "Mabuti naman, 'Te Lyn-lyn, at nakausap mo na pala si Ma'am. Hindi ko alam na balak mo na pala akong iuwi sa atin." "Oo, naabutan niya ako sa labas kanina. Kinausap ko na siya na iuuwi muna kita. Naisip ko kasing nahihirapan ka na nga sa pagbubuntis ay magiging abala ka pa sa kanila kaya mas mabuting palakihin na lang ang bata sa atin. Ando'n din naman si Joy-joy kaya pwede niyang alagaan si baby at bumalik ka dito o 'di kaya kapag malaki na si baby ay pwede natin siyang dalhin dito kapag pumayag si Ma'am Leticia. Sa ngayon ay mas magandang makauwi ka muna." "Salamat talaga, 'Te Lyn-lyn. Siguro naman ay hindi na ako mananaginip ng masama kapag nakauwi na ako." "Sana nga." ******** Katulad ng dati ay nanaginip pa rin si Jen-jen kahit na naroroon ako. Tama nga ang desisyon kong iuwi ito, baka kapag tumagal pa ito dito sa Bulacan ay may mangyaring masama sa kanya. Sa araw ng pag-uwi namin ni Jen-jen ay maraming habilin sa amin sa Ma'am Leticia. Pinahatid pa kami nito sa sakayan ng bus para hindi na kami mamasahe pa. Dalawang araw ang biyahe pauwi sa amin kaya naman makakapagpahinga na kami ni Jen-jen sa wakas. Sasakay pa kami ng barko kaya naman alalay lamang ako kay Jen-jen dahil baka malula ito. Gabi na kaya naman kaagad na kaming naghanap ng pwestong matutulugan. May nakita kaming bakanteng pwesto sa dulo malapit sa may banyo na ikinatuwa ko dahil hindi na kami mahihirapan kapag iihi. Matapos kumain ay nag-ikot ikot muna kami sa barko bago bumalik sa aming pwesto para matulog. Inayos ko ang aming tutulugan at nilagyan ng harang sa kabilang side para may privacy. Bago matulog ay nanalangin muna kaming dalawa ni Jen-jen. Hindi ko alam kung anong oras na pero mag-uumaga na 'ata ng maramdaman kong naiihi ako. Bago umihi ay tiningnan ko ang buong paligid. Nakapatay na ang mga ilaw dahil lahat ng pasahero ay natutulog. Tanging ang ilaw lamang sa may counter at malapit sa gilid ng barko ang nakasindi. Maayos ding natutulog si Jen-jen, payapa ang mukha nito tanda na hindi ito nananaginip kaya pumunta na ako ng banyo. Kakatapos ko pa lamang maghugas ng aking kamay ng biglang may kumatok sa banyo. "Hindi pa po ako tapos. Pwede pong mag-antay," inis kong sigaw sa labas. Bahala silang mag-antay, tatagalan ko pa lalo. Naiinis pa naman ako kapag kinakatok lalo na kapag gumagamit ng banyo. Ako kasi ang tipo ng tao na hindi kumakatok ng banyo lalo kapag alam kong may tao. Narinig kong may kumatok na naman ulit sa labas. "Ano ba?! Sinabi ko na ngang may tao pa eh. Napakabastos niyo naman," gigil na sabi ko sa loob ng banyo. Kahit na tapos na ako ay tumayo lang ako para inisin ang tao sa labas. Isang katok pa at makakatikim sa akin kung sino man ang kumakatok sa labas. Ilang segundo lang ang lumipas ay may kumatok na naman sa labas ng pinto. Nagpupuyos sa galit na binuksan ko kaagad ang pinto para pagalitan ang nasa labas. "Kung sin----" Natigil ako sa pagsasalita ng wala akong makitang tao sa labas. Tanging malamig na simoy galing sa dagat ang aking nararamdaman. "M-miss... Miss..." napatingin ako sa boses na tumatawag sa akin. Nakita ko ang isang lalaki na na palagay ko ay crew ng barko dahil nakasuot ito ng puting uniform. Kaharap nito ang aking kapatid na kasalukuyang umiinom ng tubig. "Miss... kamag-anak niyo po itong buntis?" tumayo ang lalaki ng lumapit ako. "Oo, kapatid ko siya. Bakit?" nagtatakang tanong ko. "Ah gano'n po ba. May kasama pa po ba kayong dalawa?" muling tanong nito. "Wala. Kaming dalawa lamang ang magkasama sa biyahe. B-bakit?" "Kasi may nakita akong matandang babae dito kani-kanina lang pagdaan ko para mag-check. Hinihimas nito ang tiyan nitong kapatid ninyo. Napansin kong umuungol ang inyong kapatid na parang nasasaktan kaya naman tinanong ko ang matanda kung meron akong maitutulong. Sinabi nitong umalis na lamang ako dahil baka magising ang inyong kapatid kaya naman umalis na din ako. Nakaalis na ako pero naalala kong naiwanan ko pala ang aking cellphone sa may counter kaya bumalik ulit ako dito. Pagbalik ko ay nakita ko na ulit ang matandang babae.. h-hindi ko alam kung namamalikmata lamang ako dahil madilim sa parte dito.. pero tingin ko talaga ay humaba ang dila nito at naglalaway pa. Nang makita ko ito ay kaagad ko itong tinawag pero bigla na lamang may lumipad na kung anong malaking ibon sa aking harapan kaya naman iwinasiwas ko ang aking kamay. Nang tuluyang makaalis ang ibon ay wala na din ang matandang babae. Kasabay ng pagkawala nito ay nagising ang inyong kapatid at sinabing masakit ang kanyang tiyan kaya naman dali-dali akong kumuha ng tubig para makainom siya. Hindi ko alam kung maniniwala ka sa sinasabi ko pero 'yon ang nakita ko kanina," mahabang paliwanag nito. "Naniniwala ako sa sinabi mo. Mabuti na lamang at napadaan ka kaya walang may masamang nangyari sa kapatid ko. Umihi kasi ako kaya iniwanan ko siyang mag-isa. Hindi ko akalain na kahit na nasa barko na kami ay may mangyayaring ganito. Maraming salamat talaga," bigla akong nakaramdam ng takot sa sinabi ng lalaki. Ibig sabihin pala kahit na nasa barko kami ay sinusundan pa din si Jen-jen. Hindi na muna ako matutulog at babantayan ko na lamang ito hanggang mag-umaga. Mamaya na lamang ako matutulog kapag tirik na ang araw. Nagpaalam na ang lalaki ng masigurong ligtas na si Jen-jen. "Jen-jen, hindi ka ba nanaginip ngayon? Anong nararamdaman mo?" nag-aalalang tanong ko dito. "Hindi naman ako nanaginip, 'Te Lyn-lyn, pero ramdam ko kaninang may humihimas sa aking tiyan. Maya-maya ay nakaramdam ulit ako ng pananakit kaya naman nagising na ako. Hindi ko nakita ang matandang babaeng tinutukoy ng lalaki dahil ito lang ang nakita ko," tumigil ito saglit atsaka nagpatuloy, "naniniwala ako sa kanya dahil kitang-kita ko sa mukha nito ang takot kaninang paggising ko." "Akala ko dahil narito na tayo sa barko at pauwi ay tatantanan ka na ng gumagambala sa'yo.. hindi pa rin pala. Huwag kang mag-alala at hindi na ako matutulog. Babantayan na lamang kita hanggang sa mag-umaga. Mamaya na ako matutulog sa umaga para mamayang gabi ay gising ako para bantayan ka. Mahirap na at baka masalisihan pa ulit ako at kung anong mangyari sa inyo ni baby. Pagdating na pagdating natin sa atin ay ipapatingin kita sa albularyo o manggagamot." "Bakit sa albularyo? 'Di ba dapat sa center o ospital?" "Dahil palagay ko ay inaaswang ka kaya dapat sa albularyo o manggamot kita ipatingin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD