"Ba-bakit naman siya a-aswangin? Huwag mong sabihin na buntis si Jen-jen?" nagdadalawang-isip na tanong ni Adela.
"Oo, buntis si Jen-jen!"
"At.. b-bakit sa akin ka nagtatanong kung mayroon akong kakilalang manggagamot?"
Napatahimik ako bigla. Bakit nahihimigan kong parang ayaw ni Adela ang paksa tungkol sa manggagamot.
"Ahh.. ehhh.. n-nagbabasakali lang kami na may kakilala ka--"
"At pa--bakit niyo naisipan bigla na may kakilala akong manggagamot?" biglang tumigas ang boses ni Adela. Mabilis itong tumayo at lumabas, "Salamat sa kape pero wala akong kakilalang manggagamot. Mas mabuting sa iba na lamang kayo humingi ng tulong--"
Hinawakan ko ang kamay ni Adela bago pa ito makalabas ng tuluyan.
"Pakiusap, Adela, kung may kakilala ka sana... tulungan mo kami. Mahal ko ang aking mga kapatid kaya gagawin ko ang lahat para mailayo siya sa kapahamakan," pakiusap ko kay Adela. Iwinaksi lamang ni Adela ang aking kamay.
"Pasensiya na, wala talaga akong kakilala. Kung hihingi kayo ng tulong sa ibang bagay, tutulong ako sa abot ng aking makakaya. Mauuna na 'ko."
Wala akong nagawa ng lumabas na ito. Nanghihinang napaupo na lamang ako sa sala. Hindi ko akalaing magagalit si Adela sa pagtanong ko sa kanya tungkol sa manggagamot, siguro ay na-trauma ito at ayaw nang balikan ang gano'ng karanasan. Ibig lang sabihin ay totoo ang sinabi ni Tiya tungkol sa pagyanggaw dito.
Mas mabuting si Mang Dadoy na lamang ang puntahan ko bago pa ito umuwi sa susunod na araw. Pagkatapos kumain ay inabisuhan ko na lamang si Joy-joy na bantayan si Jen-jen.
Hindi muna ito pumasok para mabantayan si Jen-jen. Kahit na natatakot ay nagpakatatag si Joy-joy dahil para ito sa aming bunso.
Laking pasasalamat ko ng sumama ulit si Mang Dadoy sa bahay. Ngayon ay may mga dala na itong gamit.
Pagdating sa bahay ay gising na si Jen-jen. Nasa loob ito ng kwarto at nagpapahinga dahil nanghihina na naman ito. Tinanong ko si Joy-joy kung kumain na ito, kumain naman daw pero ang pinaluto ay walang asin dapat. Ipinagluto na lamang ito ni Joy-joy para malamnan ang tiyan.
"Nasaan na siya?" tanong ni Mang Dadoy.
"Nasa loob po ng aming kwarto at nagpapahinga. Nanghihina na naman."
"Ang sabi mo kanina ay namumula ang mata niya at nag-iba ang kanyang anyo 'di ba? Naalala mo ang sinabi ko sa 'yo noon na baka niyanggaw din siya-- sa tingin ko ay nagsisimula nang lumaki ang sisiw sa tiyan niya," ani ni Mang Dadoy.
"Huwag niyo pong sabihin na magiging aswang na din si Jen-jen.. h-hindi.. hindi.." nagulantang kami sa sinabi ng matandang lalaki.
"Hangga't hindi pa siya tuluyang lumilipad ay hindi pa naman natin masasabing ganap na ang kanyang pagiging aswang. Puwede pa siyang gamutin, ang mahirap lamang ay buntis siya at baka makaapekto iyon sa bata."
"Tulungan niyo po kami, Mang Dadoy. Kayo na lamang po ang pag-asa naming makakatulong sa aming kapatid."
"Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya."
Hinanda na ni Mang Dadoy ang kanyang gamit at pumasok na kami sa kwarto.
Pagpasok na pagpasok pa lamang namin ay bigla na lamang humangin ng malakas at sumara ang bintana. Kaagad ko namang binuksan ulit ang bintana.
Saktong pagbukas ko ulit ng bintana nagsalita si Jen-jen.
"Palayasin niyo ang matandang 'to kung ayaw niyo siyang mamatay!"
"Ay!"
"Ayyyy!"
Napatili kaming dalawa ni Joy-joy ng makitang sinasakal ni Jen-jen si Mang Dadoy.
"K-ku-nin n-niyo.. a-ang... m-medal--yon ko s-sa t-te..la a-at... ipa...s-suot niyo sa.. k-kanya.." pautal-utal na sabi ni Mang Dadoy.
Nakita ko ang gamit ni Mang Dadoy malapit sa pintuan. Kaagad akong tumakbo doon para kunin ang medalyon ng matanda ng may humila sa aking buhok.
"Araaayyyyyy..." napaiyak ako sa sobrang sakit dulo't ng pagkakahila ng aking buhok. Nang tingnan ko kung sino ang humila ng buhok ko ay nanlaki ang aking mata ng makita si Jen-jen. Sobrang lakas nito na kahit na sinasakal si Mang Dadoy ay nagawa pa niyang mahila ang buhok ko.
"Papatayin kita!" nagboses lalaki na naman si Jen-jen.
Nagpapalag na ako dahil parang matatanggal na ang buhok ko sa aking anit.
"Araaaaayyyyy--"
"Aaaahhhhhhh....----" naramdaman kong nabitawan ni Jen-jen ang aking buhok.
"H-huwag... maawa ka sa akin. T-tanggalin mo ang medalyon sa aking leeg.. sige na.. tanggalin mo na, Ate Joy-joy.." ang nakikiusap na sabi ni Jen-jen. Kaya pala nabitawan niya kaming dalawa ni Mang Dadoy ay isinuot ni Joy-joy sa kanyang leeg ang medalyon na sinasabi ng matanda.
Ang kaninang mabalasik na mukha ni Jen-jen ay naging maamong tupa. Naging kawawa din ang boses nito at panay ang iyak kaya naman natigilan si Joy-joy at nag-alangan kung kukunin ang medalyon sa leeg ni Jen-jen.
Akmang hahakbang na ito kay Jen-jen ng mabilis na nahawakan ni Mang Dadoy ang mga kamay ni Jen-jen.
Kung kanina ay sobrang lakas ni Jen-jen, ngayon ay para itong lantang gulay na biglang napahiga sa papag. Bigla itong nanghina at pati ako ay nabitawan na niya.
"Hawakan niyong dalawa ang paa niya," mabilis na utos ni Mang Dadoy na kaagad naman naming sinunod. Ako ang nakahawak sa dalawang paa ni Jen-jen samantalang hinawakan naman ni Joy-joy ang isang kamay nito.
Narinig nalang namin na parang may sinasabi si Mang Dadoy na ibang lenggwahe na hindi namin naintindihan. Hawak ang isang maliit na parang libro ay itinampal niya ito sa noo ni Jen-jen at bigla na lamang itong nawalan ng malay.
"Ano pong nangyari---"
"Pinaalis ko ang masamang espiritung sumanib sa kanyang katawan," paliwanag ni Mang Dadoy, "antayin na lamang natin siyang magising."
"Mang Dadoy, bakit po parang sinapian ang aming kapatid?" tanong ko sa matanda.
"Dahil sa minarkahan na ang inyong kapatid kaya naman ay mabilis na itong saniban at gaya nga ng sinabi ko dati--- baka ay maging aswang din siya."
Saglit akong natahimik. Mataman akong tumingin sa matanda .
"Hmmm.. k-kaya niyo po bang magpagaling ng.. ng n-niyanggaw?" mahina kong tanong.
"Marunong akong manggamot ng niyanggaw pero hindi ko maipapangako na gagaling lahat ng ginamot ko lalo na lapag napisa na ang sisiw sa loob ng katawan ng biktima, ito ang pinakamahirap gamutin."
"Eh.. 'y-yong sa kapatid po namin.. s-sa tingin po ninyo, in-aswang po siya o... n-niyanggaw?" sabay tingin ko kay Jen-jen na walang malay na nakahiga. Pipi akong nananalangin na sana.. sana.. in-aswang lamang siya.
"Sa kapatid ninyo.. in-aswang siya.. at.. niyanggaw nga," napasinghap ako sa narinig. Gusto kong umiyak sa pagkumpirma ng matanda.
"Mang Dadoy, magiging aswang po ba ang kapatid namin?" si Joy-joy na ang nagtanong. Ramdam ko ang takot sa boses nito.
"Hindi!" mabilis na sagot ng matanda.