CHAPTER 13
THE KILLER LOVER
JOEMAR ANCHETA
"Ano? Bakit mo ginawa 'yun?”
“Alam mo na kung bakit. Hindi ko na kailangan pang ulit-ulitin.”
“Bakit parang andami naman yata?" nagtataka kong tanong. Isang katotohanan na namang nagbigay sa aking ng pagkasorpresa.
"Sinadya kong damihan para may pamalit ka. Hindi ako mayaman katulad mo at istudiyante rin lang ako, kaya kailangan kitang hingan ng pinandagdag ko. Pasensiya na. Siguro naman, hindi ka na lugi. Isuot mo o hindi wala na akong pakialam pero sana, mabago mo ang sarili. Kaya mong mag-adjust para sa taong mahal mo. Iyon ay kung totoong mahal mo.” Ngumiti siya. May pait akong nakita sa kanyang mukha.
“Nang nagshower ka noon, kinuha ko ang pagkakataong iyon para malaman ko ang size ng sapatos mo. Ako ang kasama ng pinsan kong nagshopping para sa'yo dahil gusto kong simulan mo ang pagbabago mo sa pananamit." Huminga siya ng malalim. Lumingon sa apartment na para bang nangangamba na may lalabas sa mga pinsan niya at makita siya.
Natameme ako. Wala akong maapuhap na isagot.
"Hindi mo naman trip ang mga damit na ‘yan hindi ba? Sayang kasi e.”
“Hindi masasayang yan kasi susu-“
“Ipamigay mo na lang ang mga iyan sa mga kakilala o kaibigan mo,” mabilis niyang pamumutol sa sana ay sasabihin ko. “Sayang naman kung di mapakinabangan lalo na't may mga kamahaIan din naman ang iyan." Kinamot niya ang ilong niya. Muling tumingin sa aking mga mata. Huminga ng malalim.
"I did my part, Julia. I'm sorry kung sinubukan kong ayusin ka sa paraang alam ko na ikabubuti ng kabuuan mo pero imposible nga talaga ang gusto kong mangyari.”
Hindi ko pa rin alam kung ano ang sasabihin ko.
“Saglit lang tayong nagkakilala, Julia pero alam kong may natutunan din naman ako nang sinubukan kong magmahal ng kagaya mo. Hindi man tayo tumagal pero ayos lang, dahil bakit pa nga natin ito itutuloy kung hindi natin kayang magsakripisyo para sa ikatatahimik ng isa sa atin. Akala ko, posibleng mapabago ng pagmamahal ang kabuuan ng isang tao. Hindi pala lahat. Hindi pala iyon tama sa katulad mong mas mahal ang sarili kaysa sa taong nagmamahal sa kanya." Pinunasan niya ang pawis niya sa noo.
Wala pa rin talaga akong maisip sabihin kahit nang mga sandaling iyon gusto ko na talagang bawiin ang pakikipaghiwalay sa kanya. Hindi ko kaya. Hindi ang kagaya niya ang basta na lang pakakawalan.
"Sige na, larga ka na." Isinara niya ang pintuan. Tinapik ang sasakyan ko saka mamula-mula ang kaniyang mga matang tumalikod. Hindi na niya ako binigyan ng pagkakataong sagutin pa siya.
May nasagi sa puso ko sa sinabi niya. Lumabas ako sa sasakyan ko para habulin at pigilan siya. Mali akong basta na rin lang siya pakawalan. Ngunit pababa palang ako ng sasakyan nang makita kong lumabas ang apat niyang kasamahan sa apartment. May dalang bola ang mga ito. Masaya. Nakita kong ipinasa nila ang bola kay Denver at nag-dribble naman ito saka ipinasa kay Hipon ngunit mabilis na inagaw ni Lollipop. Minabuti kong bumalik sa loob bago pa ako mapansin.
Nang dumaan sila sa harap ko ay tinapunan ako ng tingin ni Denver. Saglit lang 'yun. Tingin na para bang tuluyan na niyang tinatanggal ang karapatan ko sa kaniya. Anong karapatan kong mag-inarte? Tinapos ko ang sa amin. Ganoon lang kabilis akong nagdesisyon. Hindi ako makapaniwala sa ginawa ko. Muli akong bumaba sa aking sasakyan nang alam kong nakalagpas na sila sa akin. Pinagmasdan ko ang masayang pakikipagpasahan ni Denver ng bola sa kaniyang mga kasamahan. Parang wala lang nangyari. At mukhang ako ang talunan samantalang ako ang nagdesisyong mang-iwan. Hinintay ko siyang lingunin niya ako. Naghihintay akong balikan niya ako at tanungin kung sigurado na ba ako sa desisyon ko. Naramdaman kong basa na nang luha ang aking pisngi. Umiiyak ako ngayon dahil sa isang lalaki. Ganito pala kasakit ang masaktan. Napakahirap huminga. Para akong sinasakal. May kung anong mabigat na bagay na dumagan sa aking dibdib.
Nang sumakay ako ay nakita kong nilingon niya ako bago sila tuluyang lumiko. Nakatawa. Tumatawa sila ng kaniyang mga kasama niya sa bahay. This is not fair. Lumalabas na ako ang sobrang talunan. At sa loob ng sasakyan ko na tuluyang iniiyak ang lahat ng sakit na naramdaman ko. Paano ko pa siya mababawi ngayong ako ang tumapos at sumuko?
Wala ako sa sariling pumasok ng bahay. Magulo ang utak at mabigat ang loob ko. Ni hindi ko nagawang kunin at tignan ang mga binili ni Denver para sa akin. Nakokonsensiya ako sa aking maling inisip sa kanya. Nakakapanghinayang. Nakatagpo na ako, nag-inarte pa. Nakahanap na ako ng tunay na pagmamahal, inuna ko pa ang pride sa bulok kong kabuuang kinasanayan.
“Bwisit ka Julia! Bwisit ka talaga!” singhal ko sa aking sarili. Parang nakasarap kong sabunutan.
Nang makapasok ako sa kuwarto ko ay nakatitig lang ako sa cellphone ko. Tatawagan ko kaya? Kapag sagutin niya, anong sasabihin ko? Magso-sorry? Lunukin ang pride at aminin ang pagkakamali? Ah basta! Kailangan kong gumawa ng paraan para magkabalikan kami, agad-agad!
Sinubukan ko siyang tawagan ngunit hindi niya sinasagot. Madalas din niyang kina-cancel ang tawag ko. Lalong masakit ang ginagawa niyang pag-cancel sa tawag ko dahil parang sinasabi o ipinaparamdam niyang rejected na ako sa buhay niya.
“Hayan magdusa ka sa kaartehan mo, Julia! Namnamin moa ng bunga ng katigasan ng iyong ulo!”
Nagtext ako.
"Please? Kausapin mo naman ako. Kahit sandali lang."
Walang reply.
Sinubukan ko muli siyang tawagan. Muli niyang kinansel ang tawag ko. Ramdam na ramdam ko na yung sobrang sakit sa kalooban. Ganito pala ang pakiramdam, higit pa sa binabalisawsaw ka, higit pa sa nagsusuka at nagtatae ka. Iba eh! Sobrang hirap! Sobrang sakit. Hindi ko kinakaya!
"Please, sorry na. Mahal na mahal kita. Hindi ko pala kaya." Message sent. Nagpakababa na ako at wala akong pakialam.
Hayan nga at nakahandusay na ang pride ko. Umaasa akong mapagbibigyan niya ako. Para na akong tanga, tingin ng tingin sa cellphone ko kahit hindi naman ito tumutunog. Paulit-ulit lang na binabasa ang mga text niya sa akin noong maayos pa kami. Naramdaman ko na muli ang pagbaybay ng luha sa aking pisngi. Taena lang! Bakit ako nagkakaganito e, iilang araw pa lang naman kami? Ganito ba talaga ang magmahal at masaktan? Inaamin kong na-inform naman ako kung gaano kasakit masaktan pero wala bang practicum? Hindi ba puwedeng mag-intern na muna para mapag-aralan ko muna ang lahat?
Binuksan ko ang phone ko. Pinagmamasdan ko ang mga pictures niya sa f*******:. Naghihintay na makita kong mag-green yung status niya para agad akong makapagmessage sa kaniya. Para akong sinaniban nang makita kong biglang naging green na yung maliit na bilog sa tabi ng pangalan niya. Online na siya.
Oh my God! Online na nga siya! Hindi ako magsasayang ng panahon.
Agad akong nag-type.
"Can't sleep. Am thinking of you. Am sorry!" mabilis kong sinend.
Biglang offline na siya. Nakita ko yung "seen". Nabasa niya pero hindi siya nagreply. Lalo akong nasaktan. Bakit ang hirap namang humingi ng tawad sa kanya? Nakaupo, nakahiga kahit pumasok ako sa CR dala ko ang cellphone ko. Umaasa pa rin kasi ako na magre-reply siya. Ngunit wala!
Unang gabi iyon na hindi ako nakatulog sa kakaisip ko sa isang lalaki. Wala naman akong magawa kundi tanggapin ang bunga ng pabigla-bigla kong desisyon. Sana nakinig ako. Sana pala nanahimik na lang ako hanggang mawala ang galit niya sa akin. Oh sana, sinunod ko na lang ang gusto niya. Makita lang man sana na nag-try rin naman ako magbago. Kung ano ako nang nakilala niya, ganoon pa rin kasi ako nang maging kami na. Nakakainis talaga!
Tinignan ko ang mga binili niyang mga dress, pantalon, blouses at sapatos ko. Hindi ako mahilig magsuot ng mga ganoong kulay at kahapit. Lahat kasi ng pantalon ko nagsusumigaw sa kaluwangan. Ang mga damit ko dark colors lahat na maluluwang hindi kagaya ng mga ito na mga bright colors at may kaiksian pa. Mga nagsusumigaw na kulay. Pansinin. Kahit mga sapatos ay mga pambabae talaga. Hindi ko alam kung paano ko ilalakad ang mga may heels. Open and close shoes. Sandals na pambabae.
Huminga ako nang malalim. Hindi ko alam kung paano ko isusuot ang mga iyon na babagay sa kilos ko. Sinabi niya sa akin na ipamigay ko na lang ang mga iyon dahil hindi ko naman gagamitin. Kaya lang may naisip ako. Matutuwa siya kung makikita niyang ginagamit ko ang mga iyon. Isinuot ko isa-isa. Sinipat ko sa salamin. Oh my God! Ako ba ‘to? Ganito ba talagaa ng hubog ng katawan ko? Ganito ba ako kaganda? Pumikit ako. Baka lang kasi namamalikmata ako. Baka ibang babae ang nakikita ko sa salamin. Binigla kong lumingon habang suot ko ang isang puting dress at ang may taking na sapatos. May bag rin kasing kasama. Naglakad ako palapit sa malaking salamin ko. Parang ibang tao ang nasa salamin. Nakakababae pala ang may takong na sapatos kapag inirampa. Napaluha ako sa saya sa nakikita ko sa salamin. Yung gupit lalaking buhok ko na lang ang problema. May nakita akong maliit na shopping bag kanina. Tinignan ko ang laman no’n. Mga accessories. Mga mahahabang hikaw, bracelet at kung au-ano pang abubot ng babae na di ko kinasanayan. Isinuot ko ang isang mahabang hikaw. Naglagay ako ng lipstick. Tinignan ko ang mukha ko sa salamin.
“Oh my God! Ako ba ‘to? Ako na ba talaga ito?”
Para akong magandang model. Yung mga model na babaeng maiksi ang buhok ngunit mukha pa ring babae?
“Tama si Denver, nagmumukha akong model ngayon. Seksi ang balingkinitan kong katawan na binagayan ng malaki-laking hinaharap. Lumabas ang aking kaputian. Hindi ako ang nakikita ko sa salamin. Lumabas ang nakatago kong ganda. Mas lumalabas ang aking karisma.
Biglang may nag-buzzer. Labis kong ikinagulat iyon. Wala na akong panahon para magpalit pa. Naisip ko agad. Tama! Hindi kaya si Denver na iyan? Oh my God! Tama! Baka naisip ni Denver na suyuin na rin lang ako dahil panay naman na ang sorry ko sa text at sa messenger.
I am sure, ikagugulat niyang makita ako sa ayos kong ito. Magugustuhan niya ako. mamahaling muli.
Mabilis kong inilakad ang aking sapatos na may mataas ang takong. Kailangan ko talagang aralin ang tamang lakad gamit nito dahil gumagalaw ang sakong ko. Muntik-muntikan akong mawalan ng balanse.
Huminga ako nang malalim. Bubuksan ko na ng pintuan. Sigurado ako, masu-surprise siyang makita na suot ko na ang mga pinamili niya!