Ako si Jovielyn, Lyn-lyn for short. Bente singko anyos, single at wala pang asawa.
Panganay ako sa aming tatlong magkakapatid. Ulila na kami sa magulang dahil nasawi ang mga ito sa dagat habang nangingisda noong nasa high school pa lamang ako. Kinuha kami ng aming tiyo na kapatid ni nanay. Wala kasi silang anak na babae at ang pinsan naming mga lalaki ay maaga ding nagsipag-asawa. Sa kagustuhang hindi maging pabigat sa aming Tiyo at Tiya ay nagpasya akong sumama sa isa naming kapitbahay na lumuwas ng Maynila pagka-graduate ko ng high school. Dahil high school lamang ang tinapos ko ay katulong o kasambahay ang bagsak ko.
Mabuti na lamang at mabait din ang pamilyang tumanggap sa akin. Nang malaman nilang namatay ang aming mga magulang at may mga kapatid akong pinapaaral sa probinsiya ay sila na ang sumagot sa tuition ng mga kapatid ko.
Sa kabutihang palad ay nakapagtapos ng vocational course ang sumunod sa akin na si Joyabel o Joy-joy.
Pagka-graduate nito ay nakahanap naman ito ng matinong trabaho sa amin sa Mindanao. Natanggap itong sekretarya sa isang pabrika ng mga tela.
Nasa graduating na rin ng vocational course ang bunso naming kapatid na si Jennylyn o Jen-jen ng magkasakit si Tiya. Nagkasakit ito sa puso kaya dinala sa ospital. Mabuti at naagapan kaya naman nakaligtas ito. Inabot din ng lampas isang buwan sa ospital si Tiya bago ito pinalabas.
Dahil kami-kami lang ang magkakamag-anak ay nasaid ang ipon ko para sa aking mga kapatid. Umutang na rin ako para sa pambayad sa paglabas ni Tiya sa ospital. Si Joy-joy ay nangutang na rin para pandagdag sa bayad ng ospital. Kinailangan din naming bumili ng gamot para sa maintenance ni Tiya kaya nagkanda-utang kami sa aming mga kakilala at kaibigan.
Si Tiyo ay pamin-minsan na lang din kung pumalaot sa dagat dahil inaatake din ito ng rayuma. Simula nang magtrabaho ako sa Maynila ay pinaalalahanan ko din itong maging mag-ingat sa pangingisda dahil ilang beses na rin itong nadisgrasya sa laot.
Sa kagustuhan ding makatulong ni Jen-jen sa aming pamilya, kalaunan pagka-graduate nito ay nagpasya itong sumunod sa akin sa Maynila.
Kaagad naman akong nagpatulong sa aking amo kung may mga kakilala itong pwedeng mapasukan ni Jen-jen tutal ay nakatapos naman ito ng vocational course sa pananahi katulad ni Joy-joy.
Sa dami ng kakilala ng aking amo ay may ni-recommend itong mag-asawa na nangangailangan ng titingin sa kanilang mini-grocery at farm, parang personal assistant ng mag-asawa.
Nang makita ng mag-asawa si Jen-jen ay kaagad nila itong nagustuhan kaya naman isinama na nila ito sa Bulacan. Iminungkahi din ng mag-asawa na pwede ding tumira sa kanila si Jen-jen tutal ay wala itong matutuluyan at para makatipid na din. Mayroon ding katulong ang mag-asawa na matandang babae at ito ang makakasama ni Jen-jen sa bahay dahil lagi din namang bumibiyahe ang mag-asawa.
Maraming negosyo ang mag-asawa kaya naman laging umaalis ang mga ito kung saan-saan at minsan ay isinasama din nila si Jen-jen kapag nag-a-out of town. Minsan ay nagbabakasyon din ang mag-asawa sa Thailand dahil doon naka-based ang napangasawa ng kanilang nag-iisang anak na babae.
Dahil likas na mabait at masipag si Jen-jen ay nagustuhan ito ng mag-asawa. Itinuring din nila itong parang kanilang anak kaya naman lubos ang tiwala nila dito.
Sa pagdaan ng mga araw.. linggo.. hanggang naging taon ay palagay na ang loob namin dahil maganda naman ang feedback ng amo ni Jen-jen tungkol sa kanya. Dahil nagtatrabaho na kaming tatlong magkakapatid ay unti-unti na naming nababayaran ang aming mga utang.
Hanggang sa isang araw ay kinausap ako ni Ma'am tungkol kay Jen-jen. Huwag daw akong mabibigla dahil maselan daw ang kalagayan ni Jen-jen -- buntis daw si Jen-jen. Nagulat naman ako dahil wala namang may kinukwento o sinasabi sa amin si Jen-jen na may nobyo ito o may nanliligaw sa kanya. Ang sabi pa ni Ma'am, nalaman daw ng kaibigan niyang buntis si Jen-jen noong nakaraang buwan pa. Ayaw lang niyang sabihin muna sa amin dahil akala niya ay magsasabi si Jen-jen sa akin.
Kaso noong nakaraang araw ay nawalan ito ng malay at tumawag sila ng doctor. Doon nakumpirma na tatlong buwan na siyang buntis. Noong tinanong ng kaibigan ni Ma'am si Jen-jen kung nagsabi ba ito sa akin tungkol sa kanyang pagbubuntis ay umiling lamang ito kaya nagpasya na itong sabihin kay Ma'am ang kalagayan ng kapatid ko para malaman ko.
Kaagad ko namang pinuntahan si Jen-jen sa Bulacan ng malamang buntis ito. Mismong si Ma'am ang nagsabi sa akin na bisitahin ko ang aking kapatid para ma-check kung okay na ito. Ang sabi kasi ng kabigan ni Ma'am ay maselan daw ang pagbubuntis ni Jen-jen. Lagi itong nagsusuka at umiiyak sa gabi kaya kailangan ko muna siyang bantayan.
Isang buwan ang binigay na bakasyon sa akin ng ni Ma'am kaya naman natuwa ako at makakasama ko na rin si Jen-jen.