Jen-jen 10

1039 Words
"B-bakit mo n-naisipang iuwi mo si Jen-jen?" "Eh.. k-kasi po n-napansin kong lagi nang dinudugo si Jen-jen habang lumaki na ang kanyang tiyan. Naisip ko pong nakakahiya sa inyo na sa tuwing may mangyayari sa kanya ay dadalhin ninyo siya sa center at babantayan ni Nay Erlinda. Ang laking abala lagi, imbes tuloy na makapagtrabaho siya ng maayos ay parang naging pabigat na siya sa inyo. K-kaya naisip kong iuwi na lang muna siya sa amin. Doon muna siya hanggang sa siya ay makapanganak at maging maayos na. Kapag okay na siya ay baka pwede na siyang bumalik ulit," tumigil ako saglit at huminga ng malalim saka nagpatuloy, "s-sana po ay pumayag kayo, Ma'am Leticia?" Tumahimik saglit ang kaibigan ni Ma'am. Nag-isip ito atsaka nagsalita. "Kakausapin ko lang ang asawa ko at babalik ako. Saglit lang." Paglabas ni Ma'am Leticia ay ibinaling ko ang aking paningin kay Jen-jen. Nakapikit ito pero parang may sinasabing hindi ko maintindihan. "Jen-jen... gising..." Tinapik ko ang pisngi nito para tuluyan itong magising. "Gising..." "Huh!" Kaagad kong inalalayang makaupo ng maayos si Jen-jen nang tuluyan na itong magmulat ng kanyang mata. Katulad noong magkasama kami dito ay lagi na naman itong nananaginip. "A-ate Lyn-lyn? Ikaw ba talaga 'yan?" hindi makapaniwalang sabi ni Jen-jen. Nagulat ako ng bigla ako nitong niyakap ng mahigpit. Maya-maya ay napansin kong tumataas baba na ang balikat nito. "Oh.. bakit ka humahagulgol?" takang tanong ko habang hinihimas ang likod nito. "Ate.. a-akala k-ko t-talaga... ang akala ko---" suminghot ito habang nagsasalita kaya hindi ko masyadong maintindihan. "Tama na 'yan. Masama sa bata ang umiiyak. Nananaginip ka ba? A-anong napanaginipan mo?" "Ate Lyn-lyn.. a-ayoko na dito. Iuwi mo na ako. Ilayo mo na ako dito. B-baka mabuang na ako dito kapag nagtagal pa ako ng ilang araw," humihikbing sabi nito. Napakunot-noo naman ako sa sinabi ni Jen-jen. "M-may nangyayari ba sa'yo dito? B-bakit gusto mo nang umuwi?" "Hindi ko alam, Ate Lyn-lyn. Basta ang alam ko lang simula nang mabuntis ako ay lagi na lamang akong nananaginip ng masama. M-mas mabuti pa nga noong nasa center ako dahil nakakatulog ako ng maayos doon. May nakilala ako doon na isang dalagita na may alam sa panggagamot 'ata, binigyan niya ako nito," pinakita sa akin ni Jen-jen ang isang maliit na puting tela na korteng parisukat na may laman sa loob, nakakabit ito sa damit ni Jen-jen gamit ang perdible. "Ano naman ang silbi niyang maliit na tela sa'yo. Atsaka h'wag ka ngang magpapaniwala sa mga ganito," akmang kukunin ko sana iyon sa damit ni Jen-jen pero mabilis niya akong pinigilan. "H'wag mong kukunin 'yan, 'Te Lyn-lyn. H-hindi din ako dati naniniwala sa sinasabi ng dalagita pero noong bumalik ako dito ay may pumasok na maitim na hayop sa aking kwarto habang natutulog ako. Nagising na lamang ako sa masangsang na amoy-- iyon pala ay dinidilaan na ng maitim na hayop ang aking tiyan. Nakakatakot ang hitsura nito na hindi ko maintindihan. Takot na takot ako noon dahil kitang-kita ko ang mapupula niyang mata at matutulis na ngipin. Sigaw ako ng sigaw pero pakiramdam ko ay walang may nakakarinig sa akin. Akala ko talaga ay katapusan ko na dahil nagawa na nito akong makubabawan at akmang sasakmalin.. mabuti na lamang at biglang bumukas ang pinto ng aking kwarto. Nakita kong pumasok si Ma'am at kaagad na pinaghahampas ang maitim na hayop. Biglaan lamang ang lahat at sa hindi ko maipaliwanag na pangyayari ay biglang nawala na parang bula ang maitim na hayop. Iyak ako ng iyak noon at pinatahan lamang ako ni Ma'am. Nahiya nga ako dahil imbis si Sir ang kanyang katabi ay ako ang tinabihan niyang matulog ng gabing 'yon. Kinabukasan ay saka ko na alala ang binigay sa akin ng dalagita kaya naman lagi ko na itong kinakabit sa aking damit. Simula noon ay hindi na bumalik pa ang maitim na hayop na 'yon. 'Yon nga lamang mas lalong tumindi ang aking panaginip," humagulgol na naman ulit ito. "Tahan na... a-ano ba ang napapanaginipan mo?" "N-nakakapangilabot, Ate Lyn-lyn! Lagi ko kasing napapanaginipan ang isang maitim na nilalang na pumasok din sa aking kwarto.. katulad din ito ng hayop na pumasok sa kwarto ko dati-- maitim, mabalahibo at masangsang ang amoy. Ang kaibahan lang ay parang tao naman ang nasa panaginip ko. N-nahihindik ako sa tuwing naaalala ko kung paano niya ginamit ang kanyang dila at kuko sa pagbutas sa aking tiyan... sobrang sakit ng aking nararamdaman na parang mamamatay na ako sa aking panaginip. Paulit-ulit iyon gabi-gabi na parang ayoko nang matulog minsan. Kaya nga araw-araw akong nanalangin na sana ay dumating ka at kunin ako dito, Ate Lyn-lyn." "B-bakit hindi ka nagmemessage o tumawag sa akin na ganyan na pala ang nangyayari sa'yo?" gustong kong magalit kay Jen-jen dahil sa sinabi nito. "Isa pa nga 'yan sa hindi ko din maintindihan, Ate Lyn-lyn, kasi may load naman ako, tapos malakas naman ang wifi dito pero sa tuwing tatawag o magmemessage ako sa'yo ay laging failed," hinanap ni Jen-jen ang kanyang cellphone. Nang makapa sa kanyang uluhan ay binuksan iyon. Pinakita nito sa akin ang call history at message. Totoo nga sinasabi nito. Napaisip din ako dahil pareho lang pala kami. Binuksan ko din ang aking cellphone at pinakita sa kanya na ilang beses ko din siyang tinatawagan at minemessage pero hindi ko din makontak. Nagkatinginan na lamang kaming dalawa at biglang napaisip. Pareho bang sira ang cellphone namin o talagang may nagkataon lamang? "Ate Lyn-lyn, b-bakit ka pala narito? Hindi ko alam na pupunta ka kasi hindi ka naman nagpasabi sa akin?" parang ngayon lang na realize ni Jen-jen kung bakit nga ba ako narito sa kanila. "'Di ba parehong hindi natin makontak ang isa't isa kaya hindi ko masabi-sabi sa'yo na balak kitang puntahan," hindi ko lang din masabi sa kanya na halos magkatulad kami ng panaginip kaya ako naparito. Baka kapag sinabi ko sa kanya ay matakot lalo ito. "Ay, oo, nga pala. Pero bakit ka nga pumunta dito? Buti pinayagan ka ng amo mo." "Kinausap ko si Ma'am at naghanap ako ng pansamantalang papalit sa akin." "Bakit naghanap ka ng kapalit? Ibig mong sabihin ay dito ka muna?" biglang lumiwanag ang mukha ni Jen-jen. "Hindi." Biglang nawala ang liwanag sa mukha. "Iuuwi muna kita sa Mindanao."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD