Kanina pa nakaalis sa aking harapan ang matanda pero tumatak sa isip ko ang sinabi nitong nasa panganib daw ang buhay ni Jen-jen.
Hindi ako mapagpaniwala sa mga hula-hula na 'yan pero parang may bumubulong sa aking isipan na sundin ang sinasabi ng matanda.
Mabilis na akong namili sa palengke at umuwi sa bahay. Saglit kong pinuntahan si Agnes, ang kaibigan ko na isa ding kasambahay malapit sa aming bahay. Baka may kakilala itong mapagkakatiwalaang tao na pwedeng humalili muna sa akin kahit isang buwan lang. Magpapaalam lang ako kay Ma'am at Sir na iuuwi ko muna si Jen-jen sa amin sa Mindanao at babalik din pagkalipas ng isang buwan.
Nang pinuntahan ko si Agnes sa kanila ay nagulat pa ito sa aking sinabi dahil sa ilang taon ko daw na paninilbihan ay bakit ngayon ko lang naisipang umuwi.
Iminungkahi nito ang isa nitong pinsan na kakagraduate lang pero wala pa ring trabaho. Plano daw nitong mangibang bansa at maganda din daw iyong may exprience muna ito sa pagiging kasambahay bago umalis. Huwag daw akong mag-alala dahil mapagkakatiwalaan iyon dahil close silang dalawa. Napanatag ako sa sinabi ni Agnes kaya sinabihan ko itong mag-antay na lamang sa aking tawag kapag pumayag si Ma'am at Sir para papuntahin namin ang kanyang pinsan sa bahay.
Nang makauwi ay inantay ko si Ma'am at Sir at kinausap ng masinsinan na plano kong iuwi muna si Jen-jen sa amin sa probinsiya dahil maselan ang pagbubuntis nito. Nagsinungaling ako sa kanila na tinawagan ako ni Jen-jen kahit hindi naman totoo para maniwala sila.
Noong una ay ayaw sana nilang pumayag pero napahinuhod ko rin sila Ma'am at Sir. Pero bago nila ako tuluyang payagan ay kailangan makita muna nila ang pinsan ni Agnes para tingnan kung okay ito.
Kaagad ko namang tinawagan si Agnes at pinapunta nito ang kanyang pinsan sa amin. Kinausap ito ni Ma'am at Sir at sinabihan ng mga gagawin sa loob ng isang buwan na wala ako. Pinakiusapan din ako ni Ma'am at Sir na turuan muna ng dalawang araw ang papalit sa akin bago umalis para hindi daw nila ako abalahin sa aking pag-uwi. Nang makita nilang okay naman ang pinsan ni Agnes ay pinayagan na nila akong makaalis. Binilhan pa ako ni Ma'am ng ticket para sa aming dalawa ni Jen-jen pauwi ng probinsiya.
Gusto pa sana akong ihatid ni Ma'am at Sir sa Bulacan pero hindi na ako nagpaunlak dahil hindi naman nila alam na nagsinungaling lang ako. Ang totoo kahit si Jen-jen ay hindi alam na pupuntahan ko siya at pauuwiin muna sa amin. Dalangin ko ay pumayag ang kanyang amo kasi nandiyan naman si Nay Erlinda sa kanila.
Hapon na ng makarating ako kina Jen-jen dahil kailangan munang punuin ang bus. Nang makarating ako sa kanila ay kaagad akong nag-doorbell sa kanilang gate. Halos bente minuto na akong nakatayo sa labas at panay din ang tawag pero wala pa ring may lumalabas.
Baka walang tao sa loob?
No choice na ako, mas magandang tawagan ko na lang sa cellphone si Jen-jen. Akmang kukunin ko na ang aking cellphone nang mapansin kong nakaawang ang kanilang gate. Nagdadalawang-isip pa ako kung papasok o hindi dahil parang may bumubulong sa aking buksan ang gate at pumasok na sa loob pero pinipigilan ko ang aking sariling pumasok dahil baka makita ako ng amo ni Jen-jen, nakakahiya 'yon.
Lumapit na lamang ako sa nakaawang na gate at doon ay nagsisigaw ulit baka sakaling marinig ako sa loob.
"Lyn-lyn!" narinig kong tawag mula sa aking likuran. Kasabay noon ay lumingon ako sa aking likuran at nakita ang mag-asawa sa loob ng sasakyan.
"Ma'am Leticia, Sir , kayo pala. Magandang hapon po sa inyo," lumapit ako sa mag-asawa at binati silang dalawa
"Bakit nasa labas ka ng gate? Nasaan si Jen-jen at hindi ka pa niya pinapapasok?" takang tanong ng kaibigan ni Ma'am.
"Ang t-totoo po niyan, kanina pa po ako dito sa labas. Mag-iisang oras ko nang tinatawag si Jen-jen pero walang may lumalabas. Nakabukas nga po ang gate ninyo kaso ayokong pumasok hangga't hindi pa ako pinapapasok dahil baka mapagkamalan pa akong magnanakaw."
"Baka tulog na naman dahil buntis, alam mo na- laging inaantok," akmang bababa na sana si Ma'am Leticia kaya inunahan ko na ito at binuksan ang kanilang gate, "salamat.. pumasok ka na rin sa loob," anyaya pa nito.
Kaagad din akong pumasok at isinara ang gate ng makapasok na ang sasakyan ng mag-asawa. Tinulungan ko na din sila na maibaba ang kanilang mga gamit hanggang sa kusina.
"Maraming salamat talaga. Halika sa kwarto ni Jen-jen at gigisingin ko. Hapon na at masama sa buntis ang laging tulog," anyaya sa akin ni Ma'am Leticia at pumunta na kami sa kwarto ni Jen-jen.
Habang papalapit ay napansin naming bukas ang pintuan kaya naman kumatok lang si Ma'am Leticia sabay bukas ng pinto.
"Jen--- Manang, 'andito ka p-pala. A-anong ginagawa niyo dito?" hindi ko alam ko alam kung guni-guni ko lang pero ramdam ko ang takot sa boses ni Ma'am Leticia habang tinatanong si Nay Erlinda.
"Dumating na pala kayo, Leticia," parang walang ganang sagot ng matanda. "Nandito ka pala, ineng," nag-iba ang timpla ng mukha ni Nay Erlinda ng mapansing nasa likuran ako ni Ma'am Leticia. Ngumiti ito at umalis sa gilid ng kama ni Jen-jen.
"Opo, Nay Erlinda, na-miss ko lang bigla si Jen-jen kaya pumunta ako dito."
"Ah, gano'n ba. Siya, sige, mauna na akong lumabas. Pumasok lang ako dahil narinig kong nagsasalita si Jen-jen-- akala ko ay binabangunot kaya ginigising ko kaso hindi pa rin magising eh," paalam nito at lumabas na ng kwarto.
Paglabas nito ay umupo ako sa tabi ng kama ni Jen-jen.
"Ma'am Leticia, pasensiya na po kayo sa biglaang pagpunta ko dito. Hindi po ako nagpaalam sa inyo ng maaga. A-ang totoo po niyan ay hindi din po alam ni Jen-jen na pupunta ako ngayon kaya baka magulat siya paggising niya na nandito ako," paunang wika ko kay Ma'am Leticia.
"Ah, gano'n ba. Hindi pala alam ni Jen-jen na narito ka. Aba, bakit naparito ka kung gano'n?"
"Gusto ko po sanang ipagpaalam si Jen-jen na iuuwi ko muna samin sa probinsiya hanggang sa makapanganak po siya."
"I-iuuwi mo si Jen-jen?!"
"Opo."