"Addison," boses ng isang lalaki na tinatawag ang pangalan ko. Hindi ko makita ang mukha niya dahil sa liwanag na tumatakip dito. Maging ang liwanag ay parang nararamdaman ng balat ko.
Nagising ako dahil sa sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Kinusot-kusot ko ang mga mata ko bago tumulala sa hangin. Buti pa sa panaginip may lalaking tumatawag sa 'kin. Charot. Pero ang hot ng boses ha.
Anong oras na ba?
Agad na namilog ang mga mata ko nang makita ko ang oras sa orasan na nasa tabi ng kama ko.
Sh*t! May pasok pa ako!
Dali-dali akong bumangon at nagtungo sa aking banyo para mag-ayos.
Ni-Hindi ko nga alam kung paano ako nakaligo sa loob lamang ng limang minuto, hindi ko na nga rin inalintana ang lamig ng tubig na pinaligo ko. Kung siguro maaga akong nagising, nakapag-init pa 'ko ng tubig pampaligo.
Bakit din naman kasi hindi nag-alarm yung alarm clock ko. Para saan pa na ang 'alarm' sa alarm clock na tinatawag kung hindi naman naga-alarm, bwisit.
Peste! Nagpuyat din naman pala ako kagabi kaya siguro hindi rin ako nagising ng maaga. Ginawa ko kasi yung mga paper works na binigay sa amin kahapon ng Professor namin sa Biology kahit sa biyernes pa talaga dapat ipasa 'yon. Gusto ko kasing mas maaga akong matapos para wala na 'kong alalahanin pa. Tapos ngayon eto naman ang alalahanin ko! Mali-late na 'ko. Siguradong mapapagalitan ako nito!
Nang makababa ako ng hagdan, nakita ko roon si Mama na naglilinis ng sala. Maswerte nga ako at hindi ako nadapa dahil sa sobrang pagmamadali.
Siguro mamaya pa ang trabaho ni Mama kaya nandito pa siya.
"Hi honey, akala ko wala kang pasok kaya 'di na kita ginising," Sabi niya pagkasulyap niya sa akin habang ako ay nagmamadaling bumaba.
"Mali-late na nga po ako, Mama e, nandito na po ba si Manong Allan?" Patungkol ko sa aming driver.
"Oo, nandyan na. Kahahatid pa lamang niya sa kapatid mo," Sagot niya.
Mabuti naman nand'yan na siya, dahil kung wala pa ito ay baka hindi na talaga ako makapasok sa eskwelahan nito.
"Sige po, Mama. Aalis na po ako."
"Aba'y kumain ka muna ng umagahan at baka mahilo ka't walang laman ang tiyan mo," suway nito sa akin. "Atsaka, paano ka matututo n'yan sa eskwelahan kung gutom ka," dagdag pa niya.
"Hindi na po ako kakain, Mama. Sa school na lang po ako kakain kapag lunch na, kaya ko naman pong mag-tiis. Matibay po yata tong anak n'yo."
"Sabi mo e, mag-iingat ka ha?"
"Opo, bye!" pagpapaalam ko pa sa kaniya at nagmano rito.
"Magbaon ka na lang kaya nitong mga niluto ko kanina!" rinig kong pahabol na sigaw pa ni Mama.
"Wag na po, Ma!" sigaw ko rin pabalik, dahil wala na talaga akong oras para ro'n. "Sa school na po talaga ako kakain promise," dagdag ko pa para hindi na s'ya gaanong mag-alala sa 'kin. Ganiyan kasi talaga si Mama, masyado kaming inaalala at bini-baby.
Patakbo akong lumabas ng bahay at sumakay na sa passenger seat.
"Manong, tara na po dali," Sabi ko kay Manong Allan.
Agad naman niya akong sinunod at pinatakbo na ang kotse.
"Manong, pakitigil po muna dito, bibili lang po ako ng kape," sabi ko sa kaniya ng madaanan namin ang isang coffee shop.
Parang gusto ko ng kape para naman tuluyan nang magising ang diwa ko.
Itinigil naman agad niya ang kotse sa parking lot ng Coffee Shop.
Dali-dali akong pumasok sa Coffee Shop at umorder ng paborito kong kape.
"One Venti Mocha coffee, please," hinihingal na sabi ko sa Waiter.
"Name po, Ma'am?" magalang na tanong niya sa akin.
"Addison," simpleng sagot ko.
"Just wait a minute, Ma'am," sagot niya naman agad sa akin.
Naghintay lang ako sandali at agad naman na dumating ang aking order.
"One venti mocha coffee for Miss Addison," pagtawag ng Crew kaya lumapit ako dito at nagbayad na.
Dali-dali akong lumabas ng coffee shop, at sa hindi inaasahang pagkakataon, kamalas-malasang may nabangga pala akong tao dahil sa pagmamadali ko.
Sh*t! Natapon pa ang kape ko!
Inis na nag-angat ng tingin ako sa bwisit na nakabangga sa akin. Sa pagharap ko rito, ilang sandali pa akong natulala sa kaniyang mukha. Hindi ko namalayang na-obserbahan ko na pala ito. Mukhang kalahi kasi ni Adonis(bading) ang isang 'to. Sobrang puti kasi niya at ang tangkad. Nakayuko siya kaya kitang-kita ko ang ilong niyang pwede nang magpadulas ng piso sa sobrang tangos. Habang ang labi niya na natural ay mas mapula pa kaysa sa labi ko.
'Ang daya naman no'n. Siguro nung nagpa-ulan ng kagwapuhan, nagtampisaw pa siya.'
"F*ck, are you blind or what?!" inis na sabi niya sa akin. Doon ko napagtanto na nakatulala pa rin ako sa kaniya kaya umayos ako ng tayo at nakabalik ako sa reyalidad. Ang sungit naman nito!
Gwapo nga, pangit naman ang ugali. Wala rin.
"Ako pa ang bulag? e' hindi ka rin naman tumitingin sa dinadaanan mo!" saad ko dito na may inis sa tono ng pananalita ko.
Ano 'yon? Sa akin lang ang sisi, e' siya rin naman ang hindi tumitingin sa dinaraanan niya. Mas lugi pa nga ako kasi natapon ang kape ko dahil sa kaniya. Porque ang gwapo-gwapo niya, aakuin ko na ang lahat? Hindi yata pwede sa 'kin 'yon!
"So, it's my fault now, huh?!" inis pa rin niyang tanong sa akin.
"Sinabi ko ba 'yun? e' yung kape ko nga natapon pa!"
"Miss--"
Hindi ko na narinig ang sinabi niya dahil tumakbo na agad ako papasok ng kotse dahil naalala kong mahuhuli na nga pala ako.
Alam kong bastos yung ginawa ko, pero male-late na talaga ako. Scratch that, 'late' na pala talaga ako.
Bwisit na lalaki 'yun, kung hindi dahil sa kaniya, e 'di sana nasa classroom na ako at nag-enjoy sa Mocha coffee ko.
Nang makababa ako ng kotse, binilisan ko ang takbo ko papunta sa gate ng school at pumasok sa loob nito. Pagkarating ko rito, agad na akong dumeretso sa aming room.
Ni-Hindi na nga ako nakapag-pasalamat kay Manong Allan dahil sa pagmamadali ko.
Mga ilang minuto pa akong tumakbo bago ako makapasok sa aming classroom dahil hindi biro ang laki ng eskwelahang ito.
Hindi na ako magtataka kung mababawasan ang timbang ko, biruin mo wala akong kain tapos tumakbo pa 'ko papasok sa eskwelahan na pagkalaki-laki. Siguradong tunaw ang mga taba ko.
Pasalamat 'yong lalaking 'yon na kalahi ni Adonis kasi mas late sa akin yung professor namin dahil kung hindi, isusumpa ko talaga siya.
Ngayon lang naman ako na-late pero masakit pa rin sa ego. Scholar lang kasi ako, kaya sinisikap kong mag-aral ng mabuti para hindi na mas mahirapan pa si Mama at tulong na rin upang mabawasan ang mga gastusin sa school.
Si Mama lang kasi ang bumubuhay sa aming magkapatid, dahil ang magaling naming tatay ay sumakabilang bahay na.
Hindi naman kami mahirap, hindi rin kami mayaman. Pero alam ko ang hirap ng maging isang single Parent. Kaya ginagawa ko ang lahat para hindi na ako dumagdagdag pa sa mga inaalala niya. Maraming mga hirap na pinagdaanan si Mama, ayaw ko nang dumagdag pa.
Umupo ako sa pinaka dulo ng aming classroom, malapit sa bintana dahil dun naman ako lagi na pumu-puwesto. Wala naman kasi akong kakilala rito, at wala rin akong naging kaibigan dahil maliban sa puro richkid sila ay hindi rin ako basta-basta nagtitiwala sa iba. Dito ko rin piniling pumuwesto para may sariwang hangin akong malalanghap, hindi yung halo-halong pabango ng mga kaklase ko na sobrang tatapang ng amoy. Na sa sobrang tapang ay masakit na minsan sa ilong. Mabango naman kasi nga pabango, pero matapang talaga.
Hindi ko nga alam kung may nakakakilala sa akin sa room na ito e'. Pero mas gusto ko din na walang kaibigan at kilala dahil gusto kong maka-graduate ng matiwasay. Baka mapabarkada pa ako 'no! Don't me.
Ilang minuto pa kaming naghintay bago dumating ang professor namin.
“Good morning class,” bati niya sa amin pagkatapos niyang ilagay lahat ng kanyang dalang mga gamit sa Teachers desk.
Tumayo naman kaming lahat at bumati pabalik sa kanya.
“Sorry class, I’m late, nagkaroon kasi kami ng meeting sa faculty,” pagbibigay alam niya pa sa amin. "Bigla kasing nag-transfer ang anak ng isa sa mga major stock holders ng School," dagdag niya pa.
'Pag may konekson nga naman talaga.'
Pagkatapos niyang sabihin 'yon, ay nagsimula na siyang magturo kaya nakinig na lang ako ng mabuti kay Ma’am. Hindi ako makapag-focus dahil naiisip ko ang pesteng lalaking nakabanggaan ko sa coffee shop. Pero kahit na, kailangan kong makinig dahil ayaw kong mapahiya once na tawagin ako upang mag-recite.
Sa gitna ng kanyang pagtuturo ay may bigla na lang pumasok sa pintuan ng aming classroom ng hindi man lang kumakatok. Kaya napalingon silang lahat dito, kabilang na ako.
Agad na umawang ang labi ko at namilog ng sobra ang aking mga mata sa gulat ng makita ang lalaking nakatayo at pumasok sa pinto at namumukhaan ko kung sino ‘yon. Nagkatinginan kami at parehong nagulat ng makita namin ang isa't isa. Sumama ang timpla ng mukha niya at mukhang dugyot ang suot niya dahil sa mantsa ng kape. Agad akong napaiwas ng tingin at hindi mapakali. Nakita ko itong papalapit sa aking upuan kaya't nataranta ako.
“Patay na,” bulong ko pa sa sarili.