[SHEINA]
"Pwede ka nang tumigil sa panggagamot mo, Sheina," saad ni Larry sa'kin na sinundan pa ako sa garden namin kinabukasan. Alam niya kasi ang routine ko, na nangunguha ako ng mga halamang gamot sa garden ng mga magulang ko sa umaga. "Ngayong may doktor na rito, may oras ka na para magnobyo."
Sinungitan ko agad ang kumag dahil ang tagal na naming magkakilala ay hindi niya pa rin gets kung bakit ako nanggagamot. May isa pa tuloy akong rason para hindi siya tanggapin bilang boyfriend ko. Aba, hanggang ngayon hindi niya pa ba ako kabisado? Anong akala niya, kawanggawa itong ginagawa ko habang wala pa akong love life?
"Alam mo, Larry, hindi naman porke't may doktor na rito sa San Policarpio ay titigil na ako sa ginagawa ko. Hindi naman lahat may pambayad sa doktor. Saka iyong mga naengkanto, mga na-nuno at mga nausog ay hindi naman sa doktor lumalapit. Sa akin pa rin lalapit ang mga yun."
Napailing si Larry sa sagot ko, pero dahil wala naman akong pake sa opinyon niya, hinayaan ko na lang siya. Mabuti nga at umuwi na rin siya. Akala mo naman kasi nanghihingi ako ng advice sa kanya, eh hindi naman. Kaya medyo inis rin akong umuwi sa bahay galing sa garden. Kung marunong lang talaga ako mangulam, baka nakulam ko na ang taong yun.
As usual, mag-isa lang ako ngayon sa bahay dahil wala naman ang aking mga magulang dito. Ang Nanay ko ay namamasukan sa Maynila at minsan lang kung makauwi, samantalang ang Tatay ko naman ay matagal ko ng hindi nakikita. May Kuya ako pero nasa Maynila rin dahil doon na ito nakapangasawa at nagkapamilya. Gusto naman nila akong kunin, pero ako na mismo ang umayaw dahil ayokong iwan ang bahay namin at ang kinalakhan ko rito. Iba pa rin kasi talaga ang San Policarpio.
Si Claire lang talaga kadalasan ang kasama ko rito. Dinadalaw rin naman ako ng iba ko pang mga kamag-anak, pero mas maraming beses na mag-isa lang ako rito. Hindi naman iyon problema dahil kilala naman ang pamilya namin dito. Takot lang nilang dapuan ng karma kapag may ginawa sila sa'kin. Pero siyempre, hindi ko naiiwasan na malungkot sa sitwasyon ko. At kapag malungkot ako, hindi ko rin naiiwasang maghanap ng company, lalo na ng isang special someone. Ayoko rin namang tumandang dalaga 'no. Feeling ko nga si Jeron na ang para sa akin. Yun nga lang, dahil nga isa siyang doktor, mukhang malabo na magkaroon kaming dalawa ng future.
"Bakit naman malabo, teh? Ano namang masama kung doktor siya at apo ka ng albularyo? Masaya nga yun eh! Kasi pareho kayong nasa health ang field pero magkaiba lang kayo ng pamamaraan. Sabi nga nila, opposites attract," ani Claire na dito na nakikain sa bahay. Ganito kasi madalas ang set up namin. Isa kasi siyang employee sa Brgy Hall kaya mas malapit kung dito na siya sa bahay ko kakain kapag lunch. Malayo kasi ang bahay ng isang 'to.
At ngayon nga, nakwento ko sa kanya ang tungkol kay Jeron. "Siguro nga opposites attract, pero Claire, doktor siya. Malamang kapag nalaman niyang nanggagamot ako, pagtatawanan lang ako non."
"Hindi naman siguro, teh. Mukha naman siyang mabait. Nakausap namin siya kanina. In fairness, matalino siya pero magalang. Saka cute pa."
"Iyon na nga," sabi ko naman dahil ito talaga ang punto ko. "Dahil may itsura siya at may katayuan sa buhay, malamang hindi ako non papatulan."
"Ang nega mo naman, Ate. Malay mo naman hindi lang natingin sa itsura si Doc. Saka maganda ka rin naman ah! Liligawan ka ba nina Kuya Larry kung hindi ka rin maganda?"
"Ay sus, ayokong gawing basehan 'yang si Larry dahil kakaiba ang taste non," hirit ko pero ang totoo niyan ay feeling ko naman tama si Claire. Na kung sasadyain ko lang talaga, kaya ko namang maging 'confidently beautiful' at pwede pa nga akong maging Reyna Elena sa Santacruzan. Ilang beses na ba akong sinabihan ng sangkabaklaan dito na sumali ako sa mga pageants?
Ang kaso nga lang, hindi ako mahilig magpaganda. Hindi nga ako nagmi-make up kapag nalabas ako eh. Tamang pulbo lang ako at liptint tapos suklay. Hindi rin ako mahilig pumorma at mag-dress up. Basta kung kumportable ako sa damit ko, okay na yun sa akin. Kaya nasasabihan tuloy ako ng iba na 'manang,' lalo na ng mga Chikadora Girls na walang ibang ginawa kung 'di ang makipagchismisan at pakialaman ang buhay ng may buhay.
"Bakit kasi doktor pa siya? Sa dinami-rami naman ng pwede niyang maging propesyon, iyon pa talagang kakumpetinsya ko sa ginagawa ko?"
"Eh yan kasi ang tingin mo. Pwede naman kasing hindi ka makipag-compete sa kanya, 'di ba?"
"Oo kaya ko naman yan pero kung magsisilipatan sa kanya ang mga nagpapatingin sa akin, aba'y hindi ba ako dadaing? Eh ano pa ang silbi ko nun kung ganoon?"
"Sa bagay, may point ka riyan, Ate. Lalo pa't passion mo talaga ang ginagawa mo. Pero Ate, love is love! Baka naman pwede kang sumubok 'di ba? Malay mo naman, compatible pala kayo ni Doc."
"Hay, bakit ko kasi naging crush yun? Eh may pagkashunga nga iyon eh. Biruin mo, ininom ba naman 'yung Miracle Water ng hindi nag-alangan kung ano ang laman non? Parang ewan si Koya mo."
Natawa naman si Claire doon. "Eh ang cute kaya ng unang pagkikita niyo! Dinaig niyo pa ang nasa K-Drama! Basta Ate, kapag naisipan mong magpaganda at kung kailangan mo ng makeover, sabihan mo lang ako dahil alam ko kung sino ang hihingan natin ng tulong pagdating diyan. Sayang naman kung palalampasin mo si Doc Jeron. Balita ko, single pa naman yun."
Namilog naman ang mga mata ko sa huling sinabi ni Claire. "Talaga? Single nga siya?" interesadong tanong ko. Naisip ko rin naman kagabi na baka may jowa na siya. Eh 'di sayang lang kung magi-invest ako sa kanya ng panahon.
"Oo! Narinig ko kasi ang usapan nila ni Kuya Raffy nong nagmeryenda sila. Eh 'di ba nga nasa second floor ng Brgy Hall ang clinic niya sa ngayon. Ang dinig ko pa, ilang taon na rin daw na walang jowa yun. Binibiro nga siya ni Kuya Raffy na makipag-date daw siya roon kay Ligaya, 'yung anak ni Kapitana."
Aaminin ko, sumaya naman ako doon sa natuklasan ko. So single nga siya. Good sign na sana, kaso kung mananatili siya rito sa San Policarpio, aba'y marami talaga ang hindi na magpapagamot sa akin. Biruin mo naman kasi, single and hot ang doktor sa Health Center. Aba'y kahit siguro ang mga walang sakit ay magsasakit-sakitan para lang magpapansin sa kanya! Di na rin ako magugulat kung ipagtulakan ni Kapitana ang anak niyang haliparot doon dahil good catch nga naman si Koya!
"Kaya kung ako sa 'yo Ate, kumilos ka na. Magparamdam ka naman, ganon. Kapag ikaw ay maunahan pa ni Ligaya, aba'y 'di ka na talaga liligaya niyan."
"Ang OA lang ha," sabi ko naman at natawa kami pareho doon. "Una sa lahat, hindi lang naman siya ang lalaki sa San Policarpio, Claire, kaya't hindi pa katapusan ng mundo kapag hindi naging kami. At pangalawa, kung type niya si Ligaya, eh 'di hindi talaga kami ang para sa isa't-isa. Ayoko sa lalaking mababa ang taste sa babae 'no. Kadiri niya naman kung nagagandahan na siya kay Ligaya. No offense, pero si Ligaya ang leader ng Chikadora Girls kaya kapag pinatulan niya yun, magkakajowa siya ng babaeng impakta."
Tawanan na naman kami dahil hate na hate talaga naming dalawa ang mga Chikadora Girls, na pinangungunahan ni Ligaya. Ewan ko ba, hindi talaga kami magkasundo ng mga yun. Paano kasi, lahat na lang issue sa kanila. Isang beses nga, may ginamot akong taga-kabilang barangay. Aba'y dahil lang sa madungis at mahaba ang buhok ng lalaking ginamot ko, pinagkalat ba naman nila ng miyembro ng NPA o Neo Partisan Army ang ginamot ko! Muntik pa akong makulong dahil sa mga yun! Ginawa pa akong supporter ng mga rebelde! Kaya kung papatulan ni Jeron ang babaeng yun, aba'y hindi nga kami para sa isa't-isa!
***
Tinanghali ako ng gising kinabukasan dahil gumawa pa ako ng lana (o coconut oil) para sa mga ginagamot ko nung gabi kaya pagod na pagod ako. Amoy mantika at usok pa nga ako dahil tinamad na ako maligo tapos sumalampak na ako sa kama ko. Kung hindi pa nga dahil sa malakas na boses na naririnig ko sa labas ay hindi pa ako magigising. Noong una, akala ko'y si Larry na naman ang nambubulahaw sa akin, pero natunugan ko ang boses ng tumatawag sa akin.
Napabalikwas ako ng bangon dahil nasa labas si Jeron!
Kaagad akong nagpunta ng banyo at naghilamos tapos nagsuklay, and then nagpalit ako ng blouse dahil alam kong mabaho yun dahil sa usok. Saka ko lang siya pinagbukasan ng pinto nang masiguro kong presentable na ako. Naabutan ko siyang naghihintay sa tapat ng pinto ko at muntik na akong mapahiyaw sa gulat nang kaagad siyang pumasok sa bahay ko tapos kaagad niya ring sinara ang pinto. Sisigawan ko na sana siya pero tinakpan niya kaagad ang bibig ko.
Nagpupumiglas ako, pero sinenyasan niya akong tumahimik muna kaya sinunod ko na lang siya. Pagkatapos ng ilang minuto, inalis niya rin ang kamay niya (na mabango in fairness) mula sa bibig ko. Pero dahil sa pagkakabigla ay itinulak ko pa rin siya. "Siraulo ka ba? Bakit ka biglang pumasok? Trespassing ang ginagawa mo ah!"
"I know," aniya, na parang hinihingal pa. "Pero baka pwedeng hayaan mo muna ako ditong magtago, Sheina."
Kumunot naman ang noo ko sa sinabi niya. "Ha? Magtatago ka rito? Bakit? May humahabol ba sa 'yo?"
Tumango siya. "Kanina pa kasi ako sinusundan ng mga yun. Bawat bahay na pinupuntahan ko para sa house-to-house check up ko sa mga tagarito ay nakasunod sila. Hindi ko nga alam kung paano ko sila iiwasan."
"Bakit? Sino ba ang sumusunod sa 'yo?"
"Sina Ligaya at ang mga kasama niya."
"Oh." Hindi ko alam kung matatawa ba ako na iniiwasan niya pala ang mga yun o matutuwa na hindi niya pala type ang mga yun. Pero both na lang siguro. "Eh prangkahin mo na lang kasi. Sabihin mong nagtratrabaho ka kaya huwag ka nilang sundan."
"Eh anak ni Kapitana ang isa sa kanila. Nag-volunteer na samahan ako sa paglilibot ko rito. Ayaw ko namang masabihan na unappreciative. Pero ayoko talaga na sila ang sumama sa akin kasi may iba na akong naisip na pwedeng sumama sa akin libutin itong lugar niyo."
"Talaga? Sino naman? Si Raffy?" inosente kong tanong sa kanya kaya hindi ako nakapaghanda sa sinagot niya.
"Hindi siya."
"Eh sino?"
"Ikaw, Sheina. Ikaw lang ang gusto kong sumama sa'kin."