Chapter 2
"Maersk!"
Napatingin ako sa tumawag ng pangalan ko at nakita ang kaibigan ko, si Tricia, siya lang naman ang tumatawag sa 'kin sa first name ko. Masyado raw kasing mahirap tatasin.
Nakahinga ako nang maluwag dahil malayo-layo na ako sa gubat, hindi siya makahahalata kung saan ako galing. Nice timing!
"Oh! Tricia, ikaw pala," sabi ko sabay tingin sa likod niya. "Si Makino?" tanong ko.
Pareho kaming mahilig mag-bike at kung minsan ay ganito ang hobby namin tuwing weekends – ang umakyat sa bundok nang naglalakad o nang may bike.
"Haist! Alam mo naman ang isang iyon, hindi na tayo mahintay at nauna na sa school. Kung hindi ko nga lang kilala 'yon ay baka akalain kong may ini-stalk ang isang iyon tuwing umaga."
Napatawa naman ako dahil sa sinabi niya. "Hayaan mo na! Hindi ka pa nasanay."
"Sanay na nga ako kaya hindi na ako magugulat," aniya. "Nga pala, ano 'ng ginagawa mo at hindi ka pa umaalis dito? Tara na at pumasok! Baka kung ano na naman sabihin ng mga estudyante sa akin."
Si Tricia ang nahalal na bagong presidente ng student council namin kaya naman medyo iritado siya. Hindi naman talaga niya gusto pero sinubukan lang niya dahil imposible naman daw na manalo siya. Pero iyon ang akala niya dahil ito na siya ngayon, hindi na makapag-back out dahil siya na ang president. Kung may magagawa lang sana ako ay tinulungan ko na siya. Kaya lang ayoko ring mamuno sa school.
Tinahak na namin ang daan.
"Nga pala Tricia, alam mo na ba kung saan nakatira sina... hm... you know," nahihiyang tanong ko. Napahigpit ang kapit ko sa manibela ng bike habang tinatanong iyan. Bigla kasi akong nakaramdam ng hiya sa kaniya.
"Ah, naku hindi pa! Sa haba ng bakasyon natin ay hindi man lang nagparamdam ang magpinsan na 'yon," sabi niya habang nakapameywang ang dalawang kamay at binabalanse ang bike. "Hindi nga sila sumasama sa mga gala natin kahit na ang dami nilang kinakausap. Wala naman silang barkada na sinasamahan. Ay ewan!"
Tama siya, para ngang ang ilap nila sa mga tao at parang may allergy lalo na sa mga babae. Pero kinakausap naman nila.
Minsan kasi ay may nag-confess ng nararamdaman niya kay Kyan at sinubukan pang yakapin. Tinulak lang niya iyon palayo! Sino nga ba naman ang mag-aakalang ang napakabait at napaka-gentleman na lalaking gaya niya ay kayang gawin iyon sa isang babae?
Sina Leighton at Kyan ay magpinsan pero magkaibang-magkaiba ang mga ugali nila. Ayon lang naman iyon sa opinyon ko.
Si Kyan ay matalino, tahimik, friendly, at super nice niyang kausap samantalang si Leighton naman ay mayabang, poker face at super sungit.
Kaya nakapagtataka kung bakit nagawa iyon ni Kyan sa isang babae. Ang alam ko ay malaki ang respeto niya sa amin kaya marami rin ang nagulat. Pero hindi naman iyon naging dahilan para layuan siya ng mga babae.
Ipinilig ko na lang ang ulo ko at kinalimutan ang bagay na iyon.
Pagdating namin sa school ay pumunta na kaming dalawa sa room namin. Natatawa na lang ako dahil nang makita nila si Tricia ay natahimik ang mga kaklase ko at kunwaring nagbabasa pa. Ang iba nga ay halos hindi alam ang babasahin sa sobrang taranta at ang ibang libro ay baliktad pa.
Nakakatuwa silang pagmasdan!
"Wow! Ang sisipag talaga ng mga kaklase ko," sarkastikong sabi ni Tricia nang natatawa pa.
Ang laki talaga ng nagiging epekto ni Tricia sa mga kaklase ko. Hindi ko naman din sila masisisi dahil malaki ang takot nila sa kaniya. Siya kasi ang representative ng school namin sa Judo. International pa! Kaya minsan ay nakakatakot talaga siyang galitin.
Tahimik lang ang klase namin hanggang sa bigla na lang may mga nagtilian sa corridor kaya lumabas din kami. Syempre baka mamaya kung ano na ang nangyayari sa labas, kami nakatameme lang.
"OMG! Ang gwapo talaga ni Kyan!"
"Tama ka riyan, girl!"
"Emerghed! Ngumiti siya girl, ngumiti siya!"
Sa tingin ko, alam ko na ang dahilan kung bakit sila nagtitilian. Dahil nandito na ang magpinsan na kinahuhumalingan ng lahat. Wala namang nagbago e. Sa tinagal naming nag-aaral sa school na ito ay ganito na lang lagi ang pakikitungo sa kanila. Kay Kyan to be specific.
Matagal na akong may crush kay Leighton. Sa sarili ko rin ay hindi ko alam kung bakit mas gusto ko siya. Para kasi sa 'kin, mas malakas ang appeal niya, masungit lang talaga. Kinikilig ako lagi kahit nakikita ko pa lang siya!
Gusto kong patahimikin ang mga kaklase ko pero miski ako ay gustong tumili!
"Kaya naman pala maingay, hindi na ako magtataka pa roon," sambit ni Tricia.
Kaklase ko nga pala ang dalawang magpinsan kaya naman napakaswerte ko. Palagi ko na silang mapagmamasdan kapag na-bobored ako sa klase.
Nakita ko nang pumasok sila kaya naman deadma na lang ako. Kunwari ay wala akong pakialam. Pero sa loob ko ay ang lawak na ng mga ngiti ko.
"Good morning, class!"
Nandito na pala ang teacher namin kaya naman tumayo ako para makibati. "Good morning, sir!"
Pinaupo niya na kaming lahat.
"So, how's your long, long weekend?" tanong ng aming guro.
Kaniya-kaniyang komento naman sila. Merong iba na nagsasabing, Bitin! na agree naman ako. Ang dami ko pa kasing gustong basahin, pero kulang sa araw. Ang iba naman nag-enjoy at nag-swimming pa raw dahil birthday nila. Mga nakakita pa ng artista sa pagpunta nila sa ibang bansa. Rich kids!
"Okay, so marami palang magagandang bagay ang nangyari sa inyo. Dahil diyan, we will have an activity."
Isang nakabibinging pagtutol naman ang ginawa ng mga kaklase ko. Natatawa na lang ako. Mga kaklase ko nagiging wild tuwing ganito. Sino nga ba ang gusto ng activity? Ang dami ko tuloy memories ngayong high school.
Napatingin ako sa kaniya. Hindi ko in-eexpect na titingin din siya sa gawi ko kaya naman napaiwas ako at napaayos ng upo. Pinunasan ko ang noo ko dahil sa kaba at tinuon na lamang ulit ang atensyon sa guro.
"So, we will do this by group kaya naman come here in front at bumunot ng group ninyo."
Nagsimula sa boys, and then girls. By surname iyon kaya medyo nasa gitna ako. Ang nabunot ko ay group two. How I wish group two rin siya!
Nagbuntong-hininga na lang ako dahil sa naisip ko. Ito na naman ako sa paghanga-hanga sa kaniya pero kahit isang salita hindi ko pa siya nakakausap. Kahit tungkol man lang sa school hindi pa rin. Ni hindi nga kami nagkakasalubong sa hallway tulad ng mga napapanood ko! Bakit ba kasi ang malas ko pagdating sa pag-ibig?
"Okay, nakabunot naman na ang lahat, right?"
Tumango lang at nag-yes ang klase. Nag-iingay na nga at tinatanong ang mga katabi nila kung anong group sila. Ang ilan ay nagsisigaw na dahil kagrupo nila si Kyan. Nililibot ko naman ang paningin ko upang mahanap siya.
"So, all group one here, group two in this area, then group three at the back. And the last group, sa kabila," sabi niya habang tinuturo ang mga pwesto ng bawat grupo.
Nagpuwestuhan na kami sa grupo namin. Sikat na sikat talaga si Kyan lalo na sa mga babae. Ito siya ngayon at halos dumugin na naman. May agwat lang talaga dahil ayaw talaga niya nang niyayakap siya.
Muling nahagip ng mata ko si Leighton at yes! Ka-group ko siya! Ka-group ko siya! Ayos 'to! Hindi naman pala ako ganoon kamalas pagdating sa pag-ibig. Hindi dapat ako mawalan ng pag-asa!
Naupo na ako sa harap niya na parang wala lang pero sa loob ko ay nagwawala na ang puso ko. Nagwa-wild na siya! Feeling ko anytime ay mawawalan ako ng malay dahil sa pagpipigil ko ng kilig.
"Ganito ang gagawin. Kada group ay kailangan lang ng isang papel. Kailangan ninyo iyang punuin ng mga naranasan noong nakaraang bakasyon. Easy, right? So, start na!" Pagkatapos sabihin ng aming guro iyon ay walang gumagalaw sa aming group two. Nagkakahiyaan?
Nakabilog kami at magkakaharap tapos ang manila papel ay nasa gitna lang namin.
Tiningnan ko ang grupo nila Kyan. Ang dami na nilang nasusulat samantalang kami ni tuldok ay wala pang nasusulat. Ano kaya ang mangyayari sa grupo namin nito?
Kukunin ko na dapat ang papel kaso lumayo. Hala, ayaw yata! Joke. Kinuha kasi ni Leighton iyon nang hindi tumitingin sa akin at nagsulat. Kaya iyon! Nagsulat na rin kami.
Hindi ko mapigilan ang mapanguso. Kailangan lang pala simulan ni Leighton bago sila magsimula.
"So, pass your manila paper at i-post ko na 'yan sa board," sabi ni Sir.
Lahat naman kami ay maganda magsulat kaya hindi mukhang basura ang gawa namin. Halos napuno rin namin ang manila paper dahil sa dami naming naisulat.
"Mukhang lahat kayo maraming nailagay a? Dahil nandiyan na 'yan basahin natin isa-isa," sabi ni Sir.
Umangal na naman 'yong iba. Napailing na lang ako dahil sa reaksyon nila. Nilagay-lagay nila tapos ayaw nila ipabasa. Iyong totoo, lokohan ba ito?
Isa-isa na itong binasa ni sir. Ang iba naman ay tawa nang tawa. Nakikinig lang ako sa kanila ng mapatingin na naman ako sa kanya. Nagbuntong-hininga na naman ako, mukhang hanggang sulyap na lang ako sa kaniya.
Hindi ko naman sineseryoso ang mga ganitong bagay pero hindi ko naman pwedeng balewalain lalo na at lagi ko siyang nakikita. Mapapatingin ako sa kaniya kahit na sabihin ng utak ko na huwag titingin.
Bilugan ang mga mata, medyo matangos at maliit na ilong at napakaganda ng korte ng mga labi niya. Siguro dahil na rin sa magandang lalaki siya kaya ko siya nagustuhan. Kakaiba rin ang kulay ng buhok niya na para bang pinakulayan niya lang. Sino ba kasi ang nasa tamang pag-iisip ang magkukulay ng red, black at white? Hindi ko rin naman maipagkakailang ang yabang ng awra niya pero iyon nga ang isa sa mga nagustuhan ko. Ang astig kaya niya!
Madalang ang mga babaeng nagkakagusto sa kaniya kaya siguro medyo may confidence pa ako. Kaya nga lang wala naman siyang pinapansin kahit sino, kaya wala rin.
Napahiyaw na lang ang iba nang marinig namin ang nag-aalingawngaw na school bell.
"Tara na mag-lunch, nagutom ako roon!" bulalas ni Tricia pagka-dismiss na pagka-dismiss sa amin ni Sir.
As usual, tatango lang si Makino. Sumunod na lang din ako sa kanilang dalawa.
Naglakad na kami palabas at dumeretso muna sa locker. Kinuha namin ang mga kailangan namin para sa klase mamayang hapon.
Pumunta kami sa Canteen pagkatapos at kakaunti lang ang taong nadatnan namin. I guess wala rito ang mag-pinsan dahil tahimik.
"Tara doon tayo sa may dulo para walang masyadong tao," yaya ni Tricia.
Naupo na kami at si Tricia na rin ang um-order para sa 'min ni Makino. Don't expect na magdadaldalan kami dahil isa sa kasabihan niya ang 'One Question, One answer'. Kaya ito kami, rinig na rinig namin ang nag-uusap sa canteen, pati ang bulungan, dahil sa tahimik naming dalawa.
Hindi naman sa hindi kami close pero hindi lang talaga siya sanay nang dumadaldal nang walang tigil.
Saglit lang ang katahimikan at nakabalik na rin si Tricia.
"Here you go! Tara at kumain na!" masiglang sambit ni Tricia.
Sama-sama kaming kumain. Syempre si Tricia ang pinakamadaldal. Ako medyo-medyo lang at si Makino ang pinakatahimik sa amin. Mga ganiyang tao minsan ay parang may mga tinatago, nakaka-curious tuloy kung ano ang nasa isip niya.
Pagkatapos ay vacant na naman namin. Si Tricia, pumuntang office dahil pinapatawag siya, si Makino naman ay pinatawag ng captain nila dahil volleyball player siya. Kaya ito ako ngayon, loner.
Nagpunta na lang ako ng rooftop. Ang hangin kasi rito at 'yong buhok ko, nililipad, parang pang-shampoo commercial lang.
Ang presko ng hangin. Itinaas ko pa ang kamay ko na para bang nilalanghap talaga ang bawat hangin na mapadaan sa mukha ko. Sana ganito na lang lagi kasaya sa school, tahimik at payapa. Pati ang hangin na humahampas ay parang nagbibigay sa 'kin ng magaan na pakiramdam. Kung pwede lang na ganito na lang ako habang buhay.
Napatigil ako sa pagmumuni nang may narinig akong ingay sa labas kaya napatigil ako. Wait! Baka kung ano o sino na 'yan...
Creak.
Sino kaya 'yon? Nasa likod siya ng pinto! Baka mamaya sigawan na lang ako ng taong nandito. O kaya naman multo? Totoo raw kasi 'yon, may nagpapakita raw na multo rito kaya madalang ang pumupunta. Hindi tulad dati na tambayan ito ng mga mahilig mag-cutting.
"Sino 'yan?" uutal-utal na tanong ko.
Medyo matatakutin pa naman ako sa mga ganitong sitwasyon. Lalo na at mag-isa lang ako! Napatingin ako ulit nang may narinig na naman akong kaluskos.
Pagtingin ako agad akong nagtitili at nagtatalon. Ganoon din ang ginawa ng daga na para bang ginagaya ako bago lumabas ng rooftop gamit ang pinto.
"Daga lang pala!" bulalas ko. Napabuga na lang ako ng hangin at napaupo.
Hindi ako takot sa daga pero kapag ganitong pagkakataon ay para akong aatakihin sa puso. Talagang ginaya pa ako sa pagtalon ko!
Napasandal na lang ako sa railings at tiningnan ang malawak na campus.