MIIWAC 20-Mananatili si Divina.

1932 Words
SABI NA nga ba ni Divina na sa pagbalik nila sa bahay ay ang nakabusangot na mukha ni Zandra ang sasalubong sa kaniya. Pababa pa lamang siya ng motorsiklo ay papalapit na sa kanila ang babae na nagdadabog. "Oh, bakit bumalik ka pa? Akala ko ba pagkatapos mong mag-withdraw hahanap ka na ng matutuluyan mo?" supladang asik nito sa kaniya na nakapaninghawak. Bumaba si Divina sa motorsiklo ni Nexus. Hindi nalang sana niya papansinin ang sinabi ni Zandra, hahakbang sana siya para lagpasan ito pero marahas siyang hinaklit ni Zandra sa braso. "Kapag kinakausap kita huwag kang bastos!" mataray na sabi ni Zandra. Napipilitang ngumiti si Divina sabay baklas niya ng kamay ni Zandra. "Puwede ba tantanan mo ako?" aniya. Wala siyang panahon makipag-away sa isang ito. Masyado siyang busy sa kakaisip sa kaibigan niyang si Illinois kung maayos ba ito dahil may pakiramdam siyang hindi magandang nangyari sa kaibigan. "Aba, aba. Mataray ka pa ah. Akala mo kung sino ka eh, ikaw 'tong nakikituloy LANG sa'min!" galit na sabi ni Zandra na pinandidilatan ng mata si Divina. Pakiramdam ni Divina ay gusto siyang sapakin ni Zandra. Ayaw niya itong pansinin pero parang inuubos nito ang natitira niyang pasensya at pag-uunawa. "Hindi ako mataray. Ikaw 'tong mataray simula nang dumating ako rito. Saka sorry ha, kung bumalik ako. Na hold kasi ang pera ko sa bangko kaya wala akong nakuha. Pero huwag kang mag-alala hindi ako magiging pabigat sa inyo. Saka ngayon lang ito, aalis din ako." Paliwanag ni Divina saka nilagpasan si Zandra. "Sinabi ko nang huwag mo akong tatalikuran eh!" Pagkasabi ni Zandra ay inabot niya ang buhok ni Divina at sinabunutan ito. Sa gulat naman ni Divina ay hindi siya nakahuma. Natumba siya sa lupa at sinakyan siya ni Zandra sa dibdib saka sinabutan at kinalmot pa sa braso at mukha. "B-bitawan m-mo ako a-ano ba!" wika ni Divina na hindi makaganti-ganti kay Zandra. "Itong bagay sayo buwesit ka!" Malakas na sinampal ni Zandra si Divina sa mukha saka kinalmot pa ito na parang pusa. Ang pisngi ni Divina ay namula, nagsugat-sugat din iyon mula sa mga kuko ni Zandra. Ang tagpong iyon ay kitang-kita ni Nexus. Nag-igting ang kaniyang panga at walang ano-anong inilabas niya ang baril mula sa tagiliran at sunod-sunod niyang pinagbabaril ang isang puno malapit sa dalawang babae. "Putangina!" malakas at gigil na mura ni Nexus habang pinagbabaril ang puno. Natigilan si Zandra sa pananakit niya kay Divina at tila napapasong umalis ito sa ibabaw ni Divina. Nang humarap si Zandra kay Nexus ay kitang-kita niya ang nagliliyab na mga mata ng binata habang ang dulo ng baril nito ay nakatutok na ngayon sa kaniya. Napasinghap si Zandra habang namimilog ang kaniyang mga mata. "N-Nexus—" "Putangina mo, Zandra! Putangina ka ng sampung milyong beses at kung hindi ka pa mawala ngayon sa paningin ko mapapatay na kita!" Dumagundong sa buong paligid ang galit na boses na iyon ni Nexus na nagbigay ng takot sa buong kalamnan ni Zandra. Alam niyang isang banta ang sinabi ni Nexus at alam niya rin na hindi ito magbibitaw ng isang salita na hindi nito tutuparin, kaya si Zandra wala nang sinayang na sandali. Mabilis siyang tumakbo palayo kay Nexus. Nang mawala naman si Zandra sa paningin ni Nexus ay kaagad nilapitan ni Nexus si Divina na hindi na nakabangon sa lupa. Nakita niya ang dalaga na puro kalmot ang mukha at braso, lalong sumidhi ang galit sa dibdib ni Nexus. Binuhat niya si Divina na wala nang malay saka ito dinala sa loob ng bahay. PANAY-BUGA ni Nexus ng usok ng sigarilyo habang may hawak naman siyang beer sa isang kamay. Prente siyang nakaupo sa kawayang sofa, habang nasa paligid naman ang mga kasamahan niya na nakaupo rin sa silya at tahimik na umiinom ng beer. Naroon sina Hex, Sylvester, Joed, Zandra, Jet, Ramon, Vern, Alexis at si Milo na kakarating lang. Alam ni Nexus kung bakit nagtipon-tipon ngayon ang mga kasama niya—para pag-usapan ang nangyari kanina—ang nangyari sa dalawang babae. Hindi maiwasang balingan ni Nexus si Zandra. Ang babae nama'y sumiksik sa likod ng kapatid na si Hex nang makita ang nagbabaga niyang mga mata. "Hindi ko gusto ang ginawa mo sa kapatid ko, Nexus. Tinakot mo siya ng sobra." Panimula ni Hex sa simpleng pananalita, pero alam ni Nexus ang ganoong klaseng pananalita ni Hex. Pero hindi siya natatakot dito. "Hindi ko rin nagustuhan ang ginawa ng kapatid mo sa bisita ko, Hex." Ganting sabi niya sabay hithit at buga ng sigarilyo habang naniningkit ang mga mata niya. "Bisita lang siya, pero si Zandra matagal mo nang nakasama. Ipagpapalit mo ba siya sa babaeng iyon?" ani Hex. Ang ilang kasapi na kalalakihan ay tahimik lang na nakikinig, walang gustong sumabat sa usapan ng dalawang leader. "Ako ang magdedesisyon kung ipagpapalit ko ang kapatid mo sa bisita o hindi. Saka bisita nga siya, kaya dapat pakitunguan naman ng maayos, hindi iyong sasaktan nalang bigla ng kapatid mo," saad ni Nexus at diriktang sinalubong ang mga mata ni Hex. Alam ni Hex ang lumalaro sa isipan niya habang nagtitigan silang dalawa. Kaya dapat aware ito. Malalim na bumuntonghininga si Hex saka binalingan nito ang kapatid na si Zandra. "Humingi ka ng sorry kay Nexus saka sa bisita. At siguraduhin mong hindi mo na uulitin ang ginawa mo." Wika ni Hex sa kapatid na kaagad namang tumango. "P-patawad, Nexus. H-hindi na mauulit," paumanhin ni Zandra. Pero wala sa bukabularyo ni Zandra na humingi ng patawad kay Divina. Hahalik muna ito sa lupa bago niya gagawin iyon. Hindi sumagot si Nexus. Sa halip, humithit ito ng sigarilyo. "Ngayong nag-sorry na ang kapatid ko, puwede mo na bang paalisin ang babaeng iyan dito?" sabi ni Hex. Ngumisi si Nexus. "Paaalisin ko lang siya kapag gusto niya." Simpleng tugon niya kay Hex. Lalo siyang napangisi nang hampasin nang malakas ni Hex ang lamesa. Alam ni Nexus na naubos na ang pasensya nito, pero siya, heto't pa chill-chill lang. "Ano ba talaga ang gusto mong mangyari, ha?!" galit na sabi ni Hex sabay labas ng baril nito at itutok iyon kay Nexus. Lalo lamang napangisi si Nexus. At nahulaan kaagad ni Hex ang klase ng pagngisi niya dahil nang sulyapan nito ang lamesa sa harapan ni Nexus ay nakita niya ang dulo ng baril nito na nakatutok na pala sa kaniya. "Alam mong hindi ako nagbibiro kapag nakatutok na ang baril, Hex. Nakalimutan mo yatang pasmado ang kamay ko pagdating sa baril." Napatayo ang lahat nang mahulaan ang maaaring mangyari. Akmang pipigilan nila si Nexus, pero nahuli na sila dahil pumutok na ang baril at tinamaan sa kabilang balikat si Hex. "Putangina, Nex! Nagbibiro lang ako!" angil ni Hex na nasapo ang kabilang balikat. Hinipan naman ni Nexus ang dulo ng baril na umuusok pa na inilabas niya mula sa ilalim ng lamesa, pagkatapos ay nagsalita siya. "Hindi ako nagbibiro, alam mo iyan." Aniya saka dinampot ang beer at tinungga. "Guys, puwede ba tama na? Nasisira tayo dahil lang sa babae eh. Hex, hindi ba puwedeng hayaan mo nalang si Nexus? Total ngayon lang humingi ng pabor iyan. Saka ikaw, Zandra, maging mabait ka naman sa bisita. Kung hindi ka nagsimula hindi ito mangyayari sa'tin eh! Ano, hahayaan niyo bang masira ang grupong ito na matagal natin itinatag? Mga gago ba kayo?" Hindi na napigilang sabat ni Milo. Natahimik sina Hex at Nexus. "Saka, guys, ang liit lang ng problema eh, magbabarilan pa talaga kayo? Para kayong mga bata, eh." Segunda ni Alexis. Pinsan naman ito ni Milo. "Hindi naman ako namaril ah, si Nexus lang." Ani Hex. "Eh, kung hindi ka naman kasi gago bakit mo ako tututukan eh, alam mo namang hindi nagbibiro ang kamay ko pagdating sa barilan." Saad ni Nexus. Tumawa si Hex. Natawa na rin si Nexus. Hanggang sa nagtawanan na silang lahat. "Pasensya ka na, Nexus." Hinging paumanhin ni Hex. Hinampas-hampas naman ni Nexus ang balikat ni Hex kung saan ito nabaril dahilan upang mapangiwi ito. "Pasensya na rin sa nagawa ko." Anito sabay hampas pa ng malakas na ikinahiyaw ni Hex. "Ano'ng plano mo ngayon sa babae?" tanong ni Hex. Uminom muna ng beer si Nexus bago sumagot kay Hex. "Dito na muna siya. Delikado siya sa fiance niyang abnoy na si Leon Alejandro." "Si Leon Alejandro? Ang anak ng congressman?" ulit ni Hex. Tumango si Nexus. "Oo. Siya ang hayop na nobyo ni Divina. Ngayon hinu-hunting niya si Divina kaya kailangan kong itago rito ang babae. Kilala mo rin si Leon, Hex. Gago pa iyon sa gago. Kung ano ang ikinabait ng ama ay ganoon naman ang kabaliktaran ng anak. Hindi birong tao si Leon, iyon ang pakiramdam ko. Sa tingin ko'y may grupo rin siyang inaalagaan. Naalala mo ang nangyari sa bangko nila kung saan pinasok natin? Parang wala lang sa kaniya iyon." Ani Nexus. Tumango-tango si Hex. "Oo, naalala ko iyon. Saka matagal nang usap-usapan iyang si Leon." Uminom ng beer si Hex bago ito nagsalita. "Bakit mo ginagawa ito, Nex? May gusto ka ba sa kaniya?" ani Hex. "Wala." Pinagkatitigan ni Hex si Nexus. Wala siyang maaninag na emosyon sa itsura ni Nexus. Kungsabagay mahirap naman talagang basahin ang emosyon ni Nexus noon pa man, walang nakakaalam kung ano ang tumatakbo sa isipan nito. "Sana nga'y wala lang ito, Nex. Alam mong ayaw kong masira ang grupong ito dahil lang sa walang kuwentang bagay. At mas lalong hindi ako makakapayag na ang isang babae ang sisira sa samahang ito. Hindi ako makakapayag na isang pipitsoging babae lang ang babali ng isang tinik na matagal na nating iniingatan." Hindi sumagot si Nexus, hindi rin siya tumango. Tahimik lamang siyang uminom ng beer. "Kung gusto mo, Nex, turuan mo siya sa baril. Tapos isama mo siya sa mga raket natin nang mapakinabangan naman siya rito," komento naman ni Joed. Tiningnan lang ito ng masama ni Nexus. Samantala, kanina pa nakikinig si Divina sa usapan ng grupo. Naroon siya nakasilip sa pintoan ng kuwarto ni Nexus at tahimik na nakikinig habang naluluha. Narinig niya ang buong usapan, ang tungkol kay Leon at narinig niya kung paano kumampi sa kaniya si Nexus. Nang hindi na siya nakatiis, ay lumabas siya at lumapit sa mga ito. "H-hindi ako magpapabigat sa inyo. K-kung gusto niyo, isama niyo na ako sa mga raket niyo total naman nandito na rin ako." Wala sa sariling sabi ni Divina. Walang sumagot sa kaniya. Tumayo naman si Nexus at kaagad siyang nilapitan at kinaladkad pabalik sa kuwarto. "Ano bang pinagsasabi mo, huh? Anong sasama ka sa raket namin? Hindi puwede iyon." Mariin na sabi ni Nexus. "N-Nexus, desisyon ko ito. Turuan mo ako sa baril para marunong naman akong ipagtanggol ang sarili ko kay Leon. Wala na rin akong pupuntahan pa. Hindi ko alam kung magagawa ba akong palabasin ni Illi sa bansa dahil pakiramdam ko may hindi magandang nangyari sa kaniya ngayon. Ayokong tumakas nang tumakas kay Leon. Gusto ko rin lumaban. Kaya please, tulungan mo ako…" Pagmamakaawa ni Divina. Ngayong alam na niya ang tunay na balat ni Leon, kailangan niyang lumaban mula rito. Hindi habang buhay ay tatakas siya at magtatago. Kung hawak nito sa leeg ang parents niya, puwes siya hinding-hindi magpapahawak sa leeg. Tama ang sinabi ni Illi, this time ay sundin niya rin ang sariling desisyon. She will live her own life—with her own rules. Susubok siya sa bagay na hindi pa niya nasusubukan—para mabuhay siya at maipagtanggol ang sarili mula sa hayop na si Leon. Subalit bumagsak ang balikat ni Divina ang sumagot si Nexus. "Hindi ako papayag." Sabi nito saka iniwan siya sa loob ng kuwarto.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD