Parang binibiyak sa sakit ang ulo ni Eunice nang siya ay magising. Dahan-dahan siyang bumangon habang sapo-sapo ang namimigat na ulo.
"Huh!" Napamulagat siya ng mapansin na hindi pamilyar sa kaniya ang lugar kung saan siya naroon ngayon. Kunot noong inilibot niya ang mga mata sa paligid. Muntik na siyang mahulog sa kama sa labis na pagkagulat ng mahagip ng mga mata niya ang pamilyar na lalaki. Nakaupo ito sa sofa chair na nakapuwesto malapit sa kamang kinauupuan niya. Nakadekuwatro ito ng upo at matamang nakatitig lamang sa kaniya, seryosong-seryoso ang mukha nito.
"Finally, you're awake! Where's my ring?" agad na sabi ng binata na inilahad pa ang kamay.
Akala niya ay nanaginip lang siya kaya kinusot niya ang mga mata para makasigurado, ngunit pagbaling niya sa lalaki ay naroon pa rin ito kung saan niya ito nakita.
Tsh! Hindi nga ako nananaginip.
"A-ano'ng ginagawa mo rito? Bakit ka narito sa kuwarto ko?" tanong niya na may halong takot.
Hindi niya alam kung paanong nakapasok ito sa silid niya. Wala siyang matandaan sa mga nangyari kagabi, ang alam lang niya ay halos malunod na siya sa dami ng alak na nainom niya.
Tumaas ang isang kilay ni Joaquin at pagkatapos ay ngumisi na para bang nakakainsulto.
"For your information, you're in my house, this is my room and not yours," sabi niya sa dalaga.
Mababakas ang labis na pagkagulat sa mukha ni Eunice.
"Huh!Ba-bahay mo 'to? Nasa bahay mo ako? Te-teka paanong nangyari 'yon?" naguguluhang tanong niya, hindi niya lubos na maisip kung paano siya napunta sa bahay ni Joaquin, samantalang wala naman siyang naalala na kahit na ano kagabi na nagkita sila nito.
"Don't act like you don't know anything, don't change the topic. Where is my ring? It's no longer on your finger so I'm sure you've taken it off. Give my ring back to me!"
Makapangyarihang utos niya.
Kanina habang natutulog si Eunice ay ginawa niyang tingnan ang mga kamay nito para sana subukan na tanggalin ang singsing sa daliri ng dalaga, ngunit laking gulat niya dahil wala na ang singsing, hindi na nito suot ang singsing.
"Oo, natanggal ko na ang singsing sa daliri ko pero hindi ko siya dala ngayon, iniwan ko sa bahay, kaya hindi ko maibibigay sa'yo. Bakit ko naman kasi dadalhin, hindi ko naman akalain na magkikita tayo rito sa Pilipinas," pangangatwiran niya.
"Don't make lame excuses. I want my ring back immediately. I need it now!"
"Wala nga sa akin, hindi ko dala. Hindi ka ba makaintindi? Sa tingin ko ay Pilipino ka naman kaya imposibleng hindi mo naiintindihan ang mga pinagsasabi ko."
Hindi pinansin ni Joaquin ang sinabing iyon ni Eunice, wala siyang panahon para sa mga walang katuturang bagay. "Where do you live? Let's go to your house now so I can get the ring."
Hindi agad nakaimik si Eunice. Bigla siyang nakaramdam ng takot, hindi maaaring pumunta si Joaquin sa bahay niya dahil baka biglang dumating si Roman at makita ito.
Sunod-sunod ang naging pag-iling niya. "No hindi pwede, hindi ka pwedeng pumunta sa bahay ko!" tarantang sabi niya.
Nangunot ang noo ni Joaquin. "At bakit? May itinatago ka sa akin ano? Aminin mo na kasi na manloloko ka at isa ako sa mga nabiktima mo. Nagpapanggap ka lang na hindi matanggal ang singsing sa daliri mo para hindi ko mabawi iyon sa'yo. Ngayon kitang-kita ng mga mata ko na wala na ang singsing. Saan mo dinala ang singsing ko, ibinenta mo na siguro ano?"
Tumayo si Joaquin at humakbang papalapit sa kinaroroonan ni Eunice, naalarma ang dalaga, napaatras siya, natakot siya sa seryosong mukha ng binata.
"A-ano bang pinagsasabi mo d'yan? Hindi ko binenta ang singsing mo, nasa akin pa rin ito hanggang ngayon at itinago ko iyon sa safe na lugar dahil balak ko naman talagang isoli sa'yo. Ibibigay ko ang singsing pero hindi pa ngayon, hindi ka pwedeng magpunta sa bahay ko. Sa ibang lugar na lang tayo magkita o kaya ay ako na mismo ang pupunta sa'yo para ibigay ang singsing, sabihin mo lang kung saan kita dapat puntahan. Hindi ako manloloko!"
"Tsh! I don't believe you, anymore. Naalala mo ba ang cellphone number na ibinigay mo sa akin noong nasa Paris tayo, pati address ng bahay mo kung saan ka nakatira at isama mo pa ang social media account mo, lahat ng iyon ay hindi nag-e-exist. So, sa tingin mo ano ang ibig sabihin nu'n? Sinadya mong mag-imbento lang dahil wala ka naman talagang balak ibalik sa akin ang singsing ko. Kaya sobra ang gulat mo nang makita mo ako, akala mo ba mapagtataguan mo ako habang buhay?"
Isa pang hakbang ay nasa kama na si Joaquin, itinukod niya ang tuhod niya sa ibabaw nito at lumapit kay Eunice, napakalapit na ng mukha nito sa dalaga.
Sa takot naman ni Eunice ay umusog siya, ngunit hindi niya alam na nasa edge na pala siya, nanlaki ang mga mata niya, naramdaman niya kasi na mahuhulog na siya, wala siyang makapitan kaya napakapit siya sa batok ni Joaquin.Hindi inaasahan ng binata na gagawin niya iyon kaya naman para hindi siya masama sa paghulog ni Eunice ay niyakap niya ito. Napigilan niyang mahulog ito at naibalik sa kama, kaya lang ay nawalan naman siya ng balanse, siya ang bumagsak at nadaganan niya ito.
Napaka-awkward ng posisyon nang dalawa dahil nakapatong ngayon sa ibabaw ni Eunice si Joaquin ngunit hindi nila napansin iyon dahil abala sila sa pagtitig sa isa't-isa. Para kasing biglang may kung anong hipnotismo ang dumapo sa kanila at hindi mapaghiwalay ang kanilang mga mata.
Maya-maya ay ipinilig ni Joaquin ang kaniyang ulo. Para siyang napapaso na mabilis na umalis sa ibabaw ni Eunice.
"Fix yourself up and leave my house. I want you to come to my office first thing in the morning tomorrow and bring the ring to me. If you don't come, I'll file charges against you. I'm serious about what I said, so don't ignore it," may halong pananakot na sabi ng binata, pumihit ito patalikod at handa nang lumabas ng silid, sinundan lang ito ng tingin ng hindi nakaimik na si Eunice. Parang bigla siyang napipi at hindi na nagawang mangatwiran pa sa binata.
Napakislot siya ng biglang humarap sa kaniya si Joaquin.
"Sa susunod huwag kang mag-iinom ng sobra kung hindi mo naman pala kaya para wala kang naiistorbong ibang tao." Dama ang iritasyon sa tono ng boses nito. Ipinagpatuloy nito ang paglalakad at mabilis nang lumabas sa silid.
Naiwan naman si Eunice na tulala. Hindi niya alam kung ano ang nararamdaman niya ng mga oras na iyon. Wala siyang ginagawang masama ngunit kung bakit pakiramdam niya ay masamang tao siya at manloloko dahil iyon ang sinasabi sa kaniya ng lalaking iyon. Naiinis siya dahil hindi niya nagawang ipagtanggol ang sarili mula sa mga pambibintang ni Joaquin sa kaniya. Wala siyang ginawang masama rito ngunit lumalabas ngayon na siya pa ang may kasalanan sa nangyari. Napabuntonghininga siya ng malalim. Inayos niya ang kaniyang sarili at bumangon sa kama. Masakit pa rin ang ulo niya ngunit nakakapagtakang hindi niya naramdaman iyon kanina, dahil na rin siguro sa halo-halong emosyon na bumalot sa kaniya habang kaharap ang arogantent lalaki na iyon.
Halos maligaw siya sa laki ng bahay. Hindi niya alam kung saan siya lalabas, nang mahanap naman niya ang main door ay hindi niya ito mabuksan dahil may security lock ito sa loob kaya namroblema pa siya kung saan hahanapin si Joaquin para pabuksan dito ang pinto, ngunit laking gulat na lamang niya nang marinig ang pag-click ng pinto at kusa na iyong bumukas. Nilingon niya ang paligid at hinanap si Joaquin, ngunit hindi niya ito nakita ang napasin lang niya ay ang umiilaw na cctv camera na nakakabit sa isang poste na nakatapat sa pinto kung saan siya naroroon. Gumalaw ang maliit na aparato na iyon at umikot kaya nagkaroon na siya ng ideya na si Joaquin ang nagbukas ng pinto, pinanunuod siya nito mula sa cctv monitor.
Bago siya tuluyang lumabas ay humarap pa siya sa camera, inirapan niya ito at dinilaan na para bang si Joaquin ang nakikita niya.
Umalis siya ngunit babalik siya at patutunayan niya sa mapanghusgang lalaki na iyon na hindi siya manloloko na gaya ng iniisip nito.