SHEINA
Grabe 'yung tili ko nang matumba sa sahig si Jeron, na alam kong narinig sa labas ng mga chismosa kong kapitbahay. Nawindang talaga ang katawang lupa ko sa nangyari dahil bakit naman may suntukan na agad na nagaganap dito?
"Ano'ng balak mo kay Sheina, ha? Alam mo bang pwede kitang ireklamo sa DOH sa ginagawa mo para mawalan ka ng trabaho?"
"What the f*ck are you talking about?" sagot naman sa kanya ni Jeron na nakabangon agad. Nakita ko pa nga na may dugo na sa gilid ng lower lip niya kaya nag-init na ang ulo ko. Nakita ko rin kasing susugod na naman ulit sa kanya si Larry kaya iniharang ko na agad ang katawan ko sa pagitan nila kaya napigilan ko sila.
"Wag kang makialam dito, Sheina! Mamaya pa tayo mag-uusap!" sigaw niya pa sa akin na mas lalo lang nagpakulo ng dugo ko.
Hindi ako nakinig sa kanya. "Teka lang ha, ikaw yata ang hindi dapat nakikialam dito!" singhal ko naman sa kanya. Nanggigil na rin kasi talaga ako dahil bukod sa bigla niyang pagsapak kay Jeron, aba ay ang lakas ng loob niya para sigawan ako! "Bakit ka ba nandito, ha? Bakit bigla ka na lang nanunugod?"
Pinandilatan niya kaming dalawa ni Jeron. "Hindi niyo pa ba alam kung ano ang kumakalat na balita tungkol sa inyo?" balik niya naman sa akin. "Aba eh kalat na kalat na sa bawat sulok ng San Policarpio ang ginagawa niyo ah!"
"Ha? Bakit? Ano ba ang ginagawa namin?" tanong ko pa. Naguguluhan na rin ako. Nagkatinginan kami ni Jeron at kahit siya ay halatang clueless sa pinagsasasabi nitong bweset na Larry na ito.
"Kumakalat lang naman ngayon sa labas na binayaran ka raw ng doktor na ito para alam mo na... para bigyan mo raw siya ng...ng..."
"Nang ano?"
"N-Nang panandaliang aliw!" sigaw ni Larry. Natigilan ako dahil doon, and then nagkatinginan ulit kami ni Jeron pagkatapos. Alam kong pareho kami ngayon ng facial expression dahil nakikita ko sa itim ng mga mata niya ang reflection ng mukha kong shocked na shocked sa 'big reveal' na ito ni Larry. At wala pang sampung segundo magmula ng sinabi niya yun ay napatawa na ako nang malakas, na sinundan naman ni Jeron.
Tawa kami nang tawa dahil hindi namin pareho kinaya ang kumalat na chismis na mas mabilis pa sa ama ni Larry kapag naniningil ito ng pautang niya sa sabong. "Watdapak, Larry?" sabi ko na sa kanyang natatawa pa rin. Naghihimas na nga ako ng tiyan ko sobrang funny ng sinabi niya. "Ako? Nagbebenta ng panandaliang aliw? Ako? p****k?"
"Pumunta ka rito at sinugod mo ako para diyan?" dugtong naman ni Jeron sa tanong ko habang parang nanigas na tuod naman ngayon si Larry na nakatayo sa harap namin. "Naniwala ka sa narinig mong chismis? Seriously?"
"Oo nga! Ano bang akala mo sa akin, Larry? Grabe ka ha! Medyo nakaka-offend sa part na balak mo akong kausapin nang masinsinan dahil akala mo nawala na ako sa huwisyo at nag-p****i na ako! Baka gusto mong magkapeng bweset ka?"
Bakas na sa mukha niya ang matinding pagkapahiya, at namumutla na siya. "S-Sorry, Sheina. Akala ko totoo. Paano ba naman kasi, si Aling Marcia na ang nagpatotoo. Nakita ka raw nila kanina na binabayaran nitong lalaking 'to ng pera bago kayo pumasok dito sa bahay mo---"
"Bweset ka talaga, naniwala ka naman!" Hinampas ko na talaga siya sa braso niya at hindi ko siya tinigilan hanggang hindi ako nakukuntento. Kung hindi pa nga ako hinila palayo ni Jeron ay baka sinabunutan ko pa 'tong paniwalain na lalaking ito. "Hindi ako p****k kaya bakit naman ako magpapabayad dito kay Jeron? Bayad niya yun para sa ibang bagay! And my God, kung magpapabayad na rin lang ako para sa maalindog na katawan ko, dito pa talaga sa bahay ko namin gagawin ang kababalaghan? Hindi man lang kami magmo-motel? Takot ko lang na magparamdam dito ang Lola ko habang naungol kami---"
"Tama na, Sheina," pagputol ni Jeron sa sinasabi ko pero tawang-tawa naman siya sa mga narinig niya mula sa akin. "You don't have to explain anymore. It's just a baseless rumor."
"Eh mga makikitid kasi ang utak ng mga 'to eh! At saka ang bilis ng chismis ha? Hindi man lang ipinagpabukas!"
"P-Pasensiya ka na... Nabigla lang ako. Kanina ko pa kasi naririnig na magkasama kayo," sagot naman ni Larry. "Ikaw rin, Doc. Patawarin mo na ako."
"Lumabas ka na lang, please," pakiusap ko na lang sa kanya na napakamot sa ulo ko. "Utang na loob, Larry. Umalis ka na muna at baka magdilim ang paningin ko sa 'yo. Napaka-extreme mong bwesit ka, babangasan mo pa ang gwapong mukha ni Doc dahil sa katangahan mo. Sige na, umalis ka na."
Wala nang nagawa si Larry. Umalis na siya at sinara ang pinto nang napakalakas. Pero narinig na naman namin agad ang boses niya sa labas, kaya sumilip kami ni Jeron sa bintana para alamin kung ano ang ginagawa niya ngayon. Nakita namin na kaagad pala siyang pinalibutan ng mga kapitbahay ko na alam kong nakikisagap sa kanya ngayon ng balita tungkol sa narining nilang sigawan ngayon dito sa bahay.
"Mukhang sikat ka rito ah. Lahat sila gusto malaman ang totoong nangyari," komento ni Jeron habang pinapanood naming magsalita sa mga chismosang kapitbahay si Larry. Obvious na sinisermunan niya ang mga kapitbahay ko kaya natuwa naman ako doon kahit papano. At least, kahit na napagalitan ko siya eh itinatama niya ang kumalat na chismis.
"Nakakaloka nga eh. Ang bilis talaga kumalat ng balita. Biruin mo, kanina lang yun nangyari ah. Tapos may umusbong na kaagad na fake news."
"Don't mind them. Alam mo naman kung ano ang totoo."
"Oo naman. Wala naman akong pakialam sa mga iniisip ng mga yan. Pero jusko, minsan gusto ko silang pagsabihan na dahan-dahan naman sa pagkakalat ng maling chismis dahil nakakatawa na lang ang mga pinakalat nila. Porke't nakita nila na binabayaran mo ako ng pera sa labas ng bahay ko ay p****k na ako? Nakakaloka naman ang mga utak nila, may kulang yatang mga turnilyo ang mga ulo nila eh."
"Pero grabe ang reaction ng lalaking yun. Galit na galit talaga siya eh. Yun ba ang sinasabi mong manliligaw mo?"
"Unfortunately, oo. Ganyan talaga siya. Ang totoo niyan, ilang beses ko na 'yang binasted. Pero ayaw niya talagang sumuko. Iniisip kasi niya na siya lang daw ang may kakayahang magtiis sa ugali ko. Kita mo naman kung paano ako kumilos 'di ba. May ugali talaga akong amazona."
"And he sees that as a negative thing about you?" parang curious naman niyang tanong sa akin.
"Oo. Sabi niya pa nga, kaya raw nahihirapan akong magkajowa kasi sa ugali kong ito. Pero siya raw ay 'tanggap' niya raw iyong ugali kong yun at matitiis niya kahit daw ubod ako ng sungit."
"Pero bakit niya kailangang magtiis sa ugali mo? Hindi naman masama ang pagiging palaban, or assertiveness, for that matter. I would rather be that the woman I like is like that, or opinionated, or level-headed, kaysa sa siya ay boring."
"Teka lang Jeron ha, baka pwede eh Tagalog lang tayo. Hindi ko nga alam kung ano ang level-headed."
Natawa siya doon, pero agad ding napasimangot. Napansin kong dahil siguro iyon sa sugat niya sa lower lip niya na nakuha niya mula sa suntok ni Larry. Kumirot yata nang ngumiti siya nang ganoon kalapad. Kaya hinila ko siya pabalik ng sala at pinaupo ko siya ulit sa sofa tapos kinuha ko ang medicine kit ko sa estante namin sa tapat ng dining table. "Linisin natin yan, Jeron."
"Wag na, mamaya na lang sa bahay nina Raffy. Kaya ko naman---"
"Linisin na natin ngayon yan dahil sumubsob ka sa sahig kanina. Baka maimpeksiyon pa yan. Paano ka lalapitan ng mga pasyente mo kung namaga 'yang labi mo? Sabihin pa nila ang dugyot mo namang doktor."
Hindi na siya kumontra doon. Kaya naman kumuha na ako ng bulak at first aid antiseptic para ilagay sa maliit na hiwa doon sa ilalim ng lower lip niya. Pero dahil nga kailangan kong lumapit sa kanya para magawa iyon nang maayos, siyempre malapit na ang mga mukha namin sa isa't isa. Ang awkward tuloy.
Hindi rin nakatulong na nakatitig siya sa akin habang ginagawa ko yun. Nakalimutan ko na ngang huminga dahil sa nerbiyos eh. Para kasing pinag-aaralan niya nang mabuti ang mukha ko! Jusko, inaalam niya ba kung may mga pores ako? O blackheads?
"Ang ganda mo 'no?" bulalas niya bigla. "No wonder that guy was so angry. Aray!" Napahiyaw na siya sa sakit kasi nadiin ko bigla nang malakas 'iyong cotton ball sa sugat niya.
"Wag ka kasing magsasalita bigla!" depensa ko naman pero nag-init na ulit ang mga pisngi ko. "At sino ba ang nagsasabi nang ganoon?"
"Nang alin?" inosente niyang tanong kaya hindi ko tuloy alam kung naive lang ba talaga siya o magaling lang siya magpanggap na inosente.
"Yung sinabi mo. Yung 'ang ganda mo 'no?" ulit ko sa sinabi niya. "Dapat hindi iyon question, Jeron, dahil talagang maganda ako!"
Natawa ulit siya, tapos umayos na siya ng upo. Tapos na rin naman kasi ako sa ginawa ko. "Oo na, hindi naman iyon tanong talaga. Maganda ka naman talaga, just like me na sinabi mo kaninang gwapo kahit na nasubsob na ako sa semento. Lakas kasi sumuntok ng Larry na yun. Humarang ka pa agad, kaya hindi man lang ako nakaganti."
Nahiya naman ako doon dahil natandaan niya pa talaga na sinabi kong gwapo siya. "Spur of the moment lang yun. Saka kung si Larry na ang standard ng kagwapuhan dito sa San Policarpio, aba'y talagang super gwapo mo na noon."
Bentang-benta na naman iyon sa kanya. Nawawala na nga ang mga mata niya sa kakatawa niya eh. "See? Ito ba 'yung titiisin ng manliligaw mo na yun sa 'yo? Tinitiis yan? It should be celebrated instead."
"Eh boring kasi ang taong yun, kaya hayaan mo na."
"Yeah. Opposite mo nga siya eh, based lang sa nakita ko kanina. You have a good sense of humor, Sheina. For me, it's very attractive."
"Ay bakit, naa-attract ka sa ganoon?"
"Well, yes---"
"Jusko, Jeron. Nanliligaw ka ba sa akin?"
"Huh? Ah eh---"
"Nauutal ka so it's a yes."
Sasagot na sana siya pero biglang nag-ring ang phone niya na agad niyang sinagot. Si Raffy pala iyon at hinahanap na siya nito dahil kakain na raw sila ng hapunan. Kaya naman kaagad na nagpaalam si Jeron sa akin na namumula na rin ang buong mukha. Nagpaalam siya at nagsabing babalik na lang sa susunod, kaya napaisip na tuloy ako. Ang hirap niya kasing basahin. Hindi ko alam kung friendly lang ba siya sa akin o nanliligaw na siya in his own way.
***
"Baka type ka rin ni Doc?" nakangising tanong sa akin ni Claire. Kasama ko siya ngayon dito sa kabilang bayan at namili kami ng mga gagamitin niya sa cake na ibi-bake niya. "Hindi naman yun magsasabi na maganda ka kung hindi yun totoo."
"So gusto niya nga ako, ganun?"
"Malamang, Ate Sheina. Bagay naman kayo eh. Isang doktor at isang albularyo. Tapos ka-love triangle niyo ay isang sabungero."
Natawa ako doon. "Loka, walang love triangle dahil sa ginawa ni Larry ay ekis na talaga siya sa buhay ko. Hindi ko nga pinansin yun kanina. Masy peace offering pa ang loko. Akala niya tatanggapin ko yun? Dinalhan ako ng mga prutas at chocolates. Ano ako may sakit?"
"Ate, hindi ako fan niyang si Kuya Larry, pero nabigla lang yun sa kumakalat na chismis tungkol sa inyong dalawa ni Doc Jeron. Kahit ako eh nagulat eh. Hanggang ngayon kumakalat ang chika na yan sa atin, hindi mo na nga lang maririnig in the open kasi nagbanta si Kuya Larry na ipapakulong niya raw ang magpapakalat pa noon."
"Aba, good for him kung ganoon ang ginawa niya. Grabe rin kasi siya, ang OA ng reaction niya eh. Akala mo naman jowa ko na siya kung manapak. Pero 'wag na muna natin siyang pag-usapan. Doon tayo kay Jeron. Sa tingin mo ba talaga ay may chance na gusto ako 'non?"
"Oo nga, Ate! One of these days, pustahan tayo, manliligaw na yan sa 'yo officially."
"Eh paano kung hindi?"
"Eh 'di ikaw ang manligaw," biro niya naman sa akin. Nagtawanan tuloy kami doon, pero deep inside ay napapaisip na kasi ako. Bakit kasi gusto ko siyang manligaw sa akin? Ibig sabihin ba nito ay gusto ko rin siya?
OMG. For the first time ba ay may lalaki na gusto kong maging boyfriend?
Tuliro tuloy ako sa lakwatsa namin kaya hindi ako masyadong nagi-enjoy. Si Jeron palagi ang naiisip ko. Napadaan naman kami ni Claire sa isang ukay-ukay store. Papasok na nga sana kami kaso nakita naming nasa loob ang mga Chikadora Girls, kaya hindi na kami pumasok. Pero nahagip ng tenga ako ang usapan nila, kaya palihim akong pumasok para makinig sa kanila. Nagtatawanan kasi sila nang bongga at narinig ko ang pangalan ko na na-mention ng isa sa kanila.
"Oo, hindi nga siya p****k pero napakalandi niya pa rin. Aba, tama bang papasukin niya sa bahay niya nang matagal si Doc Jeron, eh lalaki yun. Naeskandalo tuloy 'yung mga matatanda! At huwag siyang feelingera ha, tinanong ko mismo si Doc at ang sabi niya, friends lang daw sila. Kaya hindi totoo 'yang may something na sa kanila 'no?"
"Pero baka naman nanliligaw palang si Doc?"
"Ano ka ba, hindi niya magugustuhan ang babaeng malandi na yun. Eh 'di ba nga kanina, pinagsabihan niya 'yung matandang pasyente? Narinig mo yun?"
"Ah oo, 'yung may gout?"
"Oo. Pinagsabihan yun kanina ni Doc na 'wag na bumalik at magpakunsulta doon kay Sheina dahil lumala lang daw 'yung gout niya. Mali-mali naman daw kasi ang binibigay na gamot ng babaeng yun. Jusmio! Makakapatay pa siya ng tao eh! Buti na lang talaga at may doktor na sa atin! Dahil kung hindi dumating si Doc Jeron, hindi mai-expose na isang malaking scammer 'yang babaeng yan!"
Susugurin ko na sana sila, pero nahila na ako palayo ni Claire. Umiiling siya habang naiiyak akong tinitingnan. "Ate, baka hindi naman totoo 'yung sinasabi nila," sabi niya na halatang malungkot sa mga narinig namin. Nasa likuran ko kasi siya kanina nang nakikinig kami nang palihim sa mga tirada sa akin ng mga salot na iyon.
Huminga ako nang malalim. "Iisa lang ang dapat kong gawin para malaman natin kung totoo ngang sinabi yun ni Jeron. Kailangan ko siyang puntahan at kausapin," sabi kong kinakabahan, dahil kahit isa siyang doktor, hindi ko siya uurungan.