SHEINA
Naghahalo na ang luha at pawis ko sa mukha ko habang pabalik kami ng San Policarpio. Kanina pa ako pinipigilan ni Claire na sugurin si Jeron, pero hindi ako ganun eh. Hindi ako pabebe na sasarilinin ko lang ang sama ng loob ko. Kung kailangan kong kumprontahin ang dapat kumprontahin, gagawin ko. Hindi ko rin mapapalampas ang mga nalaman ko, dahil kung totoong sinabi yun ni Jeron, magtutuos talaga kami.
Tanghali na nang dumating kami sa Baranggay Hall, ngunit wala doon si Jeron. Ang sabi ng staff na nandoon, may pasyente raw na pinuntahan ito kasama si Raffy, kaya naman hinanap na lang namin sila.
"Ate Sheina, baka naman mas maganda na maghunus-dili ka muna?" kinakabahang tanong sa akin ni Claire. "Palipasin mo muna ang init ng ulo mo bago ka magpunta sa kanya?"
"Kanina pa nawala ang init ng ulo ko, Claire. Gusto ko lang talaga siyang tanungin kung totoo ba 'yung narinig natin kina Ligaya kanina," sagot ko. Pero mukhang hindi pa rin kumbinsido si Claire dahil alam niya rin naman kasi ang tendencies ko. Na-witness niya na rin kasing mang-away ako ng mga taong nanggugulo sa akin. Isang halimbawa na doon ay noong isang beses na maligo kami sa ilog, may matandang lalaki na lasing ang nambastos sa aming dalawa. Kung ano-ano ang malalaswang mga sinabi sa amin. Eh pinalaki ako ng Lola ko na palaban, kaya hindi ko hinayaang makaalis ang matandang lalaki na yun na hindi nagbabayad sa ginawa niya. Itinulak ko siya sa ilog at ang loko, hindi pala marunong lumangoy. Kaya ayun, kinailangan pa ng mga tanod mula sa baranggay para makaahon sa ilog ang walang hiya.
"Nasaan kaya sila? Nilibot na natin ang buong San Policarpio, Ate. Hindi kaya umalis sila? Baka nagpunta rin sila sa kabilang bayan," komento pa ni Claire nang magpahinga kami sa isang waiting shed. Pawis na pawis na rin kasi kami sa kakalakad. Kung bakit kasi ngayon pa ito nangyari na tirik na tirik ang araw? Nakakawala tuloy ng freshness at ganda.
"Nandito lang yan sila. Mag-abang tayo, Claire. Pero kung gusto mo nang umuwi, eh umuwi ka na. Hindi ko naman kailangan ng back up eh."
"Iyon na nga, Ate! Actually ay mas concerned ako kay Doc Jeron kaysa sa 'yo kapag nagkita kayo! Baka kahit doktor siya ay maisugod siya sa ospital kapag hinayaan lang kita!"
"At ano naman ang akala mo sa akin, bayolente? Hindi ko naman siya sasaktan. Kakausapin ko lang siya, Claire."
"Naku, narinig ko na yan, Ate. Kaya duda talaga ako diyan."
Hindi na lang ako sumagot pa doon para hindi na ulit ako ma-high blood. May dahilan naman kasi talaga kung bakit nag-aalala si Claire. Iniisip niya rin naman ang kaligtasan ko kaya ayaw niya akong iwan kahit na hindi niya iyon sinasabi. Alam ko naman na nag-aalala siya na baka patulan ako niJeron at pisikalin din ako nun dahil who knows 'di ba? Baka nanakit din pala iyon ng babae. Kaya naman natakot din naman ako kahit papano, lalo na at seryosong tao si Jeron. Naisip ko na ring umuwi na lang, pero mukhang nakatadhana yata talaga kaming magharap ngayon dahil bigla na lang may mga Nanay na dumaan sa kalsada at napatingin sa akin nang matagal.
Ang sasama pa naman ng tingin nila sa akin. Ito 'yung klase ng tingin na ipinupukol ng mga chismosa sa kanilang subject of chismis, kaya sa totoo lang ay sanay naman na ako rito. Kaya lang eh narinig ko ang isa sa kanila na may binanggit na salita na kaagad kong na-pick up. At ang magic word na yun ay walang iba kung 'di 'Doc.' Nagbubulungan pa talaga sila habang nasa harapan namin.
"Yes po mga Mamshie, sisilong din po ba kayo rito sa waiting shed? Kung hindi, you may proceed," mataray na hirit sa kanila ni Claire at doon pa lang sila kumilos paalis. Nagtawanan pa ang mga bruha pagkaalis nila kaya tinaasan ko rin sila ng mga kilay ko.
"Salamat Claire ah," sabi ko nang makalaayo na ang mga Chismosa of the Week Newbie Nominees. "Pero sana hinayaan mo lang sila, tutal pwede ko naman silang takutin. Ang dami ko ring alam sa mga buhay ng mga yan, akala nila? Eh sa akin sila nagpapatingin kapag may nararamdaman sila. Baka gusto nilang ipagkalat ko sa buong San Policarpio kung sino sa kanila ang may malaking kurikong sa ano nila---?"
"Yuck, Ate kadiri naman yan! Wag mo na sabihin kung sino!" reklamo pa ni Claire kaya nagtawanan na naman kami. At habang masaya kaming nagtatawanan, doon namin nakita na naglalakad papalapit dito sa waiting shed sina Ralph at Jeron, kaya automatic na napatigil kami sa pagtawa. Napatayo na rin ako at kaagad ko silang nilapitan. "Ate, teka!" pagtawag pa sa akin ni Claire pero hindi ko na siya pinansin.
Nakita naman ako kaagad ni Jeron at kumaway ito sa akin na nakangiti pa. Kabaliktaran ang reaction niya sa reaction ni Raffy na hindi man lang ako tinitingnan dahil badtrip naman talaga ang pesteng ito. Mabuti pa si Jeron, kaya medyo napaisip din ako na baka hindi naman totoo ang mga narinig ko doon kina Ligaya and the Chikadora Girls. Mukha naman kasi siyang natuwa nang makita ako.
"Sheina! Mabuti at nakita ka namin. Papunta sana kami sa inyo," bati sa akin ng cute na doktor na ito.
"Oh? Bakit, may kailangan ka ba sa akin?"
Tumango siya. Magkaharap na kami ngayon, pero dahil nasa ilalim kami ng tirik na araw ay hinila ko siya sa gilid ng kalsada kung saan may malaking puno ng mangga na pwede naming silungan. Nagtaka pa siya dahil hindi na lang kami bumalik sa waiting shed, pero ayoko talagang marinig ng iba ang magiging usapan namin dahil may kutob na ako na hindi maganda ang kahahantungan nito. Si Raffy na lang ang sumilong sa waiting shed kasama si Claire at pinanood nila kaming mag-usap ni Jeron. Ewan ko lang kung maiintindihan ba nila kami dahil sure ako na hindi nila maririnig ang pag-uusapan namin ngayon dahil medyo malayo naman na kami.
"Tungkol lang sa naging pasyente ko kanina," sabi sa'kin ni Jeron. "May gusto lang akong i-confirm sa 'yo na sinabi ng pasyente ko.
Naloko na. Mukhang ito na 'yung chismis kanina ng mga Chikadora Girls. "P-Pasyente? Bakit, ano'ng meron?" Ginawa ko talaga ang lahat para hindi niya lang mahalata na kinakabahan na ako ngayon habang nagsasalita siya kasi mukhang totoo nga ang mga narinig ko kanina sa chismisan ng mga impakta sa ukay-ukay.
"Yung pasyente kong biyuda kasing si Mrs. Cordero, eh may gout yun, tapos ang sabi niya ay lumala raw iyon noong huling beses siyang nagpunta sa 'yo."
"Mrs. Cordero? Ah... Si Aling Marcia... Yung kapitbahay kong isa ring chismosa. O, ano raw ang dahilan at bakit lumala ang gout niya?" Ang alam ko ay isang uri ng arthritis ang gout, na usually ay sa paa ang apektado.
Naging poker face na ang mukha ni Jeron habang kausap ako. "Well, ang sabi niya kanina sa'kin ay binigyan mo raw kasi siya ng tuba, iyong native na alcholic drink na mula sa coconut vinegar, noong huling beses siyang nagpunta sa 'yo para magpatingin, tama ba?"
Natigilan ako doon dahil naaalala ko nga yun. Last week ay nagpunta nga sa akin si Aling Marcia na nagrereklamo na masakit daw ang mga daliri sa mga paa niya. Sinabi niya nga iyon na baka may gout na siya at binigyan ko naman siya ng mga halamang gamot na pwede niyang gamitin para maibsan ang sakit na nararamdaman niya sa mga paa niya lalo na kapag naglalakad siya.
"Oo, natatandaan ko na nagsabi nga siya na may gout na raw siya. Pero hindi naman pa siya noon sigurado, kaya binigyan ko lang siya ng mga dahon na pwede niya pakuluan para magsilbing pain reliever---"
Napakamot na sa ulo niya si Jeron. "Pero Sheina, hindi mo dapat siya binigyan noong tuba. Isa sa mga dapat iniiwasan ng mga pasyenteng may gout ay mga pagkain o drinks na mataas ang alcohol content. Sinunod ka pa naman niya sa advice mo. Uminom siya ng tuba araw-araw kaya hindi na siya makalakad. Ni-refer ko na siya ngayon sa ospital dahil kailangan na niya ng total bed rest."
"Hala, seryoso ba? Eh 'di ba nga kagabi eh okay pa naman siya? Nakichika pa nga siya kay Larry sa labas ng bahay ko. Natatandaan mo ba? Baka naman hindi dahil sa tuba ang nangyari sa kanya ngayon?"
Napahinga na siya nang malalim at feeling ko talaga nagtitimpi na lang siya ngayon sa akin. "Sheina, doktor ako. Alam ko kung ano ang meron siya ngayon, at kung bakit niya nararanasan ito ngayon. Her condition was definitely trigggered by the alcoholic---"
"So kasalanan ko?" sagot ko agad sa sinasabi niya dahil halatang ako ang itinuturo niyang dahilan ng nangyari. Itinuro ko pa ang saili ko gamit ang hintuturo ko dahil ganon ako kadramatic. "Kasalanan ko yun, Jeron? Bakit parang kasalanan ko?"
"I don't mean it that way," palusot niya naman kahit na malinaw naman sa pandinig ko na ako ang sinisisi niya sa nangyari. "I just wanted to find out if what the patient said to me was true."
"Oo, totoo! Eh ano naman? Hindi ko naman sinabing araw-arawin niya mag-inom ng tuba. Saka for your information lang Doc ha, hindi ko nireseta sa kanya o in-advice ang kapitbahay ko na uminom ng tuba panlaban sa gout niya. Binigay ko yun sa kanya dahil hiningi niya. Baka hindi mo alam, tanggera yan si Aling Marcia at nadayo pa yan sa ibang bahay para lang uminom. Kaya hindi ako dapat ang sisihin mo diyan ano?"
"Relax, Sheina. Hindi nga kita sinisisi," paliwanag niya naman. "Inamin din naman sa akin ni Mrs Cordero na umiinom nga talaga siya lagi ng tuba most of the time. Ang sa akin lang, since ikaw ang nilalapitan nila kapag mga ganitong mabilisang check up, eh sana hindi mo na binigyan ng tuba 'yung tao. Pinagsabihan mo pa tuloy sana na bawal muna siya mag-inom."
"Aba, eh malay ko ba na malala na pala ang gout niya?" depensa ko naman, pero pagkasabi ko lang noon ay alam ko ng mali iyon. Hindi ko yun dapat sinabi lalo na at nabigla si Jeron nang sabihin ko yun.
"You're not serious, right? Sheina, don't tell me hindi mo alam kung ano ang mga hindi pwedeng kainin ng taong may gout?" Natameme ako doon saglit dahil tama siya, hindi ko nga alam. "No way, so hindi mo nga alam. Sheina, paano na lang pala kung hindi siya nagpa-check up sa akin kanina at sa 'yo ulit siya lumapit? Eh baka pinainom mo pa siya ng tuba?"
"Grabe ka naman... Hindi naman ako ganoon kabobo," sagot kong nasaktan na sa mga sinasabi niya. "Oo na, nagkamali na ako doon, pero Jeron, hindi naman ako doktor para umabot sa ganyang klaseng analysis---"
"Exactly!" aniya. Napataas ang tono ng boses niya ng sinabi niya yun kaya nagulat ako. At kahit siya ay nabigla sa ginawa niya. "No, I'm sorry... I did not mean to offend you---"
"Hindi mo ba talaga sinasadya?" tanong ko sa kanya. "Eh 'di ba nga, sinabihan mo pa 'yung kapitbahay kong lasenggera na huwag nang bumalik sa akin dahil scam ako?"
"WHAT? NO! I DIDN'T SAY THAT!"
Umiling ako para ipakita sa kanya na hindi ako naniniwala sa kanya. "Hindi mo na kailangang mag-deny sa akin, Jeron. Ay, Doc Jeron pala. Okay lang naman. Sige, sabihin na nating mali ang ginawa ko. Pero 'wag mo naman sana ako alisan ng ginagawa. Sa ngayon, malamang kumalat na sa buong San Policarpio ang tungkol sa nangyari, at pupusta ako na wala nang magpupunta sa akin para magpatingin."
"I'm sorry, Sheina. Hindi ko naman intensiyon na ma-offend ka, o masira ang kabuhayan mo. Pero hindi ko rin pwedeng i-compromise ang kalusugan ng mga pasyente ko, dahil hindi lang naman ito laro-laro."
Akala ko ay nasaktan na ako kanina sa mga naririnig ko sa kanya, pero iba pa pala iyong ngayon. Para kasing sinasabi niya sa akin na itigil ko na ang childish game na ginagawa ko. Na naglalaro lang ako at ngayon ay may nabiktima na ako sa kapabayaan ko. Ang sakit i-digest ng mga iyon. Para akong sinabihan na wala akong kwenta.
Ang masaklap pa, kahit saang anggulo tingnan ay tama si Jeron. Kahit sinong makarinig ng bawat panig namin ay siya ang kakampihan. Dahil tama naman, hindi ko na lang dapat binigyan ng tuba ang matandang chismosa na yun. Pero ano'ng magagawa ko? Huli na ang lahat. Nangyari na ang nangyari. Nakaratay na yata ang tanggerang matanda na yun ngayon at ako ang sisihin ng buong San Policarpio sa pagkatigok niya.
Mukhang kailangan ko nang magdesisyon. Siguro ito na rin 'yung sign na hinihintay ko. Kailangan lang pala ng isang taga-medical field na sasampal sa akin ng katotohanan na hindi ako ang kailangan ng mga kababayan ko. Kailangan nila ng tunay na doktor na may alam sa kung ano ang mga kailangan nila.
Pero hindi ako dapat mag-self pity. In-expect ko rin naman talaga na posibleng dumating ang araw na ito. At lalong hindi ko dapat ipakita kay Jeron na nanalo na siya nang tuluyan. Nanalo lang siya sa round na ito, pero hindi pa kami nakakarating sa Grand Finals. May naisip na ako agad na pwede kong gawin para ako ang manalo sa next round, hanggang sa final round. Lintik lang ang walang ganti, Jeron, kaya magpalit ka ng apelyiido mo at gawin mong Manalo para totoong manalo ka dahil ibabagsak kita.