SHEINA
“Ano? Pati si Jeron ay posibleng madamay sa kagagawan mo?” tanong ko na naalarma na dahil hindi ko naman pwedeng ipagsawalang bahala ang threat na iyon kay Jeron. “Bakit naman gano’n? “’Tay, hindi ba dapat may ginawa ka na para mailayo kami ng boyfriend ko sa panganib? Ano kaya kung sumuko ka na lang sa mga pulis, tapos isumbong mo at ituro mo kung nasaan ang mga kasama mo? Nang sa ganoon ay hindi na kami madamay pa ni Jeron. Kasi hindi ko talaga gustong umalis dito, ‘Tay, lalo na at dito nakadestino si Jeron.”
Nagbuntong-hininga si Tatay. “Madali lang sabihin yan, Sheina. Pero matagal na akong wala sa kanila. Hindi na ako bumalik sa Neo mula nang bumaba ako sa kabayanan at naghanap ng trabaho. Ni hindi ko nga alam kung nandoon pa sila sa kuta namin noon. Malaki ang tiyansa na lumipat na sila ng kuta. Hindi sila mananatili sa isang lugar na alam ng dati nilang kasama. Siyempre iiwas silang mahanap ko sila sakaling baliktarin ko na sila.”
“What? Ibig sabihin hindi mo rin alam kung nasaan ang mga kasamahan mong rebelde ngayon?” tanong kong medyo natatakot na talaga. Ibig sabihin kasi non ay delikado pa rin ang buhay namin ni Jeron kahit na sumuko na si Tatay dahil posibleng balikan pa rin nila kami. Lalo na kapag malaman nilang tinalikuran na sila ni Tatay.
“Anak... Kung pwede sana, hayaan mo nang ako ang umayos sa gusot na ito dahil ako rin naman ang may kasalanan ng lahat ng ito. Pero hindi madaling ayusin ang bagay na ito, anak. Hindi rin kasi biro ang pader na babanggain ko. Kaya nga gusto ko sanang lumayo ka na muna. Isama mo ang boyfriend mo kung yun ang gusto mo. Dahil hindi ko masisiguro ang kaligtasan niyo habang may ginagawa ako para ayusin ang lahat. Lalo na ngayon na gagawa sila ng paraan para makapaghiganti sa pagkakahuli ni Gregorio. Kaya sana kung pwede kayong makalayo---”
“Kakausapin ko muna si Jeron,” sagot ko na lang bago pa siya makaisip ng plano na hindi ko magugustuhan. Kasi kung ako lang, ayoko talagang magkahiwalay kami ni Jeron. Sure naman kasi na hindi aalis ng San Policarpio si Jeron dahil doon siya naka-duty. “Kailangan naming pag-usapan ang tungkol diyan dahil kailangan ko ring ikonsidera ang mga responsibilidad niya. Pero sige, don’t worry, ‘Tay. Susubukan ko siyang kumbinsihin na umalis na muna ng San Policarpio. Pero kung umuyaw siya, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko.”
Tumango na lang si Tatay at napahinga nang malalim. “Sige, ikaw na ang bahala. Mukha namang hindi na rin talaga kita mapipigilan. Basta gagawin ko rin ang lahat ng makakaya ko para matapos na itong problema sa Neo.”
Hindi na ako sumagot sa sinabi niya. Ayaw ko na rin kasing masyadong umasa sa kanya o sa kahit anong sasabihin niya. Nadala na ako. Kung umabot na sa puntong kailangan kong hingin ang tulong niya, iyon ay dahil wala na talaga akong ibang choice. Ngayong alam ko na ang buong kwento kung bakit niya kami iniwan noon, nawala na ang galit ko sa kanya pero hindi ko pa rin magawang maging malapit sa kanya. Para sa akin isa pa rin siyang estranghero, isang taong parte ng nakaraan ko pero hindi ng kasalukuyan ko.
Nagyaya na akong umuwi ng San Policarpio. Sinamahan naman ako ni Tatay hanggang sa part na walang mga tao. Pero dahil nga bukirin ang nadadaanan namin pabalik ng bayan, kailangan niyang humiwalay sa akin dahil hindi naman pwedeng makita siya ng ibang tao, lalo na kasama ako. Kaya nang marating namin ang parte na may mga nadadaanan na kaming mga tao--- mga magsasaka at mga kabataan na naglalaro sa palayan, tahimik na umalis na si Tatay. Kahit papano naman ay nag-alala ako sa kanya dahil paano kung may makakita sa kanya, ‘di ba? Mahuhuli pa siya ng wala sa oras.
May mga nadaanan din akong mga kakilala at kinakawayan ako at binabati nila ako. May nagtatanong din kung saan ako galing, at ang sagot ko lang ay naghanap ako ng halamng gamot na wala na akong stock. Mukha namang naniwala sila sa sinabi ko kaya maayos lang din ang pag-uwi ko at wala naman yatang maghihinala na nakipagkita ako sa ama kong rebelde at wanted ng batas.
Yun nga lang, nang nasa may ilog na ako na malapit na sa boundary ng San Policarpio ay biglang umulan nang malakas. Siyempre ay sumilong ako, at nakakita ako ng maliit na kwebang pwedeng silungan. Nasa gilid ito ng ilog na konektado doon sa ilog kung saan kami naglalaba ni Claire at kung saan kami unang nagkita ni Jeron. Medyo malapit ito sa malalim na part ng ilog kaya natatakot na rin ako na baka bumaha rito at umapaw ang tubig sa loob ng kweba kung saan ako nakasilong ngayon.
Lumipas ang isa o dalawang oras na malakas pa rin ang ulan at nangyayari na ang kinatatakutan ko. Lumaki na nga ang tubig sa ilog kaya nagsimula na itong pumasok sa kweba kung nasaan ako. Hindi rin naman na ako makatawid papunta sa kabilang side ng ilog dahil malakas na ang agos ng tubig sa gitna ng ilog. Sure ako na kapag subukan kong tawirin ang ilog na ito ay tatangayin ako ng agos ng tubig. Alam ko na kapag magtagal pa ako rito ay malaki ang chance na malunod ako rito.
Kaya naman naiyak na ako. Hindi ko kasi alam kung makakaalis pa ako rito eh. Hanggang sa pumasok na ang tubig nang tuluyan at hanggang paa ko na siya. Iyak na ako nang iyak. Tapos wala pa akong mahingan nang tulong dahil nga wala naman akong cellphone. At nasa lugar ako na walang katao-tao, kaya wala talagang pwedeng tumulong sa akin. Ang ginawa ko na lang ay naghanap ako ng mataas na lugar kung saan ako pwedeng tumungtong. Para sakali mang tumaas pa ang tubig dito ay hindi ako maaabot ng rumagasang tubig.
May nahanap naman akong ganoon. May malaking bato sa gitna ng kweba na mataas para maabot ng tubig. Mas mataas iyon kaysa sa akin kaya kailangan ko pang akyatin. Naakyat ko naman siya pero pagod na pagod na ako. Sa sobrang pagod ko nga ay nakatulog ako saglit. Pero panandalian lang iyon dahil nagising ako agad nang maramdaman kong naabot na ako ng tubig! Naloko na! Hindi pa naman ako marunong lumangoy!