Jen-jen 2

915 Words
Pagdating ko sa Bulacan ay medyo nahirapan pa akong hanapin ang kanilang subdivision dahil malayo ito sa bayan. Nilakad ko na lamang papasok sa loob dahil private vehicle lamang ang pwedeng pumasok. Naiinis naman ako kay Jen-jen dahil kagabi pa ako tumatawag sa kanyang cellphone pero hindi siya sumasagot, tanging ring lang ng ring ang cellphone nito. Iniisip ko na lamang na busy ito sa bahay ng kanyang amo o ‘di kaya ay masama talaga ang pakiramdam nito. Pagdating ko sa bahay ng amo ni Jen-jen ay pinagbuksan ako ng isang matandang babae. Ito siguro ang matandang katulong na sinabi ng amo ko dati na kasama ng amo ni Jen-jen. Nagpakilala ako sa matanda at kaagad naman ako nitong pinagbuksan. Sinabi nitong buong araw lang na nasa loob ng bahay si Jen-jen simula ng himatayin ito kaya naman medyo nag-alala ako. Nakasunod lamang ko sa matanda hanggang sa tumigil kami sa isang kwarto. Kumatok ang matanda at tinawag ang pangalan ni Jen-jen. Kumatok pa ulit ito pero wala pa rin kaming naririnig na sagot mula sa loob kaya dahan-dahang binuksan ng matanda ang pinto. Kahit maliwanag pa sa labas ay magulo at madilim sa loob ng kwarto ni Jen-jen. Amoy kandila pa ang loob kaya naman medyo naalibadbaran ako kasi parang naging burara si Jen-jen, hindi naman siya burara sa bahay. Pagpasok sa loob ng kwarto ay nakita kong nakahiga si Jen-jen sa kama. Nagtaka pa ako dahil alanganing oras na pero tulog pa rin siya. Inisip ko na lamang na dahil siguro buntis ito kaya laging inaantok. Habang papalapit sa kanyang kama ay napansin kung umuungol ito. Paglapit ko dito ay basing-basa pa ito ng pawis. “Jen.. jen.. gising. ‘Andito na si Ate Lyn-lyn, g-gumising ka na..” lumapit ako sa kama at umupo sa tabi ni Jen-jen. Niyugyog ko si Jen-jen para magising ito. “Hmmm.. hmmm..” umuungol lamang si Jen-jen at maya-maya ay tumaas ang dalawang kamay nito. Dumako iyon sa kanyang leeg na parang may gustong tanggalin. “Jen-jen..” hinawakan ko ang kamay nito para tanggalin iyon sa kanyang leeg. “Hmmm.. hhmmm.. ugghh..” “Jen-jen.. Jen..” malakas ko nang niyugyog si Jen-jen dahil parang masama na ang panaginip nito. “Aaaaahhhhhh…. tigil—Ate Lyn?!!!” biglang napabalikwas ng bangon si Jen-jen at yumakap sa akin. “A-andito ka pala ‘te. Hindi ka nagpasabi, sana sinundo kita sa bayan.” Kumalas si Jen-jen mula sa pagkakayakap sa akin at umayos ng upo sa kama. Pinunasan nito ang sariling mukha nap uno ng pawis. “Nag-aalala kami sa kalagayan mo kaya pinapunta na ako dito ni Ma’am at Sir. Kahapon pa nga ako tumatawag sa’yo na pupunta ako dito pero hindi ka sumasagot. Pinayagan ako ni Ma’am at Sir na magbakasyon ng isang buwan para may makasama ka. Busy tone lang ang naririnig ko. Siguro busy o masama ang pakiramdam mo l-lalo na n-ngayon na b-buntis ka. Binigyan naman ako ni Ma’am ng address ninyo kaya sinunod ko lamang ang direksiyon na bigay niya.” Tumigil ako saglit at tiningnan ang mukha ni Jen-jen. Humumpak ang mukha nito at tumanda ng ilang taon. Bente anyos pa lang si Jen-jen pero tingin ko sa kanya ngayon ay mukha na siyang trenta anyos, mas matanda pa sa akin. “A-ate Lyn, t-tumatawag din ako sa’yo dati pa pero hindi kita makontak. Laging busy ang cellphone mo. Gusto sana kitang e-message sa messenger kaso lagi akong nawawalan ng signal tuwing magtatype ako kaya nawawala sa isip—ay.. N-nay Erlinda.. s-salamat sa paghatid kay Ate Lyn-lyn. Pwede niyo na po k-kaming i-iwan.” Mahina ang boses ni Jen-jen habang nakatingin sa matanda. Hindi ko alam kong namamalikmata lang ako pero matalim ang tingin nito sa likod ng matanda. "Bakit parang masama ang tingin mo sa matanda?" sita ko dito. “Pasensiya na, ‘te. Hindi ko alam kung bakit pero simula nang mabuntis ako ay bumigat na ang loob ko kay Nay Erlinda. Mabait naman siya at palangiti pero hindi ko talaga maintindihan ang aking sarili kung bakit natatakot ako sa kanya. Unang kita ko pa lamang sa kanya ay iba na ang pakiramdam ko. A-ang t-totoo niyan, siya ang nagsabi sa akin na buntis ako kasi hindi ko naman talaga alam mabubuntis ako,” paliwanag ni Jen-jen. “B-baka naman marunong lang talaga siyang tumingin kung buntis ang isang babae. A-at siya nga pala Jen-jen, paano kang nabuntis! Hindi ka naman nagmemessage sa akin na may nanliligaw sa'yo o may boyfren ka!” Nagsimula na namang umusbong ang galit sa aking dibdib. Nakakahiya kasi hindi pa nga siya kasal tapos mabubuntis lang pala. “S-sorry, ‘te. A-ang t-totoo niyan h-hin—hindi ko alam…” saka humagulgol si Jen-jen. Sa bugso ng galit ay hindi ko mapigilang masampal si Jen-jen. “Ate Lyn!” napaiyak na lamang si Jen-jen kaya mas lalo namang sumidhi ang galit ko sa kanya. “P-paano kang nabuntis?! H-hindi ka na nahiya. Pinag-aral kita para guminhawa ang buhay natin, hindi para kumiringking at magpabuntis—” “Ate! Sorry! Sorry talaga! Hindi ko naman sinasadya—” Kahit anong paliwanag sa akin ni Jen-jen ay hindi ko talaga mapigilang mapagbuhatan ito ng kamay. Galit na galit ako dahil hindi ko akalaing ganito ang mangyayari sa kanya. Hindi naman ako nagkulang ng paalala sa kanya. Kabilin-bilinan pa naman ng mga magulang na ingatan ang aming sarili at huwag magpapabuntis hangga't hindi kasal. Tapos malalaman ko na lamang na nagpabuntis ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD