Chapter 1

2220 Words
Chapter 1 Maersk Ellaine Fradiquella Napapadyak na lang ako habang nakatingin sa unang libro na nabasa ko. Natapos ko na siya pero may pangalawang libro pa pala. Nakakainis! Ito ang pinaka-ayoko sa mga librong bigay lang sa 'kin. Tumayo na ako at ibinalik ang libro sa mini shelf na ginawa pa ni lolo para sa akin. Kinuha ko ang pink kong jacket at saka ang pink kong pitaka.  Kailangan kong mahanap agad ang susunod na libro na binabasa ko. Kung hindi ay hindi ako makatutulog nito. "Oh, Ellaine, saan ang punta mo? Umuulan na," tanong ni Tita Elena habang nagtatahi. Sa tabi naman niya ay si Lolo na nanonood ng balita sa TV at mukhang hindi napansin ang pagbaba ko. "Pupunta lang po ako sa malapit na bookstore. Hindi po kasi ako mapakali," sabi ko. Napakamot na lang ako sa batok habang nakatingin sa kaniya. Natawa naman siya at hinayaan ako. "Osiya, sige. May payong naman diyan sa garahe at gamitin mo na muna," sabi niya. "Sige po, Tita." Dali-dali kong kinuha ang payong sa may garahe at saka lumabas ng bahay. Hindi ganoon kalakas ang ulan tulad ng inaasahan ko. Ang alam ko kasi ay may bagyo na naman sa lugar namin kaya nakapagtatakang mahina ito ngayong gabi. Sa isang village kami nakatira - Helmfirth village. Dito na ako pinanganak at lumaki kaya naman halos kilala ko lahat ng mga nakatira dito. Halos lahat ng mga bahay rito ay gawa sa matitibay na kahoy. Pababa ang daan na para bang pababa ka ng bundok. Sa district 8 nakabase ang nayon namin. Dito ay may silid-aklatan, sapat na ito para mabuhay ako tuwing walang pasok. Mahilig kasi talaga akong magbasa lalo na kapag fantasy na ang pinag-uusapan. The Legendary Demon Bigay itong libro ng kaibigan kong si Patricia noong kaarawan ko. Marami raw ang nakapagsabi sa kaniya na maganda iyon kaya naman nang makita niya, ako agad ang naalala niya. Alam niya kasi kung gaano ako kahilig mangolekta ng mga iyon. Pagpasok ko sa aklatan ay itinabi ko ang pink na payong na dala ko. Nginitian ako ng cashier kaya ngumiti rin ako pabalik at nagpatuloy sa pagtingin ng libro. Hindi ako sigurado kung mayroon pa niyon dito pero nagbaka sakali pa rin ako. Dapat pala ay nag-research na muna ako bago ako pumunta. Pero nandito na rin naman ako kaya susubukan ko na. Nakarating ako sa isang section na tungkol sa mga zodiac signs kaya kumuha ako ng isa. Nabanggit kasi ang mga ito sa libro na binasa ko.  Hinawi ko ang kulay abo at mahaba kong buhok para hindi matabingan ang kanang mata ko.  Binasa ko ang buod sa likod ng nakuha kong libro at saka ibinalik ulit iyon sa tamang lagayan. Nalunod na naman ako sa pagtingin-tingin sa mga libro. Nakabibighani naman kasi talaga ang mga amoy nito lalo na kapag binubuklat. Na-iimagine ko na rin ang amoy ng kape habang nagbabasa. Habang busy ako sa paglanghap ng mga libro ay napatingin ako sa lalaking malapit sa akin. Nakatingin siya sa akin at may mapaglarong ngiti sa kaniyang mga labi. Puro itim ang suot niya, mula t-shirt hanggang sapatos. Isa pang bagay na nakaagaw-pansin sa akin ay ang kumikinang na hikaw sa kaliwa niyang tainga. Kumunot ang noo ko na ikinatawa niya. Tumalikod na lang ako at ibinalik ang libro. Naglakad na ako paalis pero napatigil ako dahil bigla siyang nagsalita.  "Nakikita ko ang sarili ko mula sa iyo," aniya. Napatingin ako sa kaniya. "Huh?" tanging sambit ko. Unti-unti siyang lumapit sa akin habang binubuklat ang librong kanina lang ay hawak ko. Sa kabilang kamay naman niya ang libro na sa tingin ko ay kanina niyang binabasa. "Ang sabi ko, mahilig din ako sa mga libro gaya mo." "Ah."  Ngumiti naman siya dahil sa naging sagot ko samantalang ako naman ay nakatayo lang doon na parang tanga. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang dapat kong sabihin sa komento niya. Normal lang naman makakita ng isang gaya mong mahilig magbasa sa isang silid-aklatan, hindi ba? "Hindi mo ba ito bibilhin?" tanong niya. Itinaas niya ang libro sa mukha ko upang ipakita ang cover nito. "H-hindi na. May hinahanap kasi akong libro pero mukhang wala pa kaya uuwi na lang ako." "Pwede ko bang malaman kung ano 'yong libro na hinahanap mo?"  Wala sa sariling nabasa ko ang labi ko dahil bigla akong kinabahan sa hindi malamang dahilan. "T-The Legendary Demon. Nabasa mo na ba iyon? Gusto ko sanang hanapin ang pangalawang libro," sagot ko. Napatango naman siya at isang nakakalokong ngiti ulit ang isinukli niya sa akin.  Umiwas ako ng tingin at tinuon na lamang ang mga iyon sa aking mga paa. "Sa tingin ko ay hindi pa napa-publish ang pangalawang libro nito kaya wala ka pang mahahanap." "Ah ganoon ba? Kaya naman pala." "Pareho pala tayong mahilig sa mga ganoong klaseng libro. Akalain mo iyon? Madalang ang mga taong mahilig sa mga libro tungkol sa kasaysayan." Kumunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. "Kasaysayan? Hindi ba fantasy ang genre ng libro na iyon?" nagtatakang tanong ko.  Natawa naman siya dahil siguro sa sinabi ko. "Oo nga pala. Humans." "Ano 'yon?" tanong ko.  Mukhang bigla siyang natauhan sa kung saan pero bigla na lang ulit siyang ngumiti. This time ay malawak na iyon at parang medyo nahihiya pa. "Wala. Wala." Alanganin siyang napatawa. "Sige, kailangan ko na umalis. Gabi na rin kasi at baka abutan pa ako ng malakas na ulan kung magtatagal pa ako." Bago pa ako makapagpaalam ay bigla na lang siyang tumalikod at naglakad paalis. Nagkibit-balikat na lang ako at saka itinuon ang tingin sa mga libro. Napatingin ako sa sahig nang may bigla akong maapakan at nakita ang libro na kanina ay bitbit niya. The 12 Zodiacs "Maersk!" Napapitlag ako sa biglaang pagsigaw ni Tricia, ang best friend ko.  Nandito kami ngayon sa paborito kong coffee shop at kasama namin ang isa pa naming kaibigang si Makino. Nakakunot ang noo niya sa 'kin pero hindi nito nabawasan ang laki ng mata niya.  Si Makino naman ay seryoso ang mga tingin. Tulad ko ay nakaharang ang mga buhok namin sa kanang mata namin. Iyon nga lang, kulay abo ang akin at asul naman ang kaniya. "Bakit?" tanong ko. "Kanina ka pa kasi nakatulala. Ang haba-haba na nang naikuwento ko pero hindi ka naman pala nakikinig. Buti pa si Makino," sabi niya, nakanguso habang hinahalo ang shake niyang nangangalahati na. "Sorry, Tricia! Kulang kasi ako sa tulog kaya hindi ko alam kung ano nangyayari sa akin," sabi ko. "Kulang? Bakit na naman? Nagbasa ka na naman magdamag?" tanong niya na para bang wala na akong ibang ginawa kundi ang magbasa na lang. Which is half true. "Oo. May bago kasi akong libro na nabili kagabi. Sobrang na-curious ako sa laman kaya naman binasa ko." "Tungkol na naman saan? Sa mga engkanto, demonyo at kung ano-anong lamang lupa?" "Huwag ka namang ganiyan! Alam mo namang mahilig lang talaga ako sa mga ganoong istorya." "Dapat tigilan mo na iyan. Baka mamaya bigla ka na lang kainin ng mga libro mo at dalhin ka sa mundo nila," aniya. Napangiti ako sa sinabi niya. "Bakit hindi? Iyon nga ang gusto ko." Napanganga naman siya dahil doon. "Seryoso?" Tumango lang ako sa kaniya at saka inubos ang kape ko na lumamig na. Nakita ko pa ang pagtingin ni Tricia kay Makino sabay iling. Hindi ko na lang pinansin at saka tumingin sa labas. Naalala ko na naman iyong lalaking nakausap ko kagabi. Hindi ko man lang naitanong kung ano ang pangalan niya. Paglabas ko kasi ay wala na agad akong naabutan ni anino niya. Binili ko iyong libro at tinapos ko iyon sa isang magdamag lang. Akalain mong nakaabot ako hanggang alas kuwatro ng umaga para lang mabasa iyon! Hindi talaga ako dinalaw ng antok kaya pagtingin ko sa orasan ay nabigla pa ako. Hindi pa kasi ako nakakapagbasa ng ganoon. May pangatlong libro na naman akong kailangang hanapin! Hindi iyon ang pangalawang libro ng The Legendary Demon, pero parang related iyon sa libro. Tungkol iyon sa hero na nabanggit sa librong una kong binasa, mga zodiacs na may kakaibang kapangyarihan tulad ng maliksing pagkilos at matalas na paningin kumpara sa normal na tao. Sa buong istorya na iyon ay puro kapangyarihan ng indibidwal ang nabanggit. At ang pinakatumatak sa isip ko ay ang pagkamatay ng isa sa kanila.  Natapos ang libro na payapa na sila ulit. Pero nabanggit na naman ang term na hindi nabigyan ng sapat na paliwanag sa akin. May lumitaw kasing character sa libro na hindi masyadong napagtuonan ng pansin. Sa tingin ko ay may ibang libro na naman tungkol sa kaniya. Hindi ko talaga makalimutan iyong part na 'yon. Hahanapin ko talaga iyon! "Wah! Late na ako!" bulalas ko habang nagsisintas ng sapatos. "'Lo! Mauna na po ako." "Sige, mag-iingat ka, Apo." Dali-dali kong kinuha ang itim na bike ko sa garahe at saka umalis. Hindi pa naman ako ganoon ka-late pero kailangan ko pa kasing dumaan sa tent na tinutuluyan ko para sa iba kong gamit. Nakalimutan ko kasing iuwi last friday. Kung bakit naman ako sa tent tumutuloy ay dahil masyadong malayo ang bahay nina lolo sa school. District 8 pa ito at nasa District 4 ang buong school namin. Ang alam nila at ng mga kaibigan ko ay sa isang apartment ako sa District 5 nakatira, pero ang totoo ay sa isang tent lang. Doon ko itinayo sa District 5 kung saan may gubat. Paniguradong sermon ang aabutin ko kapag nalaman nila. Hindi pa naman ako nahuhuli kaya medyo kampante pa ako. Isipin ko pa lang na malalaman na nila, hindi ko na alam kung ano ang idadahilan ko. "Ellaine, ingat sa pagpasok!" bati sa akin ni Manang Fe, ang tindera ng Mami rito sa District 8. "Salamat po, Manang! Iyong mami ko mamaya, a? Huwag mo pong kalimutan," paalala ko. "Hinding-hindi ko kakalimutan iyan, anak." Marami pa ang bumati sa akin habang dumadaan ako sa buong District 8. Pagdating ko naman sa District 7 at 6 ay ordinaryong tao na ulit ako. Hindi naman kasi ako madalas magpunta rito noong bata ako.  Isa kasi iyon sa patakaran sa lugar namin. Hangga't hindi ka pa disi-sais ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagpunta sa kabilang distrito. At dahil disi-syete na ako ay malaya na akong nakakalabas-pasok sa mga distrito. Sa District 7 makikita ang simbahan kapag lumiko ka sa kaliwa at sa kanan naman ang isang village – ang Westbourne Village. Hindi pa ako nakakapunta sa village na iyon kaya hindi ko alam kung ano ang mayroon pero sa tingin ko ay parang village lang din namin. Nadaanan ko ang pinakamataas na orasan dito na tumutunog tuwing alas sais ng umaga, alas dose ng tanghali, alas kwatro at alas dose ng madaling araw. Nadaan pa ako sa ilalim ng mga bahay na karugtong ng orasan. Ang District 6 naman o mas kilala bilang Mirfield Village ay kilala dahil sa napakarami nilang mga business. Halos kaliwa't kanan kasi sila. May coffee shops, fast food chains, may internet café din at mga dress shops. Bago ako pumasok sa District 4, kung saan nakabase ang eskwelahan namin, lumiko muna ako sa kaliwa ng District 5 na isang buong gubat. Para nga itong enchanted forest dahil kakaiba ang tubo ng mga puno. Kulubot-kulubot. Nakakakilabot. Dito ang gubat kung saan ako nakatira. Tuwing weekdays ako nandito at every weekends ay umuuwi ako kina lolo kapag hindi ako busy. Sobrang normal lang naman ng buhay ko. Masyadong plain at walang thrill. Ang thrill lang siguro na naiisip ko ay ang patagong pamumuhay ko rito sa gubat. Sino nga ba naman ang hindi kakabahan na nakatira ka rito tapos mag-isa ka lang, hindi ba? Pero may isa pang bagay akong nasisiguro kong hindi normal kumpara sa ibang tao. Ito na siguro ang isang bagay na hinding-hindi ko kayang sabihin sa kahit sino lang. Mayroon akong kaibigan, kasama ko siya rito sa tent simula noong lumipat ako rito. Hindi siya tao gaya ko. Hindi rin siya multo. Kahit ako ay hindi ko alam kung ano ang tamang tawag sa kaniya pero isa lang ang masasabi ko. Mayroon akong kaibigang pusa. "Hello, Maersk! Ang tagal nating hindi nagkita, ah?" sabi niya sa akin. Hindi siya isang ordinaryong pusa na nakikita ko sa araw-araw. Isa siyang pusa na nakapagsasalita. "Hello, Meow! Pasensiya na at ngayon lang ako nakabalik. Hindi kasi ako pinayagan nina lolo na umalis hangga't hindi pa nagsisimula ang klase." "Ayos lang iyon, Maersk. Nag-enjoy naman ako sa paglilibot sa mga distrito." Lumapit ako sa kaniya at hinimas ang mabalahibo at itim niyang katawan. "Mabuti naman kung ganoon." "Nga pala, hindi ba at pupunta ka na sa school ninyo? Bilisan mo dahil alam kong late ka na." "Hindi ka ba talaga pwedeng sumama sa akin?" tanong ko sa kaniya. Gustong-gusto ko kasi siyang isama sa school namin pero ayaw naman niya. "Ano ka ba naman! Bawal kaya ang mga pusa sa school. Baka kung sino pa ang makakita sa akin at itapon na lang ako sa kung saan. Alam mo na, malas ang mga itim na pusa." "Sige, ikaw ang bahala. Mauna na ako, a? Promise, pag-uwi ko ay igagala kita!" sabi ko saka ako umalis. Isa siya sa mga dahilan kung bakit hindi ako takot na manirahan mag-isa rito sa gubat. Alam ko kasing may kasama ako. Kahit na mukhang imposible na maprotektahan niya ako, at least may kasama ako. Iyon lang naman ang kinatatakot ko, ang mapag-isa. Nalaman kong kahit sino naman ay puwede mong makasama. Ang mga tao lang naman ang madalas na mag-isip ng gaya n'on. Tulad ko ngayon, hindi ko inaasahan na isang pusa ang magiging sandalan ko kapag malungkot ako at nag-iisa. Medyo guilty nga lang ako dahil madalas ko lang siyang iwan sa tent. Wala naman akong magagawa dahil hindi ko siya puwedeng isama lagi sa school. Gusto ko talaga suklian ang kabutihan na binibigay niya sa akin sa kahit anong paraan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD