Third Person POV
Paglatag ng dilim ay lumabas na ng bahay ang tatlong lalaki. Patungo sila sa direksiyon ng mga puno sa likod ng bahay. Maraming saging sa likod at doon ay inaya niya ang dalawang lalaki.
"Magpahid kayo nito," may inabot ito sa dalawang lalaki na parang lana. Malagkit iyon at nakakasulasok ang amoy. "Kailangan natin 'yan para hindi tayo maamoy ng mga aswang mamaya. Aakalain nilang aswang din tayo at nakikiamoy lamang sa buntis na kanilang tinatarget."
"Dumapa lang kayo dito at tingnan ang mangyayari. Kung ano man ang inyong makikita ay huwag kayong basta na lamang gagawa ng ikakapahamak ninyo," may binigay itong balisong sa dalawang lalaki, "mga gamit ko 'yan noong kabataan ko. Mahilig akong maghanap ng mga mutya at laging nalalagay sa panganib ang aking buhay kaya kailangan ko 'yan para ipagtanggolang aking sarili. Kapag nalagay kayo sa alanganin ay pwede niyo din 'yang gamitin. Hindi pwede ang normal na patalim o kutsilyo sa mga aswang kaya 'yan ang binigay ko sa inyo. Meron din akong sariling tabak at may dala din akong latigo sa tuwing nakikipaglaban ako sa mga aswang.
Tinanggap naman ng dalawang lalaki ang balisong na bigay ng matandang manggagamot.
Dumapa sila sa lupa sa likod ng mga saging. Tinakpan na sila ni Mang Dadoy ng mga dahon para hindi sila makita.
"Doon ako sa pupwesto sa itaas ng acacia malapit sa likuran ng bahay. Alam kung doon lagi pumupwesto ang mga bisita niyo sa gabi. Siguro ay nagtataka kayo kung bakit ko kayo sinama ngayong gabi?" turan ng matanda. Tumango naman ang dalawang lalaki.
"Alam kung sa kapanahunan ngayon ay wala na masyadong naniniwala sa aswang aswang na 'yan kaya ginawa ko 'to para mapatunayan sa inyo na totoo sila. Sana lang ay huwag kayong mainip kahit abutin pa tayo ng ilang oras dito dahil nasisiguro kong mas maaga sila ngayong gabi dahil natanggal na ang sisiw sa tiyan ng buntis." Pagtatapos ng matanda at naglakad na ito papunta sa puno ng acacia. Paakyat na ito ng bigla itong may naalala at tumakbo pabalik sa pwesto ng dalawang lalaki.
"Muntik ko na palang makalimutan, huwag na huwag pala kayong magpaabot sa liwanag o ilaw. Kapag nahagip kayo ng liwanag ay hindi ninyo makikita ang inyong kaaway kaya hangga't maaari.. manatili kayo sa dilim."
Matapos sabihin iyon ng matanda ay dagli itong tumakbo sa puno ng acacia at umakyat.
Nagtataka man ay hindi na lamang umimik ang dalawang lalaki. Susundin na lamang nila ang sinabi ng matandang manggagamot alang-alang kay Jen-jen.
Itinuturing din kasi ni Dodoy itong bunsong kapatid na babae at ang ama naman ni Dodoy ay ipinangako sa puntod ng kanyang kapatid na aalagaan ang kanyang mga pamangkin. Kaya kahit anong mangyari ay gagawin nila para maprotektahan ang kanilang pamilya.
Gabi na at sobrang dilim sa paligid. Nakabukas na ang mga ilaw at lampara sa iilang kabahayan pati na din sa bahay nila Dodoy sa 'di kalayuan sa bahay nila Lyn-lyn.
Nakabukas ang bintana sa salas pero sa kwarto ng magkakapatid ay nakasarado ito katulad ng bilin ng manggagamot.
Isang oras na ang nakakalipas ay wala pa ring pagbabago sa paligid.
Hanggang sa umabot na ng dalawang oras ang pagmamatyag ng mga lalaki sa labas ng bahay. Napansin nilang unti-unti nang namamatay ang ilaw sa mga kabahayan. Pati na din sa bahay nila Dodoy ay namatay na din ang ilaw tanda na tulog na ang mga tao sa loob. Ibig sabihin din no'n ay alas diyes nang gabi dahil ganoong oras sila natutulog. Ilang minuto pa ay namatay na din ang ilaw sa loob ng bahay nila Lyn-lyn.
Bigla namang nagising si Dodoy ng biglang may bumatok sa kanya.
"Aguyyy... bakit niyo naman ako binatukan, 'Tay?" galit na bulong ni Dodoy sa kanyang ama.
"Paanong hindi kita babatukan eh tulog ka na. Paano nalang kung biglang sumalakay ang mga aswang, eh 'di tayo ang unang kinain dahil tulog ka. Kaya nga tayo nandito para magbantay at hindi para matulog. Bukas ka na nang umaga matulog," angil ng tatay ni Dodoy.
"Eh, 'Tay, baka wala talagang aswang. Tingnan niyo oh, halos tatlong oras na tayong nakadapa dito pero wala man lang akong maramdaman o makitang kakaiba. Inaantok na kaya ako. Mas mabuti pa sigurong sa loob ng bahay nila Lyn-lyn na lang tayo matulog kesa dito, mabaho at malamig kaya," reklamo ni Dodoy.
"Tumigil ka diyan. Tingnan mo nga 'yang matandang manggagamot, hindi ka na nahiya sa kanya. Hindi nga natin 'yan kaano-ano pero handang tulungan si Jen-jen. Kaya umayos ka diyan," hindi na sumagot si Dodoy at baka mapagalitan ulit siya ng kanyang ama.
Ilang minuto pa silang nagmatyag pero wala pa ring pagbabago.
Biglang humangin ng malakas at sa hindi maipaliwanag na dahilan ay biglang tumayo ang balahibo ng dalawang lalaki.
Napakislot ang dalawa mas lalo na si Dodoy. Nakaisip ito ng paraan para makaalis sa kanilang kinalalagyan.
"'Tay, iihi lang ako ha," paalam ni Dodoy sa kanyang ama. Ang plano niya ay iihi muna bago umuwi sa kanila. Ang totoo ay antok na talaga siya. Mas gusto na niyang ipikit ang mata at tumabi sa asawa't anak sa kanilang kwarto.
Nag-aantay ng sagot si Dodoy mula sa ama pero hindi sumasagot.
"'Tay! Iihi muna ak---"
Nagulat si Dodoy ng biglang tinakpan ng kanyang ama ang kanyang bibig.
"Sshhhh... h'wag kang maingay," bulong ng kanyang ama. "Tingnan mo ang kinalalagyan ng manggagamot. Talasan mo ang iyong paningin."
Kahit na naiinis sa ginawa ng kanyang ama ay sinunod ni Dodoy ang sinabi nito. Tiningnan niya ang kinaroroonan ng matandang manggagamot.
Tumingin siya sa itaas ng acacia kung saan naroon ang matanda. Nakakapit ng mahigpit ang matanda sa malaking katawan ng puno.
Noong una ay wala namang may nakikita si Dodoy. Tanging ang matandang manggagamot lamang ang kanyang nakikita na nakatingin sa bubong ng bahay nila Lyn-lyn.
"May napansin ka ba?" mahinang tanong ng ama ni Dodoy.
"Wal---"
Naputol ang tangkang pagsagot ni Dodoy ng mapansin ang maitim na nilalang sa kabilang sanga ng puno ng acacia. Tiningnan niya itong mabuti. Kumurap-kurap pa siya dahil baka namamalikmata lamang siya sa kanyang nakikita.
Biglang bumalik ang naramdaman niyang pagtaas ng balahibo sa buong katawan. Nang tingnan niya ang balat ay talagang tumatayo nga ang kanyang balahibo.
Tumingin ulit si Dodoy sa puno ng acacia. Mula sa kanilang pwesto ay kita niya ang isang napakaitim na nilalang na nakatayo din sa kabilang parte kung saan nakapwesto si Mang Dadoy. Ngayon ay unti-unti nang lumilinaw ang tingin ni Dodoy sa nilalang na 'yon. Parang katulad ito ng nilalang na nakasagupa niya noong niligtas niya ang kanyang mga pinsan. Ito pala talaga ang hitsura ng aswang. Kaya naman pala bigla siyang pinanayuan ng balahibo. Totoo talaga ang aswang.
Pansin ni Dodoy na parang alam din ng matanda na may kasama ito sa taas ng puno pero halatang nagmamatyag lamang ang matanda samantalang ang maitim na nilalang ay walang pakialam at nakatuon lamang ang tingin nito sa bahay nila Lyn-lyn. Saka naalala ni Dodoy na may pinahid sila sa kanilang katawan. Iyon siguro ang dahilan kaya hindi sila ginagalaw ng aswang sa pag-aakalang aswang din sila base sa kanilang amoy.
"'Tay, nakita ko na ang sinasabi ni Mang Dadoy na bisita ni Jen-jen. 'Yan pala ang aswang. Mga hayop na 'yan, nakalaban ko na pala sila dati," gigil na bulong ni Dodoy sa kanyang ama.
Tahimik lamang itong nagmasid sa paligid at nilingon ang anak.
"Hindi lamang 'yan ang bisita ni Jen-jen, Dodoy. Tama nga ang sinabi ng manggagamot na maraming bisita si Jen-jen." Ngumuso ang ama ni Dodoy sa kanang bahagi ng sagingan malapit sa kanila. Pagkatapos noon ay ngumuso ito sa taas ng bubong at ang huli.. sa pinto ng kusina.
Sinundan ni Dodoy lahat ng nginuso ng kanyang ama.
"Depug*! Napakarami nila, 'Tay!"
"K-kaya ba natin sila?!"
Hindi lamang pala isa kundi apat ang aswang na bisita ni Jen-jen sa gabing ito, ang saloob-loob ni Dodoy. Tinubuan siya ng takot dahil alam niya sa sarili na wlaa silang laban sa apat na aswang.