KARINA
Hindi ko magawang makatulog dahil sa nangyari kanina sa opisina. Buong araw akong lutang at nagpahatid na lamang ako kay Sergio pagkatapos naming maghapunan.
Bumangon ako at kinuha ko ang phone ko upang tawagan si Marla.
“K-karina? Bakit? Gabi na ah.” Inaantok na sagot niya sa akin. I’m sorry kung nagising kita. May gusto kasi akong itanong sa’yo.
Narinig ko pa ang paghikab niya sa kabilang linya.
“Ano yun?”
Naupo ako sa kama at pinagsiklop ko ang tuhod ko.
“Kilala mo ba si Hugo?”
“Ha? Si Sir Hugo? Oo, kaibigan siya ni Sir. Sergio.”
“May namagitan ba sa kanila ni Katherine?” Derechong tanong ko sa kanya. Narinig ko siyang natigilan sa kabilang linya.
“Nagkita kami ni Hugo kanina at may sinasabi siyang hindi ko maintindihan Marla.” Naguguluhang sambit ko. Umaasa akong may maibibigay siyang impormasyon sa akin nang sa ganun ay mapagtagpi-tagpi ko ang pangyayari.
“Ang alam ko…nauna silang magkakilala ni Katherine at nanliligaw yun sa kanya. Ang kuwento sa akin ni Katherine noon, una daw na nagkagusto sa kanya si Sir. Hugo pero si Sir Sergio daw ata ang unang nagtapat sa kanya at minahal niya. Bukod doon wala nang na-ikuwento pa sa akin si Katherine.”
Lalong naging magulo sa akin ang sinabi niya. Ano ba talaga ang tunay na nangyari Katherine? Bakit sa bawat araw na puro paghihiganti lang ang nasa isip ko may mga nalalaman naman akong bago sa pagkamatay niya?
“Hello? Karina? Andyan ka pa?”
Nagising ako sa malalim na pag-iisip. “Marla, sa tingin mo may naging relasyon kaya si Katherine at Hugo?” huling tanong ko sa kanya.
“Relasyon? Imposible yan Karina. Hindi ko naman sila nakikitang magkasama. Saka walang ibang nakukuwento sa akin si Katherine kundi palaging si Sergio. Kaya malabo yang sinasabi mo.”
Napabuntong hininga ako sa naging sagot niya. Kung walang naging relasyon si Katherine at Hugo. Ano ang tinutukoy nitong nangyari sa kanila? At ano ang scandal na sinasabi ni Catalina?
“Sige, goodnight. Pasensya na sa abala.” Paalam ko sa kanya bago ko ibaba ang tawag ko.
Dahil sa pag-iisip minabuti kong bumaba sa kama at magtungo sa ref para kumuha ng maiinom. Baka sa ganung paraan ay dalawin ako ng antok. Kailangan ko nang magpahinga pero umaatake na naman ang anxiety ko dahil sa mga nalaman ko.
Pagbalik ko sa kuwarto ay bitbit ko na ang isang basong alak na puno ng yelo. Nakita kong umilaw ang phone ni Katherine kaya tinignan ko kung sino ang tumatawag.
Unknown number? Pinindot ko ang green button at sinagot ko siya.
“Hi, mabuti naman gising ka pa.”
Nabosesan ko kaagad ang aking kausap.
“Anong kailangan mo?” seryosong tanong ko sa kanya.
“Ikaw, magkita tayo.” Sagot niya sa akin na ikinagulat ko.
“At bakit naman tayo magkikita?” litanya ko sa kanya. Nahimigan ko ang kalasingan sa boses niya. Halos maghahating gabi na pero nagagawa pa niyang tumawag sa akin.
“Hindi pa rin kita makalimutan Katherine…lalo na nang makita kita kanina…hindi ako papayag na magpakasal kayo ni Sergio…”
Napahigpit ang hawak ko sa phone. “Ano bang sinasabi mo? Kaibigan mo siya diba? Bakit ka nagkakaganyan?”
Narinig ko ang pagtawa niya sa kabilang linya na parang nasisiraan na. Kinilabutan ako at sa tingin ko ay nababaliw na siya.
“Kaibigan? Hin-di kaibigan ang turing niya sa akin! Inagaw ka niya sa akin! Ako dapat ang nobyo mo at hindi si Sergio!” Singhal niya sa akin. Inilayo ko ang phone sa aking tenga dahil sa lakas ng boses niya.
“Masaya na kami kaya huwag mo na kaming guluhin pa.” wika ko na ikinatawa na naman niya. Kung kanina para siyang galit ngayon para na naman siyang baliw na tumatawa.
“Masaya? Hindi siya magiging masaya Katherine! Paano kapag nalaman niyang ang babaeng nais niyang pakasalan ay naunang inangkin ng inakala niyang kaibigan? Sa tingin mo ba mamahalin ka pa rin niya?! Hindi pa kita napapatawad dahil sa pagpapalaglag mo sa anak natin Katherine! Kapag itinuloy mo ang relasyon niyong dalawa ibubunyag ko ang lahat.” Banta niya sa akin at tuluyang namatay ang tawag. Napahawak ako sa aking dibdib. Namalayan ko na lamang ang pag-upo ko sa ibabaw ng kama.
Habang tumatagal mas nagiging komplikado ang pananatili ko sa buhay ni Sergio. Paano kung totoo ang sinabi ni Hugo? Paano kung nagkaroon nga sila ng relasyon? At ang anak na nasa sinapupunan ni Katherine noong magpakamatay siya ay kay Hugo at hindi kay Sergio?
Inisang lagok ko ang alak sa baso. Pinilit kong matulog kahit lutang pa rin ang isip ko.
Kinabukasan ay masama ang pakiramdam na bumangon ako ngunit pinilit kong pumasok sa opisina. Hindi ko na nga nagawang kumain dahil sa labis na pag-iisip.
Pagdating ko sa table ko ay may nadatnan akong isang kumpol ng bulaklak. Nanlalambot na inangat ko ito at binasa.
“I love you…” mahinang basa ko sa note galing kay Sergio. Napatingin ako sa pinto ng office niya dahil bumukas ito.
“Wala bang I love you too?” nakangiting bungad niya sa akin. Tinawid niya ang pagitan naming dalawa at hinalikan ako sa labi.
“Wait, are you okay? Maputla ka.”
Inilagay niya ang kamay niya sa noo ko.
“You’re sick.” Sambit niya at inaya ako sa loob ng opisina niya. Kinuha niya ang bulaklak at inilagay sa table. Pina-upo niya ako sa sofa.
“Diyan ka lang magpapabili ako ng gamot at ikukuha na rin kita ng malinis na towel.” Paalam niya sa akin. Tinangal niya ang sapatos ko at inihiga niya ako sa sofa. Nagpatianod ako sa gusto niyang gawin dahil nawalan na ako ng lakas upang pigilan siya.
Ipinikit ko ang mata ko at narinig ko pa siyang kausap si Marla. Maya-maya pa ay naramdaman ko na ang pagpatong niya ng malamig na tela sa noo ko.
“Katherine, dalhin na kaya kita sa hospital. Mataas ang lagnat mo eh.” Nahihimigan ko ang pag-aalala sa boses niya. Paano nga kaya kung nagkamali ako ng panghuhusga sa kanya? Paano kung si Katherine pala ang may kasalanan ng lahat? Simula nang dumating ako dito sa kompanya ni minsan hindi niya ipinakita sa akin na masama ang ugali niya. Ni minsan hindi siya nagalit sa akin kahit mali-mali ang nagagawa ko na trabaho noong una. Iba ang pinapakita niya sa akin kaysa sa alam ko. At sa nakikita ko ngayon unti-unti niya nang napapatunayan sa akin na mahal na mahal niya si Katherine.
“Katherine?”
Iminulat ko ang aking mga mata at nag-aalalang mukha niya ang bumungad sa akin.
“Hindi na kailangan, kapag nakainom na ako ng gamot magiging maayos din ang pakiramdam ko.” Nakangiting sabi ko sa kanya.
“Kumain ka na ba? Magpapadala ko ng pagkain dito para sabay na tayong magbreakfast.”
Tumango ako sa kanya at muli kong ipinikit ang mga mata ko. Naramdaman ko pa ang paglapat ng labi niya sa noo ko.
“Get rest, ako na ang bahala.”
Inasikaso niya ako buong maghapon. Kahit nakainom na ako ng gamot wala pa rin akong lakas para bumangon. Natulog lang ako sa opisina niya habang siya naman ay nagtatrabaho. Maya’t-maya din ang check niya sa temperature ko. Si Marla muna ang gumawa ng trabaho ko. Alas-tres ng hapon ay hinatid na niya ako sa condo unit ko. Iniisip niya kasing baka hindi ako komportable sa sofa at pumayag naman ako.
Pagpasok namin sa condo ay binuksan niya ang ilaw at ang aircon. Inalalayan niya ako patungo sa kama at natigil kami sa paghakbang nang makita niya ang kalat nito.
“Maupo ka muna dito, aayusin ko lang yung higaan mo.”
Inupo niya ako sa sofa at inayos niya ang lahat ng kalat sa kuwarto ko.
“Uminom ka kagabi?” tanong niya sa akin nang makita ang bote ng alak sa ibaba ng kama ko.
“Kaunti lang, hindi kasi ako makatulog.” Kunwari’y sagot ko sa kanya. Narinig ko pa ang pagbuntong hininga niya. Pero hindi na niya ako tinanong pa.
Pagkatapos niyang ayusin ang higaan ko ay inalalayan niya ulit akong tumayo at ihiga sa kama.
“Magpahinga ka na, dito lang ako hindi ako aalis. Magluluto ako ng dinner natin.” Wika niya sa akin. Akmang tatayo na siya ngunit pinigilan ko siya at hinawakan ko ang kamay niya.
“Sergio, bakit mo ginagawa ito? Bakit napakabait mo sa akin?” tanong ko na ikinakunot ng noo niyang naupo ulit sa tabi ko.
“Bakit mo tinatanong yan? Natural lang na alagaan kita dahil mahal kita Katherine. Mahal na mahal... kita.”
Napapikit ako nang halikan niya ako sa labi. Sa unang pagkakataon wala akong naramdamang galit sa puso ko. Dahil nangingibabaw sa akin ang pagmamahal na pinaparamdam sa akin ni Sergio.