Kabanata 41

1643 Words
SHEINA "Ibang kwento ang narinig kong dahilan mo kung bakit mo kami iniwan noon," pang-aakusa ko sa ama ko. Hindi ko kasi matanggap na iyan ang version niya ng mga nangyari noon dahil ibang-iba ang mga sinabi niya sa mga nalaman ko noon kina Nanay at Kuya. "Please lang, 'Tay, 'wag ka nang magsinungaling. Ano pa ang punto ng pagsisinungaling mo? Malaki na ako. Hindi mo na ako mabri-brainwash." Parang hindi na nagulat si Tatay sa naging reaction niya sa mga rebelasiyon niya. "Yun naman talaga ang nangyari, anak. Iyon talaga ang umpisa kung bakit ako napunta sa Neo Partisan Army. Dahil tinakot nila akong isusumbong nila ako sa mga pulis kapag hindi ako sumunod sa gusto nilang mangyari. At bukod pa doon, idadamay nila kayo. Pati kayo ay sasaktan nila kapag pumalag ako sa balak nilang gawin sa akin." "Hindi ako naniniwala sa 'yo," sagot ko sa kwento niya. "Iba ang sinabi ni Nanay. Base sa mga kwento niya, hindi ka naman daw na-blackmail. Kusa ka raw sumama sa kanila. Kaibigan mo mo pa nga raw ang isa sa mga rebelde. Iyon daw ang nang-engganyo sa 'yo dahil kababata mo iyon. At niyaya ka pa nga raw ni Nanay na umalis na lang kayo ng San Policarpio para maiwasan iyang mga rebelde, pero ayaw mo raw umalis dito. Kaya 'wag mo na subukang linisin ang pangalan mo sa akin, 'Tay. Tumatak na sa akin ang ginawa mo." "Pareho naman kaming tama ng sinabi ng Nanay mo," sabi niya naman sa akin. Kita ko pa rin sa mga mata ang lungkot niya siguro na rin dahil puro masasakit na mga salita ang naririnig niya mula sa akin, pero may pakiramdam din ako na natutuwa siya ngayon na kinakausap ko siya. Sa bagay, noong huling beses niyang sinubukang kausapin ako ay itinaboy ko lang siya, kaya malamang ay masaya siya ngayon na kahit paano ay kinakausap ko pa siya kahit na pinilit niya lang ako. "Paanong pareho? Eh nagsisinungaling ka ngayon sa akin," tanong ko pa. "Kung napilitan o na-blackmail ka lang pala nila na sumama sa kanila, hindi ba dapat kami ang pinili mo sa bandang dulo? At hindi ka makakatagal nang ganito katagal kasama ng grupong yan kung ayaw mo talaga sa sinalihan mo, 'Tay. Kaya pwede ba? Wag mo namang palabasin na si Nanay pa ang nagsisinungaling sa inyong dalawa---" "Sheina, pakiusap, pakinggan mo muna ako," aniya. "Hindi mo pa alam ang buong kwento. Totoo naman ang mga sinabi ng Nanay mo tungkol sa akin. Pero hindi niya naman alam lahat---" "Dahil hindi mo rin naman sinabi sa kanya ang buong nangyari!" sagot ko. "Sabihin mo nga, 'Tay, alam ba ni Nanay na nakapatay ka ng tao? Sinabi mo ba sa kanya yun?" Umiling siya agad sa tanong ko na hindi ko na rin ikinagulat. "Hindi ko nasabi yun sa Nanay mo. Hindi lang dahil sa blackmail na natanggap ko mula sa Neo kaya hindi ko sa kanya ipinagtapat ang nagawa ko, pero dahil na rin sa takot ko, anak. Nakapatay ako ng tao. Hindi biro iyon. Alam kong kapag nalaman yun ng Nanay mo ay sasama ang loob niya sa akin. Lalo na at ayokong makulong." "So ano? Dahil ayaw mong makulong ay mas pinili mo na lang na sumama sa mga rebelde?" "Gaya nga ng sinabi ko na, Sheina, wala akong ibang mapagpipilian noon. Gusto akong gawing kasapi ng mga rebelde dahil sa lupain natin. Bukod sa malawak ito at maraming tanim na pwede nilang kunin, may malaki at mahabang kweba dito na nagdudgtong mula sa San Policarpio hanggang sa bundok kung nasaan ang kuta nila. Gusto nilang gawing shortcut ang kweba na ito upang makaiwas sa mga sundalo. At kung kasamahan na nila ang may-ari ng lupa, wala na silang pangamba na baka may makakita sa kanila." Bigla naman akong nilukob ng takot sa bagong isiniwalat ni Tatay. Ang lupain namin ay parang shortcut ng mga rebelde mula sa bayan papunta sa kuta nila kabundukan? Eh 'di hanggang ngayon ay ginagamit nila iyon? Jusko, binalak pa naman naming ibenta na lang iyon kapag nagkagipitan na. Iyon ang napagkasunduan namin ni Nanay dahil nga hindi naman namin alam na buhay pa si Tatay. Yun pala may mga rebelde doon? Eh paano pala kung nagpunta kami doon at nakita namin sila? Eh 'di nanganib pa pala ang mga buhay namin? "Inako ng Neo ang pagpatay sa taong napatay ko, Sheina. Nangako silang hindi ako makukulong kapag nakipagtulungan ako sa kanila. Hindi naman kasi ako nila niyayang mamundok agad kasama nila. Ang gusto nilang gawin ko ay magpanggap pa ring civilian, at maging lookout para sa kanila kapag nababa sila ng bundok para kumuha ng supplies ng pagkain nila. Kumbaga, gusto nila akong kuning bantay ng shortcut nila. Kaya pumayag na ako, dahil naisip ko, kung yun lang naman pala ang gagawin ko ay hindi na rin naman masama. Hindi na ako makukulong, at hindi pa kayo madadamay sa gulo." Nablangko na yata ang utak ko sa puntong ito dahil hindi ko na alam kung maniniwala pa ako rito sa sinasabi ng ama ko. Para kasing kapani-paniwala naman ang mga sinasabi niya. Pero kung totoo nga ang mga kwento niya, ibig sabihin ay may mabigat na dahilan nga siya kung bakit niya kami iniwan noon. "Naging kasapi nila ako, anak, pero umuuwi pa rin naman ako sa bahay noon dahil nga iyon ang trabaho ko. Pero dahil baguhan lang ako at wala pa silang tiwala sa akin, may nilagay silang tao na magbabantay at titingin sa ginagawa ko. Kumbaga, siya ang mata ng Neo sa akin. Isang mali ko lang, tulad ng kung gustuhin kong umalis na sa kanila, o tumakas, papatayin nila ako. At pati na rin kayo. Ang taong yun na itinilaga nila na maging mata sa akin ay si Gregorio. Ang kababata ko na malapit sa akin noong kabataan ko." Napansighap ako sa nalaman ko. "G-Gregorio? Iyong lalaking sumugod sa bahay na hinahanap ka?" "Siya na nga, anak. Magkaibigan kami noon. Bumaba siya mula sa bundok para samahan ako at manmanan ako sa ginagawa ko. Tumira siya malapit sa atin at nagpanggap siyang magsasaka na makikisaka sa lupa natin. Hindi mo siguro natatandaan noon dahil masyado ka pang bata, pero madalas siyang dumalaw sa bahay natin noon. Minsan pa nga ay doon siya nakikitulog." "H-Hindi ko alam ang tungkol diyan," sabi kong gulat na gulat pa rin sa mga nalalaman ko. "Paano nalaman ni Nanay na rebelde rin pala siya? Yung Gregorio?" "Narinig kami ng Nanay mong nag-uusap. Nagkakasagutan na kasi kami ni Gregorio nong marinig kami ng Nanay mo. Ang demonyong lalaking yon, nakursunadahan ang Nanay mo at balak pang pagsamantalahan habang natutulog. Nasa bukid kasi ako noon at naiwan sila sa bahay. Buti at naabutan ko siya bago siya may nagawang masama sa Nanay mo. Doon na kami nagkasagutan hanggang sa magising ang Nanay mo. Nalaman niya na nga ang tungkol sa pagiging miyembro ko ng Neo Partisan Army, at nagalit na sa akin ang Nanay mo." "Kaya umalis na kayo? Dahil nalaman na ni Nanay kung ano ang ginagawa mo noon?" "Umalis ako dahil wala na naman akong mapagpipilian sa pagkakataong yun. Ang batas kasi ng Neo ay kapag may makaalam sa pamilya mo na kasapi ka ng grupo, damay na sila sa grupo. Kailangan nilang maging kasapi na rin. At kung hindi sila pumayag na sumapi, patatahimikin sila ng Neo." "Ano?" "Alam kong sasaktan ang Nanay mo ng Neo kapag umabot sa kanila ang balita na nalaman niya ang tungkol sa akin, kaya wala akong choice kung hindi ang iwan na kayo at mamundok na kasama nila Gregorio. Ayaw pa ngang bumalik ni Gregorio sa kuta, pero sakto namang nagkaroon ng kampo ng sundalo sa Talisay kaya pinabalik kami sa kuta para makaiwas muna sa mga sundalo. Ang balak ko sana ay sakyan muna ang mga rebelde hanggang sa makahanap ako ng tiyempo na makatakas. Tapos babalik ako sa inyo at ilalayo ko na kayo mula sa kanila. Pero binantaan ako ni Gregorio na sa oras na magtangka akong umalis ng samahan, papatayin nila kayo. May kasamahan pa raw kami na nasa San Policarpio lang at naghihintay lang ng utos mula sa kanila. At dahil hindi ko kilala kung sino yun, hindi ko magawang tumakas dahil sigurado akong tototohanin nila ang banta nila na saktan na nila kayo lalo na ang Nanay mo." "Ibig sabihin, all this time ay gusto mong bumalik sa amin pero hindi mo magawa dahil pwede kaming mamatay?" naguguluhang tanong ko. Nanikip na rin ang dibdib ko dahil sa mga nalaman ko na naman. Hindi pa kasi mag-sink in sa akin na ganito pa karami ang hindi ko alam sa tunay na dahilan kung bakit kami iniwan noon ng ama ko. "Ganoon na nga, anak. Gusto ko nga sana na umalis ka na rin ng San Policarpio tulad ng Nanay at Kuya mo. Pero nandoon ka pa rin sa bahay natin. Tapos mag-isa ka lang doon. Nang malaman ko na balak mong mag-abroad pero wala ka lang pera na panggastos, bumaba ako ng bundok para bigyan ka ng pera para makaalis ka na sa lugar na ito. Delikado kasi para sa iyo ang manatili pa rito. Nagtrabaho ako sa isang construction sa Talisay para may maiabot ako sa 'yong pera makaalis ka lang at makalayo ka lang mula sa mga kasamahan ko. Hindi na ako bumalik ng kuta namin dahil 'di ka pa nakakaalis ng bahay na yun." "Iyon pala ang gusto mong mangyari. Gusto mo akong umalis dahil doon." "Oo, Sheina. Kailangan mong umalis ng bahay, dahil gagamitin ka ng Neo laban sa akin. Para bumalik ako sa kanila, baka kunin ka nila at saktan. Hindi ko hahayaang mangyari yun. Kaya pakiusap, anak, umalis ka na." "Paano kung hindi ako umalis doon?" "Babalikan ka ng Neo kapag nagkaroon sila ng pagkakataon. At malamang pati ang nobyo mo ay madadamay."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD