Sa wakas ay nakauwi na rin kami sa amin.
Gulat na gulat ang aming mga kapitbahay, kamag-anak, pati na din sina Tiyo at Tiya nang makita ang tiyan ni Jen-jen. Hindi ko din kasi ipinaalam sa kanila na buntis si Jen-jen dahil wala sa plano ang pag-uwi namin. Tanging si Joy-joy lamang ang pinagsabihan ko na buntis si Jen-jen pero hindi din nito alam na uuwi kami.
Siyempre, dahil probinsiya ay naging sentro ng tsismis si Jen-jen sa aming baranggay. Kahit na nasasaktan ay mas pinili na lamang naming huwag pansinin ang kanilang panlalait sa aking kapatid. Hindi nila alam ang kwento kung bakit nabuntis si Jen-jen at wala akong planong sabihin sa kanila na pinagsamantalahan ito dahil alam kong wala ding may maniniwala.
Noong una ay nagalit sina Tiyo at Tiya kay Jen-jen pero noong pinaliwanag ko ang nangyari ay nahabag sila sa kalagayan nito. Mas mabuti na daw na huwag naming ipagsabi sa iba dahil baka lalo lamang pagtsismisan si Jen-jen.
"Jen-jen, kapag naglalakad ka pala diyan sa tulay iwas-iwasan mong kausapin 'yang si Manang Iska ha. Balita ko bagong aswang daw yan - bagong yanggaw. Nakita kong kausap mo 'yan noong nakaraang araw," paalala ni Tiya ng pumunta siya sa amin nitong hapon, nagdala ito ng mani at lansones, ito kasi ang pinaglilihian ni Jen-jen.
"Ah, kaya pala may naririnig akong mga tunog tuwing gabi simula nang umuwi kami. Akala ko normal lang naman iyon sa gabi kaya hindi ko pinapansin. Ang pinagtatakhan ko lang, Tiya, ang tunog kasi ng ibon.. 'yon bang parang nasa uluhan lang namin.. 'yong parang nasa labas lang ng padir ng kwarto naming tatlo. Tuwing naririnig ko nga 'yon ay nanayo ang balahibo ko. Kaso sa tuwing tinitingnan ko naman si Jen-jen at Joy-joy ay payapa naman ang kanilang tulog kaya binaliwala ko lang 'yon. Ano ngang tawag diyan sa mga ganyang nilalang na parang ibon sa gabi, Tiya?" tanong ko kay Tiya.
"Naku, tiktik o wakwak 'yan, Lyn-lyn. Naku, mag-ingat kayong tatlo. Dapat ay maglagay kayo ng asin sa inyong bintana- maglagay din kayo ng walis tingting sa gilid ng pinto. Tuwing hapon, dapat ay magsunog kayo ng goma ha. Bakit hindi mo sinabi sa akin na may tiktik pala dito sa inyo tuwing gabi," napapalatak na sabi ni Tiya.
"Pasensiya na, Tiya, ngayon ko lang kasi na realize na parang may kakaibang lumilipad nga sa aming bahay tuwing gabi. Nakalimutan ko pala, dapat ay maghahanap din pala ako ng manggagamot para matingnan si Jen-jen kasi noong nasa Maynila kami ay nananaginip siya ng masama at parang ina-aswang din siya do'n."
"Sige at maghahanap ako ng magaling na manggagamot. Kahit medyo mahirap maghanap kasi sa panahon ngayon wala nang masyadong naniniwala sa aswang, titingnan ko," pahayag ni Tiya.
Nang makaalis si Tiya ay pinaalalahanan ko ulit si Jen-jen. Lagi kasi itong naglalakad-lakad sa may bandang tulay para sa mag-exercise at hindi mahirapan kapag nanganak.
"Jen-jen, wala ka bang nararamdaman kay Manang Iska noong kinausap ka?" tanong ko kaagad dito.
"Ang totoo, 'Te Lyn-lyn, kakaiba ang nararamdaman ko sa kanya tuwing kinakausap niya ako. Lapit kasi ng lapit sa akin ang matanda kaya napipilitan akong kausapin siya-- baka kasi isipin niya snob ako."
"Kapag nilapitan ka ulit ni Manang Iska, iwasan mo na lamang siya o 'di kaya ay unahan mo siya sa pagbati. Huwag mo ring pahahawakan sa kanya ang iyong tiyan, mahirap na," patuloy kong sabi kay Jen-jen.
"Ha! Eh kasi, 'Te Lyn-lyn, ilang beses ng hinahawakan ni Manang Iska ang tiyan ko. Tuwang-tuwa nga ito na parang naglalaway tuwing nakikita ko siyang nakatingin sa tiyan ko," bulalas ni Jen-jen.
"Ano?!" bigla akong kinabahan sa sinabi ni Jen-jen.
"P-pasensiya na, 'Te Lyn-lyn. Ngayon ko lang kasi nalaman na a-aswang pala 'yang si Manang Iska---"
Napahawak bigla sa kanyang tiyan si Jen-jen.
"Arghh... s-sakit..."
"Jen-jen.. anong nangyari?"
"Masakit ang tiyan ko-- arghh.." napakapit na si Jen-jen sa aking braso habang sapo ang kanyang tiyan.
"Tiya.. Tiya.. tulungan niyo kami, biglang sumakit ang tiyan ni Jen-jen," sigaw ko sa kabilang bahay. Nagbabakasakaling marinig ako ni Tiya at Tiyo. Hindi ko alam ang aking gagawin kasi natatakot din akong iwan si Jen-jen.
Maya-maya lang ay humahangos na dumating si Tiya kasama si Tiyo pati na din si Dodoy, isa sa aming pinsan.
"Bakit ka sumisigaw, Lyn-lyn-- anong nangyayari dito?" bungad ni Tiyo nang makapasok sila sa sala.
"Sumasakit ang tiyan ni Jen-jen. Dalhin natin siya sa ospital o center, Tiyo," paliwanag ko sa mga ito.
"Sige, maghahanap ako ng masasakyan natin papuntang center. Huwag kayong mag-alala at walang mangyayaring masama kay Jen-jen," pahayag ni Tiyo.
Kaagad na lumabas ulit si Tiyo para maghanap ng traysikel na sasakyan namin papuntang center. Pinaypayan naman namin si Jen-jen habang sinabihan ni Tiya si Dodoy na magsunog ng dahon at goma.
Makalipas ang halos isang oras ay dumating na rin si Tiyo sakay ng isang traysikel.
"Halika na kayo para matingnan kaagad si Jen-jen. Lyn-lyn, hinanda mo na ba ang inyong dadalhin?" tanong sa akin ni Tiyo.
"Opo, Tiyo," pinakita ko ang isang maliit na travelling bag na hawak-hawak ko.
"Dodoy, samahan mo muna silang dalawa sa center. Kapag um-okay na si Jen-jen at pinauwi kayo ay bumalik kayo kaagad. Kapag hindi naman at kailangan niyang tumigil sa center ay umuwi ka na lamang para bukas ay madalhan sila ng pagkain," utos ni Tiyo kay Dodoy.
Inalalayan namin ni Dodoy si Jen-jen sa harap ng traysikel. Tumabi ako sa harap samantalang sa likod ng drayber si Dodoy.
"Lyn-lyn, hindi na kami sasama ng Tiyang mo dahil alam mo na-- matanda na kami at hindi mabagal kumilos. Kapag may pinabili silang gamot ay utusan mo na lamang si Dodoy," ako naman ang kinausap ni Tiyo.
Tumango lamang ako at kumaway kay Tiyo at Tiya habang paalis na ang traysikel. Habang bumibiyahe ay panay ang punas ko sa pawis at luha ni Jen-jen. Nakahawak pa rin ito sa kanyang tiyan habang pinipigilang umiyak ng malakas.
"Jen-jen.. malapit na tayo sa center. Nasa banwa lang naman 'yon. Kalahating oras lang at matitingnan ka na ng doktor. Tiisin mo lang muna ang sakit," pang-aalo ko dito.
"Argghhhh.. huhuhu... sakitttt... parang may tumutusok sa tiyan ko," daing ni Jen-jen.
"Tiis lang-----"
Isang malakas na pag-apak sa silinyador ang nagpatigil sa aming sasakyan. Dahil sa biglaan ang pagtigil namin ay muntik na kaming tumilapon sa harap, mabuti at mabilis akong nakahawak sa gilid ng traysikel. Si Jen-jen naman ay tumama ang noo may harapan, nakahawakan naman nito ang manibela.
"Ano ba naman, Mang Rowel. Bakit po kayo biglang tumigil ng walang pasabi. Alam niyo namang nagmamadali kami at sumasakit ang tiyan ni Jen-jen," galit kong sabi sa drayber ng traysikel.
"Sorry, kung bigla na lamang akong tumigil. Bigla na lamang may tumawid na itim na pusa sa daanan natin," habang nagsasalita ay bumaba si Mang Rowel at tiningnan ang paligid pati na rin ang ibaba ng traysikel, "bakit gano'n... alam kung nadali ko 'yong itim na pusa pero bakit wala namang pusa paligid?"
"Anong itim na pusa, Mang Rowel. Wala naman akong nakikitang pusa sa paligid ah," bulalas ko dahil wala naman talaga.
"Aaahhhhhhhhhh..."
Napatuon ang atensiyon namin kay Jen-jen nang napasigaw ito ng malakas. Nanginginig sa takot ang mukha nito... hindi makapagsalita at may tinuturo.
Tiningnan namin ang tinuturo ni Jen-jen.
Sa may bandang paanan nito ay may isang napakaitim na pusa.
Kaya pala hindi namin makita kanina dahil nasa ilalim ito ng palda ni Jen-jen... halos manghilakbot kami ng makitang dinidilaan ng itim na pusa ang dugong umaagos sa binti ni Jen-jen.