Jen-jen 19

1165 Words
Wala.... wala... "Lyn-lyn! Lyn-lyn!" Parang may tumatawag sa pangalan ko.. Sino kaya 'yon? "Lyn-lyn! Lyn---" "Dodoy...?" "Buksan mo 'ko," sigaw ni Dodoy mula sa labas ng kusina. Dali-dali akong tumayo mula sa pagkakasalampak at binuksan ang pinto sa kusina. "Dodo--- Joy-joy! Jen-jen! Bakit kasama mo sila?" Kaagad kong niyakap si Joy-joy at Jen-jen. Nag-iiyak ako dahil akala ko talaga ay katapusan na namin. Dinala kaming tatlo ni Dodoy sa sala. Kumuha ito ng tubig at binigyan kaming dalawa ni Joy-joy. Pinakalma niya na rin si Joy-joy dahil panay ang tangis nito. Habang ako naman ay tinitingnan ko si Jen-jen na napansin kong nakatulala lamang. Bumalik na ang normal nitong mukha at hindi na rin namumula ang kanyang mga mata. "A-ate Lyn-lyn.. 'Te.. a-akala ko talaga ma-ma..tay na ako.." panay ang singhot na sabi ni Joy-joy, "m-mabuti na lamang at.. a-at dumating si Dodoy.. eh 'di sana.. sana baka tinangay na ako... hu..hu..hu.." hindi na nito natuloy ang sasabihin dahil bigla na naman itong umiyak. Niyakap ko na lamang ito at hinimas ang likod. "Shh... patawad dahil hindi ko kayo natulungan." "T-talagang natakot ako kanina. S-sobrang itim at ang b-baho ng nilalang na tumangay sa akin. N-na-napakalagkit, mabalbon-- sobrang dulas ng katawan niya.." dagdag pa na sabi ni Joy-joy. "Paano mo sila nakita, Doy?" tanong ko kay Dodoy. "Nagising ako para umihi. Nang papasok na ako sa amin, napansin kong nakapatay ang ilaw niyo kaya nagtaka ako. Nagpasya akong puntahan kayo kasi akala ko ay baka nagkaroon lang kayo ng short circuit. Mahirap na walang ilaw kasi buntis pa naman si Jen-jen at kabilin-bilinan ni Tatay na bantayan kayo. Habang papalapit ako ay bigla kong nakita si Jen-jen na naglalakad palabas ng inyong kusina. Sisitahin ko sana pero nang malapitan ko siya ay namumula ang kanyang mga mata. Bigla akong natakot kaya naman napatigil ako. Parang may sinusundan siya kaya napatingin na din kung saan man siya nakatuon. Doon ko nakita si Joy-joy na nagpupumiglas-- nagtaka pa nga ako dahil bakit siya nagpupumiglas eh wala naman akong makitang tao na humahawak sa kanya. Nilapitan ko na siya at nang makalapit na ay doon ko napansin ang napakaitim na nilalang na hinihila siya. Parang nawala bigla ang takot ko at napalitan ng galit doon sa nilalang kaya naman hindi na ako nakapag-isip at kaagad ko itong dinamba. Eh.. dahil mas malakas siya sa akin ay tumilapon ako sa aming kusina. Nakita ko ang itak na ginamit ko kanina sa pagbiyak ng mga kahoy, kinuha ko iyon at saka ko tinaga ang maitim na nilalang--- tingin ko nga ito ang sinasabi nilang aswang. Nung tinamaan ko siya ay nabitawan niya si Joy-joy. Hahabulin ko pa sana siya kaso narinig ko nang nag-iiyak si Joy-joy kaya hinayaan ko na lamang iyon na makaalis. Mabuti nga at hindi no'n ginalaw si Jen-jen dahil buntis pa naman-- pero, Lyn-lyn, bakit gano'n.. b-bakit kanina ay parang namumula ang mata ni Jen-jen at mukha siyang bruha. Hindi ko nga alam kung tama ba ang nakita o baka nabigla lang din ako," mahabang kwento ni Dodoy. Pati pala si Dodoy ay nakita ang pagbabago ni Jen-jen pati na ang pamumula ng mukha niya. "Baka guni-guni mo lang 'yon. P-pero malay natin baka nga magbagong-anyo si Jen-jen kaya mas maganda na matingnan ulit siya. Palagay ko ay hindi pa nakakauwi 'yong tatay ng kaibigan mo kaya bukas na bukas din ay pupunta ako do'n kung pwede siyang pumunta dito," nagsinungaling muna ako kay Dodoy tungkol kay Jen-jen. Baka kapag sinabi kong tama lahat ang nakita niya ay katakutan niya si Jen-jen at mapagkamalang aswang. Kailangan ko ulit siyang patingnan muna. Nang maibalik na ang aming ilaw ay nagpasya na lamang si Dodoy na doon matulog sa sala para bantayan kami. Bumalik lang ito saglit sa kanilang bahay para magpaalam sa kanyang asawa't anak. Nag-aalala din kasi ito sa amin, sa mga pinsan kasi naming lalaki ay ito ang pinakamabait at talagang itinuturing kaming mga kapatid. Ang iba kong pinsan na nagsipag-asawa ay nagsarili kaya ito lamang ang naiwan kina Tiyo at Tiya. Kinabukasan ay maaga akong nagising para puntahan si Mang Dadoy. Si Dodoy ay maaga ding nagpaalam dahil pupunta na ito sa laot. Si Joy-joy at Jen-jen ay tulog pa rin dahil anong oras na sila nakatulog kagabi. "Lyn-lyn!!" "Lyn-lyn..." Kaagad akong napadungaw sa labas dahil may tumatawag sa pangalan ko. "Sino--- Adela... Adela, ikaw pala. Pasok ka!" Nagulat ako ng makita ang dati kong kababata at kaibigan na si Adela. Dumating na siguro ito galing sa lugar ng kanyang asawa. "Kumusta ka na, Lyn-lyn? Ang ganda ganda mo na.. at pumuti ka," masayang bati sa akin ni Adela. Para itong timang na pinaikot-ikot pa ako dahil hindi siya makapaniwala na nagkita ulit kami. "Mabuti naman. Ikaw, kamusta ang buhay may asawa-- magkape ka muna." "Dapat ka na ring mag-asawa, Lyn-lyn. Ang sarap kaya ng may asawa," humagikhik pa ang lukaret. "Loka ka, hindi ko akalaing mag-aasawa ka dahil dati para kang tomboy. Niligawan mo pa nga ako.. ha..ha..ha," napatawa kaming dalawa sa pagbabalik-tanaw ng aming kabataan. "G*g-, dati 'yon, hindi na ngayon. Nagbago na ang isip ko. Masarap pala ang luto ng Diyos," mas lalong humagalpak ng tawa si Adela. "Ano na naman 'yang luto luto ng Diyos ang 'yong pinagsasabi." Binulungan ako ni Adela at sabay kaming napahagalpak ng tawa. "Ikaw ha, Adela, ang bastos mo na." "Naku, Lyn-lyn, sinasabi ko na sa 'yo... mag-asawa ka na din ng makatikim ka ng sinasabi ko. Baka kapag natikman mo ang luto ng Diyos ay pagsisihan mo kung bakit hindi ka nag-asawa ng maaga," mas lalong lumakas ang tawa naming dalawa. "Oy--- Adela, ikaw pala. Ang aga mo ah. Umagang-umaga ang ingay ninyong dalawa ni Ate Lyn-lyn, ang aga niyong mambulahaw," biro ni Joy-joy. Nagising pala ito sa ingay naming dalawa at ngayon ay tumabi na rin sa amin. Nagtimple na rin ito ng sarili niyang kape. "Bakit ka pala naparito?" "Hay, naku, buti pinaalala mo. Inuna ko pa ang pakikipagtsismisan kay Lyn-lyn kaya nalimutan ko tuloy ang itatanong ko sana," sagot ni Adela at bumaling ito sa akin, "nga pala.. pumunta daw kayo sa bahay noong nakaraan. Pasensiya ka na, wala ako kasi umuwi kami ng asawa ko sa kanila. Noong isang araw lang kami nakabalik tapos naalala noong kapitbahay namin kahapon habang naglalaro kami ng bingo na 'yon na nga, nagpunta ka nga daw kaya dinalaw kita." Napaseryoso ako sa tinuran ni Adela. "Ano kasi... naalala mo si Jen-jen, 'yong bunso namin?" Tumango naman si Adela. "Buntis siya." "Congrats, magiging Auntie ka na pala." "S-salamat. Ano kasi, Adela... kaya kami pumunta sa inyo para sana humingi ng tulong." "A-anong maitutulong ko sa inyo?" takang turan ni Adela. "Kakaiba kasi ang pagbubuntis ni Jen-jen. Atin-atin lang 'to kasi alam kung baka wala ding maniniwala sa amin." "Ano nga 'yon? Ito naman, may pasuspense pa--" "G-gusto ko sanang magtanong sa 'yo kung may kakilala kang magaling na manggagamot o albularyo?" alanganing tanong ko kay Adela. "Bakit kailangan mo ng manggagamot?" "Ina-aswang si Jen-jen!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD