"Hindi siya magiging aswang! Hindi pa naman napipisa ang sisiw sa kanyang tiyan kaya pwede ko pa siyang gamutin."
"Pero 'di po ba ay uuwi na kayo sa susunod na araw. Ano pong gagawin namin kapag sinaniban ulit siya?" tanong ko sa matanda.
"Ang pinakamabisang panlaban sa d*monyo ay panalangin, matinding paniniwala sa Diyos na siyang may likha sa atin. Kapag wala na ako dito at sinaniban ulit ang inyong kapatid ay maghawak kamay lamang kayo at manalangin ng taimtim. Huwag na huwag kayong magpapadala sa kung ano man ang inyong makikita dahil ang d*monyo ay mapanlinlang. Oras na saniban ang inyong kapatid at manalangin kayo, gagawa sila ng paraan para linlangin kayo para hindi mapaalis sa katawan ng inyong kapatid. "May mga gamit na inilabas ang matanda at ibinigay sa akin. May isinulat din ito sa papel at inabot sa akin. "Latigo 'yan-- mabisang gamit laban sa aswang. 'Yang medalyon sa leeg ng inyong kapatid, huwag na huwag niyong tatanggalin. Hindi siya sasaniban habang suot niya 'yan. Itong papel ay listahan ng mga halaman na kailangan ko. Bilhin mo ito ngayon at paiinumin ko sa kanya pagbalik mu para mailabas niya ang sisiw sa kanyang tiyan."
Matapos maibigay sa akin ang listahan ng mga kakailanganin ni Mang Dadoy ay dali-dali na akong pumunta ng bayan.
Kahit na mahirap hanapin ang mga halamang nasa listahan ay talagang naghanap kahit na umabot pa ako sa ibang bayan. Nang makumpleto lahat ng halaman ay dali-dali akong umuwi. Hapon na ng makarating makarating ako ng bahay. Malapit na magtakip-silim kaya naman nagpasalamat ako at nahanap ko lahat ng mga kailangan ng matanda.
"Tawagin mo pala ang iyong Tiyo o ang iyong pinsan. Gagamutin ko na ang inyong kapatid at habang ginagamot ko siya, baka biglang may ibang nilalang o dem*nyo ang gumambala sa atin."
Dali-daling pinuntahan ni Joy-joy si Tiyo at Dodoy sa kabila. Pagbalik ay kasama na niya ang dalawa.
Bago simulan ang panggagamot kay Jen-jen ay kinausap ito ng masinsinan ni Mang Dadoy.
"Ineng, kung mayroon ka mang maramdaman.. makita at bumulong sa iyong isipan.. huwag na huwag mong susundin. Gawain 'yan ng d*monyo para tuluyan ka nilang maging kaisa. Kapag sa tingin mo ay hindi mo na kaya.. huwag kang mawalan ng pag-asa at manalangin sa iyong isip. Tanging ang pananampalataya mo lamang ang makakaligtas sa'yo," seryosong sabi ni Mang Dadoy kay Jen-jen.
Tumango lamang si Jen-jen.
Hinipan muna ni Mang Dadoy ang noo ni Jen-jen at napahiga na ito sa gitna ng papag ng aming silid.
Nag-umpisa nang mag-orasyon si Mang Dadoy. Hindi naman namin maintindihan ang kanyang sinasabi dahil ibang salita ang kanyang sinasambit.
Matapos mag-orasyon ay dinikdik nitong lahat ang mga halamang nakalista sa papel na pinahanap niya sa akin. Matapos madikdik ng pino ay nag-orasyon ulit ang matanda. Inilagay sa baso ang dinikdik na halaman at mayroon itong maliit na botelya na binuksan. Hinalo iyon sa dinikdik na halaman at lumapit kay Jen-jen. Inalalayan ni Mang Dadoy na makaupo si Jen-jen atsaka pinainom kay Jen-jen ang laman ng baso.
Matapos mainom ang laman ng baso ay pinahiga ulit ni Mang Dadoy si Jen-jen. Nagsindi ito ng kandilang itim at nag-orasyon ng paikot kay Jen-jen.
Nakadalawang ikot pa lamang si Mang Dadoy kay Jen-jen ng walang anu-ano ay bigla itong nagmulat ng mata nito. Tumingin ito sa aming lahat at tumili ng sobrang lakas. Nagsisigaw ito at sumiksik sa gilid ng kwarto na parang may kinakatakutan.
"H-huwag kayong lumapit sa akin! M-maawa kayo sa akin.. buntis ako.."
"Jen-jen.. huwag kang matakot sa amin. Si Ate Lyn-lyn mo 'to--"
"Huwag mo 'kong hawakan!" Bigla akong tinulak ni Jen-jen nang tinangka ko itong yakapin. Bigla na lamang kasi itong nagsumiksik sa gilid at parang natakot sa aming lahat.
"Ate Lyn-lyn.. Ate Joy-joy.. nasaan na kayo..." humihikbing sabi ni Jen-jen.
"Jen-jen, kami 'to.. ang Ate Lyn-lyn at Ate Joy-joy mo.." pati ako ay napaiyak na din dahil hindi na naman niya kami kilala. Parang iba ang nakikita niya sa amin.
"Hayaan niyo lamang siya. Magpatuloy na lamang kayo sa paghawak-kamay at nililinlang lamang ang kanyang isipan. Maya-maya ay sasama na ang kanyang pakiramdam dahil iluluwa na niya ang sisiw sa kanyang tiyan," pinigilan kami ni Mang Dadoy sa paglapit kay Jen-jen kaya napabalik kami sa aming pwesto kanina.
Nagpatuloy ulit sa pag-orasyon si Mang Dadoy habang kami ay nasa likuran niya.
"Aaaahh.... ang sakiiiittt..." bigla ay napasigaw na naman si Jen-jen. Hawak nito ang tiyan at parang namimilipit sa sakit.
"Huwag na huwag niyo siyang lalapitan. Hayaan niyo lamang siya hanggang sa mailuwa niya ang sisiw. Kailangan niyong sikilin ang inyong awa sa kanya dahil para rin sa kanyang kabutihan ang ating ginagawa."
Dahil sa sinabi ni Mang Dadoy ay tiniis na lamang namin na makitang nasasaktan si Jen-jen. Kahit gustuhin man namin siyang tulungan ay hindi pwede.
"Aaaahhhhhhh... h-hindi ko na k-kayaaaaa.... P-parang may lalabas sa bunganga ko.."
Ilang minuto pang nagsisigaw si Jen-jen bago tuluyan itong sumuka. Kaagad namin itong dinaluhan ni Joy-joy. Niyakap ng mahigpit at nag-iiyakan na kaming tatlo.
Mabilis ding nakalapit sa amin si Mang Dadoy. May dala itong itim na tela.
"Ito ang sisiw na sinasabi ko sa inyo," pinakita sa amin ni Mang Dadoy ang sisiw na isinuka ni Jen-jen. Sobrang itim ng sisiw at napakalangsa din nito. Napakalapot din na talagang ang pangit tingnan.
Ibinalot na ito ni Mang Dadoy sa itim na tela. Nagpaalam itong susunugin ang sisiw ang likod ng bahay para masigurong mamamatay talaga ito. Kapag kasi napabayaan ang sisiw na ginamit sa pagyayanggaw ay pwede pa rin itong gamitin ng aswang na may-ari nito.
Ilang minuto pa ay may meron na kaming naamoy na sobrang sangsang. Tumagal iyon ng ilang minuto at mabilis ding nawala. Nang mawala ang amoy ay bumalik na sa loob si Mang Dadoy.
"Magpahinga ka na ineng. Kumain ka ng marami para makabawi ka. Kapag may narinig o nakita kang kakaiba, huwag na huwag mong susundin ang anumang ipapagawa nila sa'yo. Pagkagat ng dilim, huwag ka nang lumabas ng bahay ninyo at manatili ka na lamang sa loob ng kulambo," seryosong paalala ni Mang Dadoy kay Jen-jen. Tumango lamang si Jen-jen. Matapos ang ilang paalala ay kinausap ni Mang Dadoy si Tiyo at Dodoy.
"Samahan niyo ako sa labas. May ipapakita ako sa inyong dalawa."
Nauna nang lumabas si Mang Dadoy kasunod si Tiyo at Dodoy. Nang nasa may pinto na sila ay bumaling sa akin si Mang Dadoy.
"Ineng, bantayan mong maigi ang iyong mga kapatid. Magtatakip-silim na, paglatag ng dilim ay alam kong dadalaw na naman ang mga bisita ng iyong kapatid. Mas lalo silang magagalit dahil tinanggal ko ang sisiw na siya sanang daan para makuha nila ang iyong kapatid. Kung ano man ang inyong marinig.. at makita, ay huwag na ninyong pansinin dahil kami na ang bahala doon. Huwag kayong lalabas ng kulambo lalo na ang buntis, ikaw at ang isa mo pang kapatid ay wala namang kaso basta sa loob lamang kayo ng inyong bahay. Magtiwala kayo sa amin at hindi kayo magagalaw ng inyong mga bisita."