NAHIMASMASAN na napabangon sa hinihigaang sofa si Divina nang marinig ang mga boses na animo'y nagbabangayan at nagtatalo.
"Tingnan mo tuloy ang nangyari sayo dahil sa babaeng iyan!" Galit ang boses na sabi ni Zandra. Hindi sumagot ang pinagalitan nito.
Nanliit ang mga mata dahil sa liwanag na sinipat ni Divina ang mga taong naroon.
Nakita niya sina Milo at Joed na nakatayo na may hawak na basahan na may mantsa na kulay pula na tila ginamit pantapal sa kung ano. Pagbaling naman niya sa kabilang gawi niya ay nakita niya ang masamang titig sa kaniya ni Hex. Napalunok si Divina saka mabilis iniwas ang tingin kay Hex. Hanggang sa may marinig siyang boses na dumadaing.
"Putangina!" malutong nitong mura. "Akin na ang alak at posporo!" utos nito na maririnig sa boses ang paghihirap.
Nakita niya si Milo na kumuha ng isang bote ng whisky saka posporo. Dahil sa curiosity ay tumayo na rin si Divina para lapitan ang mga kalalakihan na nagkukumpol at napapalibutan si Nexus.
"Ano'ng mayroon?" walang muwang niyang tanong.
Subalit walang sumagot sa kaniya. Parang hindi nga siya nakikita ng mga taong naroon. Ang ginawa ni Divina ay nakipagsiksikan siya, subalit ganoon na lamang ang naging gulat niya nang makita si Nexus na nakahiga sa isang sofa na gawa sa kawayan at duguan!
"Nexus, what happen?!" kaagad niyang nasambit na tuluyang nilapitan ang lalaki at sinipat ang sukat nito sa tagiliran.
Alam na ni Divina na tama iyon ng baril. Pero bakit naman nabaril si Nexus? Dahil ba sa sinabi ni Milo na naghanap ang mga ito ng nanakawan? Nahuli ba sila kaya nabaril ito?
Puno ng pag-aalalang hinaplos ni Divina ang pisngi ni Nexus at hindi namalayan na nadaganan pala ng siko niya ang sugat ng lalaki.
"Okay ka lang ba, ha?"
Si Nexus ay napipilitang ngumiti pero mahahalata rin na nasasaktan ito.
"O-okay l-lang. P-pero ang s-sugat ko nadaganan mo!"
Tila napapaso namang lumayo si Divina kay Nexus nang mapagtanto ang kaniyang ginawa.
"Sorry!" hinging paumanhin niya.
"Heto na ang hinihingi mo, Nex." Saad ni Milo na inabot ang whisky at posporo kay Nexus.
Kinuha iyon ni Nexus. Binuksan niya ang takip ng whisky saka kaagad itong uhaw. na tinungga.
"Nakakawala ba ng sakit kapag uminom ng alak?" naitanong naman ni Divina kay Milo.
"Hindi. Nakakatibay-loob lang." Sagot nito.
Ganoon na lamang ang paglaki ng mga mata ni Divina nang makitang buong tapang na pinaliguan ni Nexus ng alak ang sugat niya. Buong tapang din na tiniis ni Nexus ang sobrang hapdi ng sugat niyang nalagyan ng alcohol, tiniis niyang hindi tumili dahil nakatingin sa kaniya si Divina.
"B-bala," sabi ni Nexus.
Binigyan ni Milo ng isang bala si Nexus—bala na binuksan na.
"A-anong gagawin mo riyan, Nexus?" naitanong ni Divina. Huwag sabihin ng lalaking ito na ilalagay niya ang polbora ng bala sa sugat nito?
Napatakip na lamang sa bibig si Divina nang maitama niya ang iniisip dahil ibinudbod nga ni Nexus sa loob ng sugat nito ang polbora. Kitang-kita ni Divina kung paano mamula ang buong mukha ni Nexus.
Sinenyasan din ni Nexus si Joed na ilabas muna ng bahay si Divina.
"Dito lang ako," pagtanggi ni Divina.
"Tara na at huwag nang matigas ang ulo," ani Joed saka hinila na si Divina palabas ng bahay. Doon lang ito sa labas ng pinto kasama si Joed.
Nang mawala na ang babae sa paningin ni Nexus ay doon na lamang siya nagmura nang nagmura.
"Putangina!" anito. Kinuha ang posporo saka ito ikiniskis. Nang lumiyab ang apoy sa posporo ay buong tapang na inilapit iyon ni Nexus sa sugat sa tagiliran.
Lumiyab ang apoy sa sugat ni Nexus at pumutok ito na animo'y fireworks na tumagos pa sa tagiliran niya. Si Nexus ay napaliyad sa kawayang sofa, pulang-pula ang mukha at pinagpapawisan. Si Milo na nasa tabi niya ay bigla niyang kinuwelyuhan, hinila palapit sa kaniya at nahihirapan ang mukha niyang ito'y tiningnan saka buong lakas siyang sumigaw sa mukha ni Milo.
"Araayyyy!"
"Aahhhh! Putangina mo!"
Mura at malalakas na hampas ang natanggap ni Milo mula kay Nexus. Ang boses na iyon ni Nexus ay dinig na dinig ni Divina mula sa labas ng pinto.
"Akala ko matapang siya. Umaray din pala," sambit ni Divina. Akmang bubuksan niya ang pinto nang harangin iyon ni Joed na malagkit ang pagkatitig sa kaniya.
"Kung tapang lang din ang gusto mo, bakit hindi nalang ako ang piliin mo? Hindi 'to umaaray, pero ikaw, tiyak aaray ka." Makahulugang sabi nito saka nito dinilaan ang pang ibabang labi.
Nangilabot si Divina sa sinabi ni Joed. Walang anu-anong sinampal niya ito.
"Bastos!"
Saka binuksan ni Divina ang pinto at pumasok na siya sa loob. Naabutan niya si Nexus na nakapikit ang mukha habang nakahiga ito sa kawayang sofa. Wala na rin sina Milo at Zandra, pati na ang ibang kalalakihan na hindi niya pa nakikilala. Narinig niyang may mga bagay na kumakalansing sa kusina, siguro nandoon ang mga lalaki. Nilapitan ni Divina si Nexus. Binalingan niya ang sugat nito, may benda na iyon pero tumatagos pa rin sa benda ang dugo nito.
Akala niya tulog si Nexus pero sa mga sandaling iyon alam ni Nexus na pinagmamasdan siya ni Divina. Nagmulat siya ng mga mata, sakto namang nakatingin sa mukha niya si Divina kaya nagtagpo ang mga mata nila.
"Hi, miss beautiful." Bati nito sa kaniya saka ito kumindat.
Biglang tumambol ang puso ni Divina sa hindi malamang kadahilanan. Habang nakatitig siya sa mga mata ni Nexus ay biglang naging kakaiba ang pakiramdam niya. Never pa niya naranasan ang ganoong klaseng feeling. Feelings na hindi niya mapangalanan.
"O-okay ka na ba?" natanong niya kay Nexus.
"Okay naman. Ikaw, okay ka lang? Nagugutom ka na ba? Ano, nagluluto sina Milo sa kusina. Para sayo 'yon."
Kumabog na naman ang dibdib ni Divina.
Ano ba!
Kinikilig ba siya? Bakit parang ganoon ang nararamdaman niya?
"M-medyo—" Hindi pa natatapos ang sinasabi niya nang sumigaw si Nexus.
"Pakibilisan niyo ang pagluluto!"
"Oo na, haring gago!"
Narinig ni Divina na ganting-sabi ni Milo. Maya-maya pa'y lumabas si Milo na may dalang malapad na pinggan na may laman na umuusok na adobong manok! Tama ang nakikita niya, hindi iyon daga o ahas kundi manok!
"Nandito na ang order mo, kamahalan." Sabi ni Milo kay Nexus saka inilapag sa lamesa ang ulam.
Sumunod naman si Zandra na madilim ang mukha bitbit ang kanin. Si Sylvester naman ang may dala ng pinggan at kubyertos. Ngayon ay nakahanda na ang pagkain sa lamesa, hindi naman maiwasang matakam ni Divina. Napabaling siya kay Nexus na kanina pa pala titig na titig sa kaniya.
"Para sayo iyan. Kumain ka na," anito.
Tinuro ni Divina ang sarili, "Para sa'kin?"
"Oo." Sagot ni Nexus.
"S-salamat!" Nagmamadali kaagad naupo si Divina sa silya. Kumuha siya ng kanin at ulam saka mabilis na sumubo dahil gutom na talaga siya.
Saka na lamang naalala ni Divina ang mga kasama nila. Binalingan niya ang mga ito saka inayang kumain, pero puro tanggi ang mga ito kaya pinagpatuloy nalang niya ang pagsubo. Naalala niya rin si Nexus kaya dinagdagan niya ang kanin at ulam saka lumipat siya ng upo sa tabi ni Nexus.
"Kain ka," aniya kay Nexus.
"Hindi na. Busog ako."
"Sige na. Subuan kita," pagpupumilit ni Divina.
Hindi nakatanggi si Nexus.
"Ito na…" Ani Divina saka inilapit ang kutsara sa bibig ni Nexus. "Say, ah."
Binuksan ni Nexus ang bibig saka tinanggap ang pagkain.
Lihim siyang napangiti dahil napakain niya ng desenteng pagkain ang babae kahit kamunikan na siyang mapuruhan.
Samantalang hindi naman inaasahan ni Divina na aabot sila sa ganoong tagpo ni Nexus na animo'y isang magkarelasyon. Siya na asawa/nobya na sinusubuan ang asawa/nobyo dahil may sakit ito. Lihim na lamang na napangiti si Divina.