Agad akong umatake sa kinakalaban nila habang pinapanatiling tinatago ang aking presensiya. Alam kong alam na nila na hindi lamang ang grupo nila ang kasalukuyang nandito, lalong-lalo na ang kanilang nag-iisang assassin. Kitang-kita ko kung paano nataranta ang mga ito nang bigla na lang bumagsak ang kanilang kinakalaban. Hindi ko inaasahan na ganoon pala ito kahina, iyong tipong isang atake ko lang at skill ay nakahandusay na sa sahig.
Hindi pa naman ito patay ngunit, halos kalahati na lang ang health bar nito. Isang ngiti ang gumuhit sa aking mga labi bago ko inayos ang headset na suot-suot ko. Pagkatapos ay agad kong pinindot ang letter Q sa aking keyboard upang mapalabas ang unang skill.
Tinapunan ng ilang katana ang katawan ng kalaban namin na naging dahilan ng pagdaing nito, mas lalong bumaba ang health bar ng kalaban. Patuloy lamang ako sa pagbigay ng atake at hindi na napansin ang usapan ng mga kasama ko rito. Hindi ko nga inaasahan na mananatili pa rin sila kahit wala na silang health.
“Nakikita niyo ba ang tumutulong sa atin?” Basa ko sa chat ng kanilang mage, “Hindi ko makita kung anong klaseng character ang mayroon siya pero, halata naman na isa itong assassin dahil sa skill nito.”
“Stealth?” Tanong ng kanilang Tank.
Hindi ko na lamang sila pinansin at nagpatuloy na sa pag-atake, hindi naman nagtagal ay laking tuwa ko nang tuluyan na itong nawala sa aking harapan. Isa sa rules ng larong ito ay kung sino man ang nakapatay sa halimaw na kanilang kinakalaban ay mapupunta ito sa taong iyon o grupo.
Dahil nga sa ako naman ang nakapatay sa kanilang kalaban, sa akin na ang drop items. Tinignan ko ang items na nasa sahig at halos madismaya sa aking nakita.
May mga ganito na ako, ito ang mga pangunahing item sa oras na sumali ka sa Hunter Dynasty. Hindi ko inaasahan na makikita ko ito bilang drop item sa medyo malakas na halimaw.
“Isang rare item,”basa ko sa chat ng assassin nila.
Hindi naman siguro maaring magpaka-selfish na lang ako at kunin ito kahit mayroon na ako nito. Siguro ay ibigay ko na lang sa kanila, wala rin naman akong mapapala kung ibebenta ko ito sa bayan.
Agad kong dinala ang mouse sa textbox na kung saan pwede ako mag-reply sa kanila.
“These items are yours now, you can have this,”saad ko bago ko pinindot ang reply at naglakad na paalis.
Bago pa ako tuluyan makatalikod sa kanila ay na basa ko pa ang reply ng Assassin at tinatanong kung sino raw ako at bakit ko sila tinulungan. Hindi ko naman talaga sinasadya na tulungan sila, gusto ko lang mag-ensayo at wala rin naman pakinabang sa akin ang drop items na iyon. Hindi ko na lamang ito pinansin at nagpatuloy na sa paghahanap ng susunod na kalaban.
Marami-rami na ring tao ang nandito. Hindi ko alam kung bakit o ano ang dahilan at parang mas dumarami yata ang manlalaro sa larong ito. May panibagong premyo kaya sila o ano? Siguro ay dahil na rin sa tulong ng ads.
Patuloy lamang ako sa pagtakbo hanggang sa makarating ako sa pinakadulo na bahagi ng gate na ito. Hindi lamang ito ang dulo ng gate, kung hindi ay marami pang iba. Tila ba isa itong pugad ng langgam na kung saan ay maraming daan. Walang katao-tao rito at medyo madilim din ang paligid.
Naririnig ko ang pag-ihip ng hangin sa aking headset.
That’s weird.
Kahit kailan ay hindi ko pa naranasan ang makarinig ng hangin dito sa loob ng gate. Ano ang nangyayari? May bagong update ba sila na ganito? Bakit hindi ko man lang alam na pwede pala ang ganitong bagay?
Huminga ako ng malalim at mas lalong pinakinggan ang paligid. Sinisigurado ko na walang atake na makakalusot sa akin.
Sa dinarami-rami ng na laro ko ay alam ko na ang kadalasan na nangyayari sa mga ganitong lugar, at alam ko na hindi ako matutuwa. Tipikal na mga atake nito ay ang mga halimaw na mahilig sa madidilim na lugar, iyong hindi nakakakita sa liwanag at mas alam nila ang pasikot-sikot kapag madilim.
Tahimik ko lang pinapakinggan ang bawat galaw sa paligid. Mas lalo ko nilakasan ang volume ng aking headset habang hinihintay ang kanilang atake.
Hindi naman nagtagal ay bigla na lang akong may narinig na papalapit sa akin mula sa itaas, at sa tunog nito, alam kong isa itong klase ng langgam na may pakpak sa likuran. Agad kong inactivate ang stealth at tumakbo sa dingding. Doon nagsilabasan mula sa itaas ang mga langgam na sobrang ingay.
Sobrang dami nila, sa tingin ko ay mahigit isang libo ang mga ito.
Kaya siguro walang nagtatangkang pumunta rito dahil na rin sa kanilang mga atake na hindi mo malaman kung ano ang susunod.
Hindi naman malakas ang mga maliliit na halimaw na ito. Sadyang, umaatake lamang talaga sila na sabay kaya mahihirapan ka na talunin silang lahat.
Na miss ko rin ang makipaglaban sa kanila ng ganito. Muli kong inilabas ang aking dalawang katana at sinimulan na silang atakihin. Agad akong sumugod sa mga ito at sa isang hiwa ko lang ay ilang langgam na ang aking napatay.
Hindi ko inaasahan na mapapadali ang buhay ko ngayon. Mas malakas pa yata ang character ko ngayon. Patuloy lamang ako sa pakikipaglaban hanggang sa matapos ko na ang mga ito, kapag ganito at wala akong nakikitang drop items kahit na ubos ko na silang lahat. Ibig sabihin no’n ay may mas malakas pa sa kanila at nagko-kontrol sa kanila.
Kailangan ko paslangin kung ano man iyon bago ako magpatuloy.
Dahil sa na ubos ko ang kaniyang mga alagad, sigurado akong bababa na ito at hindi naman ako nagkamali. Siyempre, kapag ganito, nais talaga nito na maghigante. Mga halimaw pa ba? Pare-pareho lang din naman ang takbo ng kanilang mga isipan. Walang iba kung hindi ay ang atakihin ang mga nilalang na makikita nila na hindi pamilyar sa kanilang paningin, kagaya na lang namin na mga player na pumupunta lang dito para makipagpatayan.