MIIWAC 19- HER FRIEND, ILLINOIS.

1860 Words
BAGSAK ang magkabilang balikat ni Divina nang lumabas siya sa Alejandro's bank, ito na ang last na bangkong pinasukan niya para sana mag-withdraw ng savings niya. Pero sa apat na bangkong pinuntahan niya, lahat ay naka-hold ang savings niya at lahat niyon ay kagagawan ng parents niya. "Wala pa rin?" tanong ni Nexus sa kaniya nang makita siya nitong malungkot na papalapit dito. Sinamahan ni Nexus si Divina sakay sila ng paborito niyang motorsiklo. Balak mag-withdraw ni Divina nang sa ganoon ay makahanap na rin ito ng sariling matutuluyan. "Wala pa rin. Lahat naka-hold at hindi ko maintindihan ang parents ko kung bakit nila ito ginagawa sa'kin." Naluluha na sagot ni Divina. Bakit siya pinapahirapan ng ganito ng parents niya? Minsan lang naman siya sumuway sa gusto ng mga ito pero bakit sobra naman yata ang parusa na natanggap niya? Ang perang iyon ay pinaghirapan niya, never siyang umasa sa mga ito simula nang magsimula siyang magtrabaho at makapagpatayo ng sarili niyang negosyo. Pero ngayon, hindi niya magamit ang perang pinaghirapan niya. Ngayon pa na kailangang-kailangan niya ito. "Ano'ng plano mo ngayon?" ani Nexus. "Puwede mo ba akong dalhin sa Coffee Lovers ngayon?" Kaagad namang tumango si Nexus. "Sakay na." Sumakay si Divina sa likuran ng motor ni Nexus. Agad naman bumiyahe si Nexus papunta sa Coffee Lovers. Habang nasa biyahe, malalim na napaisip si Divina. Naalala niya ang nangyari kay Nexus at ang sinabi ni Zandra sa kaniya kagabi, at kanina bago siya umalis. Bilisan mo ang pag-withdraw nang makahanap ka na ng matitirhan mo at mawala ka na rin sa paningin ko! Malalim na napabuntonghininga si Divina. Pakiramdam niya tinalikuran siya ng lahat dahil sa naging desisyon niyang pagtakas sa kasal nila ni Leon. Dahil malalim siyang nag-iisip ay hindi niya namalayan na tumigil na pala ang motorsiklo sa harapan ng Coffee Lovers. Si Nexus na napansin ang pagtulala ni Divina ay mahina niyang siniko ang braso nitong nakahawak sa bewang niya. "Nandito na tayo ah. Hindi ka pa ba bababa?" wika ni Nexus. Napakurap-kurap si Divina. Ganoon ba siya kalalim mag-isip at hindi niya namalayan ang pagtigil ng motor? "Pasensya na. Sandali, bababa ako." Bumaba si Divina sa motorsiklo. Bale doon ito pinarking ni Nexus sa harapan mismo ng coffee shop. Subalit pagbaling ni Divina sa coffee shop niya, ay laking pagtataka niya nang makitang sarado ito at sa labas ay may plaster na nakalagay at may nakasulat. Closed! "A-ano'ng… bakit nagsara ito? Hindi ito puwede…" Napaluha si Divina. Sa pagkakataong ito ay alam niyang kagagawan ito ng Mommy niya. Talagang lahat ay kukunin nito sa kaniya dahil hindi siya sumunod sa pinag-usapan nila. "Grabe naman ang mga magulang na mayroon ka. Pero siguro parusa nila ito sayo dahil nag-rebelde ka. Bakit hindi ka nalang bumalik sa kanila at ituloy mo na lang ang kasal niyo ng boyfriend mong anak ni Congressman?" komento ni Nexus habang nakatitig siya kay Divina. May bahagi ng isipan ni Nexus na mas maiging bumalik na ang dalaga sa pamilya nito, at mayroon din bahagi na nagsasabing kupkupin na lamang niya. "Divina? Oh, my god, ikaw nga!" Sabay pang napabaling sina Divina at Nexus sa biglang nagsalita. It was Illinois. Ang kaibigan ni Divina ay tila na shock pa. Naglalakad si Illinois para sana puntahan din ang coffee shop ni Divina dahil may nakapagsabi sa kaniya kanina na pumunta raw sa Alejandro's Bank ang kaibigan niya kaya naisipan ni Illinois na baka dumeretso rito si Divina, at hindi nga siya nagkamali. "Di!" "Illi!" Nagyakapan ang dalawang magkaibigan habang tahimik namang nakamasid sa paligid si Nexus. Ramdam ni Nexus na may hindi magandang mangyayari. Maaaring may nakakita kay Divina at sa sandaling ito ay may paparating nang kalaban na kukuha sa dalaga. "Ano'ng nangyari, Di? Okay ka lang ba? Sinaktan ka ba ng barumbadong iyan? Kinuha na ba niya ang virginity mo? Ano, sabihin mo sa'kin nang makatikim sa'kin ang lalaking iyan!" Sunod-sunod na tanong ni Illinois kay Divina. Si Nexus na narinig ang mga sinabi ni Illinois ay napangisi. Napabulong din ito sa sariling isipan nito. Aba'y hindi pa pala nababasag ang salamin ni Inday! "Illi, maayos ako. Okay lang ako. Walang nangyaring masama sa'kin maliban sa nahulog ako sa sapa at naghilamos ako ng putik. Hindi ako pinabayaan ni Nexus. Nakakain naman ako ng maayos." Nakatikim na nga ako ng daga at ahas! Nabaril din si Nexus dahil sa pagnanakaw niya ng manok para iulam ko! Gustong sabihin ni Divina kay Illi pero hindi na niya sinabi pa. "Illi, bakit nagsara ang shop ko? Anong nangyari? Si Mama ba?" Malungkot na pinagmasdan ni Illinois ang kaibigan. Awang-awa siya kay Divina dahil sa sinapit nito. Mabait na anak ang kaibigan niya at masunurin sa mga magulang, pero sobra-sobrang parusa ang natatanggap nito. Masaya si Illi sa naging desisyon ni Divina. Tama lang na minsa'y magdesisyon din ito para sa sarili nito. Pero grabeng parusa rin ang kabayaran ng naging desisyon nito. "Pinasara na ng Mama mo, Di. Hangga't hindi ka raw nagpapakasal kay Leon ay hindi niya ibabalik lahat sayo. Pero, Di, kung ako sayo hindi ako babalik o susunod sa gusto nilang mangyari. Mas susundin ko ang sarili ko. Alam mo kung bakit? Matindi pa rito ang mararanasan mo kapag nagpakasal ka kay Leon." Hinawakan ni Illinois ang magkabilang braso ni Divina. Si Divina nama'y lumuluha na. "Di, kahit minsan lang magdesisyon ka para sa sarili mo. Hindi habang buhay ay maging robot ka lang. Bibigyan kita ng pera, Di. Gamitin mo muna panggastos mo. Tapos tutulungan kitang asikasuhin ang mga papeles mo para makaalis ka sa bansang ito. Sasamahan kita, pupunta tayo sa America at doon natin ituloy lahat ng pangarap natin dito." Malungkot na sabi ni Illi. Lalong napaluha si Divina. Thanks to God at may kaibigan siyang kagaya ni Illinois. "Illi, salamat!" Niyakap ni Divina nang buong higpit ang kaibigan. Ganoon din ang ginawa ni Illi. "Heto, Di, gamitin mo muna ito," Inilagay ni Illi ang ilang lilibuhin sa kamay ni Divina kasama ang isang de keypad na cellphone. "Itong cellphone, ito ang magiging koneksyon nating dalawa. Tatawag ako sayo at mag-u-update kapag maayos ko na ang mga dokumento. Kailangan ko rin mag-ingat, Di, dahil alam kung bantay-sarado ang galaw ko ngayon. Kapag nahuli akong nakikipagkoneksyon sayo, tiyak malalagot ako kay Leon. Kaya, Di, mag-iingat ka. Huwag mo akong alalahanin dahil kaya ko ang sarili ko." Paliwanag ni Illinois na lalong ikinaiyak ni Divina. Hindi kakayanin ni Divina kapag may nangyaring masama sa nag-iisa niyang kaibigan. "Illi, mag-iingat ka. Ikaw na lang ang mayroon ako ngayon kaya please mag-ingat ka," sabi ni Divina saka muling niyakap ang kaibigan. Samantalang napasipol naman si Nexus nang tumimbre sa kaniya si Milo na paparating na ang tauhan ni Leon at ang lalaki. "Miss beautiful, sa tingin ko kailangan na natin umalis dahil ang mga tauhan ng hayop ay paparating na para dakpin ka," wika ni Leon na ikinataranta ng dalawang babae. "Umalis na kayo, Di, baka maabutan nila kayo. Galit na galit pa naman si Leon, at maging ang parents mo ay tila alila na niya. Kaya go na kayo!" sabi ni Illi. Muli pang niyakap ni Divina ang kaibigan. "Salamat, Illi. Salamat. Mag-iingat ka kaibigan ko." Pagkasabi niyon ay sumakay na si Divina sa motorsiklo. "Lalaki, ikaw muna ang bahala sa kaibigan ko." Bilin ni Illi kay Nexus. Tango lamang ang isinagot ni Nexus bago niya pinasibad nang mabilis ang motorsiklo palayo sa lugar at tanging usok nalang ang nakikita ni Illinois. Pinahid ni Illinois ang kaniyang mga luha bago niya kunin ang cellphone sa bag para tawagan at magpasundo sa driver nila dahil balak niyang magpahatid ngayon sa bahay nila sa Pavia. Pero akmang tatawagan niya ang driver nila nang makita niyang pumarada ang ilang kotse at motorsiklo sa gilid ng highway at bumaba roon si Leon na may hawak na baril, kasama ang ilang tauhan nito na armado rin. Sumalubong si Leon sa kaniya sabay tutok nito ng baril sa kaniya. Nanlaki ang mga mata ni Illinois at nabitawan niya ang cellphone dahilan upang mahulog ito sa semento at mabasag. "Nasaan si Divina?" mariin na tanong ni Leon kay Illi habang tinututukan ito ng baril. "H-hindi ko alam!" aniya. Ngumisi si Leon. Ang gatilyo ng baril ay tumunog. Kinilabutan si Illi at lalong nanlaki ang mga mata habang nakatingin sa dulo ng baril. "Huwag mong bibilugin ang ulo ko! Alam kong nagkita kayo ni Divina. Ngayon sabihin mo kung saan siya nagpunta!" "Sabi kong hindi ko nga alam eh! Oo nagkita kami rito kanina pero umalis na siya at hindi ko alam kung saan sila nagpunta ng kasama niyang lalaki. Kung gusto mo siyang hanapin edi suyurin mo ang buong Pototan!" singhal ni Illi sa lalaki. Kailangan niyang magtapang-tapangan dahil kung matatakot lang siya sa hayop na ito, tiyak walang mangyayari sa kaniya. Nakita ni Illi kung paano umigting ang panga ni Leon. Matagal pa siya nitong tinitigan ng matiim, at animo'y gustong-gusto siyang barilin pero tila may nagpipigil dito. Ibinaba ng lalaki ang baril nito. "Ah, hindi mo alam?" Binalingan ni Leon ang mga tauhan niya. "Dalhin niyo siya! Tingnan ko kung hindi ka pa aamin ngayon." Nilapitan si Illi ng mga tauhan ni Leon at pinwersa siyang dalhin, pero nanlaban siya. Pinagsisipa niya ang mga lalaki, mayroon pang may tinuhod siya. "Bitawan niyo ako! Hindi ako sasama sa inyo mga baliw!" sigaw ni Illi. Nang mabitawan siya ng mga kalalakihan ay mabilis siyang tumakbo. Kailangan niyang makatakas at baka anong gawin sa kaniya ni Leon. Subalit sa pagtakbo ni Illi, ay isang putok ng baril ang narinig niyang umalingawngaw sa kabuuan ng kalsada. Tila tumigil sa pag-ikot ang mundo ni Illi nang may maramdaman siyang kirot sa bandang tagiliran niya. Nang tingnan ito ni Illi, sumisirit ang dugo mula sa butas doon. Sinikap niyang takpan ang sugat gamit ang palad niya, pero hindi maampat ang pagdaloy ng dugo. Nanlabo ang paningin ni Illi, kasabay nito'y may mga taong nagsilabasan sa kanilang mga lungga para siya'y lapitan. "T-tulong–" hindi niya matapos sambitin ang salitang iyon dahil kinakapos siya ng paghinga. "Tumawag kayo ng ambulansya!" Narinig ni Illi na sigaw ng kung sino man kahit unti-unting nawawala ang pandinig niya. Bumagsak si Illi sa semento sapo ang sugat niya. Nakuha niyang balingan sina Leon, pero nawala na ang mga ito na parang bula. Napaluha si Illi, at mapait na napangiti. She's afraid to death. She's not ready yet. Puwede bang huwag muna siyang sunduin ni Kamatayan? Puwede ba siyang mag-request na tatapusin lamang niya ang ipinangako kay Divina? God, help me! I'm not ready to die! Iyon ang ibinulong ni Illi sa isipan niya bago siya tuluyang kinapusan ng paghinga at mawalan ng ulirat. Those moment, nakasakay pa rin si Divina sa motorsiklo at kasalukuyang nag-short cut sila ni Nexus pabalik sa bahay. Biglang nakaramdam si Divina na parang may yumakap sa kaniya, wala sa sariling tumulo ang luha niya, at napahawak din siya sa dibdib na animo'y biglang tinusok ng kung ano dahil bigla na lamang sumakit. Biglang pumasok sa isipan ni Divina ang kaibigang si Illi. Napailing-iling siya habang patuloy sa pag-agos ang luha sa mga mata. "Illi…" Tawag niya sa pangalan ng kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD