Para akong naestatwa ng makita ang pagdila ng pusa sa dugong dumadaloy sa binti ni Jen-jen. Kahit na abot kamay ko lamang ang pusa ay parang naparalisa ang buo kong katawan- hindi ako makagalaw. Hindi din ako makasigaw. Siguro ay naunahan ako ng takot.
"Dep*ga!" narinig kong nagmura si Mang Rowel.
Mabilis itong nakalapit sa amin. Sumilip ito at nakita ang itim na pusa sa binti ni Jen-jen.
Walang pag-alinlangang hinawakan nito ang leeg ng pusa at galit na galit na binalibag sa gitna ng kalsada ang itim na pusa.
"M-mang Rowel, b-baka mamatay ang pusa," saway ko dito. Parang naawa ako bigla sa pusa sa paraan ng pagbalibag ni Mang Rowel.
"Huwag kang maaawa diyan sa pusang 'yan. Hindi naman totoong pusa 'yan, aswang 'yan!" galit na sabi ni Mang Rowel. Akmang lalapitan na sana ulit ni Mang Rowel ang itim na pusa pero may paparating na sasakyan kaya naman pinabayaan na niya ito. Bumalik na ito sa kanyang pwesto at pinaandar ang traysikel.
Ini-start na ni Mang Rowel ang traysikel pero ayaw nitong umandar. Ilang beses pa ulit niyang ini-start pero ayaw pa rin.
"Aray.... m-masakit..." daing ni Jen-jen.
"Mang Rowel, bakit ayaw mag-start ng traysikel niyo? Nakakaawa na si Jen-jen," narinig kong sabi ni Dodoy, "pwede naman siguro nating itulak baka sakaling mag-start."
"Malas kasing pusa na 'yon. Ayaw na tuloy mag-start ng traysikel ko. Kapag ayaw pang mag-start ulit ay papara na lang ako ng ibang masasakyan niyo para madala na sa center si Jen-jen tutal ilang kilometro na lang naman ang layo natin."
Pumadyak ng ubod lakas si Mang Rowel at nag-start na ang traysikel.
Mabuti at nabuhay na ang makina kaya nagpatuloy na ang aming biyahe. Habang nasa daan ay pinunasan ko ang dugong dumaloy kanina sa binti ni Jen-jen. Nakakapanghilakbot isipin na bakit ganito ang nararanasan ni Jen-jen sa kanyang pagbubuntis. Naaawa na ako sa kanya. Ito at pinagsamantalahan na nga, pati ba naman sa pagbubuntis ay pinapahirapan din siya. Sa hindi malamang dahilan ay napausal na lamang ako ng dasal para maging ligtas ang aming biyahe.
Akala ko ay matiwasay na kaming makakarating sa center pero noong pagliko namin sa plaza ay bigla na namang tumigil ulit ang aming sasakyan.
"Yudip*ga! Namatay na naman ang makina-- malapit na tayo eh. Ayon lang ang center oh," turo pa ni Mang Rowel sa center.
"Lyn-lyn, sumakay na lang kayo ni Jen-jen sa sikad. Susunod na lang ako sa inyo sa center," kinawayan ni Dodoy ang sikad sa kabilang kalsada para lumapit sa amin.
Inalalayan kami ni Dodoy na lumipat sa may sikad na maghahatid sa center. Naiwan si ito kasama si Mang Rowel para tingnan kung anong problema ng traysikel at ayaw nang umandar.
Nang makarating kami sa center ay kaagad naman kaming inasikaso ng isang assistant. Pinapasok kami sa isang kwarto na may iba pang pasyente. Nakita ko ang doktora na abala sa isa pang buntis ding pasyente. Mukhang bata pa ang doktora dahil sa tingin ko ay kaedaran ko lamang ito.
Halos ilang minuto din itong natapos sa ibang pasyente bago nakarating sa kama ni Jen-jen. Sinuri nito ang kalagayan ni Jen-jen, may kinuha itong aparatu atsaka nilagay sa tiyan ni Jen-jen. Nang matapos ay tumingin ito ng matagal kay Jen-jen.
"Ma'am, mabuti at kaagad kang nadala dito. It's a miracle na buhay pa si baby kahit na maraming dugo ang nawala sa inyo. Reresatahan ko kayo ng vitamins na pampakapit sa bata para safe si baby. Be careful at huwag magpa-stress-- meron bang bagay na nagpapaligalig sa'yo?" matamang tanong ng doktora kay Jen-jen.
"D-dati kasi, Dok, lagi akong nananaginip ng masama noong nasa Maynila pa kami ng Ate Lyn-lyn ko kaya na stress ako. Lagi akong natatakot sa hindi malamang dahilan. H-hindi ko nga alam kung bakit bigla na lamang sumakit ang tiyan ko kanina at dinugo ako bigla," paliwanag ni Jen-jen.
Lumapit pa sa amin ang doktora. Biglang humina ang boses nito.
"Mmmm.. k-kung hindi niyo sana mamasamain ang sasabihin ko, iba ang nakikita ko sa'yo," kakaiba ang tingin ng doktora kay Jen-jen, "alam kong taliwas ito sa napag-aralan ko pero may third eye kasi ako. Sa kaso mo, iba ang dahilan kung bakit ka dinugo. Base na din sa sinabi mo na nananaginip ka dati.. ano ang napapanaginipan mo?"
Tumingin sa akin si Jen-jen na parang nagtatanong kung pwede kong sabihin sa doktora ang panaginip ko. Tumango lang ako.
"Dok, nananaginip po ako dati na may matandang babae na pumasok sa kwarto ko at winakwak ang tiyan ko. Paulit-ulit iyon gabi-gabi kaya halos nangangayayat talaga ako. Nalaala ko.. siguro natigil lang 'yon nang madala din ako sa center. May nakilala akong dalagita doon na may third eye din tapos binigyan ako nang pulseras... eto," pinakita ni Jen-jen ang pulseras na sinasabi nitong bigay ng dalagita, "sinabihan niya rin akong magkabit lagi ng luya sa aking damit para proteksiyon ko iyon sa masasamang elemento kaya naman meron din akong luya."
"Ah... kaya pala. Alam mo bang noong nakita kita pumasok kanina ay may nakita na akong madilim na aurang nagbabantay sa'yo," lumingon ito sa may bantang bintana kaharap lamang ng kamang kinahihigaan ni Jen-jen, "nariyan siya sa labas ng bintanang 'yan, nakatingin sa ating tatlo. Maitim na elementong nag-aantay lamang ng tamang pagkakataon para gawan ka niya ng masama. Hindi ako magaling sa mga orasyon o cleansing kaya wala din akong masyadong maitutulong sa'yo. Hindi ko kasi inaral ang aking kakayahan sa third eye dahil minsan ay natatakot ako sa aking mga nakikita. Pero kung gusto ninyong mawala ang elementong gumagambala sa iyo, may kaibigan akong lalaki na magaling sa ganyan. Kung papayag kayo, tatawagan ko siya ngayon para pumunta dito at makausap niyo?"
Ako na ang nagsalita dahil hindi alam ni Jen-jen ang kanyang isasagot.
"Sigurado po bang matutulungan niya kaming maitaboy ang gumagambala kay Jen-jen? Awang-awa na kasi ako sa aking kapatid."
"Oo, magaling ang kaibigan ko," paninigurado pa ng doktora.
"Sige, pumapayag na akong tulungan niya kami."
"Okay, tatawagan ko na siya para pumunta dito."
"Dok, p-pwede po bang sa bahay na lang namin papuntahin ang kaibigan mo? Ayoko lang kasing pagtsismisan ng mga tao," mahinang sabi ko nang makitang nakatingin na sa amin ang ibang tao sa loob ng kwartong 'yon.
"Ay, oo nga. Mas magandang sa bahay niyo na lang," may sinulat ito sa dalang papel at pagkatapos ay binigay sa akin, "number ko 'yan. Kontakin niyo ako diyan."
"Salamat, dok."
Ngumiti lang ang doktora at lumabas na ng kwarto.