[SHEINA]
Kahit na nagulat ako dun, siyempre umacting pa rin akong composed at unaffected. Itinuro ko pa ang sarili ko. "Ako? Ako ang isasama mo sa paglilibot mo? Nagbibiro ka ba?"
Kumunot ang noo niya doon sa sinabi ko. "No, I'm not joking, Sheina."
Tumawa ako nang peke pero ang totoo kinikilig na ako nang very, very light. Alam ko rin na namumula na ang mukha dahil ganoon ako kamalas, halata kaagad kapag nagba-blush ako dahil sa mestisahin kong balat. "Doc Jeron, baka pwedeng 'wag mo ako ginu-good time? Ang aga-aga eh, bobolahin mo ako nang ganyan."
"Huh? Hindi naman kita binobola. Ikaw naman talaga ang naisip kong yayain na sumama sa akin sa paglilibot dito sa inyo dahil ikaw lang naman ang kilala ko na tagarito."
Para naman akong napahiya doon sa sagot niya dahil umasa talaga akong nilalandi na niya ako. "Yan ang dahilan mo? Dahil ako lang ang kakilala mo rito? Eh ano si Raffy?"
"Busy siya. Alam mo namang Vet yun. May pupuntahan rin siyang farm."
"Ah... Eh paano kung umayaw ako, Jeron? Aangal ka?"
Nagkibit-balikat siya. "Bakit, busy ka ba? I heard na apo ka ng albularyo rito sa inyo. May pasyente ka ba ngayon?"
Nagulat naman ako doon dahil hindi siya natatawa sa sinasabi niya. "Meron. Ano'ng akala mo sa akin, walang loyal patients?"
Napakamot siya sa batok niya, and honestly, ang cute niya doon sa pose na yun. "Teka nga, why do I have a feeling na parang galit ka sa akin? What's wrong, Sheina?"
Chance ko nang magsalita sa kanya. "What's wrong? Talagang tatanungin mo sa akin yan? Alam mo ba kung ano ang epekto sa akin ng pagdating mo rito sa San Policarpio?"
Umakto siyang parang napaisip pa. "What? Nagkaroon ng pag-asa ang mga may sakit dito?"
Gusto kong sabunutan ang lalaking 'to. Bakit ganito? Bakit kahit crush ko siya ay naiinis ako sa kanya? "Alam mo, ngayon pa lang ako nakakita ng doktor na joker. Siyempre hindi yan ang ibig sabihin ko! Ang ibig sabihin ko, kahapon, may mga pasyente akong hindi na bumalik dahil sa 'yo!"
Parang naguguluhan na talaga siya. "And so? Ano'ng problema doon?"
"Ano'ng problema? Simple lang naman ang problema ko, Doc Jeron! Mula nang dumating ka rito... Mula nang dumating ka rito..."
Magkasalubong na ang mga kilay niya. Siguro nawiwirduhan na siya sa akin dahil hindi ko matapos-tapos ang sentence ko. Paano ba namang hindi, na-realize ko kasi kung gaano ka-petty ang sasabihin ko sana sa kanya kaya hindi ko tinuloy. Pero mukhang huli na dahil nag-aabang na si Jeron sa sasabihin ko. "Mula nang dumating ako rito ay ano...?" ulit niya sa sinabi ko.
Patay na!
Hindi ko naman pwedeng sabihin ang balak kong sabihin dahil mas lalo lang niya akong pag-iisipan nang masama! At least man lang maisalba ko ang image ko sa kanya 'no! Hindi ko na pwedeng sabihing nang dahil sa kanya ay wala na akong pasyente at wala na akong kinikita dahil magmumukha lang akong mukhang pera!
"Sheina? Okay ka lang? Hindi mo na natuloy ang sasabihin mo... Ano ba kasi yun?"
May pagkachismoso pa yata itong si Jeron kaya napilitan na lang akong magsinungaling. "Ah... Ano kasi... Mula nang dumating ka rito... Ang daming ano..."
"Madaming ano?"
"Madaming babae na nagtatanong sa akin ng gayuma..." pagsisinungaling ko pa. "Gusto ka nilang gayumahin, kaya kung ako sa 'yo, mag-iingat ako. Naiintindihan mo ba?"
Ang kaninang confusion sa mukha niya ay napalitan ng ngiti. Tumawa rin siya nang malakas kaya hinila ko na siya papunta sa sala ng bahay ko dahil baka marinig pa siya nina Ligaya and the Chikadora Girls mula sa labas. Ma-issue pa kami (although bet ko yun.)
"Gumagawa ka talaga ng gayuma?" natatawa pa ring tanong niya sa akin.
"Oo, kaya 'wag mo akong niloloko-loko dahil baka bigyan ko si Ligaya para magayuma ka niya."
Natawa na naman siya doon. "That's funny. Do you actually believe in those types of things? I thought nakapagtapos ka ng Midwifery?"
"Oh eh bakit? Porke't nakapag-aral ako ay hindi na ako pwedeng maniwala sa gayuma?"
"Hindi naman sa ganun, nagulat lang ako."
Napailing ako. "Alam mo Doc Jeron, advise ko sa 'yo, maging open-minded ka sana sa mga paniniwala ng mga tao rito sa amin. Para hindi ka mapaaway. Saka 'wag mo ako tinatawanan, umiinom ka ng tubig na hindi mo alam kung saan galing."
Pero imbes na huminto siya sa pagtawa ay mas lalo lang tumawa ang lalaking ito. Mukha yata akong clown sa harapan niya dahil hindi naman nakakatawa ang sinabi ko, in fact, tinatarayan ko siya, pero hindi man lang siya na-intimidate. Saka lang siya huminto sa pagtawa nang sinimangutan ko na siya.
"Sorry," aniya pero halata namang pinipigilan lang niya ang ngiti niya. Kahit ang magaganda niyang mga mata ay tumatawa pa. "Peace na tayo. Hindi ako nagpunta rito para makipag-away." Ngumiti pa siya nang napaka-charming kaya ang hirap niya namang i-resist. Pero dahil strong Filipina woman ako, tumingin lang ako sa ibang direksiyon para maputol na ang eye contact sa pagitan naming dalawa.
"Sige na Doc, lumabas ka na. Wala na yata diyan sina Ligaya."
"And you think I will really leave your house without you? Sasama ka sa akin, Sheina."
"Aba! At bakit parang nananakot ka na?"
"Maybe I am," sagot niya naman na mataas pa yata ang confidence. "Pero kailangan mo talaga akong samahan, Sheina. Kahit ngayon lang."
"Bakit kasi ako pa ang trip mong isama? Makipag-friends ka sa iba para maisama mo sila sa paglilibot mo."
"Eh bakit pa ako maghahanap ng iba kung nandiyan ka na?"
Itinulak ko na siya. "Umalis ka na. Wag mo akong guluhing lalaki ka. Nananhimik ako rito ha." Pabiro lang 'yung pagkakasabi ko pero may hugot din dahil bakit ba siya nagbibitaw ng mga salitang parang banat? Flirt ba siya?
"Ayaw mo talaga? Sabi naman ng kapitbahay mo, free ka raw." Nasa pinto na ulit kami pero ayaw pa ring lumabas ng bahay ko ang lalaking ito.
"Naniwala ka naman sa mga kapitbahay ko."
"Well, as they say, there's no harm in trying. So ano, Sheina, ayaw mo talaga? How about I pay you for your time na magagamit natin?"
Biglang kuminang ang mga mata ko dahil sa sinabi niya. "Babayaran mo ako?"
"Yes. If that is what will make you come with me."
"Magkano?" tanong ko na nakangiti.
"Name your price."
"Ay, iba! Mayaman! Kapag sinabi ko bang ten thousand papayag ka pa?" hamon ko naman pero biro lang ulit.
"Five thousand," tawad niya naman.
"Seven kyaw."
Umiling siya. "Four thousand."
"Teka! Bakit ganyan ka makipag-deal? Mas bumababa?"
"Three thousand."
"Oo na! Three thousand na! Ang kuripot nito!" sabi ko na lang tapos nakita ko siyang ngumiti nang napakalapad. "Payag na ako! And in case isipin mo, hindi ako mukhang pera ha! Deserve ko lang talaga mabayaran kung kakailanganin mo ang serbisyo ko!"
Tumango naman siya doon. "Oo naman. I agree. Hindi lahat ng bagay sa mundo ay libre. Kaya sige na."
Ayun na nga. Nagkasundo na kami. Nagbihis lang ako at nag-ayos na rin dahil siyempre, babayaran ang oras ko kaya kailangan ko namang maging comfortable kahit papano. Nag-make up pa nga ako eh. Kaya gulat na gulat siya nang makita niya akong lumabas sa kwarto ko na mukhang tao.
"Woah. Sabi ko na, you're really pretty," bungad niya sa akin.
Itinago ko ang pagba-blush ko sa papuri niya sa pagsabat sa sinabi niya. "Pretty ano? Pretty ugly?"
"Nope. Just pretty."
Hindi ako nakasagot doon dahil bumenta sa akin yun. Ansabe ng 'Nope, you're just pretty?' Ang lakas maka-Kdrama, ha! Hindi ko tuloy alam kung makaka-survive ba ako ng isang maghapon nang hindi naiihi sa kilig dahil sa lalaking 'to. Hindi kasi siya boring na kausap at witty pa siya, kaya naman plus points iyon sa akin. Mukhang babalik talaga sa akin ang pagka-crush ko sa kanya in full force.
Naku, humanda ka talaga, Sheina!
***
Pinagtitinginan kami buong maghapon habang naglilibot siya sa mga bahay dito sa San Policarpio. Karamihan sa mga nakatingin sa amin ay malamang ay nagtataka kung bakit kami magkasamang dalawa. Isang doktor at isang albularyo ay magkasama? Aba, may mas ironic pa ba sa eksena namin ngayon?
Pero masaya naman ang naging pagsama ko sa kanya. Hindi naman pala mahirap ang ipinapagawa niya. Para lang akong tour guide tapos pinapakilala ko siya sa mga tao. Hinihintay ko naman siya habang ginagawa niya ang trabaho niya, ang i-check up sila. Nakakatuwa rin siyang panoorin dahil napakabait niya at pasensiyoso lalo na sa mga bata. Okay na sana ang mood ko kung hindi lang napakachismosa ng mga tagarito. May nagtatanong kasi sa mga pinupuntahan namin kung mag-ano raw ba kami, lalo na ng mga babae, kaya kaagad kong sinasabi na magkaibigan lang kami.
And speaking of mga babae, kung nakakamatay lang ang titig nina Ligaya, malamang double dead na ako ngayon. Grabe ang bruha kung manlisik ang mga mata sa akin, akala mo inagawan ko siya ng jowa. Idagdag pa ang mga babaeng goons niya na mga Chikadora Girls na nagparinig pa nang dumaan kami. Tinawag ba naman nila si Jeron at tinanong kung may utang daw ba ako sa kanya kaya ako sunod nang sunod.
"Utang? Wala siyang utang. Sinasamahan niya lang ako," friendly na sagot sa kanila ni Jeron.
"Hayaan mo na sila. Wag ka nang magpaliwanag sa mga yan," iritadong sabi ko naman.
"Eh bakit hindi. They're badmouthing you," sagot niya naman sa akin.
"Trust me, Jeron. Ikaw lang ang mapapagod kapag pinatulan mo ang mga yan. Tara na. Nagugutom na ako. Sabi mo ililibre mo ako ng lunch kaya halika na. May alam akong masarap na kainan dito." Hinila ko na siya palayo sa Chikadora Girls at papunta sa karinderya na pagmamay-ari ng kakilala ko. Malapit lang naman ito at sikat rin ito dito. Nakasalubong pa nga namin si Claire na galing doon, na halos lumuwa na ang mga mata nang makita kaming magkasama ni Jeron.
Sa mga kamay namin siya nakatitig. Nabitawan ko tuloy agad ang kamay ni Jeron dahil may malisya na sa ngiti ni Claire sa akin. "Ate ha, ang bilis mo rin ha. HHWWPSSP! Uy, sweet!" Kinindatan niya pa ako as a form of support.
"HHWW ano?"
"HHWWPSSP! Holding hands while walking, pa-sway sway pa!"
Muntik na akong matapilok sa sinabi niya. "Gaga! Hindi kasi ganun! Hinihila ko lang siya papunta sa karendirya!"
"Oo nga. Hinihila mo nga," aniya na hindi na yata maniniwala sa akin. Tumili pa si Claire bago kami iwan. Habang si Jeron, poker face lang at nakatingin lang sa karendirya sa harapan namin. Nang mapansin kong parang may mali sa kanya, tinanong ko na siya.
"Teka, bakit parang nakakita ka ng multo? Karinderya ang pupuntahan natin, Jeron, hindi horror house."
Nakita ko siyang napalunok ng laway. "Hindi ako natatakot. I just realized na ngayon lang ako makakakain sa isang garinderyah."
Lumuwa doon ang mga mata ko sa sinabi niya. "What? Never ka pa kumain sa karinderya? Pinoy ka ba talaga?"
"I know, right? Nakaka-disappoint ba?" tanong niya sa akin. "Kahit ako nalungkot nang ma-realize ko yun."
"Naku, hindi naman. Nagulat lang ako. Gaano ka ba kayaman at hindi ka pa nakakakain sa ganyan?" tanong ko pa sa kanya sabay turo sa harap namin kung saan may mangilan-ngilang kumakain doon.
"It's not about how rich I am, Sheina. It's about having the chance to try it. Wala lang talaga akong chance na makakain sa garinderyah."
"Kahit noong nag-aaral ka? Wala kang normal na classmate na nagyaya sa 'yo kumain sa isang karinderya?"
"Nope. May canteen naman kami."
"Ah. Okay fine. Rich kid ka nga. Pero pwede ba, 'wag mo 'kong Inglesin nang bongga kung ayaw mong masapak kita. At saka karinderya, hindi garinderyah. Doctor to the Barrio ka kaya dapat masanay ka na sa Barrio things."
Hindi ko na siya hinintay na makasagot. Hinila ko na siya ulit papasok sa karendirya at humanap kami nang bakanteng mesa. Saktong meron naman sa gilid katapat nang malaking salamin. Napansin yun ni Jeron. "Bakit may salamin dito? Ganito ba sa mga garinderyah?"
"Wag mo akong tanungin diyan, Jeron, dahil tanong ko rin yan noon pa. Baka dati 'tong barber shop. O sige na, o-order na nga lang ako ng pagkain natin." Tumayo na ako at nagpunta sa counter sa mga putahe. Binati ako agad ng may-ari ng karendirya na si Morrie.
"O, Sheina, same order ba?" magiliw niyang tanong sa akin. Kaklase ko nong high school itong si Morrie kaya close din kami. Isa rin 'to sa galit kina Ligaya dahil minsan na rin siyang nabiktima ng fake news ng mga yun.
"Hindi, Morrie. Espesyal ang araw na 'to. Bigyan mo ako ng limang putahe at lahat ng uri ng lumpia diyan," pagmamayabang ko pa dahil si Jeron naman ang magbabayad. Ang lumpia kasi talaga ni Morrie ang bestseller nila rito dahil masarap nga naman. Lumpiang gulay, shanghai, isda o lumpiang hubad--- name it, meron sila rito. Kaya hindi na ako nagtaka nang ma-impress si Jeron at naging magana kumain pagkarating ng order namin.
"This is seriously some good food, Sheina," komento niya. Nakakailang lumpiang isda na nga siya eh.
"Di ba? Sabi ko sa 'yo eh. Hindi masamang sumubok minsan, ano. Madalas kasi, the best things in life are---"
"Free? Eh ako naman magbabayad."
"Sa akin, oo, free. Sa 'yo, the best things in life are just around you. All you have to do is take notice. O 'di ba, English! Aminin mo, nagulat ka na magaling ako mag-English!"
Muntik na siyang mabulunan kaya huminto na ako sa pakikipagkulitan sa kanya. Pero tawa pa rin kami nang tawa kaya naisip ko na ang tagal na rin pala mula noong ganito ako kasaya. Masaya kasi talagang kasama si Jeron. Hindi lang siya may sense kausap, down to earth din siya at marunong makisama. Kaya naman namalayan ko na lang, palubog na ang araw at tapos na ang trabaho niya. Hinahatid niya na ako pauwi sa bahay, at nagsabi na siyang nag-enjoy nga raw siyang kasama ako. Nagbibilang na siya ng pera sa harap ng bahay ko nang pigilan ko siya.
"Wag mo na ako bayaran. Nilibre mo naman ako ng pagkain---"
"Nope. A deal is a deal, Sheina. Tanggapin mo na ito. Salamat sa 'services' mo ha. Nag-enjoy talaga ako, lalo na dun sa pagkain doon sa karinderya. Ang sarap. Ulitin natin yun."
"Ha? P-Pwede naman."
Grabe. Uulitin daw namin yun?
So it means may kasunod pa?
Ano yun, date?
OMG Sheina, ganda ka?
Natahimik kami pareho kahit na deep inside nagka-cartwheel na ako, hanggang sa bigla siyang magtanong sa akin.
"Sheina, may boyfriend ka na ba?"